Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 5/1 p. 25-29
  • Naglilingkod sa Ilalim ng Maibiging Kamay ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Naglilingkod sa Ilalim ng Maibiging Kamay ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Sakit na Naging Pagpapala
  • Muntik Nang Di-makaligtas
  • Pagsulong sa Espirituwal
  • Mga Pag-aresto at Pagkabilanggo
  • Isang Naiibang Uri ng Pagsubok
  • Pagiging Maingat
  • Pagkakaroon ng Tapat na Kapareha
  • Paglilingkod sa Bethel
  • Mahigit na 50 Taon ng ‘Pagtawid’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • “Sa Halip na Ginto, Diamante ang Nasumpungan Ko”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Ibinibigay kay Jehova ang Nararapat sa Kaniya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Paglilingkod sa Mapagkakatiwalaang Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 5/1 p. 25-29

Naglilingkod sa Ilalim ng Maibiging Kamay ni Jehova

AYON SA PAGKALAHAD NI LAMBROS ZOUMBOS

Napaharap ako sa isang mahalagang pagpili: tanggapin ang alok ng aking mayamang tiyo na maging tagapamahala ng kaniyang malawak na mga ari-ariang lupa at gusali​—sa gayo’y malunasan ang pinansiyal na suliranin ng aking pamilya​—o maging isang buong-panahong ministro ng Diyos na Jehova. Hayaan ninyong ipaliwanag ko ang mga salik na umakay sa aking naging pasiya.

AKO ay isinilang sa bayan ng Volos, Gresya, noong 1919. Nagtitinda ng damit na panlalaki ang aking ama, at sagana kami sa materyal. Subalit bunga ng pagbagsak ng ekonomiya noong bandang dulo ng dekada ng 1920, nalugi si Itay at nagsara ang kaniyang tindahan. Nalulungkot ako tuwing nakikita ko ang nanlulumong mukha ng aking ama.

May panahon na labis na naghirap ang aking pamilya. Araw-araw ay mas maaga ako nang isang oras kung umalis ng paaralan upang pumila para sa mga rasyon ng pagkain. Gayunman, sa kabila ng aming karukhaan ay payapa naman ang aming buhay pampamilya. Pangarap ko na maging isang doktor, subalit noong kalagitnaan ng aking pagkatin-edyer ay kinailangan kong huminto ng pag-aaral at magtrabaho upang tulungang makaraos ang aking pamilya.

Pagkatapos, noong Digmaang Pandaigdig II, sinakop ng mga Aleman at mga Italyano ang Gresya, at nagkaroon ng matinding taggutom. Madalas akong makakita ng mga kaibigan at mga kakilala na namamatay sa kalye dahil sa gutom​—isang kakila-kilabot na tanawin na hindi ko kailanman malilimutan! Minsan, ang aming pamilya ay nagtiis nang 40 araw na walang tinapay, isang pangunahing pagkain sa Gresya. Upang makaraos, kami ng aking kuya ay nagtungo sa karatig na mga nayon at nakakuha ng mga patatas buhat sa mga kaibigan at kamag-anak.

Isang Sakit na Naging Pagpapala

Maaga noong 1944, ako’y malubhang nagkasakit ng pleurisy. Sa panahon ng tatlong-buwang pamamalagi ko sa ospital, isang pinsan ang nagdala ng dalawang buklet sa akin at nagsabi: “Basahin mo ang mga ito; tiyak ko na magugustuhan mo ang mga ito.” Ang mga buklet, na Who Is God? at ang Protection, ay inilathala ng Watch Tower Bible and Tract Society. Pagkatapos mabasa ang mga ito, ibinahagi ko ang mga nilalaman nito sa mga pasyenteng gaya ko.

Nang makalabas sa ospital, sinimulan kong makisama sa Volos Congregation ng mga Saksi ni Jehova. Gayunpaman, sa loob ng isang buwan ay naratay ako sa aming bahay bilang isang pasyente, at mula anim hanggang walong oras sa isang araw, binabasa ko ang mga lumang labas ng Ang Bantayan, gayundin ang iba pang publikasyon na inilathala ng Samahang Watch Tower. Bilang resulta, naging mabilis ang pagsulong ko sa espirituwal.

Muntik Nang Di-makaligtas

Isang araw noong kalagitnaan ng 1944, ako ay nakaupo sa bangkô sa isang parke ng Volos. Di kaginsa-ginsa ang lugar ay pinaligiran ng isang maka-militar na pangkat na sumusuporta sa pananakop ng hukbong Aleman at inaresto ang lahat ng naroroon. Mga dalawampu’t apat sa amin ang inakay sa mga lansangan patungo sa punong-himpilan ng Gestapo, na naroroon sa isang bodega ng tabako.

