Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 10/22 p. 17-20
  • Karunungang Higit sa Kaniyang Edad

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Karunungang Higit sa Kaniyang Edad
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Isyu ng Paggamot
  • Ang Paglilitis
  • Ang Pasiya
  • Katapatan Hanggang sa Wakas
  • Isang Leksiyon para sa mga Ospital at mga Doktor
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1988
  • Mga Kabataang May “Lakas na Higit sa Karaniwan”
    Gumising!—1994
  • Ikaw ba’y Mapagpatawad?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Abala sa Organisasyon ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 10/22 p. 17-20

Karunungang Higit sa Kaniyang Edad

HATINGGABI noon. Ang dose-anyos na si Lisa, grabe ang sakit at mahina, ay nagulat nang pumasok ang isang nars sa kaniyang silid sa ospital upang bigyan siya ng isang pagsasalin ng dugo.

Si Lisa ay nagmakaawa: “Paano ninyo maipipilit ito sa akin? Wala nga rito ang aking itay at ang aking inay!” Sa paano man ay ibinigay rin ito sa kaniya ng nars.

Ang Isyu ng Paggamot

Si Lisa, isang masigla, aktibo, matalinong estudyante, ay nasisiyahan sa buhay na kasama ng kaniyang mga magulang at limang-taóng-gulang na kapatid na lalaki sa Winnipeg, Canada. Noong tagsibol ng 1985 siya ay binigyan ng isang antibiotic dahil sa kaniyang sakit sa tonsil at nagkaroon siya ng grabeng reaksiyon. Nanghina ang kaniyang katawan, at di-nagtagal siya ay narikonosi na mayroong grabeng myeloid leukemia, isang kalagayan na karaniwan nang nakamamatay.

Inireseta ng mga manggagamot sa Winnipeg ang masinsinang chemotherapy at maramihang pagsasalin ng dugo. Ang chemotherapy ay isang paggamot sa pamamagitan ng nakalalasong mga kemikal. Ang teoriya ay na ang mga lasong ito ang papatay sa karamdaman. Gayunman, si Lisa at ang kaniyang mga magulang ay nagnanais ng mapagpipiliang paggamot. Tinutulan nila ang mga pagsasalin ng dugo dahil sa maka-Kasulatang mga kadahilanan. (Gawa 15:28, 29) Kontra rin sila sa labis na nagpapahirap at nakapanghihinang masamang mga epekto ng masinsinang chemotherapy.

Sa wakas, si Lisa ay dinala ng kaniyang mga magulang sa Ospital para sa mga Maysakit na Bata sa Toronto, umaasang makasusumpong sila ng mga doktor na nakikipagtulungan. Subalit sa halip na kooperasyon, nang hatinggabing iyon ang pagsasalin ng dugo ay isinagawa. Kinaumagahan, Oktubre 25, isang utos mula sa hukuman ay hinangad upang bigyang karapatan ang ospital na ipilit ang paggagamot na ito. Si Hukom David R. Main ay nagpahayag ng mga pasubali. Hinirang niya si Sarah Mott-Trille na maging abugado ni Lisa. Ang kaso ay ipinagpaliban noong Lunes, Oktubre 28, 1985.

Ang Paglilitis

Ang paglilitis ay tumagal ng limang araw at ito’y ginanap sa isang silid sa ospital. Araw-araw, sa kaniya mismong kahilingan, si Lisa ay dinadala sa silid na pinaglilitisan na sakay ng kaniyang higaan sa ospital. Bagaman siya’y grabe, determinado siyang personal na masangkot sa mga pasiya na may kaugnayan sa kaniyang pananampalataya.

Ang paglilitis ay nagsimula sa mungkahi ng manggagamot para sa paggamot. Sa kaniyang nasusulat na hatol, si Hukom Main ay nagpaliwanag: “Ang paggamot na inilarawan ng mga manggagamot na sumaksi sa harapan ng hukumang ito ay masinsinan at agresibo at maaaring magpatuloy sa loob ng mahabang yugto ng panahon. Inaasahan na ang mga pagsasalin ng dugo ay kakailanganin upang mapamalagi ang pasyente.” Sinasabi rin na ang masamang mga epekto ng chemotherapy ay marami at matindi.

