Mahigit na 50 Taon ng ‘Pagtawid’
AYON SA PAGKALAHAD NI EMMANUEL PATERAKIS
Labinsiyam na siglo ang nakalilipas nang tumanggap si apostol Pablo ng isang di-pangkaraniwang paanyaya: “Tumawid ka patungong Macedonia at tulungan mo kami.” Malugod na tinanggap ni Pablo ang bagong pagkakataong ito upang “ipahayag ang mabuting balita.” (Gawa 16:9, 10) Bagaman hindi naman gayong katagal ang paanyayang natanggap ko, gayunma’y mahigit na 50 taon na ang nakalipas nang sumang-ayon akong “tumawid” sa bagong mga teritoryo ayon sa diwa ng Isaias 6:8: “Narito ako! Suguin mo ako.” Dahil sa aking napakaraming paglalakbay kung kaya ang bansag sa akin ay ang Walang Katapusang Turista, ngunit walang pagkakahawig sa turismo ang aking mga gawain. Hindi lang miminsan, pagdating ko sa aking silid sa otel, napapaluhod ako at nagpapasalamat kay Jehova dahil sa kaniyang proteksiyon.
ISINILANG ako noong Enero 16, 1916, sa Hierápetra, sa Creta, sa isang napakarelihiyosong Ortodoksong pamilya. Mula pa sa aking pagkasanggol ay dinadala na ako ni Inay kasama ang aking tatlong kapatid na babae sa simbahan kung Linggo. Mas gusto naman ng aking ama na manatili sa bahay at magbasa ng Bibliya. Mahal na mahal ko ang aking ama—isang tapat, mabuti, at maawaing tao—at ang pagkamatay niya, nang ako ay siyam na taóng gulang, ay totoong nakaapekto sa akin.
Natandaan ko na noong ako’y limang taóng gulang, may nabasa akong isang teksto sa paaralan na nagsasabi: “Ang lahat ng nasa paligid natin ay nagpapahayag ng pag-iral ng Diyos.” Habang ako’y lumalaki, ako’y lubusang kumbinsido sa bagay na ito. Kaya naman, sa edad na 11, pinili kong sumulat ng isang sanaysay na ang tema ay ang Awit 104:24: “Pagkarami-rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mo silang lahat. Ang lupa ay puno ng iyong mga produksiyon.” Naakit ako sa mga kababalaghan ng kalikasan, maging sa mga simpleng bagay tulad ng mga binhing may maliliit na pakpak anupat ang mga ito ay tatangayin ng hangin palayo sa lilim ng magulang na punungkahoy. Nang sanlinggo na isumite ko ang aking sanaysay, binasa iyon ng aking guro sa buong klase, at pagkatapos ay sa harapan ng buong paaralan. Noon, ang mga guro ay lumalaban sa mga ideyang Komunista at sila’y natutuwang marinig ang pagtatanggol ko sa pag-iral ng Diyos. Kung para sa akin, nalulugod lamang akong magpahayag ng aking paniniwala sa Maylalang.
Sagot sa Aking mga Katanungan
Sariwang-sariwa pa rin sa aking alaala ang una kong pakikipagtagpo sa mga Saksi ni Jehova maaga noong dekada ng 1930. Nangangaral noon si Emmanuel Lionoudakis sa lahat ng bayan at nayon ng Creta. Tumanggap ako ng ilang buklet mula sa kaniya, ngunit ang talagang nakatawag ng aking pansin ay yaong isa na may pamagat na Where Are the Dead? Gayon na lamang ang pagkatakot ko sa kamatayan anupat hindi ako pumapasok sa kuwarto na kinamatayan ng aking ama. Habang binabasa ko nang paulit-ulit ang buklet na ito at nalaman kung ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga patay, nawala ang aking mapamahiing takot.
Minsan sa isang taon kapag tag-araw, dinadalaw ng mga Saksi ang aming bayan at dinadalhan ako ng higit pang literatura upang mabasa. Unti-unting lumawak ang aking pagkaunawa sa Kasulatan, ngunit patuloy akong nagsisimba sa Simbahang Ortodokso. Gayunman, nagsimula ang malaking pagbabago dahil sa aklat na Deliverance. Maliwanag na ipinakita nito ang kaibahan sa pagitan ng organisasyon ni Jehova at niyaong kay Satanas. Mula noon, naging lalo akong palagian sa pag-aaral ng Bibliya at ng anumang literatura ng Samahang Watch Tower na makukuha ko. Dahil sa ipinagbabawal ang mga Saksi ni Jehova sa Gresya, lihim akong nag-aaral sa gabi. Gayunpaman, tuwang-tuwa ako sa aking natutuhan anupat di ko mapigil ang aking sarili na ipakipag-usap sa lahat ang tungkol doon. Hindi nagtagal at sinimulan akong manmanan ng pulisya, anupat dinadalaw ako anumang oras araw at gabi upang maghanap ng mga literatura.
