Naging Bihag-Panagot Kami Nang Magkagulo sa Bilangguan
MGA alas tres ng hapon noon, Sabado, Marso 30, 1996, kami nina Edgardo Torres at Rubén Ceibel ay dumating sa Sierra Chica Maximum Security Prison, sa lalawigan ng Buenos Aires, Argentina. Bagaman dinisenyo para lamang sa 800 bilanggo, ang masikip na napapaderang lugar na ito ay may 1,052 nahatulang kriminal. Ang mga kasalanan nila ay mula sa pagnanakaw hanggang sa sunud-sunod na pagpaslang. Naroroon kami bilang mga panauhin.
Para kina Edgardo at Rubén, ito’y isa lamang sa maraming ulit na pagpasyal kung Sabado sa bantog na bilangguang ito. Bilang matatanda sa isang lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, sila’y regular na dumadalaw roon upang magbigay ng lingguhang mga pahayag sa Bibliya sa humigit-kumulang na 15 preso. Para sa akin, bilang naglalakbay na tagapangasiwa, ito’y pambihirang pagkakataon, yamang hindi pa ako nakaranas kailanman na mangasiwa sa isang pulong sa loob ng bilangguan.
Ang bilangguan ay may 12 bloke ng mga selda na dinisenyo sa hugis ng isang pamaypay. Pumapasok pa lamang kami sa gusali, natanaw na agad namin sa malayo ang apat na bilanggo na buong-siglang kumakaway sa amin. Ang mga presong ito ay sumulong sa kanilang pag-aaral ng Bibliya hanggang sa maging mga di-bautisadong mangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Agad kaming sinamahan sa selda-bloke 9, na siya naming pagpupulungan. Doon, may isang kuwartong pinintahan at ginayakan ng mga kurtina, anupat naging disente ang hitsura.
Nagsimula ang Pagkakagulo
Gayunman, may isang bagay na di-pangkaraniwan. Ang naroroon ay 12 bilanggo lamang sa halip na ang karaniwang 15. Nagtaka kaming lahat kung bakit. Tulad ng dati, pinasimulan namin ang pulong sa pamamagitan ng awit at panalangin. Pagkalipas ng ilang sandali, nagulantang kami sa ingay ng malalakas na putok ng baril na sinundan ng pagsambulat ng mga putok ng masinggan. Pagkatapos ay nakarinig kami ng mga sigawan at hiyawan. Nagkakagulo na pala sa bilangguan!
Lumusob ang ilang nakatalukbong na bilanggo na may hawak na sariling-gawang mga patalim sa aming pinagpupulungang kuwarto. Nagulat sila nang makita kami—tatlong panauhin! Bigla kaming dinala sa isang pasilyong puno ng usok. May nasusunog na mga kutson, tulirong nagtatakbuhan ang mga bilanggo, at isang sugatang guwardiya ang nakalugmok sa sahig. Ang guwardiya sa tore na nasa gitna ng bakuran ng bilangguan ay nilamon ng apoy mula sa bombang gawa ng mga bilanggo. Inilabas kami at pilit na pinatayo sa layong 50 metro mula sa pangunahing bakod. Mula sa malayo, natatanaw namin ang mga pulis at mga guwardiya sa bilangguan sa labas ng bakod, habang nakaumang ang mga baril sa amin. Nakatutok sa aming leeg ang mga patalim ng isang grupo ng mga bilanggo, habang nagtatago sa likuran namin. Kami ang ginawa nilang mga taong panangga.
Higit Pang mga Bihag-Panagot
Pagkalipas ng limang oras, pagkalubog ng araw, pumayag ang mga may pasimuno ng kaguluhan na makapasok sa bilangguan ang isang doktor upang gamutin ang mga sugatan. Ginawa ring bihag-panagot ang doktor. Sa wakas, mga alas nuwebe ng gabi, dinala kami sa ospital ng bilangguan. Doon ay isinama kami sa isang grupo ng mga guwardiya na ginawa ring mga bihag-panagot. Ngayon ay pilit na salit-salitang ginawang mga taong panangga ng mga manggugulo ang lahat ng mga bihag-panagot.
Pagkalipas pa ng ilang sandali, pinahintulutang makipag-usap sa mga manggugulo ang isang hukom at ang kaniyang sekretaryo, sa tangkang maayos nang payapa ang mga bagay-bagay. Ngunit lalong tumindi ang panganib nang buong-kapangahasang pigilin silang dalawa bilang mga bihag-panagot.
Nagkaroon ng kalat-kalat na sagupaan sa buong magdamag. Tinangka naming matulog, ngunit waring kapag kami’y medyo napapaidlip na, bigla naman kaming gugulantangin ng isang malakas na sigaw sa aming pagkakatulog. Pagkatapos, madaling araw pa lamang, muli na naman kaming pinatatayo bilang mga buháy na panangga.