Ang drama ay tumindi pa noong ikaapat na araw. Si Lisa ay sinuhayan upang tuwiran siyang makapagpahayag sa hukom. Ang lahat sa loob ng korte, pati na si Lisa, ay nakababatid na nakakaharap niya ang kamatayan siya man ay tumanggap o hindi tumanggap ng pagsasalin ng dugo. Wala nang lunas ang leukemia na dinaranas niya.

Maingat at sensitibong tinanong si Lisa ng kaniyang abugado. Iilan lamang ang hindi naluha habang buong tapang na tinatalakay ni Lisa ang kaniyang napipintong kamatayan, ang kaniyang pananampalataya kay Jehova, at ang kaniyang determinasyong manatiling masunurin sa kaniyang batas tungkol sa kabanalan ng dugo. Sinabi niya na masikap at pisikal na tatanggihan niya ang anumang pagsisikap na bigyan siya ng isang pagsasalin ng dugo. Ang kaniyang payak at may tibay-loob na pananalita ay nakabagbag sa damdamin ng lahat.

“Sinabi mo sa amin na ikaw ay naniniwala sa Diyos,” sabi ng kaniyang abugado. “Maaari bang sabihin mo sa amin kung siya ay tunay sa iyo?”

“Bueno, siya po ay parang isang kaibigan,” tugon ni Lisa. “Kung minsan po kapag ako’y nag-iisa, maaari ko siyang makausap . . . bilang isang kaibigan; kung ako po’y natatakot at nag-iisa sa bahay, humihingi ako ng tulong sa kaniya at basta kinakausap ko po siya na para bang siya’y nasa silid na kasama ko.”

“Lisa, kung may magtanong sa iyo, ano ba ang pinakamahalagang mga bagay sa iyong buhay, ano ang sasabihin mo?”

“Ang pagsunod ko po sa Diyos na Jehova at ang aking pamilya,” sagot ni Lisa.

Ang kaniyang abugado ay nagtanong: “Lisa, may anuman bang kaibhan sa iyo na malaman na ikaw ay pinag-uutusan ng Hukuman na magpasalin ng dugo?”

“Walang anuman po iyon sa akin, sapagkat ako pa rin po ay mananatiling tapat sa aking Diyos at susunod sa kaniyang mga utos sapagkat ang Diyos po ay mas nakatataas kaysa anumang hukuman o sinumang tao.”

Ipinaliwanag ni Lisa ang kaniyang damdamin tungkol sa isang pagsasalin ng dugo na ipinilit sa kaniya, na ang sabi: “Para bang ako’y isang aso na ginagamit sa isang eksperimento, sapagkat wala po akong magawa. Dahil lamang po sa ako’y minor de edad, inaakala ng mga tao na maaari na po nilang gawin ang anumang bagay sa akin, subalit inaakala ko po na mayroon akong karapatang malaman kung ano ang mangyayari sa akin at kung bakit po ginagawa nila ang mga paggagamot na ito at kung bakit po ginagawa nila ang mga ito nang walang pahintulot ang aking mga magulang.”

“Nakatulog ka ba nang gabing iyon?” tanong ng kaniyang abugado.

“Hindi po, hindi po ako nakatulog.”

“Ano ang ikinababalisa mo?”

“Bueno, ikinababalisa ko po kung ano ang iisipin sa akin ng Diyos na Jehova sapagkat alam ko po na kung lalabagin ko ang kaniyang mga kagustuhan, hindi ko po makakamit ang kaniyang pangakong buhay na walang-hanggan, at diring-diri ako sa dugo ng ibang tao na ipinapasok sa akin, sapagkat sa tuwina’y nariyan ang posibilidad na magkaroon ng AIDS o hepatitis o iba pang nakahahawang sakit, at wala po akong ginawa nang gabing iyon kundi titigan ang dugong iyon at tingnan ito.”

“Lisa, mayroon ka bang naiisip na isang paghahambing upang ipaliwanag sa hukom kung ano ang katulad ng pagtanggap ng isang pagsasalin ng dugo na labag sa iyong kalooban?”