Noong 1936, dumalo ako sa pulong sa kauna-unahang pagkakataon, sa Iráklion na 75 milya ang layo. Maligayang-maligaya ako na makatagpo ang mga Saksi. Ang karamihan sa kanila ay pangkaraniwang mga tao, mga magsasaka sa kalakhang bahagi, subalit nakumbinsi nila ako na ito ang katotohanan. Agad-agad akong nag-alay kay Jehova.
Hindi ko kailanman malilimutan ang aking bautismo. Isang gabi noong 1938, ako at ang dalawa sa aking mga estudyante sa Bibliya ay dinala ni Brother Lionoudakis sa dalampasigan sa pusikit na kadiliman. Pagkatapos manalangin, inilubog niya kami sa tubig.
Inaresto
Sa totoo lang, maraming nangyari nang lumabas ako upang mangaral sa kauna-unahang pagkakataon. Nakita ko ang isang dating kaibigan sa paaralan na naging isang pari, at napakaganda ng aming pag-uusap. Subalit pagkatapos niyaon ay ipinaliwanag niya na bilang pagsunod sa utos ng obispo, kailangan niyang ipaaresto ako. Habang hinihintay namin sa tanggapan ng alkalde ang mga pulis mula sa karatig na nayon, nagtipon sa labas ang isang pulutong. Kaya kinuha ko ang Griegong Bagong Tipan na nasa tanggapan at nagsimulang magpahayag sa kanila salig sa Mateo kabanata 24. Sa simula ay ayaw makinig ng mga tao, ngunit namagitan ang pari. “Hayaan ninyo siyang magsalita,” sabi niya. “Iyan ang ating Bibliya.” Nakapagpahayag ako sa loob ng isa at kalahating oras. Kaya, ang unang araw ko sa ministeryo ay siya ring okasyon para sa aking unang pahayag pangmadla. Yamang hindi pa dumarating ang pulis nang ako’y matapos, nagpasiya ang alkalde at ang pari na itaboy ako ng isang grupo ng mga kalalakihan papalabas sa bayan. Sa unang pagliko sa daan, tumakbo ako sa pinakamabilis na magagawa ko upang mailagan ang mga batong ipinupukol nila.
Kinabukasan ay dalawang pulis, kasama ng obispo, ang umaresto sa akin sa trabaho. Sa himpilan ng pulis, nakapagpatotoo ako sa kanila mula sa Bibliya, ngunit yamang ang aking literatura sa Bibliya ay walang tatak ng obispo na siyang kahilingan ng batas, pinaratangan ako ng pangungumberte at pamamahagi ng ipinagbabawal na literatura. Pinalaya ako habang naghihintay ng paglilitis.
Nilitis ako pagkaraan ng isang buwan. Sa aking pagtatanggol ay sinabi ko na wala akong ibang ginagawa kundi ang sundin lamang ang utos ni Kristo na mangaral. (Mateo 28:19, 20) Mapangutya ang tugon ng hukom: “Anak ko, ang Isa na nag-utos niyan ay ipinako sa krus. Sa kasawiang-palad, wala akong awtoridad na magparusa ng gayon sa iyo.” Subalit isang kabataang abogado na hindi ko kilala ang tumayo para ipagtanggol ako, anupat sinabing dahil sa laganap ang Komunismo at ateismo, dapat na ipagmalaki ng hukuman na may mga kabataang lalaki na handang ipagtanggol ang Salita ng Diyos. Pagkatapos ay lumapit siya at taimtim na binati ako sa aking nasusulat na pagtatanggol, na nasa aking salansan. Palibhasa’y humanga sa bagay na ako’y napakabata, nag-alok siyang ipagtanggol ako nang walang bayad. Sa halip na pinakamababang tatlong buwan, nahatulan ako ng sampung araw lamang sa bilangguan at multa sa halagang 300 drachma. Ang gayong pagsalansang ay nagpatibay lamang ng aking pasiya na paglingkuran si Jehova at ipagtanggol ang katotohanan.
