Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 10/8 p. 19-21
  • Ang Manok—Popular at Napakarami

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Manok—Popular at Napakarami
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Rekord ng Ibon
  • Isang Pinagmumulan ng Karne
  • Pagpapakain sa Papaunlad na mga Lupain
  • Pagluluto ng Gulay—Istilong Intsik!
    Gumising!—1988
  • Mga Ulilang Taga-Afghanistan na Nais Makakita ng Isang Bukid
    Gumising!—1991
  • Kung Paano Gagawing Mas Ligtas ang Pagkain
    Gumising!—2001
  • Ingatan ang Iyong Sarili Mula sa Sakit na Dala ng Pagkain
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 10/8 p. 19-21

Ang Manok​—Popular at Napakarami

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA KENYA

ANG manok marahil ang pinakamaraming ibon sa lupa. Ayon sa mga pagtaya, may mahigit na 13 bilyon manok! At napakapopular ng karne nito anupat mahigit sa 33 bilyong kilo nito ang nakukunsumo sa bawat taon. Bukod pa riyan, ang mga inahing manok ay nangingitlog ng mga 600 bilyong itlog sa isang taon sa buong daigdig.

Sa mga lupain sa Kanluran, napakarami at mura ang manok. Mga dekada na ang nakalipas, ang mga botante sa Estados Unidos ay pinangakuan na makakaya nang bilhin ng isang sambahayan ang isang manok tangi lamang kung maihahalal ang isang kandidato. Subalit sa ngayon, hindi na isang luho ang manok na gaya nang dati o para lamang sa iilan. Paano naging napakadaling mabili at napakapopular ng natatanging ibon na ito? At kumusta naman sa mas mahihirap na bansa? May anumang tsansa ba na makabahagi sila sa kasaganaang ito?

Ang Rekord ng Ibon

Ang manok ay inapo ng pulang labuyo sa Asia. Natuklasan agad ng tao na madaling mapaamo ang manok. Aba, mga 2,000 taon na ang nakalilipas, tinukoy ni Jesus kung paano tinitipon ng isang inahing manok ang kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mapagkalingang mga pakpak. (Mateo 23:37; 26:34) Ipinahihiwatig ng paggamit ng gayong ilustrasyon na ang mga tao sa pangkalahatan ay lubhang pamilyar sa ibong ito. Subalit noon lamang ika-19 na siglo naging negosyo ang maramihang produksiyon ng mga manok at mga itlog.

Ang manok sa ngayon ang pinakapopular na karne ng mga ibong inaalagaan para sa pagkain. Milyun-milyong sambahayan ang nag-aalaga ng mga manok​—pati na ang mga pamilya sa lunsod​—​para sa sarili at komersiyal na gamit. Sa katunayan, iilang hayop lamang sa bukid ang gaya ng manok na maaaring alagaan sa maraming iba’t ibang heograpikong dako. Maraming bansa ang nakapagpalahi ng mga manok na nababagay sa kanilang klima at mga pangangailangan. Kabilang sa mga ito: ang Australorp ng Australia; ang kilaláng-kilalá na Leghorn, mula sa Mediteraneo subalit lubhang popular sa Estados Unidos; ang New Hampshire, ang Plymouth Rock, ang Rhode Island Red, at ang Wyandotte, pawang pinarami sa Estados Unidos; at ang Cornish, ang Orpington, at ang Sussex, mula sa Inglatera.

Ang pagmamanukan ay naging isa sa pinakamatatagumpay na industriyang pang-agrikultura dahil sa makabago at makasiyensiyang mga paraan ng paghahayupan. Sa Estados Unidos, ang mga nagmamanukan ay gumagamit ng maingat at kontroladong pamamaraan ng pagpapakain at paglalagay sa kulungan, pati na ng makasiyensiyang pagsawata sa sakit. Hinahatulan ng maraming tao ang mga pamamaraang ito ng maramihang-produksiyon bilang malupit. Subalit hindi niyan napahinto ang mga nagmamanukan sa paggawa ng higit pang mabibisang paraan ng pagpaparami sa mga ibong ito. Dahil sa makabagong mga pamamaraan, posible na ngayon para sa isang tao lamang ang mag-alaga ng mula 25,000 hanggang 50,000 manok. Nangangailangan lamang ng tatlong buwan ang mga ibon upang maabot ang ninanais na timbang upang maipagbili.a

Isang Pinagmumulan ng Karne

Magpunta ka sa halos anumang otel, restawran, o dakong nagtitinda ng pagkain at inumin, at tiyak na makikita mo sa menu ang karne ng maamong ibon na ito. Ang totoo, maraming tindahan ng fast-food sa buong daigdig ang nagsisilbi ng manok bilang espesyalidad. May mga lipunan kung saan ang manok ay siya pa ring pinipiling ihain para sa pantanging mga okasyon. Nakagawa sila ng kasiya-siyang mga paraan ng paghahain sa ibong ito sa ilang lupain, gaya sa India. Ang mga pagkaing gaya ng manok na niluto sa siling pula, lal murgi; hinimay na manok, kurgi murgi; at manok na dahan-dahang pinalambot sa luya, adrak murgi, ay napakasarap!