Pagkaraan ng ilang minuto, narinig ko na may tumatawag sa aking pangalan at sa pangalan ng tao na kausap ko sa parke. Isang Griegong opisyal ng hukbo ang nagpatawag sa amin at sinabihan kami na nang isa sa aking mga kamag-anak ang makakita sa amin na inaakay palayo ng mga sundalo, sinabi niya sa opisyal na kami’y mga Saksi ni Jehova. Nang magkagayon ay sinabi ng Griegong opisyal na kami’y maaari nang makauwi, at ibinigay niya sa amin ang kaniyang opisyal na kard upang magamit namin sakaling kami’y muling arestuhin.

Nalaman namin nang sumunod na araw na pinatay ng mga Aleman ang karamihan sa mga inaresto bilang pagganti sa pagpatay ng lumalabang kilusang Griego sa dalawang sundalong Aleman. Bukod sa posibleng pagkaligtas sa kamatayan, natutuhan ko sa pangyayaring iyon ang kahalagahan ng Kristiyanong neutralidad.

Sa taglagas ng 1944, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Nang sumunod na tag-araw, isinaayos ng mga Saksi na ako ay makisama sa Sklithro Congregation na naroon sa itaas ng mga bundok, kung saan maaaring lubusang manumbalik ang aking kalusugan. Ang gera sibil na sumunod pagkatapos ng pananakop ng mga Aleman ay nagaganap noon sa Gresya. Nagkataon na ang nayong kinaroroonan ko ay naging parang isang himpilan ng mga puwersang gerilya. Ang pari roon at ang isa pang masamang lalaki ay nagbintang na ako ay isang espiya para sa puwersa ng pamahalaan at nagpangyari na ako ay pagtatanungin ng isang sariling-tatag na hukumang militar ng mga gerilya.

Naroroon sa kunwari’y hukumang paglilitis ang pinuno ng mga gerilya sa lugar na iyon. Nang matapos kong maipaliwanag ang dahilan ng aking pamamalagi sa nayon at maipakita na bilang isang Kristiyano, ako ay lubusang neutral sa gera sibil, sinabi ng pinuno sa iba pa: “Kapag may gumalaw sa lalaking ito, mananagot siya sa akin!”

Nang maglaon ay nagbalik ako sa aking sariling bayan sa Volos na mas malakas sa pananampalataya kaysa sa pangangatawan.

Pagsulong sa Espirituwal

Di-nagtagal pagkaraan ay nahirang ako bilang lingkod ng kuwenta sa lokal na kongregasyon. Sa kabila ng kahirapan na likha ng gera sibil​—kasali na ang napakaraming pag-aresto dahil sa udyok-ng-klerong paratang na pangungumberte​—ang pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano ay nagdulot ng malaking kagalakan sa akin at sa iba pa sa aming kongregasyon.

Pagkatapos, maaga noong 1947, dinalaw kami ng isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova. Ito ang una sa gayong pagdalaw pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II. Nang panahong iyon ay nahati sa dalawa ang aming masulong na kongregasyon, at ako ang nahirang na punong tagapangasiwa sa isa sa mga kongregasyon. Ang maka-militar at nasyonalistikong mga organisasyon ay naghahasik noon ng takot sa gitna ng mga tao. Sinamantala ng klero ang sitwasyon. Ibinaling nila ang mga awtoridad laban sa mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng pagkakalat ng maling balita na kami ay mga Komunista o mga tagapagtaguyod ng mga radikal na pangkat.

Mga Pag-aresto at Pagkabilanggo

Noong 1947, inaresto ako nang sampung ulit at tatlong beses na nilitis sa hukuman. Sa bawat pagkakataon ay napawawalang-sala ako. Noong tagsibol ng 1948, sinentensiyahan akong mabilanggo nang apat na buwan dahil sa pangungumberte. Ginugol ko ang panahon sa bilangguan ng Volos. Samantala ang bilang ng mamamahayag ng Kaharian sa aming kongregasyon ay nadoble, at ang mga kapatid ay nalipos ng kagalakan at kaligayahan.

Noong Oktubre 1948, samantalang ako ay nakikipagpulong sa anim na iba pang nangunguna sa aming kongregasyon, limang pulis ang biglang pumasok sa bahay at inaresto kami habang nakatutok sa amin ang mga baril. Dinala nila kami sa himpilan ng pulisya nang hindi ipinaliliwanag ang dahilan ng pag-aresto, at doon ay ginulpi kami. Ako ay sinuntok sa mukha ng isang pulis na dating boksingero. Pagkatapos ay ikinulong kami.