Sa iba pang pagkakataon nang ako’y maaresto, napansin ng hukom ang pagiging sanay ko sa pagtukoy sa Bibliya. Hiniling niya sa obispo na lisanin na ang kaniyang tanggapan, sa pagsasabing: “Nagawa mo na ang tungkulin mo. Ako na ang bahala sa kaniya.” Pagkatapos ay kinuha niya ang kaniyang Bibliya, at nag-usap kami tungkol sa Kaharian ng Diyos nang buong hapon. Napatibay ako ng gayong mga pangyayari upang magpatuloy sa kabila ng mga suliranin.
Ang Sentensiyang Kamatayan
Noong 1940, tinawag ako para sa serbisyo militar at sumulat ako ng isang liham na nagpapaliwanag kung bakit hindi ako sang-ayon na makalap. Dalawang araw pagkaraan ay inaresto ako at binugbog nang husto ng mga pulis. Pagkatapos ay ipinadala ako sa labanan sa Albania, kung saan ako’y nilitis sa isang hukumang militar dahil sa pagtanggi kong lumaban. Sinabi sa akin ng mga awtoridad sa militar na mas interesado sila sa maaaring maging epekto sa mga sundalo ng aking halimbawa kaysa sa malaman kung ako ay tama man o mali. Ako’y nahatulan ng kamatayan, ngunit dahil sa isang depekto sa batas, laking pasasalamat ko na ang sentensiyang ito ay napalitan ng sampung taóng sapilitang pagtatrabaho. Ginugol ko ang sumunod na ilang buwan ng aking buhay sa isang bilangguang militar sa Gresya sa ilalim ng napakahirap na mga kalagayan, na mula roo’y nararamdaman ko pa rin ang naging epekto sa aking pangangatawan.
Subalit hindi nakahadlang ang bilangguan sa aking pangangaral. Malayung-malayo! Madaling magpasimula ng usapan, yamang marami ang nagtataka kung bakit ang isang sibilyan ay nasa isang bilangguang militar. Ang isa sa mga pakikipag-usap na ito sa isang kabataang lalaki ay humantong sa isang pag-aaral sa Bibliya sa bakuran ng bilangguan. Pagkaraan ng tatlumpu’t walong taon ay nagkita kaming muli ng taong ito sa isang asamblea. Tinanggap niya ang katotohanan at naglilingkod bilang isang tagapangasiwa ng kongregasyon sa isla ng Lefkás.
Nang lusubin ng mga hukbo ni Hitler ang Yugoslavia noong 1941, inilipat kami sa mas malayong timog sa isang bilangguan sa Preveza. Habang naglalakbay, ang aming convoy ay sinalakay ng pambombang mga eroplano ng mga Aleman, at kaming mga bilanggo ay hindi binigyan ng pagkain. Nang maubos na ang aking kaunting tinapay, nanalangin ako sa Diyos: “Kung kalooban mo na mamatay ako sa gutom pagkatapos na iligtas mo ako sa sentensiyang kamatayan, kung gayo’y maganap nawa ang iyong kalooban.”
Kinabukasan ay tinawag ako ng isang opisyal habang isa-isang tinatawag ang pangalan ng mga bilanggo, at pagkatapos na malaman kung tagasaan ako, kung sino ang aking mga magulang, at kung bakit ako nasa bilangguan, sinabi niyang sumunod ako sa kaniya. Dinala niya ako sa bulwagang kinakainan ng mga sundalo sa bayan, inakay ako patungo sa isang mesa na may tinapay, keso, inihaw na kordero, at sinabing kumain ako. Ngunit ipinaliwanag ko na yamang ang ibang 60 bilanggo ay walang makain, hindi kaya ng budhi ko na ako’y kumain. Sumagot ang opisyal: “Hindi ko mapakakain ang lahat! Naging bukas-palad ang iyong ama sa aking ama. May utang na loob ako sa iyo pero sa iba ay wala.” “Kung gayon ay babalik na lamang ako,” ang sagot ko. Nag-isip siya nang sandali at pagkatapos ay binigyan ako ng isang malaking bag upang paglagyan ng pinakamaraming pagkain na mailalagay ko.
