Kung Paano Naapektuhan ng Pamumuhay Bilang Isang Takas ang Aking Buhay
ISANG maliwanag ang buwan na gabi noon pagkatapos ng napakalakas na ulan noong taglagas ng 1941. Habang maingat na tinutunton ko ang aking daan sa kahabaan ng landas sa isang nayon sa isla ng Creta, isang pangkat ng nakamaskarang mga lalaki ang dumaluhong sa akin mula sa dilim. Itinutok ng isa sa kanila ang isang patalim sa aking lalamunan at tinanong kung sino ako. “Phillippos Paschalakis!” ang sagot ko.
Isip-isipin ang ginhawa ko nang ang isa sa kanila ay mag-alis ng maskara, at nagsabi: ‘Kasama natin siya. Pakawalan ninyo siya!’ Pinatay niya at ng kaniyang kapatid na lalaki ang kanilang tiyo mga ilang linggo lamang ang nakalipas, kaya sila ay pinaghahanap ng pulisya ng Creta. Datapuwat ako ay pinaghahanap kapuwa ng pulisya at ng mga Nazi. Pagkatapos akong babalaan na huwag silang ipagkanulo, pinayagan nila akong umalis. Isa lamang ito sa nakatatakot na karanasan na naranasan ko bilang isang takas na bilanggo ng digmaan sa isla ng Creta sa Mediteraneo noong Digmaang Pandaigdig II.
Kung Paano Ako Napunta sa Creta
Ako’y ipinanganak noong 1919 sa Corowa, isang maliit na bayan na sakahan sa timog-silangan ng Australia, at ako’y nag-asawa bago sinimulan ng mga Aleman ang Digmaang Pandaigdig II sa pamamagitan ng pagsalakay sa Poland noong Setyembre 1939. Ang propaganda sa digmaan ay agad nagpaalab ng pag-ibig sa bayan, at libu-libong mga Australyano ay tumugon sa pamamagitan ng pagsusundalo. Ang pagkamakabayan ni Itay, gayunman, ay medyo namusyaw dahil sa mga alaala ng Digmaang Pandaigdig I, anupa’t siya ay hindi nangako. Subalit kami ng aking isang nakatatandang kapatid na lalaki ay pinayuhan ni Inay na gawin kung ano ang inaakala naming tama.
Nang sumunod na buwan, noong Oktubre 1939, sumama ako sa Australian Imperial Forces at di-nagtagal ako ay patungo na sa Inglatera. Naroon ako sa loob halos ng isang taon nang kami ay maglayag patungo sa sona ng digmaan sa Gresya. Yamang kontrolado ng mga Aleman ang malaking bahagi ng Mediteraneo, nagpunta kami sa dulong timog ng Cape of Good Hope sa Aprika, hanggang sa Dagat na Pula at sa Suez Canal, at pagkatapos ay sa Gresya.
Isang Takas sa Creta
Nasa Gresya ako nang lumusob ang mga Aleman noong Abril 1941 at kabilang ako sa mga hukbong Alyado na umurong sa isla ng Creta, mga 105 kilometro timog-silangan ng Gresya. Nang sumunod na buwan, nang lumunsad ang mga Aleman at itinaboy ang karamihan ng mga hukbong Alyado sa labas ng Creta, ako’y dinalang bihag ng digmaan. Gayunman, pagkaraan ng isang buwan, ako at tatlo pang mga bilanggo ay nagtagumpay sa pagtakas.
Narating namin ang mga burol at doon ay magandang-loob na tinanggap kami ng mga taga-Creta. Ang kanilang taimtim na pagkabahala at pagiging palakaibigan ay pambihira. Kaming apat na mga takas ay nagpasiyang maghiwa-hiwalay, yamang ang pananatiling magkakasama ay madaling makatawag ng pansin. Ginugol ko ang susunod na dalawang taon bilang isang takas sa gitna ng mga taganayon sa silangan ng ilog Typhlos sa departamento ng Canea. Doon ko natutuhan ang malamig, mahirap na katotohanan ng pamumuhay sa labas kung taglamig at tag-init.