“Bueno, ang isa po na naiisip ko ay yaong tungkol sa panggagahasa sapagkat . . . ang panggagahasa po ay paggawa ng isang bagay na labag sa iyong kalooban, at ito po’y katulad niyan.”

Ang Pasiya

Ang ikalimang araw ang pinakamaigting. Mula sa simula si Hukom Main ay naging makatarungan at timbang. Mababanaag kaya ang kaniyang kabaitan sa kaniyang pasiya? Siya’y naghinuha: “Ang batang si Lisa Dorothy K. ay dapat ibalik sa pag-iingat, pangangalaga at pangangasiwa ng kaniyang mga magulang.”

Ipinaliwanag ni Hukom Main ang mga dahilan ng kaniyang hatol nang detalyado. Kabilang sa iba pang mga bagay, sinabi niya: “Ang katayuan ni Lisa ngayon at ang katayuan niya noon pa mang araw na nakita niya ang isang dokumentaryo tungkol sa sakit na ito, ay na ayaw niya ng anumang bahagi ng chemotherapy at ng mga pagsasalin ng dugo. Kinukuha niya ang katayuang ito hindi lamang dahil sa ito’y labag sa kaniyang relihiyosong mga paniniwala, at ako’y nasisiyahan na ito’y labag sa kaniyang paniniwala, kundi rin naman dahil sa ayaw niyang maranasan ang kirot at labis na paghihirap na nauugnay sa pamamaraan ng paggamot. . . . Tumatanggi akong gumawa ng anumang utos na maglalagay sa batang ito sa kakila-kilabot na karanasang iyon. Nasumpungan kong lubhang hindi kaaya-aya ang mungkahing tiisin niya ang paggamot na ito.”

Tungkol sa palihim na sapilitang pagsasalin ng dugo kay Lisa noong hatinggabi, ganito ang sabi ni Hukom Main: “Nasumpungan ko na [si Lisa] ay pinakitunguhan nang masama salig sa kaniyang relihiyon at sa kaniyang edad alinsunod sa subseksiyon 15(1) [ng The Canadian Charter of Rights and Freedoms]. Sa mga kalagayang ito, sa pagsasalin ng dugo, ang kaniyang karapatan sa seguridad ng kaniyang pagkatao alinsunod sa Seksiyon 7 ay pinanghimasukan. Bunga nito, kahit na masasabing siya ay isang bata na nangangailangan ng proteksiyon, ang pagkakapit ay dapat pawalang-saysay alinsunod sa subseksiyon 24(1) ng Karta.”

Sa wakas, muling pinagtibay ni Hukom Main ang kaniyang personal na paghanga kay Lisa, na nagsasabi: “Si Lisa ay maganda, lubhang intelihente, matatás, magalang, sensitibo at higit na mahalaga, isang matapang na tao. Mayroon siyang karunungan at pagkamaygulang na higit sa kaniyang edad at inaakala kong maaaring sabihin na taglay niya ang lahat ng positibong mga katangian na nanaisin ng sinumang magulang sa isang anak. Mayroon siyang pinag-isipang mabuti, matatag at maliwanag na relihiyosong paniniwala. Sa aking palagay, anumang pagpapayo mula saanman o panggigipit mula sa kaniyang mga magulang o sa sinuman, pati na ang isang utos mula sa hukumang ito, ay hindi makayayanig o makapagpapabago ng kaniyang relihiyosong mga paniniwala.

“Naniniwala ako na si Lisa K. ay dapat bigyan ng pagkakataon na labanan ang sakit na ito taglay ang dignidad at kapayapaan ng isip. Iyan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng pagtanggap sa plano niya at ng kaniyang mga magulang.”

Katapatan Hanggang sa Wakas

Si Lisa at ang kaniyang pamilya ay umalis ng ospital nang araw na iyon. Tunay, nilabanan ni Lisa ang kaniyang sakit na may dignidad at kapayapaan ng isip. Noong Nobyembre 17, 1985, si Lisa ay mapayapang namatay sa bahay, sa maibiging mga bisig ng kaniyang ina at ama.

