Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g00 6/8 p. 18-21
  • Sa Maunos na Karagatan Tungo sa Mapayapang Katubigan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sa Maunos na Karagatan Tungo sa Mapayapang Katubigan
  • Gumising!—2000
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Puwersang Hindi Ko Kayang Kontrolin
  • Tumindi ang Panggigipit
  • Pag-uusig ng Nazi
  • Pagtakas​—Tungo Saan?
  • Pagtungo sa Canada
  • Pagbalik sa Inglatera at Kalayaan!
  • Paghahanap sa Aking Layunin sa Buhay
  • Ang Pinakamabuting Bagay na Dapat Gawin sa Aking Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Nagtitiwala sa Maibiging Pangangalaga ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Pinakilos ng Katapatan ng Aking Pamilya sa Diyos
    Gumising!—1998
  • Ano ang Igaganti Ko kay Jehova?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
Iba Pa
Gumising!—2000
g00 6/8 p. 18-21

Sa Maunos na Karagatan Tungo sa Mapayapang Katubigan

AYON SA SALAYSAY NI HANS STURM

SA LOOB ng mahigit na 200 taon, ang mga lalaki sa aking pamilya ay naging mga mandaragat. Ang ambisyon ko ay tularan ang aking ama, gaya ng pagtulad niya sa aking lolo, sa isang buhay sa karagatan.

Noong 1914, sa pagsisimula ng Digmaang Pandaigdig I, ang aking ama ay kinalap sa hukbong-pandagat ng Alemanya upang maglayag sa isang barkong pang-alis ng bomba sa Dagat ng Baltic. Noong 1916, naatasan si Itay sa isang barkong pangkalakal, at ang kaniyang sasakyan ay ginamit upang mag-angkat ng inang-bato ng bakal (iron ore) mula sa Sweden hanggang sa matapos ang mga paglalabanan. Siya ay pumanaw noong 1919, nang walong taóng gulang pa lamang ako, ngunit ang aking mga alaala sa kaniya ang gumanyak sa akin.

Upang matupad ang aking hangaring sumulong sa aking piniling propesyon, kakailanganin kong magtrabaho sa dagat sa loob ng apat na taon, at ang 20 buwan sa panahong iyan ay kailangang gugulin sa naglalayag na mga barko. At saka lamang ako maaaring makapagpatala sa isang kolehiyo sa paglalayag pagkatapos nito. Kaya nang ako ay 15, dinala ako ng aking ina mula sa Stettin (ngayo’y Szczecin, Poland), kung saan ako isinilang, patungong Hamburg, Alemanya. Alam namin na ang kompanyang Laeisz ang nagmamay-ari ng ilang naglalayag na barkong pangalakal, at umaasa kami na makakasama ako sa isa rito bilang isang kadete. Hindi namin kayang magbayad, ngunit dahil sa karanasan ng aking ama, tinanggap ako ni Laeisz nang libre.

Noong 1927, naglayag ako sakay ng Padua,a isang barkong gawa sa bakal na may apat na palo. Naglakbay ito mula sa Hamburg patungong Chile upang magsakay ng mga kargamento ng nitrate. Wala itong mga makina​—mga layag lamang. Ang mga paglalakbay na iyon patawid ng Atlantiko ay kasiya-siyang karanasan para sa aming lahat na mga binatilyo.

Madalas kaming madaan sa maunos na mga karagatan. Sa gayong mga panahon, ang mga layag ay ibinababa. Ano ba ang pakiramdam ng pag-akyat sa kagamitan sa pagmamaniobra ng palo, layag, atb., (rigging) upang ibaba ang layag kapag ang barko ay sinisiklut-siklot ng alon? Aaminin ko na natakot ako! Ngunit nang ibigay ang utos, nablangko ang isip ko at basta umakyat na lamang ako at ginawa ang iniutos sa akin.

