Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 3/8 p. 14-17
  • Ang Panahon ng Paggamit ng Singaw ay Nagpapatuloy

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Panahon ng Paggamit ng Singaw ay Nagpapatuloy
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Panghalina ng Singaw
  • Iningatang Tren na Pinatatakbo ng Singaw
  • Isang Paglalakbay sa Linyang Bluebell
  • Paggamit Muli ng mga Tren na Pinatatakbo ng Singaw?
  • Ang Daang-Bakal—Mananatili Ba Ito?
    Gumising!—1998
  • Ang Indian Railways—Isang Malaking Sistema ng Daang-Bakal na Sumasaklaw sa Isang Bansa
    Gumising!—2002
  • Paggamit sa Enerhiya ng Lupa
    Gumising!—2002
  • Nakatawid sa Kontinente Makalipas ang Mahigit 120 Taon
    Gumising!—2008
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 3/8 p. 14-17

Ang Panahon ng Paggamit ng Singaw ay Nagpapatuloy

T-O-O-T! Isang silbato na bumabasag sa katahimikan ng lalawigan ng Sussex sa Inglatera. Hiss-ssss! Tsug-tsug-tsug! Pagkatapos, mula sa kalapit na istasyon ng tren ay lumalabas ang isang mekanikal na higante na nalalaganapan ng isang ulap ng singaw.

Hindi, hindi ako nananaginip. Ito ay 1980’s. Ako’y maglalakbay sakay ng tren mula sa Sheffield Park tungo sa Horsted Keynes, siyete punto dos kilometro sa hilaga. Isang lokomotorang (locomotive) ginagamitan ng singaw ang magpapaandar sa tren sa aking paglalakbay!

Ang Panghalina ng Singaw

Ang mga makinang pinaaandar ng singaw ay nasa kanilang tugatog mga 50 taon na ang nakalipas. Mula noon, ang makinang humihila sa tren na ginagamitan ng diesel at kuryente ang humalili sa karamihan ng mga bansa. Gayunman, ngayon, ang mga tren na pinatatakbo ng singaw ay nakabibighani pa rin sa karaniwang mga tao, at sang-ayon sa aklat na Railways for Pleasure, ang Britaniya ang may pinakamataas na porsiyento ng mga apisyunado sa perokaril sa anumang bansa sa daigdig. Tinatayang mga apat na milyong mga lalaki, mga babae, at mga bata ang “mayroong higit pa sa lumilipas na interes sa mga perokaril, lalo na sa mga tren na pinatatakbo ng singaw.” Bakit?

Mula nang gamitin ng isang lalaking taga-Cornwall, si Richard Trevithick (1771-1833), ang lakas mula sa singaw upang hilahin ang mga paninda, minalas ng mga apisyunado sa mga makinang humihila sa pamamagitan ng singaw ang lokomotora bilang “isa sa pinakaromantiko at pinakamagandang makinang kailanma’y nagawa,” “ang pinakamapanlikhang gawang iyon ng tao.” Ito’y nagbibigay ng isang “pinagmumulan ng katuwaan para sa mga apisyunado at gayundin sa mga karaniwang tao.” Mula sa unang mga kaarawan ng paglalakbay sakay ng tren sa Britaniya, nang ang linya sa Stockton hanggang sa Darlington ay magbukas noong 1825 sa Locomotion ni George Stephenson, ang mga apisyunado ay naglakbay sakay ng tren “para sa kasiyahan lamang ng paglalakbay.” Subalit ano ang nag-uudyok ng gayong katuwaan sa ipinalalagay naman ng iba na isang makalumang paraan ng paghahatid na sasakyan?

Sa mga may sapat nang gulang upang matandaan ang panahon ng mga tren na pinatatakbo ng singaw, ang pananabik sa mga bagay na nakalipas ay gumaganap ng bahagi nito. Sa mga napakabata pa upang maranasan ang paglalakbay sa mga tren na pinaaandar ng singaw, isang bagong karanasan ang sumakay sa likuran ng maingay na mga higante ng nagdaang mga perokaril. Sa paunang-salita sa tomong Symphony in Steam, ipinalalagay ni O. S. Nock ang interes na ito ay bunga ng “sentimentalidad na nasa ating lahat.” Ang magasing Railway World ay sumasang-ayon, inilalarawan ang karaniwang apisyunado sa perokaril bilang “isang wala nang lunas na romantiko.” Subalit saan nakasalalay ang panghalina? “Nakikita mo at nadarama mo ang kapangyarihan at lakas ng isang lokomotorang pinatatakbo ng singaw,” sabi ng isang apisyunado sa tren na pinatatakbo ng singaw. “Para bang ito’y isang nabubuhay na bagay.” Sabi naman ng isa: “Sa akin naman, ito ay ang amoy.”

