Iwasan ang Sobrang Bilis at Pagkaagresibo!
“KUNG ang kotse ay inimbento ngayon ito ay ipagbabawal,” sabi ni Geoff Large, pangalawang patnugot ng kaligtasan sa daan sa RoSPA (Royal Society for the Prevention of Accidents) ng Britaniya. “Hinding-hindi ka pahihintulutang magbenta ng isang bagay na maaaring pumatay at puminsala ng sangkatlo ng isang milyong mga tao taun-taon dito lamang sa bansang ito.”
Kinikilala ng mga tagagawa ng mga sasakyan ang potensiyal na panganib ng kanilang produkto. Sila’y namumuhunan ng malaking halaga ng salapi at gumagawa ng maraming pagsisikap upang mapahusay ang pangkaligtasang mga katangian na inilalagay nila sa modernong mga kotse. Subalit gaya ng komento ng Sunday Express Magazine ng London: “Nalalaman ng mga tsuper na nababahala-sa-seguridad na ang pag-iingat sa kotse—at sa mga sakay nito—ay hindi mura.” Bagaman maaaring itampok ng mga anunsiyo ang mga kagamitang pangkaligtasan, ano ba ang nakakatawag-pansin sa mamimili? Karaniwan na ay ang nagagawa ng sasakyan, kung paano nito natatamo ang sukdulang bilis sa pinakakaunting panahon, ang lakas nito, gayundin ang kinis at ganda nito.
Si hukom Richard Spiegel na nagretiro na ay naniniwala na ang mga motoristang Aleman ay waring “may neurotikong kaugnayan sa bilis . . . na siya pa ring pinakamadalas na sanhi ng aksidente.” Inaakala niya na ang saloobin ngang ito ang pinagsasamantalahan ng “anunsiyo ng industriya ng mga sasakyan.” Totoo rin ba ito sa bansa ninyo?
Ang iba pang mga salik, gaya ng kumakapal na trapiko at ng humihinang klase ng sistema sa daan, ay nagpapangyari sa pagmamaneho na maging higit na mapanganib sa maraming bansa. Itinutuon ng mga ulat mula sa Brazil ang tungkol sa mga panganib ng walang tanda na mga sangandaan. “Sa mga kalagayang ito,” komento ng Brazil Herald, “isa o higit pang mga tsuper ang biglang nalilito, nag-aatubili, na maaaring humantong sa isang aksidente.”
Nakakaharap ang gayong mga panganib, kailangan na ang mga tsuper ng moderno’t mahusay na mga sasakyan ay maging mga taong responsable, sanay-na-sanay, at nagmamalasakit. Ang publikasyon sa Sweden na Trygg i trafiken? (Ligtas sa Trapiko?) ay nagbibigay ng ganitong palagay: “Susunod sa karapatang bumoto, ang isang lisensiya sa pagmamaneho ang pinakamahalagang bagay na maaaring ipagkatiwala sa iyo ng lipunan.”
Mag-ingat sa Pagkaagresibo!
Ang bilis ay nakamamatay. Ang lasing na mga tsuper ay nakamamatay. ‘Ngunit,’ sabi mo, ‘nananatili ako sa mga takdang bilis, at hindi ako umiinom ng alak kapag ako’y nagmamaneho. Batid ko na ang pagmamaneho ay maaaring mangahulugan ng buhay at kamatayan. Ano pa ang maaari kong gawin?’
“Pinalalakas ng kotse ang kakayahan ng tao, yaon sa pagkilos, ginagawang posible na takbuhin ang mga distansiya nang mas mabilis kaysa kaniyang sariling paraan,” sulat ng sikologong si Zulnara Port Brasil, at ang sabi pa: “Iyan sa ganang sarili ay hindi masama.” Kaya nasaan ang problema? Sang-ayon kay Zulnara, ito ay “nakasalalay sa paraan ng pangangasiwa ng bawat tsuper sa kapangyarihang iyon.”