Mga Puwersang Hindi Ko Kayang Kontrolin

Ang aking ina ay isang Romano Katoliko, ngunit di-nagtagal pagkamatay ng aking ama, nagsimula siyang makisama sa mga Ernste Bibelforscher, o Masisigasig na Estudyante ng Bibliya, gaya ng pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova sa Alemanya. Nabautismuhan siya noong 1923. Hindi talaga kailanman naging kaakit-akit para sa akin ang relihiyong Katoliko, at ang sinasabi ng aking ina ay tila makatuwiran naman. Kaya kasama ng aking nakababatang kapatid na babae, si Margot, madalas kong sinasamahan si Inay sa kaniyang mga pulong sa pag-aaral ng Bibliya.

Noong 1929, nilisan ko ang Padua upang gugulin ko ang sumunod na tatlong taon sa iba’t ibang mga barkong pinatatakbo ng singaw. Dinala ako ng mga ito sa mga daungan sa hilagang bahagi ng Europa at sa Mediteraneo. Sa isang paglalakbay, naglayag ako sa palibot ng daigdig. Nasiyahan ako sa ganitong buhay at inaasam-asam ko ang pagpapatala sa kolehiyo ng paglalayag sa Stettin, gaya ng ginawa ng aking ama. Noong 1933, sinimulan ko ang isang 18-buwang kurso roon upang maging kuwalipikado bilang isang opisyal sa barko (ship mate). Gayunman, ang aking mga plano ay binigo ng mga puwersang hindi ko kayang kontrolin.

Naupo na sa kapangyarihan si Hitler nang taon ding iyon, at lumalaganap ang nasyonalismo sa Alemanya. Nalugod ang mga estudyante na sumigaw ng “Heil Hitler!” Subalit alam ko mula sa natutunan ko sa aking ina na hindi ko maaaring gawin iyon. Ako’y hinilingang magpaliwanag sa dahilan ng aking pagtutol, ngunit hindi ito tinanggap. Ako ay pinalayas sa paaralan. Ang punong-guro ay isang mabait na tao at binigyan niya ako ng liham na nagsasaad na nakapag-aral ako sa loob ng isang taon. Yamang hindi ko maaaring tapusin ang kurso, umalis ako nang walang kahit anumang mga kuwalipikasyon. Para bang gumuho ang aking mundo.

Tumindi ang Panggigipit

Dahilan sa aking neutral na paninindigan, ako ngayon ay nailagay sa talaan ng mga hindi sinang-ayunan. Maliban sa hindi ako makapaglayag sa anumang barko, hindi rin ako makapasok sa anumang trabaho, kaya nanatili ako sa bahay na tumutulong sa aking ina. Nakararaos siya sa paghahanapbuhay sa pamamagitan ng pagluluto para sa ibang mga tao, at malugod naman akong naghuhugas ng mga pinggan at naghahanda ng mga gulay para sa kaniya. Noong 1935, apat na taon bago ang Digmaang Pandaigdig II, nagkaroon ng panibagong takbo ang aking buhay.

Naninirahan ang aking tiyo Oskar sa Danzig (Gdansk na ngayon). Nang malaman niya ang aking mga suliranin, inanyayahan niya akong magtrabaho sa kaniyang restawran. Ang aking tiyo at ang kaniyang asawa, si Rosl, ay kapuwa mga Saksi ni Jehova. Malugod kong tinanggap ang kanilang may kabaitang alok. Bagaman hindi nila ako regular na nasusuwelduhan, mas panatag ako sa piling nila.

Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, ang Danzig ay naging isang tinatawag na malayang lunsod, na nangangasiwa sa isang malaking lupain na nasa ilalim ng patnubay ng Liga ng mga Bansa. Ang layunin ay upang bigyan ang Poland ng madaraanan patungo sa dagat, ngunit ang kaayusan sa katunayan ay naghiwalay sa Silangang Prussia mula sa iba pang bahagi ng Alemanya. Ang kalagayang ito ay hindi kanais-nais kay Hitler. Sa katunayan, ang pagsalakay niya sa Poland at pagsakop sa lupaing ito ang siyang nagpasimula ng Digmaang Pandaigdig II.