Iningatang Tren na Pinatatakbo ng Singaw

Noong Agosto 1968 huminto ang gamit ng mga makinang pinatatakbo ng singaw sa pambansang perokaril ng Britaniya. Dahil sa thermal efficiency na bihirang humigit sa 6 na porsiyento, ang mga lokomotora na pinatatakbo ng singaw ay nagbigay-daan sa mas mabisang mga yunit na humihila ng tren. Ang mga istasyon ng tren na ginamit ng bantog na mga tren na pinatatakbo ng singaw ay naging lipás na. Daan-daang mga lokomotora ay ipinagbili sa mga mambabakal. Ang panahon ng paggamit ng singaw ay halos nalipol. Datapuwat, hindi isinaalang-alang ng mga tagaplano ng perokaril ang matinding interes ng mga apisyunado. Sang-ayon sa manunulat na si Brian Hollingsworth, ito ang mga tao “na ang pagkawala ng mga tren na kanilang minahal ay nagbigay-inspirasyon sa kanila na itaguyod ang ideya na panatilihin ang ilang bagay sa kapaligiran ng sinaunang mga panahon.” Paano nila sinimulan ang atas na ito?

Binili ng ilan ang hindi na ginagamit na mga istasyon ng tren. Ang isa sa mga ito, sa Carnforth sa hilagang Inglatera, ang kinaroroonan ngayon ng isang museo ng tren na pinatatakbo ng singaw na sumasaklaw ng 15 hektarya. Iba’t ibang mga makinang pinatatakbo ng singaw ang naghahali-halili sa paghila sa mga kotse ng tren sa maikling riles ng tren, sa malaking tuwa ng mga bisita. Subalit ang kaluguran ng isang paglalakbay sakay ng mga tren na pinatatakbo ng singaw sa aktuwal na mga riles ng tren na ginagamit ng gayong mga makina sa kanilang regular na trabaho ang layon ng marami sa mga samahan na nagpapanatili sa perokaril ng Britaniya.

Ang pansin ng mga apisyunado ay bumaling sa isang tambakan ng lumang mga piraso ng bakal sa South Wales na ayon sa The Sunday Telegraph ay naging “isang Mecca para sa mga apisyunado ng mga tren na pinatatakbo ng singaw.” Sa orihinal na 400 mga makinang ipinagbili sa mga mambabakal, noong 1983 sangkapat ng mga ito ang nailigtas para panatilihin. Ang magasing Steam Railway ay nag-uulat: “Ang bagong bagay na pagliligtas ng mga lokomotora sa tambakan ni Barry ng lumang mga pirasong bakal ay maaaring umunti sa nakalipas na mga taon, subalit ang gawain ay nagpapatuloy.” Ito’y pinatunayan ng balita na noong Setyembre 1985 ang kabuuang bilang ng mga makinang hindi pa naipagbibili ay bumaba na lamang sa 30, at “lahat maliban sa isa nito ang mayroon nang bibili.”

Ang pagbabago at pagkukumpuni sa isang lokomotorang pinatatakbo ng singaw ay hindi madali o mura. Sa halagang halos $15,000 (U.S.), iilang indibiduwal ang makabibili ng kanilang sariling lokomotora, at ang gawaing pagsasauli sa dati ay makadaragdag pa ng $30,000 sa gastos. Hindi nasisiraang-loob, ang mga pangkat ng mga apisyunado ay bumili ng kani-kanilang mga makina ng tren at nagtrabaho kung mga dulo-ng-sanlinggo at iba pang malayang panahon upang ibalik ito sa dati. Noong 1983 napanatili nila ang halos isang libong lokomotorang pinatatakbo ng singaw. Taglay ang layon na ang “naingatang tren na pinatatakbo ng singaw” ay gawing gumaganang tren na pinatatakbo ng singaw, ang isang daang mga samahan sa pagpapanatili ng mga perokaril sa Britaniya ay nagmamay-ari na ngayon ng 369 kilometrong riles ng tren. Sa mga ito, ang Bluebell Railway ang nanguna sa pamantayang pribadong mga linya.

Isang Paglalakbay sa Linyang Bluebell

Ang tiket sa tren na hawak ko ay may bisa para sa isang balikang biyahe mula sa Sheffield Park tungo sa Horsted Keynes. Nakatayo sa plataporma ng istasyon ng tren, tiningnan ko ang linya ng tren hanggang sa mga istasyon ng tren habang ang 0415-klase ng lokomotora No. 488, na nalalaganapan pa ng isang ulap ng singaw, ay marahang lumalabas. Sa paligid ay mga memorabilia ng panahon ni Reyna Victoria. Ipinagugunita ng isang maliit na museo ang kasikatan ng panahon ng mga tren na pinatatakbo ng singaw na may mga salaming may kulay na mga larawan ng mga tagapanguna nito, sina James Watt, George Stephenson, at I. K. Brunel. Mga lumang tiket ng tren, mga uniporme, mga talaorasan, mga ilawan ng makina, at mga bandera ng mga guwardiya ay naroong lahat.