Pagkaraan ay ipinatawag ako ng punong opisyal sa kaniyang tanggapan. Nang buksan ko ang pinto, binato niya ako ng bote ng tinta, na nagmintis at nabasag sa dingding. Ginawa niya ito upang takutin ako. Pagkatapos ay binigyan niya ako ng isang pilyego ng papel at isang panulat at nag-utos: “Isulat mo ang pangalan ng lahat ng Saksi ni Jehova sa Volos, at dalhin mo sa akin ang listahan bukas ng umaga. Kapag hindi mo ginawa, alam mo na kung anong mangyayari sa iyo!”

Hindi ako sumagot, ngunit nang makabalik ako sa selda, kami ng mga kapatid ay nanalangin kay Jehova. Ang pangalan ko lamang ang aking isinulat sa papel at hinintay ko na ako’y tawagin. Subalit wala na akong narinig buhat sa opisyal. Noong gabi, dumating ang mga puwersang militar ng kaaway, at pinangunahan niya ang kaniyang mga tauhan laban sa kanila. Sa maikling sagupaan na sumunod, siya’y malubhang napinsala, at kinailangang putulin ang isa sa kaniyang mga paa. Sa wakas, dininig ang aming kaso, at kami ay pinaratangang nagdaraos ng ilegal na pagpupulong. Kaming lahat na pito ay nahatulang mabilanggo nang limang taon.

Yamang ako ay tumangging dumalo ng Misa tuwing Linggo sa bilangguan, ako ay ibinartolina. Noong ikatlong araw, hiniling kong makipag-usap sa direktor ng bilangguan. “Ipagpaumanhin po ninyo,” ang sabi ko sa kaniya, “wari pong hindi makatuwiran na parusahan ang isa na handang gumugol ng limang taon sa bilangguan dahil sa kaniyang pananampalataya.” Pinag-isipan niya itong maigi, at sa wakas ay sinabi niya: “Simula bukas, magtatrabaho ka rito na kasama ko sa aking opisina.”

Nang dakong huli, binigyan ako ng trabaho bilang isang katulong ng doktor sa bilangguan. Dahil dito, marami akong natutuhan tungkol sa pangangalaga sa kalusugan, isang bagay na totoong naging kapaki-pakinabang paglipas ng mga taon. Samantalang nasa bilangguan, nagkaroon ako ng maraming pagkakataon upang mangaral, at tatlong tao ang tumugon at naging mga Saksi ni Jehova.

Pagkaraang gumugol ng halos apat na taon sa bilangguan, sa wakas ay pinalaya ako na may probasyon noong 1952. Pagkaraan, kinailangan kong pumunta sa hukuman ng Corinto dahil sa isyu hinggil sa neutralidad. (Isaias 2:4) Doon ay ipiniit ako nang maikling panahon sa isang bilangguang militar, at isa na namang pang-aabuso ang nagsimula. Ang ilang opisyal ay totoong pabagu-bago sa kanilang mga banta, anupat sinasabi: “Dudukutin ko’t tatadtarin ang iyong puso sa pamamagitan ng punyal,” o kaya, “Huwag mong asahang madali kang mamamatay, dahil unti-unti kang papatayin.”

Isang Naiibang Uri ng Pagsubok

Gayunpaman, di-nagtagal ay nakauwi ako, naglingkod muli kasama ng Volos Congregation at nagtrabaho nang sekular sa pana-panahon. Isang araw, nakatanggap ako ng liham buhat sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Atenas, na nag-aanyaya sa akin upang sanayin nang dalawang linggo at pagkatapos ay magsimulang dumalaw sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova bilang isang tagapangasiwa ng sirkito. Sa panahon ding iyon, ang tiyo ko sa ama, na walang anak at may malawak na mga ari-ariang lupa at gusali, ay humiling na aking pamahalaan ang kaniyang mga pag-aari. Namumuhay pa rin sa karukhaan ang aking pamilya, at maaaring lunasan ng trabahong ito ang kanilang suliranin sa kabuhayan.

Dinalaw ko ang aking tiyo upang magpasalamat sa kaniyang alok, subalit ipinabatid ko sa kaniya na ipinasiya kong tanggapin ang isang pantanging atas sa Kristiyanong ministeryo. Nang magkagayon ay tumindig siya, malungkot na sumulyap sa akin, at agad na nilisan ang silid. Nagbalik siya na may regalong malaking halagang salapi na makatutustos sa aking pamilya nang mga ilang buwan. Sinabi niya: “Kunin mo ito, at gamitin mo kung saan mo gusto.” Hanggang sa araw na ito, hindi ko mailarawan ang nadama ko nang sandaling iyon. Para bang narinig ko noon ang tinig ni Jehova na nagsasabi sa akin, ‘Tama ang naging pasiya mo. Ako ay kasama mo.’