Noong panahon ng paglilitis, inilarawan ni Lisa ang isang pag-uusap nilang mag-ina noong unang marikonosi ang kaniyang leukemia, na nagsasabi: “Ipinakipag-usap ko kay Inay ang lahat ng posibilidad na mayroon ako, at magkasama naming binasa ang Bibliya, at magkasama naming binasa ang iba pang mga aklat mula sa aming relihiyon, at sinabi ko sa kaniya, . . . ‘Kung mamamatay po ako, makikita ko po kayo sa bagong kaayusan, at magkakaroon po ako ng isang garantisadong pag-asa na makita kayo at mabuhay magpakailanman sa isang paraiso sa lupa.’”

Isang Leksiyon para sa mga Ospital at mga Doktor

Ang mediko-legal na mga manunulat na taga-Canada na sina L. E. at F. A. Rozovsky ay nagsabi sa Canadian Health Facilities Law Guide: “Ang mga ospital at mga manggagamot ay makahahalaw ng leksiyon mula sa pasiya na ito. Sa partikular, dapat silang maging maingat sa paggamot sa kilalang pagtutol ng mga pasyenteng bata o ng kanilang mga magulang. Dapat na pakaingat upang iwasan ang sapilitang paggamot sa mga larangang inihanay bilang ‘itinatangi’ sa Seksiyon 15(1) ng Karta, kasama na ang edad, sekso, relihiyon o etnikong pinagmulan.”

Gayunman, paano dapat “maging maingat” ang mga manggagamot at iwasan ang relihiyosong pagtatangi? Binanggit ng mga Rozovsky ang isang timbang na lunas: “Dapat tandaan, gayunman, na ang pangunahing tungkulin ng pasilidad sa kalusugan ay hindi ang maging kaaway ng pasyente. Ang tunay na atas ay gawin kung ano ang nasa pinakamabuting kapakanan ng pasyente. Sa kasong ito nasumpungan ng hukuman na ang pinakamabuting kapakanan ay sang-ayon sa mapagpipiliang anyo ng pangangalaga.”

Maliwanag, kung ang pasyente ay isa sa mga Saksi ni Jehova, ang kaniyang pinakamabuting kapakanan ay matutugunan kung saan ang pamilya at manggagamot ay nagtutulungan sa paglalaan ng mapagpipilian bukod sa pagsasalin ng dugo. Hindi isinakripisyo ng mga doktor na sumunod sa landasing ito ang mabuting medikal na pangangalaga. Gaya ng iniulat ng mga espesyalista sa sakit ng bata sa M. D. Anderson Hospital sa Texas:

“Ang pagsasalin ng dugo ay hindi naman madalas na kinakailangan na gaya ng pagkakagamit dito. Sa sunud-sunod na mga pasyenteng ito na may kanser at nauugnay na mga sakit, ang mabuting medikal na pangangalaga ay hindi naapektuhan bunga ng hindi pagsasalin ng dugo.”

Ang mga implikasyon sa kaso ni Lisa ay pangmatagalan. Ngayon, sinusundan ang pangunguna ng hukumang Canadiano, isang hukom sa California ang tumanggi na sapilitang ipatupad ang paggamot sa isang 14-anyos na batang babae. Isa pa, noong Pebrero 11, 1986, ang British Columbia Health Association ay naglabas ng isang direktiba sa lahat ng mga administrador ng ospital na tuwirang batay sa kaso ni Lisa, na nagsasabi: “Ang kasong ito ay nagtatatag ng isang bagong pámarisán.”

Sa isang dako ng legal at medikal na kalituhan, ang pasiyang ito ay isang inspirasyon. Ito ay makatarungan at makatuwiran. Ang hinaharap ang magsasabi sa atin kung gaano karaming mga doktor, mga ospital, at mga hukom ang susunod sa makatao at sensitibong pangungunang ito na ibinigay sa atin ni Hukom David R. Main at ni Lisa.

[Blurb sa pahina 19]

Iilan lamang ang hindi naluha habang buong tapang na tinatalakay ni Lisa ang kaniyang nalalapit na kamatayan

[Blurb sa pahina 20]

“Ang kasong ito ay nagtatatag ng isang bagong pámarisán.”​—British Columbia Health Association

[Larawan sa pahina 18]

Iningatan ni Lisa, 12 anyos, ang kaniyang pananampalataya sa ilalim ng matinding paghihirap at pagsalansang

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share