Ang Kaligayahan sa Pagbibigay na Pinalalaki ng Pagtanggap na May Pasasalamat
GUNITAIN ang bagong kasal na binanggit sa unang artikulo. Nakikita mo ba sila na personal na binabalikan ang bawat regalong tinanggap, nagkukomento sa kung paanong ang bawat bagay ay siyang bagay na kailangan nila? Nakikita mo ba ang nobya na maingat na inilalagay ang mga kumot at mga punda sa isang pantanging salansanan para sa madaling pagkuha, ang mga pinggan sa mga paminggalan, ang mga kubyertos sa mga aparador, ang toaster sa despatso sa kusina para sa madaling gamit sa araw-araw?
Magkasamang isinabit nilang maingat ang bawat larawan sa tamang dako, ang mga orasan sa pinakakombinyenteng lugar. Ginagayakan nila ang kanilang pamanang mesang kainan ng isa sa mga bagong mantel. Ang katernong serbilyeta na nasa kani-kaniyang argolya ng serbilyeta ay nakadaragdag ng ganda.
Partikular na naiibigan nila ang regalong ito—isang de-kuryenteng abrelata. Inaasahan ng nobya na gagamitin ito nang madalas. Ibinigay ito sa kanila ng isang mahal na kaibigan na alam nilang hindi kayang bumili ng isa para sa kaniyang sarili. At ang kubrekamang ito, na ginawa ng isang matanda nang tiya na ang mga kamay ay may artritis. Malamang na gumugol siya ng mga buwan upang gawin ang lahat ng kaakit-akit na burdang iyon. Anong laking gawa ng pag-ibig!
Itinatangi nila ang bawat regalo. Isauli ang anumang isang bagay at palitan ito ng iba o ng salapi? Nungka! Ngayon ang pinakamaibiging bahagi sa lahat—ang kanilang pagsasabi ng salamat. Gugugol kaya sila ng panahon upang gawin ito?
Ikaw ba ay tumanggap ng isang materyal na kaloob, isa na mamahalin o isang hindi mamahaling regalo—isang pumpón ng mga bulaklak, isang basket ng mga prutas, isang simpleng halamang-bahay marahil? Nilinis ba ng isang mahal na kaibigan ang iyong bahay nang ikaw ay magkasakit o nagluto ng isang hapunan para sa iyong pamilya nang hindi ka makapagluto? Pinasalamatan mo ba sila?
Ang “salamat” ay isang payak na salita nga. Kay daling bigkasin nito. Gayunman gaano nga kadalas na niwawalang-bahala ang pagsasabi nito. Minsan isang tsuper ng taksi ang nagsauli ng pitaka ng isang lalaki na naiwan sa kaniyang taksi. Anong laking kaloob! Kinuha ng may-ari ang pitaka nang walang kasali-salita. Isip-isipin na lamang ang panlulumo ng tsuper ng taksi sa kawalang utang-na-loob na ito. Siya’y nanangis, “Sana man lamang ang lalaki ay nagsabi ng ‘Salamat.’”
Isang labas ng magasing ito ang nag-ulat tungkol sa isang grupo ng mga lalaking nasa high school na nagtatag ng isang samahan sa layuning tulungan ang mga tao. “Tinulungan nila ang mga motoristang nasa kagipitan sa pamamagitan ng pag-ayos ng plat na mga gulong, pagbigay sa kanila ng gas kung di-inaasahang sila’y naubusan, at pagtulong sa kanila sa iba pang mga paraan,” sabi ng artikulo. ‘Hindi sila nagpabayad sa kanilang mga paglilingkod. Hiniling lamang nila na ang mga motorista ay sumulat ng isang liham na nagsasabing “salamat po” para sa salansan ng kanilang samahan.’ Ano ang mga resulta? Ganito ang sabi ng isang tagapagsalita ng samahan: “Alam ninyo, hanggang sa ngayon dalawang liham lamang ang aming natatanggap, bagaman ipinakikita ng mga ulat ng aming samahan na kami’y nakatulong sa mahigit 150 mga motorista sa loob ng dalawang taon na kami ay naitatag.”