Pagbalik ko sa bilangguan, ibinaba ko ang bag at sinabi: “Mga ginoo, ito ay para sa inyo.” Siya nga pala, nang nakaraang gabi, pinagbintangan ako na siyang may pananagutan sa masamang kalagayan ng ibang bilanggo dahil ayaw kong sumali sa kanilang pananalangin sa Birheng Maria. Gayunman, ipinagtanggol ako ng isang Komunista. Ngayong makita ang pagkain, sinabi niya sa iba: “Nasaan ang inyong ‘Birheng Maria’? Sinabi ninyong mamamatay tayo dahil sa taong ito, gayunma’y siya ang nagdala sa atin ng pagkain.” Pagkatapos ay bumaling siya sa akin at ang sabi: “Emmanuel! Halika at ikaw ang manalangin ng pasasalamat.”
Di-nagtagal pagkaraan niyaon, nagsitakas ang mga guwardiya sa bilangguan dahil sa papalapit na ang hukbong Aleman, anupat nabuksan ang daan upang makalaya. Pumunta ako sa Patras upang hanapin ang ibang mga Saksi bago ako tumungo sa Atenas sa bandang katapusan ng Mayo 1941. Doon ay nakakuha ako ng ilang damit at sapatos at nakapaligo sa unang pagkakataon pagkaraan ng mahigit na isang taon. Hanggang sa katapusan ng pananakop, madalas akong pahintuin ng mga Aleman habang ako’y nangangaral, ngunit hindi nila ako kailanman inaresto. Isa sa kanila ang nagsabi: “Sa Alemanya ay binabaril namin ang mga Saksi ni Jehova. Ngunit dito ay ibig naming sana’y mga Saksi ang lahat ng kaaway namin!”
Mga Gawain Pagkatapos ng Digmaan
Wari bang hindi pa nagsawa ang Gresya sa pakikipaglaban, lalo pa itong nahati ng gera sibil mula noong 1946 hanggang 1949, anupat libu-libo ang nangamatay. Kailangan ng mga kapatid ang malaking pampatibay-loob na manatiling matatag sa panahon na kahit ang pagdalo lamang sa mga pulong ay maaaring humantong sa pagkaaresto. Maraming kapatid ang hinatulan ng kamatayan dahil sa neutral na paninindigan. Subalit sa kabila nito, maraming tao ang tumugon sa mensahe ng Kaharian, at isa o dalawa ang nababautismuhan sa amin sa bawat linggo. Noong 1947, nagsimula akong magtrabaho sa araw sa mga tanggapan ng Samahan sa Atenas at dumadalaw sa mga kongregasyon bilang naglalakbay na tagapangasiwa sa gabi.
Noong 1948, isang kagalakan na ako’y maanyayahang mag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead, sa Estados Unidos. Ngunit may problema. Dahil sa mga naging kaso ko noon, hindi ako makakuha ng pasaporte. Gayunman, isa sa aking mga estudyante sa Bibliya ay kaibigan ng isang heneral. Salamat sa estudyanteng ito, nakakuha ako ng pasaporte sa loob lamang ng ilang linggo. Ngunit nabahala ako nang, malapit na ang pag-alis ko, ako’y naaresto dahil sa pamamahagi ng Ang Bantayan. Dinala ako ng isang pulis sa hepe ng State Security Police sa Atenas. Sa aking pagkagulat, siya pala ay isa sa aking mga kapitbahay! Ipinaliwanag ng pulis kung bakit ako naaresto at ibinigay nito sa kaniya ang nakabalot na mga magasin. Kinuha ng aking kapitbahay ang isang salansan ng mga magasing Bantayan mula sa kaniyang mesa at sinabi sa akin: “Wala ako ng pinakahuling isyu. Puwede bang kumuha ako ng isang kopya?” Laking ginhawa ko na makita ang kamay ni Jehova sa gayong mga bagay!
Ang ika-16 na klase ng Gilead, noong 1950, ay isang karanasang nakapagpapatibay. Sa katapusan, naatasan ako sa Cyprus, kung saan natuklasan ko kaagad na ang pagsalansang ng klero ay kasinghigpit ng sa Gresya. Madalas kaming mapaharap sa mga pulutong ng relihiyosong mga panatiko na sinulsulang manggulo ng mga paring Ortodokso. Hindi napanibago ang aking visa sa Cyprus noong 1953, at ako ay muling inatasan sa Istanbul, Turkey. Dito muli, sandali lamang ang aking pamamalagi. Ang pulitikal na tensiyon sa pagitan ng Turkey at Gresya ay nangahulugan na, sa kabila ng mabubuting resulta ng pangangaral, kinailangan akong umalis para sa ibang atas—sa Ehipto.
