“Iniibig Ko ang Diyos. Ginawa Niya ang Punong Ito”
Nakikita ng marami ang mga punungkahoy at nakikita nila ang salapi. Nakikita ng dalawang-taóng-gulang na ito ang punong ito at iniibig niya ang Diyos dahil dito. Habang siya’y lumalaki, makikita niya ang higit pa at lalo niyang mamahalin ang Diyos. Narito ang ilang panloob na impormasyon tungkol sa katawan ng punò na kaniyang niyayapos.
Ito’y punô ng “mga linya ng tubo.” Ang ilan ay mula sa mga ugat patungo sa mga dahon, ang iba naman ay mula sa mga dahon patungo sa mga ugat. Yaong mga pataas ay nasa tinatawag na sapwood. Dinadala nito ang tubig at mga mineral sa bawat dahon sa punungkahoy. Yaong mga pababa ay nasa ilalim lamang ng balat ng kahoy. Dinadala nito ang pagkain mula sa mga dahon tungo sa mga ugat.
Ang dulo ng bawat ugat ay may matigas, parang may lubrikanteng takip at bumabaon sa lupa, umiikid na parang tribuson habang ito ay bumabaon. Sa likuran lamang ng dulo ay daan-daang mga balahibong ugat na sumisipsip ng tubig at mga mineral. Ang tubig na ito ay maaaring maglakbay pataas hanggang daan-daang piye sa pinakamataas na dahon ng pinakamataas na punungkahoy.
Ang dahon ay kumukuha ng carbon dioxide mula sa hangin at enerhiya mula sa araw, at kasama ng tubig at mineral mula sa mga ugat, ito ay gumagawa ng pagkain para sa halaman. Inihahatid ito ng “mga linya ng tubo” ng pagkain sa bawat selula sa punungkahoy. Ang lakas ng dahon na gawin ito ay di malirip. Ito ay tinatawag pa ngang himala.
Bahagi lamang iyan ng kung ano ang nangyayari sa katawan ng punungkahoy na niyayapos ng ating munting batang magustuhin-sa-punungkahoy.
Ngayon siya ay pitong taon na. Napalawak na niya ang kaniyang pangmalas upang saklawin ang buong puungkahoy—ang mga dahon at mga ugat gayundin ang katawan. Mahal pa rin niya ang Diyos, nakikita pa rin niya ang Diyos bilang ang Maygawa ng punungkahoy, kaya higit pa ang nakikita niya kaysa matatalino ng daigdig.—Roma 1:20; 1 Corinto 3:19, 20.