Gaano karaming pasasalamat ang ibibigay mo sa isa na nagligtas ng iyong buhay? Isip-isipin kung anong laking regalo ang ibinigay sa iyo ng taong iyon! At, isinapanganib ng isang lalaki ang kaniyang buhay upang iligtas ang mga pasahero sa isang lumulubog na barko, sinasagip ang 17 mula sa mga kuko ng kamatayan, pagkatapos noon ay kinailangan siyang buhatin pauwi sa kaniyang bahay dahil sa sobrang pagod. Pagkaraan ng mga ilang taon nang siya’y tanungin kung ano ang nanatili sa kaniyang alaala sa gayon kagiting na pagliligtas, sinabi niya: ‘Ito lamang, ginoo. Sa labimpitong tao na iniligtas ko wala ni isa man ang nagpasalamat sa akin.’
Isa bang tanda ng kahinaan ang magsabi ng “salamat” para sa isang gawa ng kabaitan, sa isang materyal na regalo, o sa kaloob ng buhay? Pasasalamatan kaya ng mga ito ang Diyos na Jehova, ang Dakilang Tagapagbigay-buhay, dahil sa kanila mismong buhay? Kung hindi nila mapasalamatan ang isa na nakikita nila, pasasalamatan kaya nila ang Isa na hindi nila nakikita?—1 Juan 4:20.
Kataka-taka ba na napakaraming kabataan ngayon ang nahihirapang magsabi ng taos-pusong pasasalamat sa isang kaloob na tinanggap o sa isang gawa ng kabaitan na ipinakita? Kung ang mga magulang ay hindi nagsasabi ng “pakisuyo” at “salamat,” malamang na hindi rin gawin iyon ng kanilang mga anak.
Ang kakulangan ng pagpapahalaga ay isa sa mapagkikilanlang tanda na tayo ay nabubuhay na sa “mga huling araw.” Ang apostol Pablo ay nagbabala: “Sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, . . . walang utang-na-loob.”—2 Timoteo 3:1, 2.
Kung Paano Magpapakita ng Pagpapahalaga
Ang pagdisenyo at pagbibili ng mga kard na nagsasabi ng salamat ay isang malaking negosyo. Maraming kard ang nagpapahayag nang buong ganda sa mga damdamin. Madaling bumili ng mga ito at ipadala ito roon sa mga nagbigay ng regalo o nagpakita ng mga gawa ng kabaitan. Subalit karagdagan pa, hindi ba isang maibigin at mabait na bagay na magdagdag ng personal na mensahe, sulatan ito ng iyong sariling mga salita ng pasasalamat sa iyo mismong sulat-kamay—marahil binabanggit ang regalong tinanggap at kung paano natin pinahahalagahan ito at ang kaligayahan na tinanggap natin o inaasahan natin sa paggamit nito?
Kasama nito, hangga’t maaari, hindi ba’t ang isang masayang bibigang pasasalamat, isang pakikipagkamay, isang mainit na pagyakap, o iba pang pagpapakita ng pagmamahal ay pahahalagahan ng nagbigay? Kung nagrireklamo tayo na wala tayong panahon sa paggawa ng gayon, kung gayon isipin ang panahon, pagsisikap, at salaping ginugol ng nagbigay alang-alang sa atin. Ang kaligayahan ng nagbigay sa pagbibigay ay pinalalaki ng pagpapahalagang ating ipinakikita.
Makabubuting ating tandaan ang mga salita ng pinakadakilang tagapagbigay sa lahat, si Jesus: “May higit na kaligayahan ang magbigay kaysa tumanggap.” (Gawa 20:35) Hindi na magtatagal, sa dumarating na makalupang Paraiso ng katuwiran, hindi lamang araw-araw na magpapasalamat ang lahat ng mga maninirahang tao sa Diyos na Jehova sa kaloob na buhay kundi sila’y magpapakita rin ng maibiging pagpapahalaga sa isa’t isa sa mga gawa ng kabaitan sa kapuwa. Harinawang magpakita tayo ng pagpapahalaga ngayon at magkaroon ng pagsang-ayon ni Jehova at ng ating kapuwa.