Walang alinlangang sumasang-ayon ka sa pahayagang Pranses na Le Monde na nagsabi: “Isang malawakan, nalinang na saloobin ng isipan ang nagpapangyari sa atin na ipalagay . . . ang kotse bilang isang sagisag ng kapangyarihan . . . Kung hindi maiiwasan ng isa ang kamangmangan ng iba . . . , sa paano man maaaring supilin ng isa ang kaniyang pagmamaneho.”—Amin ang italiko.
Ang makabagong pagmamaneho ay mas mahirap at mapanganib dahilan sa tinatawag ng Glasgow Herald na “dumaraming antas ng pagkaagresibo at di-pagpaparaya ng mga nagmamaneho.” Idagdag mo pa rito ang “pagmumuntik-muntikan [ang pagsagad sa isang mapanganib na kalagayan sa takdang kaligtasan bago huminto] at ang mga paraan ng pagsingit,” na naging “lubhang malaganap hanggang sa punto ng pisikal na karahasan at mga banggaan,” at mayroon kang isang resipe para sa pagkawasak sa daan. Ganito ang sabi ng superintendente ng pulisya sa Canada na si Ken Cocke: “Basta nakalimutan na ng mga tao ang lahat ng mga tuntunin—at lahat ay nagmamadali. Nadarama natin na kailangan nating maging higit na agresibo; ang lahat ay nagtutulakan at wala nang naghihintay sa pila.”
Ang agresibong katangiang ito, na makikita sa mga tsuper sa ngayon, ay talagang pumupukaw ng gulo. “Ang pinakamasamang kamalian,” ulat ng Rheinischer Merkur, “ay ang pagtutok sa sinusundang sasakyan. . . . Bihira sa mga gumagamit ng daan ang nagpapahalaga sa damdamin ng iba. Halimbawa, kadalasang inaakala ng mga tsuper ng mabibilis na kotse na ang mga motorsiklista ay isang panganib. Para ba silang hinahamon, naiinggit, at ang inggit ay madaling pumukaw ng pagkaagresibo.” Napakapangkaraniwan ng ugaling ito anupa’t “isang tao sa tatlo na tinanong ang umamin na nababalisa o naiinsulto pa nga kapag sila’y inaabutan at nilalampasan.”
Pangunahin—Magmaneho Nang Ligtas!
Ang dumaraming karahasan na nagaganap sa mga haywey sa Estados Unidos ay waring nagpapabanaag sa pagkaagresibong ito. Isang balita sa The Wall Street Journal, ng Agosto 3, 1987, sa ilalim ng paulong “Ang mga Tsuper ay Nagiging Marahas,” sabi nito: “Sa mga lunsod sa ibayo ng bansa, napapansin ng mga pulis ang pagdami ng mga barilan, suntukan at iba pang mga pinsala sa mga haywey, ang marami ay nagsisimula sa maliliit na away sa pagitan ng mga tsuper. Sa ilang mga kaso ang mga motorista ay napatay.” Ang The New York Times, ng Agosto 6, 1987, ay nag-ulat: “Simula noong kalagitnaan ng Hunyo, ang karahasan sa mga freeway sa gawing timog ng California ay sumawi ng apat katao . . . at nag-iwan ng 15 na napinsala.”
Samakatuwid walang alinlangan tungkol dito: ang ligtas na pagmamaneho ay lubhang kailangan, para sa atin mismong pakinabang at gayundin sa iba. Pagkatapos managhoy sa mga buhay na nasasawi taun-taon sa mga lansangan sa Britaniya, ang dating kalihim ng transportasyon na si John Moore ay nagpapayo: “Ang kaligtasan sa daan . . . ay dapat na maging pangunahin sa gitna ng lahat ng gumagamit ng daan.”
Sa gayon, sa praktikal na panig, paano ka maaaring magmaneho nang ligtas? Ano ang dapat mong bantayan? Anong payo ang ibinibigay ng maingat, may karanasang mga tsuper? Isasaalang-alang ng aming susunod na artikulo, “Linangin ang Ligtas na mga Pag-uugali sa Pagmamaneho,” ang mga katanungang ito.