Lalong Tumindi ang Karahasan
Noong Linggo, Marso 31, ikalawang araw ng pagkakagulo, lalong lumubha ang kalagayan. Hindi magkasundo ang mga may pasimuno ng kaguluhan sa kanilang mga kahilingan. Lumikha ito ng isang kapaligirang saklot ng poot at karahasan. Grupu-grupo ng mga manggugulo ang nanalakay, anupat winasak at sinunog ang anumang bagay na maraanan nila. Ang malaon nang pagkakagalit ay nilutas sa pamamagitan ng karahasan at pagpaslang. Ang ilang bilanggo na ayaw sumama sa pagkakagulo ay pinagpapatay. Ang ilang bangkay ay sinunog sa hurnuhan ng tinapay.
Kumalat sa loob ng bilangguan ang lahat ng uri ng mga bali-balita at nagkakasalungatang mga ulat tungkol sa aming paglaya. Kaming mga bihag-panagot ay nakadama na parang nasa roller coaster. Kung minsan ay pinapayagan kaming manood ng balita sa telebisyon. Labis kaming nagtataka na makitang napakalayo sa tunay na nagaganap ang mga iniuulat sa telebisyon. Tunay na nakapagpapahina ng loob.
Paano namin ito nakayanan? Itinuon namin ang pansin sa pananalangin, pagbabasa ng Bibliya, at pagsasabi sa iba ng tungkol sa mga pangako sa Bibliya na isang maligayang kinabukasan. Iyan ang naging susi ng aming emosyonal na lakas sa panahong iyon ng mahigpit na pagsubok.
Kinalunisan, nagkasundo ang mga may pasimuno ng kaguluhan na simulan ang pakikipagnegosasyon sa mga awtoridad. Waring patapos na ang pagkakagulo. Ginawang panangga ng mga manggugulo si Edgardo at ang ilang guwardiya sa bilangguan nang magkaputukan sa gitna ng ilang bilanggo. Bunga ng pagkalito, ang mga pulis, sa pag-aakalang pinagbabaril na ang mga bihag-panagot, ay nagpaputok ng kanilang mga sandata. Nakaligtas si Edgardo sa sunud-sunod na bala, ngunit ang ilan sa mga bihag na guwardiya ay natamaan.
Waring Napipinto Na ang Kamatayan
Kaming mga bihag-panagot ay dinala nila sa bubong upang ipakita sa mga awtoridad na kami’y buháy pa. Ngunit patuloy pa rin sa pamamaril ang mga pulis. Nakagalit ito sa mga manggugulo. Bawat isa’y nagsigawang sabay-sabay. Ang ilan ay sumigaw: “Patayin na ang mga bihag-panagot! Patayin na sila!” Ang iba nama’y nagsumamo: “Huwag muna! Maghintay tayo!” Waring napipinto na ang kamatayan. Kami ni Rubén ay nagkatinginan na para bang nagsasabi, ‘Hanggang sa bagong sanlibutan.’ Pagkatapos ay kapuwa kami tahimik na nanalangin. Karaka-raka, nakadama kami ng panloob na katahimikan at kapayapaan ng isip, na, sa ganitong kalagayan, ay magmumula lamang kay Jehova.—Filipos 4:7.
Biglang-biglang, tumigil ng pagpapaputok ang mga pulis, at kinansela ng isa sa mga may pasimuno ng kaguluhan ang pagpatay sa amin. Ang kabataang bilanggo na nakahawak sa akin ay inutusang samahan akong magpabalik-pabalik sa bubong, bilang pagbibigay-babala sa mga pulis. Kabadung-kabado siya. Sa pagkakataong iyon mismo, nakapagpasimula ako ng isang pag-uusap na nagpakalma sa aming dalawa. Ipinaliwanag ko na ang pagdurusa ng tao ay mula sa panunulsol ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo at na malapit nang wakasan ng Diyos na Jehova ang lahat ng gayong pagdurusa.—Apocalipsis 12:12.
Nang kami’y ibalik sa ospital ng bilangguan, nakita naming marami sa mga bihag-panagot ang sindak na sindak sa takot. Sinubukan naming ibahagi sa aming kasamang mga bihag-panagot ang aming pananampalataya sa mga pangako ni Jehova. Ipinakipag-usap namin sa kanila ang tungkol sa aming salig-Bibliyang pag-asa ng isang kinabukasan sa Paraiso sa lupa. Nagsimulang tawagin ng ilan sa mga bihag-panagot si Jehova sa kaniyang pangalan. Nagpakita ang doktor ng pantanging interes at nagbangon ng ilang espesipikong mga tanong. Ito’y umakay sa isang mahabang talakayan sa Bibliya sa aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan.
Pagdiriwang ng Memoryal
Martes, ang ikaapat na araw ng aming pagkabihag, ay ang anibersaryo ng kamatayan ni Jesu-Kristo. Sa araw na iyan ay milyun-milyong Saksi ni Jehova at mga interesadong tao sa buong daigdig ang magtitipon upang gunitain ang okasyong ito bilang pagsunod sa utos ni Jesus. (Lucas 22:19) Kami man ay nagsaayos na ipagdiwang ang Memoryal.
