Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 11/8 p. 21-23
  • Apat na Raan ang Nasawi, Ako’y Nakaligtas

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Apat na Raan ang Nasawi, Ako’y Nakaligtas
  • Gumising!—1987
  • Kaparehong Materyal
  • Binigla ng Nakamamatay na Lindol!
    Gumising!—1986
  • Nakaligtas Ako sa Flight 801
    Gumising!—1998
  • Isang Nagkakaisang Kapatiran na Di-natitinag
    Gumising!—2001
  • Naging Bihag-Panagot Kami Nang Magkagulo sa Bilangguan
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 11/8 p. 21-23

Apat na Raan ang Nasawi, Ako’y Nakaligtas

OKTUBRE 10, 1986 noon. Ako ay nagsasara na ng aking tindahan ng mga kosmetiko sa San Salvador upang umuwi ng bahay para sa pananghalian. Walang anu-ano, ang buong limang-palapag na Gusali ng Rubén Darío ay pagkalakas-lakas na dumagundong.

Nang malaunan, nalaman ko na ito ang pinakamalakas na lindol sa kasaysayan ng El Salvador​—7.5 sa Richter scale. Ito ay sumawi ng 1,200 katao, halos 400 sa Gusali ng Rubén Darío lamang, at nag-iwan ng 300,000 mga walang tahanan. Sinabi ni Presidente Duarte na ito ay nagdala ng ‘higit na mga kalugihan kaysa pitong taon ng giyera sibil.’

Nang lumindol, may tumama sa ulo ko at ako ay nawalan ng malay. Nang ako’y magkamalay, ako’y nakadapa, sa ganap na kadiliman. Ang mga tao ay humihiyaw sa sakit at takot: “Panginoon ko, iligtas mo po ako!” “Bakit po ninyo pinasapit ang parusang ito sa amin?” “Saklolo!”

Hinipo ko ang aking mukha. Mabuti na lamang, hindi ako nasugatan, subalit ang aking mga paa ay nasilo sa ilalim ng mga labí. Napakaalikabok anupa’t hindi ako makahinga. Sa di-kalayuan may narinig akong tinig. Ang kawani sa tanggapan ng gusali, si Mr. Quijano, ay tumatawag sa akin, “Ikaw ang babae sa mga tindahan ng kosmetiko! Ayos ba ang kalagayan mo?”

“Opo, subalit nasilo po ang aking mga paa,” sagot ko. “Kumusta po kayo?”

“Sa palagay ko ay nabali ang aking mga braso at paa​—hindi ako makakilos. Pakisuyo, tulungan mo ako.”

Iniunat ko ang aking mga kamay at braso hanggang sa maaabot ko subalit mga basag na salamin lamang ang aking nakakapa. “Ikinalulungkot ko po, wala po akong magawa. Nasilo po ang aking mga paa.”

Ang kawalan ng oksiheno ay napakahirap, at ako’y nanalangin sa Diyos: “Pakisuyo po tulungan n’yo ako!” Naalaala ko ang mga salita niya kay Josue: ‘Ikaw ay magpakatapang at magpakalakas, sapagkat si Jehovang iyong Diyos ay sumasa-iyo.’ (Josue 1:9) Subalit dapat gawin ko ang aking bahagi, ipinagunita ko sa aking sarili.

Pagkatapos niyan ako ay lalong lumakas at napatibay na lubha. Ipinasiya ko na kailangang maalis ko ang aking paa sa kinasisiluan nito bago ito maging manhid at mamagâ. Sinikap kong pihit-pihitin ang isa sa aking paa. Samantala, ang lupa ay patuloy na yumayanig, at ang gusali ay lumalangitngit at yumayanig. Ang aking tindahan ay nasa unang palapag.

Sa wakas, naalis ko ang aking kanan na paa. Malakas kong pinasalamatan si Jehova dahil dito. Malamang na narinig ito ni Mr. Quijano, na hirap na hirap na ngayon sa kaniyang paghinga. Sabi niya: “Patuloy kang manalangin kay Jehova, at ipanalangin mo rin ako, pakisuyo!”

Ang aking mga paa ay malamig at mamasá-masâ. ‘Ako’y duguan!’ naisip ko. Nang hipuin ko ang gawing ibaba ng aking kaliwang paa, natanto ko na ang malagkit, mamasá-masáng bagay na nahipo ko ay alin sa shampoo o losyón mula sa istante. Ngayo’y nalalangisan, ang aking kaliwang paa ay dumulas mula sa pagkakasilo nito.

“Tinulungan ka ba ni Jehova?” tanong ni Mr. Quijano.

“Opo!” sagot ko. “Malaya na ngayon ang aking mga paa.”

“Pakisuyong tulungan mo ako!” sigaw niya.

Ginamit ko ang lahat ng lakas ko upang marating ko si Mr. Quijano. Sa bawat kilos ko ay nagagalusan ako ng basag na mga salamin. Pagkatapos ay nasalat ko ang isang malaking pilipit na metal sa pagitan namin.

“Ikinalulungkot ko po, Mr. Quijano. Hindi na po ako makalapit pa.”

“Hindi bale,” sagot niya. “Huwag na tayong kumilos.”