Samantalang nasa bilangguan, madalas sumagi sa aking isip ang Awit 55:6, 7. Doo’y ipinahayag ni David ang pananabik na tumakas patungo sa disyerto. Hindi ko kailanman naisip na isang araw ay iyan ang eksaktong mararating ko. Noong 1954, pagkatapos ng nakapapagod na paglalakbay nang ilang araw sakay ng tren at bangka sa Nilo, sa wakas ay narating ko ang aking destinasyon—ang Khartoum, sa Sudan. Ang nais ko lamang ay maligo at matulog. Ngunit nakalimutan ko na katanghalian noon. Napaso ako sa tubig na nakaimbak sa isang tangke sa bubong, anupat napilitan akong magsuot ng helmet na yari sa ubod sa loob ng ilang buwan hanggang sa maghilom ang aking anit.
Madalas na madama ko roon ang pagiging nakabukod, nag-iisa sa gitna ng Sahara, isang libong milya ang layo mula sa pinakamalapit na kongregasyon, subalit inalalayan ako ni Jehova at binigyan ako ng lakas upang makapagpatuloy. Ang pampatibay-loob kung minsan ay nagmumula sa totoong di-inaasahan. Isang araw, nakilala ko ang direktor ng Museum of Khartoum. Bukas ang kaniyang isipan, at kawili-wili ang aming naging pag-uusap. Nang matuklasang ako ay may lahing Griego, tinanong niya ako kung bibigyan ko siya ng pabor sa pamamagitan ng pagpunta sa museo upang isalin ang ilang inskripsiyon sa mga bagay na natagpuan sa isang ikaanim-na-siglong simbahan. Pagkatapos ng limang oras sa masikip na silong, natuklasan ko ang isang platitong may pangalan ni Jehova, ang Tetragrammaton. Gunigunihin ang aking kagalakan! Sa Europa ay pangkaraniwan nang makikita ang banal na pangalan sa mga simbahan, ngunit talagang di-pangkaraniwan sa gitna ng Sahara!
Pagkatapos ng internasyonal na asamblea noong 1958, ako’y naatasan bilang tagapangasiwa ng sona na dadalaw sa mga kapatid sa 26 na bansa at mga teritoryo sa Gitna at Malapit na Silangan at sa palibot ng Mediteraneo. Madalas ay hindi ko alam kung paano makalalabas sa isang mahirap na situwasyon, ngunit palaging naglalaan si Jehova ng daang malalabasan.
Lagi akong humahanga sa pangangalaga ng organisasyon ni Jehova para sa mga Saksi na nakabukod sa ilang bansa. Minsan, nakilala ko ang isang kapatid na Indian na nagtatrabaho sa isang minahan ng langis. Lumilitaw na siya lamang ang tanging Saksi sa bansa. Sa kaniyang locker ay mayroon siyang mga publikasyon sa 18 iba’t ibang wika, na ibinigay niya sa kaniyang mga katrabaho. Kahit dito, na ang lahat ng banyagang relihiyon ay mahigpit na ipinagbabawal, hindi nakalimutan ng ating kapatid ang kaniyang pananagutan na ipangaral ang mabuting balita. Humanga ang kaniyang mga kasamahan nang makitang isang kinatawan ng kaniyang relihiyon ang ipinadala upang dalawin siya.
Dumalaw ako sa Portugal at Espanya noong 1959. Ang mga ito ay parehong nasa ilalim ng diktadurang militar nang panahong iyon, anupat mahigpit na ipinagbabawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Sa loob ng isang buwan ay nakapagdaos ako ng mahigit sa isang daang pulong, na pinatitibay-loob ang mga kapatid na huwag sumuko sa kabila ng mga kahirapan.
Hindi Na Nag-iisa
Sa loob ng mahigit na 20 taon, buong-panahon akong naglilingkod kay Jehova bilang isang binata, ngunit bigla akong nakadama ng panghihimagod sa aking patuluyang paglalakbay nang walang permanenteng tahanan. Iyon ang panahon na nakilala ko si Annie Bianucci, isang special pioneer sa Tunisia. Nagpakasal kami noong 1963. Ang kaniyang pag-ibig kay Jehova at sa katotohanan, ang kaniyang debosyon sa ministeryo lakip na ang kaniyang sining ng pagtuturo, at kaalaman sa mga wika ay napatunayang isang tunay na pagpapala sa aming gawaing pagmimisyonero at pansirkito sa hilaga at kanlurang Aprika at Italya.