Sa ngayon, ang No. 488, pati na ang mga kotse nito, ang nasa unahan. Ibinaba na ang banderang panghudyat. Ang guwardiya ay sumisilbato at ikinukumpas ang kaniyang berdeng bandera. Mula sa unahan ay maririnig ang masayang tugon ng makina​—T-O-O-T! Unti-unting bumibilis, ang aming tren ay umalis. Hindi napapansin sa simula, at pagkatapos ay napakaindayog, ang marahang taas-at-ibabang galaw na pamilyar sa mga pasahero ng tren na pinatatakbo ng singaw ay nadama. Ang rat-a-tat-tat habang tinatawid namin ang mga dugtong ng mga riles ay bumibilis. Ang makina ay bumubuga paitaas sa hindi gaanong matarik na dalisdis.

Nililisan ang istasyon, kinuha ng aming tren ang rutang tuluy-tuloy sa lalawigan, bumabagal sa mas matarik na dalisdis habang ito ay nagdaraan sa mga maisan. Patuloy ito sa pagtakbo, sa ilalim ng isang ladrilyong tulay, sa lansangan. Ang silbato nito ay nagbibigay ng babala habang ito ay lumiliko, ito’y sumusugod sa kagubatan, ang singaw nito na nagpapahiwatig ng direksiyon. Ngayon nadaanan namin ang magandang alpombra ng mga bulaklak na bluebell at buttercup, na nagpapaliwanag sa pangalan, ang Linya ng Bluebell. Pagkatapos, isang urong-sulong na galaw habang ang makina ay papalapit sa istasyon ng Horsted Keynes. Dinaraanan ang isa pang hudyat ng bandera, kami ay pumasok sa pagitan ng dalawang pangunahing mga plataporma, dumarating mga 20 minuto pagkatapos naming magsimula.

May panahon ngayon ng pagsulyap sa paligid ng ibinalik sa dati na mga gusali sa istasyon ng tren, humihintong sandali sa silid ng “Refreshments,” pagkatapos ay sumakay na muli sa tren para sa aming biyahe pabalik. Matagumpay na nagawa ng makina ng tren ang pag-ikot at ngayon ay nakadikit na sa kabilang dulo ng aming tren para sa mabilis na pagbaba pabalik sa Sheffield Park.

Mga batang mag-aaral na dumadalaw na naghihintay ng kanilang unang biyahe sakay ng tren na pinatatakbo-ng-singaw ang nagsiksikan sa bumababang mga pasahero. Kabilang sa kanila ang mga adultong nagdadala ng mga kamera at mga kamera ng video, mahilig kumuha ng ebidensiya ng nagpapatuloy na panahon ng paggamit ng singaw.

Paggamit Muli ng mga Tren na Pinatatakbo ng Singaw?

Ang tagumpay ng mga linyang pribadong pinatatakbo ay nakaimpluwensiya sa pag-iisip ng sistema ng perokaril na pinamamahalaan-ng-estado, ang British Rail. Ang ilan sa dating mga higanteng tren na pinatatakbo ng singaw ay pumaparada ngayon sa kanilang makulay na mga kasuotan upang pangunahan ang pantanging pang-ekskursiyon na mga tren sa regular na pangunahing mga riles ng tren. Ang kulay asul na Mallard, halimbawa, na kilala sa rekord nito na 203-kilometro-bawat-oras na takbo noong 1938, ay hinila kamakailan ang isang tren mula sa tahanan nito sa Museo ng National Railway sa York, na gumagamit ng singaw sa kauna-unahang pagkakataon mula noong 1963.

Ang pagpapanatili sa mga tren na pinatatakbo ng singaw ay may dako sa puso ng bawat apisyunado. Kung dulo-ng-sanlinggo, daan-daan ang pumipila sa mga plataporma sa mga istasyon ng tren upang hintayin ang kapana-panabik na ugong ng ekspres tren na pinatatakbo ng singaw. Ang mga leeg ay dumudunghal at napipilipit habang ang mga tren ay dumadagundong, patotoo na ang panahon ng paggamit ng singaw ay nagpapatuloy.​—Ng kabalitaan ng Gumising! sa Britaniya.

[Larawan sa pahina 17]

Itaas: Larawan ng Locomotion na ginawa ng George Stephenson & Co. noong 1825 para sa unang perokaril pampubliko na hila ng makinang pinatatakbo ng singaw

[Credit Line]

Beamish North of England Open-Air Museum

[Picture Credit Line sa pahina 15]

Beamish North of England Open-Air Museum

[Picture Credit Line sa pahina 16]

Mga larawan: The Bluebell Railway, Inglatera

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share