Sa di-kalayuan nakarinig ako ng mga tinig ng di-kukulanging dalawang lalaki at isang batang lalaki. Ang mga taong iyon ay mula sa ikalawang palapag, ngayo’y wala nang isang metro ang taas. Nailusot ko ang aking ulo sa itaas sa isang puwang ngunit bigla akong nahilo. Napakaalikabok sa paligid anupa’t ako’y nangangapos ng hininga. Walang anu-ano, ako’y napagod at nais ko lamang matulog.

Nagising ako sa nakatatakot na katahimikan. ‘Nailigtas na kaya ang lahat, o namatay na kaya silang lahat?’ ang una kong naisip. Dali-dali kong tinawag si Mr. Quijano nang tatlong beses, ngunit marahan lamang siyang dumaing. Patuloy akong nanalangin.

Pagkaraan ng ilang sandali nakarinig ako ng tunog ng nagpipiko. “Mr. Quijano,” ang sigaw ko, “ang Diyos ay nagsugo ng magliligtas sa atin! Sandali na lang at narito na sila, at sasabihin ko sa kanila na ilabas kayo!” Ang tugon niya lamang ay isang marahang halinghing at pagkatapos ay katahimikan.

Hindi nagtagal, isang tinig ang tumawag mula sa madilim na dako sa unahan ko, “May tao ba riyan?”

“Opo, opo!” ang sigaw ko.

“Ilan?”

“Marami po kami rito, ang ilan po ay malubhang napinsala,” sagot ko. Higit pang pagpipiko. Pagkatapos, “Nakikita mo ba ang liwanag?”

“Opo!” sagot ko, “nakikita ko po ang liwanag!” Ang aming tagapagligtas ay patuloy na nagpiko sa may bukasan, at di-nagtagal halos ilawan ng liwanag ang dakong kinahihigaan ko.

“Nakikita mo ba ang daan palabas sa pagsunod mo sa liwanag?” sigaw ng mga sumasaklolo. “Opo, sisikapin ko po!” ang sagot ko.

Sumigaw ako sa iba pa na nasa ikalawang palapag: “Dito, sikapin ninyong makarating dito! Maaari tayong makalabas! Unahin ninyo ang bata!”

Kinaladkad ko ang aking sarili pasulong sa mga piraso ng pilipit na mga bakal, ladrilyo, salamin, at kongkreto. ‘Dapat akong patuloy na kumilos sa unahan,’ naisip ko. ‘Hindi ako maaaring manatili rito.’ Napakalapit ko na sa butas upang abutin ang isang hose na may nakakabit na maskara ng oksiheno na inilusot sa butas. Patuloy akong gumapang hanggang sa marating ko ang makipot na butas.

Hinila ako ng mga tagasagip, isang kamay muna, pagkatapos ang buo kong katawan. Napunit ang aking damit, nagalos ang aking katawan. “Ano ang pakiramdam mo?” tanong nila. “Maligaya,” sagot ko.

Nang marating ko ang lansangan, napakaraming tao, ang ilan ay tumutulong sa mga napinsala, ang iba ay naghuhukay sa mga kagibaan ng gusali. Ang nagdadalamhating mga mirón ay nagkatipon sa akin, nais malaman kung anong bahagi ng gusali ako nanggaling.

“Nakita mo ba ang asawa ko?” “Nakita mo ba ang tatay ko?” “Nakita mo ba ang kapatid kong babae?” walang kapag-a-pag-asang tanong nila. Ang nasabi ko lamang ay: “Marami pa ang nasilo roon at buháy pa, kaya ipagpatuloy ninyo ang paghanap.”

Ang iba ay nailigtas mula sa butas na iyon na gaya ko, ang iba ay malubhang napinsala. Gayunman, ang iba ay namatay dahil sa kinapos ng hangin. Sa lansangan sa labas lamang ng gusali ay isang kahabag-habag na tanawin​—isang hilera ng mga bangkay. Si Mr. Quijano at ang batang lalaki sa ikalawang palapag ay kabilang sa mga kapus-palad na ito.​—Gaya ng inilahad ni Antonieta de Urbina.

[Kahon sa pahina 22]

Ang Gusali ng Rubén Darío

Ang limang-palapag na Gusali ng Rubén Darío, na nasa sentro ng kabayanan ng San Salvador, ay naglalaman ng mga coffee shop, barberya at mga parlor, mga tanggapan at laboratoryo ng mga dentista, mga tindahan ng sapatos, at mga opisina. Sa labas ng gusali ay isang pangkat ng mga tindero na naglalako ng lahat ng bagay mula sa mga kakanin hanggang sa mga tiket sa loterya. Iniulat ng balita sa telebisyon na kasindami ng 400 mga tao ang nasawi sa loob ng gusali, alin sa nadaganan, kinapos ng hangin, o nasunog; ilan sa mga Saksi ni Jehova ang kabilang sa kanila. Hindi kukulanging 92 ng nasilong mga biktima ang nailigtas nang buháy, bagaman ang ilan sa mga ito ay namatay pagkatapos mula sa mga pinsalang natamo nila sa loob ng gusali.

[Mga larawan sa pahina 23]

Ang Gusali ng Rubén Darío bago at pagkatapos lumindol.

Si Antonieta de Urbina ay nailigtas nang buháy maaga noong gabi ng unang araw ng lindol

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share