Noong Agosto 1965 ay inatasan kaming mag-asawa sa Dakar, Senegal, kung saan nagkapribilehiyo ako na organisahin ang tanggapang pansangay sa lugar na iyon. Kapansin-pansin ang bansang Senegal sa pagiging mapagparaya nito sa relihiyon, tiyak na dahil sa presidente nito, si Leopold Senghor, isa sa iilang Aprikanong pinuno ng Estado na sumulat kay Presidente Banda ng Malawi bilang suporta sa mga Saksi ni Jehova noong kakila-kilabot na pag-uusig na naganap sa Malawi noong dekada ng 1970.
Mayamang Pagpapala ni Jehova
Noong 1951, nang umalis ako sa Gilead patungong Cyprus, naglakbay ako na may pitong maleta. Nang lisanin ang Turkey, lima na lamang ang dala ko. Ngunit dahil sa madalas na paglalakbay, kinailangan kong masanay sa itinakdang 20-kilong (44-na-librang) bagahe, na dito’y kasama na ang aking mga salansan at ang aking “munting” makinilya. Isang araw ay sinabi ko kay Brother Knorr, na presidente noon ng Samahang Watch Tower: “Ipinagsasanggalang ninyo ako sa materyalismo. Ginagawa ninyong mabuhay ako sa 20 kilo, at kontento naman ako.” Hindi ko kailanman nadamang ako’y pinagkakaitan dahil sa hindi pagtataglay ng maraming bagay.
Ang pangunahin kong suliranin sa aking mga paglalakbay ay ang pagpasok at paglabas sa mga bansa. Isang araw, sa isang lupain kung saan ipinagbabawal ang gawain, hinalungkat ng opisyal ng adwana ang aking mga salansan. Mapanganib ito para sa mga Saksi sa bansa, kaya inilabas ko mula sa aking diyaket ang isang liham buhat sa aking kabiyak at sinabi ko sa opisyal ng adwana: “Nakikita ko na mahilig kang bumasa ng mga sulat. Gusto mo rin bang basahin ang liham na ito mula sa aking kabiyak, na hindi kasama sa mga salansan?” Palibhasa’y napahiya, humingi siya ng paumanhin at pinayagan akong makaraan.
Sapol noong 1982 kaming mag-asawa ay naglilingkod bilang mga misyonero sa Nice, sa gawing timog ng Pransiya. Dahil sa aking humihinang katawan, hindi ko na nagagawa ang katulad ng dati. Ngunit hindi nangangahulugan iyan na nabawasan na ang aming kagalakan. Nakita namin na ‘ang aming pagpapagal ay hindi sa walang kabuluhan.’ (1 Corinto 15:58) Taglay ko ang kagalakan na makita ang napakaraming tao na sa kanila’y nagkapribilehiyo akong makipag-aral sa loob ng mga taon gayundin ang mahigit sa 40 miyembro ng aking pamilya na buong katapatang naglilingkod kay Jehova.
Talagang hindi ko pinagsisihan ang mga isinakripisyo ko sa buhay dahil sa aking ‘pagtawid.’ Tutal, wala tayong sakripisyo na maihahambing sa ginawa ni Jehova at ng kaniyang Anak, si Kristo Jesus, para sa atin. Kapag nagbabalik-tanaw ako sa nakalipas na 60 taon ko sa katotohanan, masasabi ko na ako’y saganang pinagpala ni Jehova. Gaya ng sabi sa Kawikaan 10:22, “ang pagpapala ni Jehova—iyan ang nagpapayaman.”
Walang alinlangan, “ang maibiging-kabaitan [ni Jehova] ay mas maigi kaysa sa buhay.” (Awit 63:3) Habang dumarami ang suliranin bunga ng pagtanda, madalas masambit sa aking mga panalangin ang mga salita ng kinasihang salmista: “Sa iyo, O Jehova, ay nagkakanlong ako. O huwag nawa akong mapahiya. Sapagkat ikaw ang aking pag-asa, O Soberanong Panginoong Jehova, ang aking katiwala mula sa aking kabataan. O Diyos, ikaw ang nagturo sa akin mula sa kabataan, at hanggang ngayon ay patuloy kong sinasabi ang tungkol sa iyong kamangha-manghang mga gawa. At maging hanggang sa katandaan at ulong may uban, O Diyos, huwag mo akong iwan.”—Awit 71:1, 5, 17, 18.
[Larawan sa pahina 25]
Ngayon kasama ng aking kabiyak, si Annie