Ang taggutom ay tumitindi. Subalit ang pagkakaroon ng sapin sa paa ay mas malaking problema kaysa pagkuha ng pagkain. Ang isang pares ng bota na yari sa katad ay nasisira sa loob lamang ng ilang buwan sa mabatong mga lansangan ng Creta, at ang katad ay luhang kakaunti. Paltos, pasang mga paa at sakit ang madalas na karanasan. Ang wika ay isa pang problema. Upang makaligtas, natuto akong magsalita ng Griego.
Nahimok ko ang isang lasing na alkalde na awang-awa sa akin na bigyan ako ng isang palsipikadong kard ng pagkakakilanlan. Ginawa ito ng isang may kabataang doktor na taga-Creta. Ang pangalang Griego na napili ko ay Phillippos Paschalakis, sapagkat hinahamak ko ang mapagpaimbabaw na gawain ng simbahan na pag-aayuno kung Pasko ng Pagkabuhay (Pasch) yamang ang lahat ay gutom na.
Ang mga pananakop ng mga Aleman ay lumikha ng katakut-takot na pahirap sa mamamayan. Subalit ang mga klero ng Griego Orthodoxo ay hindi tumulong. Sila ay may sariling mga tahanan at lupain, gayunma’y sumisingil pa sila ng pagkain at salapi sa nagugutom na mamamayan. Higit pa riyan, pinangibabawan nila ang buhay ng mga tao ng maraming ritwal at pormalismo subalit hindi sila nagbigay ng tunay na espirituwal na kaliwanagan. Ang mabubuting katangian ng mga taga-Creta na nalalaman ko ay lubhang kakaiba sa hindi pagpaparaya na nakita ko sa kanilang mga klero.
Isang bagay na ipinagtaka ko ang aktibong pakikibahagi ng mga klero sa digmaan. Mayroon akong nakilalang isang pari na kinunsinti ang pagputul-putol sa bahagi ng katawan ng mga Aleman na napatay ng mga kapanig. Ang aming landas ay maraming beses nang nagbagtas, yamang siya man ay pinaghahanap ng mga Nazi. Nakita ko mismo ang mga paring Griego Orthodoxo na nangunguna sa mga hukbong gerilya at nakikibahagi sa brutalidad at sadismo.
Sina Itay at Inay ay hindi mahilig sa relihiyon—gayunman sila ay may mataas na mga simulaing moral—kaya ako man ay hindi mahilig sa relihiyon. Sa katunayan, ng sumama ako sa hukbong sandatahan, ako’y isang agnostiko. Ang gawain ng mga klero ngayon ang nagpatindi ng kawalan ko ng tunay na pananampalataya sa Diyos. Mayroon pang ibang hindi maipaliwanag na mga kakatuwang bagay tungkol sa buhay na nakaimpluwensiya sa aking pag-iisip subalit wala nang hihigit pa sa impluwensiya ng mga klero noong panahon ng digmaan.
Karaniwan nang nagtatago sa kabundukan, marami akong oras para sa seryosong pag-iisip. Kung minsan nagugunita ko ang tungkol sa lalaking pinatay ang kaniyang tiyo at nagsabi, ‘Kasama natin siya.’ Totoo ito sa maraming paraan. Ako man ay nakapatay ng tao. Talaga nga bang kakaiba ako sa kanila? Ito ang mga bagay na pinag-iisipan ko. Napansin ko na ang mga tao ay gumagawa ng nakatatakot na mga bagay dahil sa mga kalagayan na napipilitan silang batahin.
Sa isa sa mga nayon na pinagtaguan ko, tumira ako sa isang pamilya na, gaya ng iba pa, ay nasa punto ng pagkagutom. Isa sa mga anak ay nagmamakaawa sa kaniyang ama para sa ilang tinapay. Ito ay lubhang nakagalit sa ama anupa’t samantalang ako’y nakatingin, tinabig niya ang bata. Nang maglaon, ang ama ay nanangis at labis na ikinalungkot ang kaniyang ginawa. Tinipon ko ang mga karanasang gaya nito.
