Isang Problema Para sa Taimtim na mga Katoliko
Noong 1984 ang Vaticano ay nagpadala ng isang tagubilin na kumukondena sa teolohiya sa pagpapalaya, at si Leonardo Boff, isa sa “pinakakontrobersiyal” sa mga teologong Katoliko, ay hinatulan ng isang taon ng “penitensiyal na pagtahimik”—isang parusa na ipinapataw ng simbahan na nagbabawal sa kaniya na maglathala o magbigay ng mga panayam o magpalaganap sa anumang paraan ng kaniyang pinaghihinalaang teolohiya.
Subalit noong 1986, isang buwan bago matapos ang ‘taon ng katahimikan,’ si Boff ay pinagkalooban ng amnestiya. Ang Instrucción Sobre Libertad Cristiana y Liberación (Tagubilin Tungkol sa Kalayaan at Pagpapalayang Kristiyano) ay ipinadala, na nagsasabing “lubusang matuwid na yaong dumaranas ng paniniil mula sa mga naghahawak ng kayamanan o kapangyarihang pulitikal ay dapat na kumilos sa moral na tinatanggap na paraan . . . ” Ang “armadong labanan” ay sinang-ayunan bilang “huling pagkakataon.” Itinutuwid ba ng simbahan ang kaniyang sarili?
Hindi sang-ayon sa awtor ng bagong tagubilin, si Joseph Cardinal Ratzinger, prepekto ng Sagradong Kongregasyon para sa Doktrina ng Pananampalataya ng Vaticano. “Ang unang tagubilin ay hindi nawawalan ng halaga,” sabi niya. “Ang ikalawang dokumento ay isang pagpapatuloy.” Subalit ang iba, gaya ng mga pahayagan, ay binibigyan-kahulugan ang ikalawang tagubilin bilang isang “bagong paninindigan sa ‘teolohiya sa pagpapalaya.’” Bakit ang hindi pagkakasuwato?
Ang maingat na paglalagay ng mga salita sa bagong tagubilin ay maaaring bigyang-kahulugan sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, binabanggit nito na “hindi para sa mga pastor ng simbahan na tuwirang makialam sa pulitikal na kayarian at organisasyon ng buhay panlipunan.” Gaya ng alistong puna ng magasing Newsweek: “Ang uring iyon ng wika ay nag-iiwan ng maraming lugar na maaaring maneobrahin . . . ng tusong mga prelado.”
Sinasabi ng isang report na ‘halos lahat sa simbahan ay makasusumpong ng isang bagay na maaaring sang-ayunan niya.’ Ang isang tagapagpalaya na gaya ni Gutiérrez ay maaaring magsabi ngayon na ang “teolohiya sa pagpapalaya ay isang tanda ng mga panahon sa Latin Amerika, at kinikilala ito ng simbahan na gayon,” samantalang ang isang konserbatibong Katoliko ay maaaring magalak na ang kaniyang simbahan ay “matatag na sinasalansang pa rin ang Marxistang pagsupil upang waling-bahala ang kalayaan ng tao.” Gayumpaman, ang iba’t ibang ideya ng teolohiya sa pagpapalaya ay salungat sa tradisyon ng simbahan at patuloy na pinaglalaban ang mga Katoliko sa kapuwa Katoliko.
Gayunman, si apostol Pablo ay nagpapayo sa tunay na mga Kristiyano: “Ayusin ninyo ang mga kaguluhan sa gitna ninyo, at sa halip na di magkasundo sa gitna ninyo, . . . magkaisa kayo . . . sa inyong paniniwala at gawain.” “Magkaisa kayo sa inyong mga paniniwala . . . na may iisang layunin at iisang isipan.” (1 Corinto 1:10; Filipos 2:2)a Ano ang paniwala mo? ‘Nagkakaisa ba sa kanilang paniniwala’ ang mga Romano Katoliko?
[Talababa]
a Ang mga kasulatan na sinipi ay mula sa Katolikong Jerusalem Bible.
[Mga larawan sa pahina 7]
‘Nagkakaisa ba sa paniniwala nito’ ang simbahan?
[Credit Line]
UN photo