Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Paghahasik ng Binhi ng Kaharian sa Lahat ng Pagkakataon
ANG Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay nagpapayo ng kasipagan. Sinabi ni Haring Solomon: “Ihasik mo sa umaga ang iyong binhi at huwag mong iurong ang iyong kamay hanggang sa hapon; sapagkat hindi mo nalalaman kung alin ang tutubo, kung ito o yaon, o kung kapuwa magiging mabuti.”—Eclesiastes 11:6.
Sa bawat angkop na pagkakataon, ang mga Saksi ni Jehova ay naghahasik ng “binhi” sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Sa mahigit na 230 lupain at mga isla, sila ay nagpapatuloy “nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.” (Gawa 5:42) Ang sumusunod na mga karanasan ay nagpapakita kung paanong ang mga Saksi ni Jehova ay ‘hindi nag-uurong ng kanilang mga kamay’ sa gawaing pangangaral.
◻ Sa Republika ng Cape Verde, isang Saksi ni Jehova ang napadaan sa tabi ng isang bilangguan habang nakikibahagi sa ministeryo sa larangan. Sa looban ng bilangguan, ang ilang bilanggo ay nagpapahingalay sa itaas ng isang punungkahoy. Palibhasa’y napansin ang Saksi sa ibaba, ang ilang bilanggo ay pasigaw na humiling ng ilang magasin. Itinali ng Saksi ang ilang magasing Bantayan at Gumising! sa isang bato at ipinukol ito sa kabila ng pader ng bilangguan. Bunga ng panimulang interes na ito, 12 pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan. Tatlo sa mga bilanggo ang nag-alay ng kanilang buhay sa Diyos at nagharap ng kanilang sarili para sa bautismo sa tubig. Isa sa mga bilanggo ay naglilingkod bilang isang buong-panahong ebanghelisador, o payunir, nang mahigit sa isang taon na ngayon. Gayunman, paano sila naglilingkod sa larangan sa bilangguan? Una ay hinahati ang bilangguan sa mga teritoryo. Pagkatapos ang teritoryo ay ipinamamahagi sa tatlong Saksi at gumagawa sa bawat selda. Sinusubaybayan ng mga tagapaghayag na ito ng Kaharian ang interes sa paraang halos katulad ng ginagawa ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig—sa pamamagitan ng mga pagdalaw-muli. Gayunman, ang isang pagkakaiba ay ang dalas ng pag-aaral sa Bibliya na idinaraos. Sa halip na pag-aralan ang Bibliya nang minsan o makalawa lamang sa isang sanlinggo sa loob ng isang oras o higit pa, ang ilang bilanggo ay nag-aaral nang araw-araw! Karagdagan pa, ang mga Saksi ni Jehova ay pinahintulutan ng panlahatang direktor ng bilangguan na magdaos ng lahat ng pulong ng kongregasyon sa loob ng bilangguan.
◻ Isang babae sa Portugal ang nakamana ng ilang publikasyon ng Watch Tower pagkamatay ng kaniyang lola. Yamang siya ay hindi isang Saksi ni Jehova, wala siyang interes na ingatan ang mga aklat. Gayunman, ayaw niyang sirain ang mga ito. Isang araw ay sinabi niya ang tungkol sa aklatan sa isang nagbabahay-bahay na Saksi ni Jehova na dumalaw sa kaniya. Tinanong siya ng Saksi kung alam niya ang tunay na halaga ng aklatan. Sumagot ang babae: “Ang totoo, hindi ko alam ang halaga ng mga ito, subalit paano ko malalaman?” Tumanggap ang babae ng isang pag-aaral sa Bibliya, at di-nagtagal ay napamahal sa kaniya ang aklatan ng kaniyang lola. Siya ngayon ay isa na ring bautisadong Saksi ni Jehova. Isa pa, ang kaniyang anak na babae at ang isang matalik na kaibigan ng pamilya ay nag-aaral na rin ng Bibliya. Napatunayan ngang isang napakahalagang pamana ang koleksiyon na ito ng mga aklat!