Kaya, sa pagitan ng pagplano ng mga paraan upang tumakas buhat sa Creta, marami akong panahon upang bulaybulayin ang tungkol sa masalimuot na mga suliranin ng buhay. Ang mga bituin kung saan sa ilalim nito ginugol ko ang karamihan ng mga gabi ay napakapermanente, gayunman ang buhay at ang mga pagpapahalaga ng tao ay napakaiksi at walang katiyakan. Bakit? Wala akong masumpungang kasagutan kung kaya’t ako’y naghinuha na wala ngang kasagutan.
Noong tagsibol ng 1943, pagkaraan ng dalawang taon ng pag-iwas na mahuli ng mga Aleman o ng kanilang mga tagatangkilik, ako’y tumakas na kasama ng isa pang pangkat mula sa malayong timugang baybayin tungo sa Tobruk sa Hilagang Aprika. Ang aming pagtakas sa pamamagitan ng bapor na pinatatakbo ng torpedo ay isinaayos ng isang ahenteng Britano na ipinadala sa Creta upang organisahin ang pailalim na paglaban. Pagkalipas ng ilang linggo sa Ehipto, ako ay nagbalik sa Australia kung saan pinalabas ako ng ospital pagkatapos na ako’y maospital sa loob ng isang yugto ng panahon.
Hindi nagtagal pagbabalik ko, ibinalita ng The Australian Women’s Weekly ng Hulyo 24, 1943, ang isang istorya tungkol sa pagkaligtas ko sa loob ng dalawang taon bilang isang takas sa Creta. Lumitaw ang larawan ko kasama ng aking asawa, si Gwen, at ang aming dalawa-at-kalahating-taong-gulang na anak, si Anita, na ipinanganak samantalang ako ay nasa ibayong dagat. Lumitaw din ang aking palsipikadong kard ng pagkakakilanlan. Makikita mo ang mga kuha ng mga larawang ito na kasama ng artikulong ito.
Pagtatamo ng Isang Layunin sa Buhay
Ang mga pananagutan sa pamilya at ang kamatayan ng aking ina ay nagpangyari sa akin na humanap ng ginhawa sa paraang mamuhay-sa-ngayon. Bunga nito, naghirap ang aking pamilya. Inaakala ko na dapat sana’y may layunin ang buhay, subalit saan kaya ito masusumpungan.
Sa aking pinagtatrabahuan, may isang binata, si Eric Gosden, na sa ilang paraan ay namumukod-tangi sa iba. Lingid sa akin, si Eric kamakailan ay naging isa sa mga Saksi ni Jehova. Nang dakong huli inamin niya: “Nang matanto ko na nasumpungan ko ang katotohanan, lumapit ako sa iyo.” May kasanayang pinasinungalingan niya ang aking kawalang-pananampalataya at binago niya ang relihiyosong pangmalas ng aking asawa. Hindi nagtagal nasumpungan ko na pati na ang aking pagiging agnostiko ay unti-unting naglaho.
Ang tulong ng iba pang mga Saksi ay hiniling, at sinagot nila ang lahat ng mga tanong ko at hinalinhan ang aking dating pagiging agnostiko ng isang tiyak na pag-asa sa isang lupang paraiso at ng isang tunay na kapatiran ng tao. Ang malaking pagbabago para sa akin ay dumating nang masumpungan ko na hinahatulan ng Bibliya ang relihiyosong pagpapaimbabaw na labis na nakainis sa akin noong panahon ng digmaan. Anong laking pagkakamali ang nagawa ko! Nang itapon ko ang huwad na mga turo at gawi ng relihiyon, naitapon ko rin ang mahalagang Salita ng Diyos.
Noong 1950 kami ni Gwen ay nabautismuhan sa pandistritong kombensiyon ding iyon ng mga Saksi ni Jehova. Nang maglaon si Anita, na isinilang noong 1941, at si Pauline, na isinilang noong 1947, ay sumunod sa aming halimbawa. Isang pampatibay-loob na ang tatlong mga babaing ito ay maging mahuhusay na espirituwal na mga kapatid, karagdagan pa sa pagiging asawa at mga anak na babae sa akin.
