Pagluluto ng Gulay—Istilong Intsik!
GALING ka ba sa isang pamilihan ng pagkain kamakailan? Kung gayon marahil ay napansin mo—lalo na kung ikaw ay nakatira sa isang malaking Kanluraning lunsod—na nagkaroon ng pagbabago. Maaaring makikita sa tabi ng kilalang pipino at carrots ang ilang di-pamilyar na mga bagay; bok choy, snow peas, water chestnut, tawge, luya.
Ito ay mga gulay ng Intsik. Bagaman maaaring lampasan ng ilang mga kusinero ang mga ito, ang mas abenturosong kusinero ay bumibili ng wok (kawaling metal) at sinusubok ang lutong Intsik. Sa pamamagitan ng kaunting praktis, ikaw man ay maaaring magluto ng ilang katakam-takam na pagkain para sa iyong pamilya—at sa kataka-takang mababang halaga! Ito’y dahilan sa ang lutong Intsik ay mahilig gumamit ng gulay. Bakit gayon?
Ilang Sekreto ng Lutong Intsik
Kadalasan nang inilalaga ng mga taga-Kanluran ang kanilang mga gulay at itinatapon ang tubig na pinaglagaan. Ito, gayunman, ay isang pag-aaksaya ng lasa at ng sustansiyang natutunaw sa tubig. Sinasangkutsá ng mga Intsik ang kanilang mga gulay. Bagaman ang wok ang tradisyunal na gamit sa pagluluto, maaari ka ring makakuha ng kasiya-siyang mga resulta sa isang ordinaryong kawali. Pinananatili ng pagsasangkutsá ang lasa at mga sustansiya, kasabay nito ang bahagya ang pagkakaluto na mga sangkap ay malambot, malutong na naiibigan ng marami. Pagkaraang ang pagkain ay nasangkutsá sa matinding init, ito ay dinaragdagan ng kaunting tubig o sabaw ng pinakuluang karne, ang kawali ay tinatakpan, at ang mga sangkap ay sandaling pinakukulo. Ang sabaw ay saka pinalalapot sa pamamagitan ng gawgaw na hinalo sa malamig na tubig upang maging sarsa. Sa ganitong paraan ang pampalasa ay nananatili sa bawat piraso ng pagkain habang ito’y kinakain.
Ang paglalagay ng mga pampalasa sa pagkain ay isa pang sekreto ng Intsik. Ang luya, halimbawa, ay hindi lamang nagpapasarap ng lasa kundi ito rin ay pinaniniwalaang may medisinal na mga pakinabang. Ang lasa nito ay maaaring idagdag sa iba’t ibang paraan, depende sa iyong panlasa. Kung bahagyang lasa lamang nito ang nais mo, initin ang ilang kutsarang mantika sa isang kawali at ihulog ang isang hiwa ng luya. Pinalalabas ng mainit na mantika ang lasa ng luya. Maaari mo na ngayong alisin ang luya at sangkutsahin ang iyong mga gulay sa mantikang may lasang luya.
Kung nais mo nang mas matapang na lasa, basta iwan mo ang luya habang ikaw ay patuloy na nagluluto. Ang mga hiniwang luya ay maaari pa ngang panatilihin sa pagkain kapag ito’y inihain, bagaman ito ay hindi nilayong kainin. Ang ikatlong paraan ay ang magtalop ng isang pirasong luya na humigit-kumulang ay kasinlaki ng isang maliit na kudrado ng asukal. Tadtarin ang luya nang pinung-pino, at ihalo sa sarsa.
Ang sariwang mga butil ng bawang ay maaari ring idagdag sa pagkain sa ganitong paraan, subalit pakaingat na babaan ang init, yamang ang bawang ay madaling masunog.
Gayunman, ang lutong Intsik ay hindi puro gulay lamang. Ang karne ay nagdaragdag ng lasa sa gulay, samantalang ang mga gulay ay nakapagpaparami sa kaunting karne. Kahit na kung hindi malaking bagay sa iyo ang pagbabawas ng halaga, ang pagkain ng mas maraming gulay at mas kaunting karne ay isang madaling paraan ng pagbabawas ng calorie at kolesterol.
Ang mga posibilidad ng mga kombinasyong karne at gulay ay napakarami: karne ng baka at broccoli, hiniwang karne at malalaking sili, hipon na may kasamang snow peas, at manok at halu-halong gulay, upang banggitin lamang ang ilan.