Bakit ba gayon na lamang kapopular ang manok? Una sa lahat, iilang pagkain lamang ang gaya nito na maaaring timplahan ng iba’t ibang pampalasa. Ano ang gusto mong luto nito? Pinirito, nilitson, inihaw, nilaga at saka hinurno, o nilaga? Magbuklat ka ng kahit anong aklat sa pagluluto, at malamang na masumpungan mo ang maraming resipe sa manok na dinisenyo upang lumutang ang sarap ng bawat piraso.

Dahil sa ito ay madaling mabili sa maraming bansa, may kamurahan din ang manok. Kaibigan din ito ng mga dalubhasa sa nutrisyon, yamang ito ay may mga protina, bitamina, at mga mineral na mahalaga sa katawan. Subalit, mababa sa kalori, saturated na taba, at iba pang taba ang manok.

Pagpapakain sa Papaunlad na mga Lupain

Sabihin pa, hindi lahat ng bansa ay sagana sa mga produkto ng manok. Mahalaga ito dahil sa ulat ng isang task force para sa Council for Agricultural Science and Technology, na nagsabi: “Ang populasyon ng daigdig ay inaasahang aabot sa 7.7 bilyon sa taóng 2020 . . . Gayunman, ang malaking bahagi (95%) ng pagdami ng populasyon ay hinuhulaang mangyayari sa papaunlad na mga bansa.” Ang pangungusap na ito ay mas nakababahala pa kung isasaalang-alang mo na mga 800 milyon katao na ang dumaranas ng malnutrisyon!

Gayunpaman, inaakala ng maraming eksperto na ang manok ay makagaganap ng malaking papel kapuwa sa pagpapakain sa nagugutom na mga populasyong ito at sa paglalaan ng lubhang kinakailangang kita sa mga nagmamanukan. Ang problema ay na ang maramihang pag-aalaga ng mga ibong ito ay maaaring maging isang tunay na hamon sa mahihirap na nagmamanukan. Una sa lahat, sa mahihirap na bansa ang mga manok ay inaalagaan lamang sa maliliit na bukid sa lalawigan o sa mga likuran ng bahay. At sa mga lupaing iyon, ang mga manok ay bihirang inilalagay sa mga kulungan. Sa araw ang mga ibon ay hinahayaang gumala-gala at maghanap ng pagkain, umuuwi sa gabi, kung minsan ay humahapon sa mga punungkahoy o sa mga kulungang metal.

Hindi kataka-taka, maraming ibon na inaalagaan sa gayong paraan ang namamatay​—ang ilan bilang mga biktima ng nakamamatay na sakit na Newcastle at ang iba naman bilang mga biktima ng mga maninila, hayop at tao. Karamihan ng mga nagmamanukan ay walang nalalaman o salapi upang mapakain nang sapat ang kanilang mga manok, maglaan ng wastong tirahan para sa mga ito, o pangalagaan ang mga ito mula sa mga sakit. Sa kadahilanang ito, sinimulan ang mga programa upang turuan ang mga nagmamanukan sa papaunlad na mga lupain. Halimbawa, pinasimulan kamakailan ng Food and Agriculture Organization ng United Nations ang limang-taóng proyekto “upang makinabang ang mahihirap sa lalawigan ng Aprika sa pamamagitan ng mas malaking produksiyon ng manok.”

Panahon lamang ang makapagsasabi kung ano ang kalalabasan ng gayong mga programang may mabuting intensiyon. Dapat ngang pag-isipan ng mga residente sa mas mayayamang lupain ang katotohanan na ang isang bagay na pangkaraniwan na gaya ng isang hiwa ng manok ay maaaring isa nang luho para sa karamihan ng mga naninirahan sa daigdig. Para sa mga iyon, ang ideya na isang ‘manok sa bawat sambahayan’ ay maaaring magtinging wala kundi isa lamang pangarap.

[Talababa]

a Bagaman ang manok ay inaalagaan din dahil sa mga itlog nito, sa Estados Unidos, 90 porsiyento ang inaalagaan dahil sa kanilang karne.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 21]

Ligtas na Paghahanda ng Hilaw na Manok

“Ang hilaw na manok ay maaaring may nakapipinsalang mga organismo, gaya ng baktiryang salmonella, kaya mahalagang maging maingat sa paghahanda nito. Laging hugasan ang iyong mga kamay, sangkalan, kutsilyo at gunting sa manok sa mainit na tubig na may sabon bago at pagkatapos ihanda ang manok. Mabuting ideya na gumamit ng sangkalan na maaaring hugasan sa mainit na tubig . . . at, kung maaari, magbukod ng sangkalan para lamang sa paghahanda ng hilaw na manok. Hayaang lubusang matunaw ang yelo sa iladong manok bago lutuin.”​—The Cook’s Kitchen Bible.

[Mga larawan sa pahina 19]

Ang ilang lahi ng manok ay ang White Leghorn, Gray Jungle Fowl, Orpington, Polish, at Speckled Sussex

[Credit Line]

Ang lahat maliban sa White Leghorn: © Barry Koffler/www.feathersite.com

[Mga larawan sa pahina 20]

Ginagawa ang mga pagsisikap upang tulungan ang mga nagmamanukan sa papaunlad na mga lupain na paramihin ang produksiyon ng manok

[Larawan sa pahina 20]

Sa Estados Unidos, 90 porsiyento ng mga manok ay inaalagaan dahil sa kanilang karne

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share