Di-nagtagal pagdating ko, inalagaan ng aking tiyo at tiya ang isang kabataang lalaki na nakulong sa kampong piitan dahilan sa siya ay isang Saksi ni Jehova. Ikinuwento niya sa akin ang tungkol sa malupit na pagtrato na ginawa sa kaniya. Di-nagtagal pagkalipas nito, inaresto ang aking tiyo at tiya dahilan sa pagtutol na magsabi ng heil Hitler, ngunit sila’y pinalaya. Sa panahong ito ay tinanong din ako ng mga Gestapo, bagaman hindi nila ako ikinulong.

Samantala, sa Stettin ay tumanggap ang aking ina ng mga papeles na tumatawag sa akin upang sumama sa hukbong Aleman. Kaagad siyang sumulat ng isang maingat na liham, na humihiling sa akin na dalawin ko ang aking tiya Naomi, na naninirahan sa hilagang bahagi ng Sweden. Natanto ko ang ibig niyang sabihin​—lisanin ko ang bansa!

Pag-uusig ng Nazi

Nagiging lalo nang mahirap ang mga bagay-bagay. Muling inaresto ang aking tiyo at tiya. Sa pagkakataong ito ay dinala sila sa kampong piitan sa Stutthof, na dalawang oras na biyahe sa bus mula sa Danzig. Sila’y ikinulong doon hanggang sa magwakas ang digmaan, noong 1945. Nakalulungkot, nalaman kong namatay ang aking tiyo sa isang barko na nagdadala sa mga preso ng kampo patungong kanluran upang takasan ang papalapit na mga hukbo ng Russia. Gayunman, nakaligtas ang aking tiya at naging isang buong-panahong ebanghelisador.

Nang dalhin ang aking tiyo at tiya sa Stutthof, ang aking ina ay inaresto sa Stettin, at gumugol siya ng pitong buwan sa bilangguan. Napangasawa ng aking kapatid na babae ang anak ng isang mag-asawang Saksi, at siya ay nabilanggo na kasabay ng aking ina. Ang kaniyang asawa at ang kanilang anak na babae ay ipinadala sa mga kampong piitan. Ang kaniyang asawa ay namatay roon, at gumugol ang kanilang anak na babae ng walong taon sa ilan sa pinakamalulupit na kampo, kabilang na ang Belsen.

Sa isang pagkakataon, dahil sa pagtangging manahi ng mga sinturon ng bala para sa hukbo, ang aking pamangking babae at iba pang mga Saksi ay sapilitang pinatayo sa labas na nakasuot lamang ng manipis na damit mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi​—at ito’y sa buwan ng Nobyembre. Ang kanilang pang-araw-araw na rasyon ay binawasan sa isang piraso ng tinapay at isang pitsel ng tubig, at sila’y binibigyan ng mainit na sopas tuwing ikatlong araw. Natulog sila sa kongkretong sahig na walang sapin, kahit man lamang dayami. Ito’y tumagal nang anim na linggo, at namangha ang mga nangangasiwa ng kampo na nakaligtas silang lahat.

Pagtakas​—Tungo Saan?

Pagkatapos ng ikalawang pag-aresto sa aking tiyo at tiya, alam kong kailangan kong lisanin ang Danzig bago ako balikan ng mga Gestapo. Pinahiram ako ng aking tiyo ng kaunting salapi, at sa kalaunan ay nakasakay ako sa isang barkong Polako na patungo sa Hull, sa silangang baybayin ng Inglatera. Sa pagbaba, pinahintulutan akong mamalagi sa loob ng tatlong buwan, ang karaniwang haba ng panahon para sa isang dayuhan.

Kaagad akong nagtungo sa 34 Craven Terrace sa London, ang direksiyon ng tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower. Doon ay nakilala ko si Pryce Hughes, ang tagapangasiwa ng tanggapan noong panahong iyon. Isinaayos niya na tumira ako kasama ng isang kamag-anak na si Stanley Rogers, sa Liverpool, sa kanlurang baybayin ng Inglatera. Napakabait sa akin ni Stanley.