Pagluluto ng Manok
Maraming katakam-takam na pagkain ang ginagamitan ng manok na inalisan ng buto, halimbawa, ang Moo Goo Gai Pan. Ito ay ginagawa sa paggamit ng isang buo, sariwa, hindi lutong manok o mga bahagi ng manok na gaya ng pitso o hita. Una, alisin ang balat, at marahan itong iprito hanggang mawala ang taba. Ang mantika ay maaaring gamitin sa pagpiprito at pinahahalagahan ng mga Intsik sa lasa nito, ikalawa lamang sa langis ng mani. Sa pamamagitan ng isang matalim na kutsilyo, ihiwalay mo ang laman sa mga buto ng manok. Ang mga buto ay maaaring gamitin sa sopas o gawing sabaw na gagamitin sa pagluluto ng gulay sa istilong oryente. Pagkatapos, ang karne ng manok ay maaaring hiwain nang pare-pareho, at maliliit na piraso.
Ibabad ang mga piraso ng manok sa toyo, alak, at asukal. Ihalo ang gawgaw, at ibabad ang mga piraso nang kalahating oras. Initin ang mantika sa wok o sa kawali, at sangkutsahin ang karne, inihihiwalay ang mga piraso habang ito ay naluluto. Hanguin sa kawali at itabi.
Dagdagan ng mantika ang kawali, at initin ito nang husto. Ihulog ang mga hiniwang luya at prituhin ito sa loob ng 30 segundo. Ihulog ang lahat ng gulay nang sabay-sabay samantalang ang kawali ay mainit pa. Sangkutsahing sandali ang gulay, na sapat sapat na magpapalamig sa mantika upang ang tinadtad na bawang ay maaaring ihulog nang hindi sinusunog. Sangkutsahin sa loob ng isang minuto. Ihalo ang kumukulong sabaw, takpan, at pakuluin nang isa pang minuto. Alisin ang takip ng kaserola at ihulog ang susunod na limang sangkap. Marahang ibuhos ang hinalong gawgaw sa tubig habang hinahalo, at huminto kapag natamo na ang ninanais na lapot. Sa wakas, idagdag ang nilutong manok sa gulay, hinahalo nang bahagya lamang upang initing-muli. Ihain na kasama ng kanin.
Mangyari pa, walang kahalili para sa pagsubok ng isang resipe kung talagang nais mong madama ito. Hindi magtatagal, magkakaroon ka ng lakas ng loob na subukin ang iba pang eksotikong pagkain.
Kaya subuking magluto ng gulay sa paraang Intsik. Magbibigay ito sa iyo ng isa pang paraan upang ipahayag mo ang iyong pag-ibig sa iyong pamilya. Ang kanilang mga kapahayagan ng pagpapahalaga ay baka lalo pang gumanyak sa iyo na paramihin pa ang iyong talaan ng mga pagkaing lulutuin!
[Kahon/Larawan sa pahina 26]
Mga sangkap para sa Moo Goo Gai Pan (mga hiniwang manok na may kabuté):
Para sa pagbababaran:
1 1/2 hanggang 2 tasang karne ng manok
1 1/2 kutsarang toyo
1 1/2 kutsarang alak
1 kutsaritang asukal
2 kutsarang gawgaw
Gayundin:
2 hiwa ng luya (opsiyonal)
4 na tasang bok choya
1/2 tasang hiniwang celery
1 tasang hiniwang sariwang kabuté o 1/2 tasang kabuténg nasa lata
1/4 tasang water chestnuts
1/4 tasang labong (opsiyonal)
1/4 librang snow peas
1 malaking ulo ng bawang, tinadtad
2 tasang sabaw ng manok
3/4 kutsaritang asin
1 kutsaritang asukal
1 kutsaritang toyo
1 kutsaritang sesame oil
2 kutsaritang alak o sherry
1/4 tasang gawgaw na inihalo sa 1/4 tasang malamig na tubig
[Talababa]
a Kung walang makuhang bok choy sa inyong lugar, ang petsay Intsik (celery o repolyo) ay maaaring ihalili. Ang water chestnuts at labong ay maaaring masumpungan sa mga de-lata sa istante ng groseri ngunit, kung wala, ang mga ito ay maaaring huwag nang isama nang hindi binabago ang panlahat na lasa ng resipe. Kung walang snow-peas ang grabansos o iba pang nakakaing gisantes ay maaaring gamitin.