Mula sa Aming mga Mambabasa
Kamatayan ng Isang Anak
Pagkatapos basahin ang mga artikulo tungkol sa kamatayan ng isang anak, dapat ko kayong bigyan ng komendasyon sa gayong makatotohanang mga artikulo. (Agosto 8, 1987) Lahat ng bagay na binanggit ninyo ay kapit sa aming mag-asawa sapagkat kami ay namatayan ng isang limang-taon-at-anim-na-buwang-gulang na anak na lalaki kamakailan dahilan sa isang atake sa puso. Naranasan namin ang lahat ng damdamin ng pagkakasala, galit, at iba pa, na itinala ninyo sa inyong artikulo. At, naranasan din namin ang lahat ng “Mga Pananalita na Hindi Laging Nakaaaliw” at higit pa. Kami’y labis-labis na umaasa sa bagong sanlibutan. Tanging kapag nasa aking mga bisig na muli ang aking munting anak na lalaki saka lamang talagang maglalaho ang kirot. Minsan pa, salamat sa gayong maibigin at maunawaing mga serye ng mga artikulo na natitiyak naming kapit sa marami pang iba, gaya namin, at tutulong sa kanila.
K. I., Inglatera
Hindi ko masabi sa inyo kung gaano ko lubusang pinahahalagahan ang inyong mga artikulo tungkol sa pagharap sa kamatayan ng isang anak. Ang aming anak na lalaki ay nagpakamatay noong nakaraang Agosto. Ang inyong impormasyon ay tumulong sa akin na madama kong ako’y normal. Hindi ko akalain na napakaraming tao pala ang nakadarama na gaya ko. Subalit kung paanong kinakailangan ko ang impormasyong iyon tungkol sa iba’t ibang yugto na pinagdaraanan ng isang tao pagkamatay ng isang anak, hindi ko maunawaan kung bakit ang pagpapakamatay ay iniugnay sa karamiwang kamatayan, gaya ng nasa pahina 15. Walang kamatayan ang karaniwan, alam ko iyan, subalit ang pagpapakamatay ay lubhang kalunus-lunos sapagkat ang pag-asa tungkol sa pagkabuhay-muli ay hindi laging naroroon. Hindi ko alam kung makikita ko pang muli ang aking anak na lalaki.
J. D., Estados Unidos
Ang nabanggit na artikulo tungkol kay George, na nagpakamatay, ay isinama, hindi upang ipakita na ang pagpapatiwakal ay isang ordinaryong kamatayan, kundi upang ipakita kung paano nakayanan ng ama ni George ang kalunus-lunos na pangyayaring ito sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa ilang mga kasulatan. Oo, ang pagpapatiwakal ay napakagrabe at kalunus-lunos, subalit sa bawat kaso ang katiyakan ay laging naroroon na gagawin ni Jehova at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang matuwid na bagay. Alam ni Jehova ang lahat ng mga kalagayang nasasangkot, ang antas ng pananagutan, at ang posibilidad ng pagsisisi. Makapagtitiwala tayo na ikakapit niya ang kaniyang awa sa sukdulan na kasuwato ng kaniyang kalooban.—ED.
Pag-utang sa Buhay ng Iba
Ako’y sumusulat sa inyo tungkol sa isang pangungusap na binanggit sa artikulong “Kapayapaang Pandaigdig—Paano at Kailan?” (Hunyo 8, 1987) Ang pangungusap ay binanggit tungkol sa mga Saksi ni Jehova: “Sila ay naging mapayapang mga tao, at sa ilalim ng anumang kalagayan ay hindi sila pumapatay ng kanilang kapuwa tao.” Ito ba’y nangangahulugan na hindi tayo maaaring gumamit ng nakamamatay na lakas upang pangalagaan ang ating sarili o ang ating pamilya?
H. N., Estados Unidos
Ang ekspresyong ‘pumapatay ng kapuwa tao’ ay nagpapahiwatig ng may kabatirang pagsisikap na patayin ang isa. Hindi ito gagawin ng isang tunay na Kristiyano. Kapag sinalakay at hindi makatakas mula sa sumasalakay na determinadong manakit o pumatay, maaaring sikapin ng isang Kristiyano na sanggain ang mga hampas o lumaban pa nga bilang pagtatanggol sa sarili, marahil ginagamit ang anumang magagamit upang ipagtanggol ang kaniyang sarili o ang iba. Subalit ang kaniyang pagkilos ay pagtatanggol lamang. Hindi niya sisikaping patayin o parusahan ang sumasalakay sa kaniya, kundi upang pahinahunin lamang ang pagsalakay. Kung ang sumasalakay ay tumanggap ng nakamamatay na hampas, ito ay aksidente, hindi sinasadya.—ED.