Noong tagsibol ng 1937, ako ay nabautismuhan sa Liverpool, na sinasagisagan ang aking pag-aalay kay Jehova. Gayunman, nais ko pa rin ang buhay sa dagat, kaya nagpatala ako sa Liverpool Navigation College at nakuha ko ang aking lisensiya bilang second mate pagkatapos ng dalawang buwan. Ang aking permiso upang manatili sa Inglatera ay papatapos na, kaya nakipag-ugnayan ang aking mga kaibigan sa miyembro ng kanilang parlamento, at ang aking panahon ay pinahaba ng karagdagang tatlong buwan​—isang panahong kailangang-kailangan para maghanda.

Dahil sa aking karanasan sa paglalayag sa barkong Padua, ang aking instruktor sa pagiging mandaragat sa kolehiyo ng paglalayag ay nagkaroon ng pantanging interes sa akin. Nang malaman niya ang aking kalagayan, inirekomenda niya na lumapit ako sa Blue Funnel Line (isang kompanya ng barko). Doon ay nakilala ko ang isa sa mga direktor nito, si Lawrence Holt. Pagkalipas ng dalawang taon nang muli ko siyang makita sa isa sa mga barko ng kompanya sa Liverpool, tinanong niya ako kung nakuha ko na ang aking lisensiya bilang first mate. Sinabi ko sa kaniya na kailangan ko na lamang ng dalawa pang linggo ng karanasan sa pagsisilbi sa plataporma ng isang barko, kaya isinaayos niya na maglayag ako patungong Port Said, Ehipto.

Nang bumalik ako sa Liverpool noong Hulyo 7, 1939, nagplano akong kumuha ng pagsusulit para sa lisensiya ko bilang first mate, ngunit ito’y talagang imposible, yamang napipinto na ang digmaan. Sa halip, ako’y ipinadala sa isang barko sa London. Nang malaman ito ng mga awtoridad sa gobyerno, kaagad-agad nila akong pinigil sa paglalayag sa anumang barko at ibig na ibilanggo ako bilang isang banyagang kaaway dahilan sa ako ay isang Aleman. Ngunit namagitan si G. Holt, at ako’y pinagtrabaho bilang isang hardinero sa Liverpool. Gayunman, noong Mayo 1940, ako ay inaresto, at noong Hunyo, ipinadala ako sa Canada sakay ng S.S. Ettrick.

Pagtungo sa Canada

Ang Ettrick ay may lulan na mga 5,000 Aleman, kalahati sa kanila ay mga nagsilikas at kalahati sa kanila ay mga bilanggo ng digmaan. Kabilang sa mga nagsilikas ay si Konde von Lingen, gaya ng pagkakilala namin sa kaniya, ang apo ng dating kaiser (emperador) ng Alemanya. Sinuri ang lahat ng aming liham, kaya nang makita ng opisyal sa pangangalap ng impormasyon ang isang liham mula kay Von Lingen para kay Reyna Mary, ang Inang Reyna ng Inglatera, na may pambungad na pagbating “Mahal na Tiya Mary,” nagtanong siya hinggil dito. Gayunman, tama si Von Lingen​—ang mga maharlikang pamilya ng Inglatera at Alemanya ay malapit na magkamag-anak. Para sa akin, ang pangyayaring ito ay nagtatampok lamang sa kahangalan at kawalang-saysay ng digmaan.

Si Stanley Rogers, na nabanggit kanina, ay naglingkod bilang isang pilgrim (gaya ng tawag noon sa naglalakbay na mga tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova) sa Canada noong pagitan ng dalawang digmaang pandaigdig. Nakipagkita siya sa mga Saksi roon, at nakipag-alam sila sa akin at sa kapuwa Saksi na si Tony Steffens, na ipinatapon din. Malaki ang nagawa ng kanilang mga liham at mga padala upang patibayin kami. Ikinulong ako sa loob ng dalawa at kalahating taon sa walong iba’t ibang mga kampong piitan, kung saan ginugol ko ang karamihan sa aking panahon sa paggawa ng kahoy na mga mesa at mga bangko.

Pagbalik sa Inglatera at Kalayaan!