Pumili kami ng isang sulok sa kuwarto upang mapahiwalay sa karamihan. Wala kaming tinapay na walang lebadura o mapulang alak upang gamiting emblema. Ngunit kaming tatlo ay nasiyahan sa pag-awit ng mga papuri kay Jehova, pananalangin, at pagrerepaso sa mga ulat ng Bibliya tungkol sa huling gabi ni Jesus at sa iba pang pangyayaring naganap bago ang kaniyang kamatayan. Nadama naming kami’y napakalapit sa aming mga pamilya at sa aming espirituwal na mga kapatid habang sabay-sabay nilang ipinagdiriwang ang Memoryal sa buong bansa.
Natapos Din ang Mahigpit na Pagsubok
Namayani sa kapaligiran ang tensiyon, takot, at pagkabalisa sa sumunod na apat na araw. Gayunman, kami’y naaliw ng maraming liham mula sa mga kamag-anak at kaibigan, na pinahintulutan ng mga bilanggo na tanggapin namin. Nang minsan ay pinapayagan pa nga kaming kausapin namin ang aming mga pamilya sa telepono. Tunay na nakaaaliw na marinig ang kanilang mga tinig at mabasa ang kanilang pagpapahayag ng pagmamahal at pagmamalasakit!
Noong Sabado, ang ikawalong araw ng aming pagkabihag, nagkasundo ang mga manggugulo at ang mga awtoridad. Sinabihan kaming pakakawalan kami kinabukasan. Linggo, Abril 7, sa ganap na 2:30 ng hapon, tinanggap namin ang balita: “Maghanda na kayo sa pag-alis!” Nag-organisa ang mga bilanggo ng isang ‘guard of honor’ upang samahan kami tungo sa paglaya! Habang papalayo kami sa ospital, nilapitan si Edgardo ng tagapagsalita ng mga nagpasimuno ng kaguluhan at sinabihan: “Kapatid, hangang-hanga ako sa iyong iginawi. Ako’y nangangako na mula ngayon ay dadalo na ako tuwing Sabado sa inyong mga pulong sa bilangguan. Magpupulong pa rin kayo kahit na may nangyaring ganito rito, hindi ba?” Ngumiti si Edgardo at sumagot: “Siyempre naman!”
Isang sorpresa ang naghihintay sa amin sa labas. Pagkalabas na pagkalabas namin sa gusali, ang lahat ng mga preso ay masigabong nagpalakpakan bilang parangal sa amin. Ito ang kanilang paraan ng pagsasabing ikinalulungkot nila ang nangyari. Makabagbag-damdamin ang sandaling iyon. Walang-alinlangang humanga silang lahat sa aming Kristiyanong paggawi sa loob ng nagdaang siyam na araw, para sa kapurihan ni Jehova.
Sa labas ng bakod ng bilangguan ay sinalubong kami ng aming mga pamilya at ng mga 200 sa aming espirituwal na mga kapatid. Isa’t isa’y nagyakapan na para bang nabunutan ng tinik sa dibdib. Nakaligtas kami! Isa sa mga bihag-panagot ang lumapit sa aking asawa at nagsabi sa kaniya: “Sa palagay ko’y naabot ni Jehova ang aking puso at gusto niyang paglingkuran ko siya.”
Sa isang di-pangkaraniwang paraan ay natutuhan namin nina Edgardo at Rubén na kayang alalayan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod, kahit na sa pinakagipit na kalagayan. Naranasan namin kung gaano kamangha-mangha ang manalangin kay Jehova at dinggin niya. Gaya ng salmista, masasabi namin: “Itataas kita, O Jehova, sapagkat hinango mo ako at hindi mo hinayaang magsaya ang aking mga kaaway. O Jehova na aking Diyos, ako’y humingi sa iyo ng tulong, at ako’y iyong pinagaling. O Jehova, isinampa mo ang aking kaluluwa mula sa Sheol mismo; iningatan mo akong buháy, upang huwag akong bumaba sa hukay.” (Awit 30:1-3)—Ayon kay Darío Martín.
[Blurb sa pahina 19]
Lumusob ang ilang nakatalukbong na bilanggo na may hawak na sariling-gawang mga patalim sa aming pinagpupulungang kuwarto
[Blurb sa pahina 20]
Ginawang panangga ng mga manggugulo si Edgardo at ang ilang guwardiya sa bilangguan
[Blurb sa pahina 21]
Ang mga bilanggo ay nag-organisa ng ‘guard of honor’ upang samahan kami tungo sa paglaya!
[Larawan sa pahina 18]
Ang tatlong dumadalaw na ministro (mula sa kaliwa pakanan): Edgardo Torres, Rubén Ceibel, at Darío Martín