Pagtulong sa mga Nangangailangan
Habang ang mga bata ay lumalaki, nagplano kami para sa gawaing misyonero sa ibayong dagat. Noong 1956 ang presidente ng Samahang Watch Tower si N. H. Knorr, ay dumalaw sa Australia at inanyayahan ang mga pamilya na lumipat sa isa sa mga isla sa Timog Pasipiko kung saan ang mga nagtapos buhat sa paaralang pagmimisyonero ng Gilead ay hindi makapasok. Tinanggap namin, kasama ng marami pang iba, ang paanyaya. Ipinagbili namin ang aming tahanan, ginamit namin ang napagbilhan upang tustusan ang aming paglipat sa New Caledonia.
Mayroon lamang dalawang Saksi nang kami’y dumating. Ang pakikibagay sa iba’t ibang kaugalian at pag-aaral ng ibang wika ay isang hamon. Subalit ang pagkaligtas ko sa Creta sa ilalim ng mas mahirap na mga kalagayan ay nagbigay ng kapaki-pakinabang na karanasan. Ang pagtulong sa kapuwa mga Australyano na makibagay rin, gayundin ang pagdadala ng mabuting balita tungkol sa mga layunin ng Diyos sa mga tao roon, ay isang pribilehiyo. Nang dumating ang panahon na ang mga pamilyang Australyano na naglilingkod kung saan may malaking pangangailangan ay kailangang umalis sa New Caledonia noong 1963, ang bilang ng mga Saksi ay dumami tungo sa 58.
Balik sa Australia, nasumpungan naming may malaking pagbabagong nangyari. Daan-daang libong mga dayuhan buhat sa Europa ay dumating. Pagkatapos, kamakailan lamang, libu-libo pa ang dumating buhat sa Timog-silangang Asia, dinadala ang lahat ng uri ng mga tao sa aming pinto. Dahilan sa pamumuhay ko bilang isang takas sa Creta, nadarama ko ang nadarama ng mga bagong dating na nagsusumikap matuto ng isang bagong wika at mamuhay sa kakaibang kapaligiran. Kaya tuwang-tuwa akong makita ang 14 na etnikong mga kongregasyon at mga grupo na nabuo sa Australia noong 1974 at 1975. Ang bilang na ito ay dumami na ngayon tungo sa 85.
Ang pag-asa ko noong pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig II na makita ang isang tunay na kapatiran ng tao ay natupad sa isang kahanga-hangang paraan. Sa loob ng mga taon pagkatapos lisanin ang New Caledonia, ako ay nagkapribilehiyo na maglingkod sa kapatirang iyon bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa, dinadalaw ang mga kongregasyon sa Sydney, Melbourne, at Adelaide hanggang sa dahil sa mahinang kalusugan ay kailangang magbago ako ng gawain.
Kabilang doon sa aming patuloy na tinutulungan ay mga taong bingi, bulag, nag-iisa, o may mga karamdaman sa pisikal o sa isipan, gayundin yaong mga sugapa sa droga o mga alkoholiko, at pati na yaong mga agnostiko o mga ateista. Nananatiling isang espirituwal na hamon na unawain ang mga tao—ang kanilang pinagmulan, mga ugali, mga kahinaan, mga problema. Ang naranasan ko noon ay nagturo sa akin na huwag titingnan ang panlabas na anyo kundi sikaping abutin ang puso. Sa anong nangingibabaw na dahilan? Na sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na awa ni Jehova, ‘ang ilan ay maliligtas.’ (1 Corinto 9:22, 23)—Gaya ng inilahad ni Farleigh James.
[Mga larawan sa pahina 21]
GUNNER FARLEIGH JAMES, escapee from Crete, with his wife and 2 1/2-year-old daughter, Anita. Anita was born after Gunner James went overseas.
[Credit Line]
Mula sa The Australian Women’s Weekly, Sydney