Habang papalapit ang wakas ng Digmaang Pandaigdig II, ibinalik ako sa Inglatera, sa isang kampong piitan sa Isle of Man. Doon, si John Barr, na mula sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa London​—ngayon ay isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova​—ay dumalaw sa akin, at isinama niya ang ilan sa Saksi sa lugar na iyon. Pinalaya ako noong 1944 at muling nakasama si Stanley. Samantala, pinakasalan ni Stanley si Nita Thomas at naninirahan sa Birkenhead, ang daungan sa ilog Mersey sa ibayo ng Liverpool. Doon ko nakilala si Olive, ang kapatid ni Nita, at ikinasal kami nang sumunod na taon.

Sa sandaling nakakuha kami ng pahintulot, naglakbay kami ni Olive patungong Alemanya upang dalawin ang aking ina. Nakapanlulumo na madaanan ang wasak na mga lunsod na kabisadung-kabisado ko. Partikular nang nais kong magtungo sa Hamburg upang dalawin ang tanggapan ng Laeisz. Isa ngang sorpresa na makita si Kapitan Piening doon, ang pinuno ng Padua sa aking dalawang huling paglalayag noong 1928 at 1929! Noong panahon ng digmaan ay aktibo siyang naglingkod sa hukbo, at kapuwa ang dalawa niyang anak na lalaki ay napatay sa labanan. Siya’y isang lalaking bagbag ang puso. Labis akong nalungkot sa aking narinig at nakita.

Patuloy na nagpakita ng interes sa akin ang Blue Funnel Line noong mga taong nasa Canada ako, at malugod nila akong pinagtrabahong-muli pagbalik ko sa Inglatera. Noong 1947, naging kuwalipikado ako sa wakas para sa aking lisensiya bilang first mate. Nang sumunod na taon, si Olive ay naging isang buong-panahong ebanghelisador.

Paghahanap sa Aking Layunin sa Buhay

Muli akong pumalaot sa karagatan, at sa panahon ng aking mga paglalayag nakilala ko ang ilang mga misyonerong Saksi sa mga bansa sa Dulong Silangan. Ngunit isang kombensiyon sa London noong 1947 ang tumimo sa aking puso, yamang tinulungan ako nito na tiyakin na ang paglilingkod kay Jehova nang buong-panahon ang siyang magiging tunguhin ko na ngayon. Nalungkot ang mga nagpapatrabaho sa akin. Ngunit noong 1952, may kabaitan nila akong binigyan ng part-time na trabaho sa opisina upang makasama ako kay Olive sa buong-panahong gawaing pangangaral. Ang aking matinding pagnanais para sa buhay sa dagat ay nahalinhan ng isang nakahihigit na nagpapakilos na hangarin.

Labis kaming nasiyahan ni Olive sa pangangaral nang magkasama at nagkapribilehiyo na matulungan ang maraming tao na sumapit sa tumpak na kaalaman sa mga katotohanan sa Bibliya. (2 Corinto 3:2, 3) Sa nakalipas na mga taon, tinamasa ko ang karagdagang mga pribilehiyo sa pandistritong mga kombensiyon at sa pansirkitong mga asamblea. Sa ngayon ay patuloy akong naglilingkod bilang isang matanda sa Wirral Peninsula, malapit sa Birkenhead.

Ang aking mahal na si Olive ay pumanaw noong 1997. Sa pagbabalik tanaw, nakita ko na sa maagang bahagi ng aking buhay, ay naligtasan ko ang maraming maunos na mga karagatan. Ngunit sa kalaunan, sa ilalim ng maibiging patnubay ni Jehova, naglayag ako kasama ng isang maibiging kapareha sa tahimik na mga katubigan sa loob ng mahigit na 50 taon sa pinakadakilang karera sa lahat​—ang paglilingkod kay Jehova.

[Talababa]

a Noong 1946 ang Padua ay ibinigay sa Unyong Sobyet at muling pinanganlang Kruzenshtern.

[Larawan sa pahina 18]

Kasama ang aking ama at ina, noong 1914

[Mga larawan sa pahina 18, 19]

Ang aking Alemang discharge book, na nagtala ng aking mga paglalayag sa may apat-na-palo na “Padua”

[Larawan sa pahina 21]

Kasama ang aking asawa, si Olive, sa kombensiyon sa London noong 1974

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share