Taglay ang pagsang-ayon ng aking pamilya, lumisan ako patungong Atenas noong Disyembre 1953. Bagaman tanging ang aking ina ang naging Saksi, ang ibang miyembro ng aking pamilya ay hindi tutol sa aking Kristiyanong gawain. Nang ako’y magtungo sa tanggapang pansangay sa Atenas, isa pang sorpresa ang naghihintay sa akin. May isang telegrama buhat sa aking kapatid na babae, ibinabalita na ang dalawang taóng pagpapagal ni Itay upang magkaroon ng pensiyon ay nagtagumpay nang araw na iyon. Ano pa ang hihilingin ko? Pakiramdam ko’y para akong may pakpak, handang pumailanlang sa paglilingkuran kay Jehova!

Pagiging Maingat

Noong mga unang taon ko sa gawaing pansirkito, kailangang maging maingat ako dahil ang mga Saksi ni Jehova ay labis na pinag-uusig ng relihiyoso at pulitikal na mga awtoridad. Upang madalaw ang ating mga kapatid na Kristiyano, lalo na yaong nakatira sa maliliit na bayan at mga nayon, naglalakad ako nang maraming oras sa kalaliman ng gabi. Ang mga kapatid, na nanganganib na maaresto, ay nagtipon at matiyagang naghintay sa isang bahay para sa aking pagdating. Ano ngang inam na pagpapalitan ng pampatibay-loob ang nailaan ng mga pagdalaw na iyon para sa aming lahat!​—Roma 1:11, 12.

Upang hindi matiktikan, paminsan-minsan ay nagbabalatkayo ako. Minsan, nagbihis ako na parang isang pastol upang makalampas sa isang barikada nang sa gayon ay makarating sa isang pagtitipon ng mga kapatid na lubhang nangangailangan ng espirituwal na pagpapastol. Sa isa pang pagkakataon, noong 1955, kami ng isa pang Saksi ay nagkunwaring nagtitinda ng bawang upang hindi mapaghinalaan ng mga pulis. Ang aming atas ay makipag-ugnayan sa ilang kapatid na naging di-aktibo sa isang maliit na bayan ng Árgos Orestikón.

Inilapag namin ang aming tinda sa pamilihang bayan. Gayunman, isang kabataang pulis na nagpapatrulya sa lugar ang naghinala, at sa tuwing siya’y daraan, masusi niya kaming tinititigan. Sa wakas, sinabi niya sa akin: “Hindi ka mukhang nagtitinda ng bawang.” Sa sandaling iyon, tatlong kabataang babae ang lumapit at nagnais na bumili ng ilang bawang. Tinutukoy ang aking mga tinda, sinabi ko: “Ang kabataang pulis na ito ay kumakain ng ganitong bawang, at tingnan naman ninyo kung gaano siya kalakas at kaguwapo!” Ang mga babae ay tumingin sa pulis at tumawa. Siya man ay ngumiti at pagkatapos ay umalis.

Nang siya ay umalis ay sinamantala ko ang pagkakataon upang tumungo sa tindahan na kung saan nagtatrabaho bilang mga mananahi ang ating espirituwal na mga kapatid. Hiniling ko sa isa sa kanila na tahiin ang isang butones na natanggal ko sa aking jacket. Samantalang ginagawa niya ito, yumuko ako nang kaunti at bumulong: “Ipinadala ako ng tanggapang pansangay upang hanapin kayo.” Sa simula ay takót ang mga kapatid, yamang wala silang pakikipag-ugnayan sa kanilang mga kapuwa Saksi ng ilang taon. Pinatibay-loob ko sila sa abot ng aking makakaya at nagsaayos na saka kami magkita sa sementeryo ng bayan upang makipag-usap pa. Nakatutuwa naman, ang pagdalaw ay nakapagpasigla, at sila ay muling naging masisigasig sa ministeryong Kristiyano.

Pagkakaroon ng Tapat na Kapareha

Noong 1956, tatlong taon matapos simulan ang gawaing paglalakbay, nakilala ko si Niki, isang kabataang Kristiyanong babae na may malaking pag-ibig sa gawaing pangangaral at nagnanais na gugulin ang kaniyang buhay sa buong-panahong ministeryo. Nag-ibigan kami at nagpakasal noong Hunyo 1957. Iniisip ko noon kung makakaya ni Niki ang gawaing paglalakbay sa ilalim ng mahirap na kalagayan na nararanasan noon ng mga Saksi ni Jehova sa Gresya. Sa tulong ni Jehova ay nakaya niya, anupat naging ang unang babae na nakasama ng kaniyang asawa sa gawaing pansirkito sa Gresya.

Nagpatuloy kaming magkasama sa gawaing paglalakbay sa loob ng sampung taon, na pinaglilingkuran ang karamihan sa mga kongregasyon sa Gresya. Madalas kaming magbalatkayo at, dala ang mga maleta, maglakad nang maraming oras sa kalaliman ng gabi upang makarating sa isang kongregasyon. Sa kabila ng matinding pagsalansang na madalas naming makaharap, natutuwa kami na tuwirang makita ang kamangha-manghang pagdami ng bilang ng mga Saksi.

Paglilingkod sa Bethel

Noong Enero 1967, kami ni Niki ay inanyayahang maglingkod sa Bethel, gaya ng tawag sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Kapuwa kami nabigla sa paanyaya, ngunit tinanggap namin ito, anupat nagtitiwala na si Jehova ang nagpapangyari ng mga bagay-bagay. Sa paglipas ng panahon, napahalagahan namin kung gaano kalaking pribilehiyo ang maglingkod sa sentrong ito ng teokratikong gawain.

Tatlong buwan matapos na kami’y pumasok sa paglilingkuran sa Bethel, isang hunta militar ang umagaw ng kapangyarihan, at kinailangang palihim na ipagpatuloy ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang gawain. Nagsimula kaming magpulong sa maliliit na grupo, magdaos ng mga asamblea sa kakahuyan, mangaral nang maingat, at palihim na maglimbag at mamahagi ng mga literatura sa Bibliya. Hindi mahirap na umagapay sa ganitong mga kalagayan, yamang ibinalik lang namin ang mga dating pamamaraan na ginamit noong mga taóng nakaraan sa aming mga gawain. Sa kabila ng mga pagbabawal, ang bilang ng mga Saksi ay dumami mula sa wala pang 11,000 noong 1967 tungo sa mahigit na 17,000 noong 1974.

Pagkaraan ng halos 30 taon sa paglilingkuran sa Bethel, patuloy naming tinamasa ni Niki ang espirituwal na mga pagpapala, sa kabila ng mga limitasyon ng aming kalusugan at katandaan. Sa mahigit na sampung taon, nanirahan kami sa loob ng bakuran ng sangay na nasa Kartali Street sa Atenas. Noong 1979 ay isang bagong sangay ang inialay sa Marousi, isang lugar sa labas ng Atenas. Subalit sapol noong 1991 ay natamasa na namin ang malawak na bagong mga pasilidad ng sangay sa Eleona, 60 kilometro pahilaga buhat sa Atenas. Dito ay naglilingkod ako sa pagamutan ng Bethel, kung saan naging lubhang kapaki-pakinabang ang pagsasanay na natanggap ko bilang isang katulong ng doktor sa bilangguan.

Sa panahon ng mahigit na apat na dekada ng aking buong-panahong ministeryo, napatunayan ko, gaya ni Jeremias, ang katotohanan ng pangako ni Jehova: “Sila’y tiyak na magsisilaban sa iyo, ngunit sila’y hindi mananaig laban sa iyo, sapagkat ‘ako ay sumasaiyo,’ ang sabi ni Jehova, ‘upang iligtas ka.’ ” (Jeremias 1:19) Oo, kami ni Niki ay nagtamasa ng isang kopa na nag-uumapaw sa pagpapala buhat kay Jehova. Patuloy kaming nagagalak sa kaniyang saganang maibiging pagmamalasakit at di-sana-nararapat na kabaitan.

Pinasisigla ko ang mga kabataan sa organisasyon ni Jehova na itaguyod ang buong-panahong ministeryo. Sa ganitong paraan ay matatanggap nila ang paanyaya ni Jehova na subukin kung siya ba ay tutupad sa kaniyang pangako na ‘buksan ang mga dungawan ng langit at aktuwal na ihulog ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.’ (Malakias 3:10) Sa aking sariling karanasan, matitiyak ko sa inyo mga kabataan na tunay na pagpapalain ni Jehova ang lahat sa inyo na lubusang magtitiwala sa kaniya.

[Larawan sa pahina 26]

Si Lambros Zoumbos at ang kaniyang kabiyak, si Niki

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share