Paglilingkod sa Mapagkakatiwalaang Diyos
Ayon sa Pagkalahad ni Kimon Progakis
Noon ay isang napakalamig na gabi ng 1955. Kami ng aking kabiyak na si Giannoula ay nababalisa na dahil ang aming 18-taóng-gulang na anak, si George, ay hindi pa umuuwi buhat sa kiosko na pinagtatrabahuhan niya. Di-inaasahan, may isang pulis na kumatok sa aming pintuan. “Nasagasaan ang inyong anak samantalang nagbibisikleta pauwi,” sabi niya, “at patay na siya.” Pagkatapos ay lumapit siya at bumulong: “Sasabihin nila sa inyo na aksidente iyon, pero maniwala kayo sa akin, pinatay siya.” Nagsabuwatan ang pari sa lugar na iyon at ang ilang lider ng militar upang patayin siya.
NOONG mga taóng iyon, nang bumabangon pa lamang ang Gresya mula sa mga panahon ng alitan at kahirapan, mapanganib na maging isa sa mga Saksi ni Jehova. Alam na alam ko ang tungkol sa kapangyarihan ng Simbahang Griego Ortodokso at ng mga organisasyong militar dahil sa loob nang mahigit sa 15 taon, ako’y naging isang aktibong miyembro ng mga ito. Hayaan ninyong ikuwento ko sa inyo ang mga pangyayaring humantong sa trahedyang ito sa aming pamilya mahigit na 40 taon na ang nakaraan.
Lumaki sa Gresya
Isinilang ako noong 1902 sa isang nakaririwasang pamilya sa isang munting nayon malapit sa bayan ng Chalcis, sa Gresya. Ang aking ama ay aktibo sa pulitika sa aming lugar, at ang aming pamilya ay debotong mga miyembro ng Simbahang Griego Ortodokso. Ako’y naging masugid na mambabasa ng pulitikal at relihiyosong mga aklat nang panahong karamihan sa aking mga kababayan ay di-marunong bumasa at sumulat.
Ang kahirapan at kawalang-katarungan na laganap noong pasimula ng ika-20 siglo ang pumukaw sa akin ng pagnanais ukol sa isang daigdig na may mas mabubuting kalagayan. Naisip ko, ang relihiyon ay dapat na makapagpabuti sa malungkot na kalagayan ng aking mga kababayan. Dahil sa aking hilig sa relihiyon, iminungkahi ng kilalang mga kalalakihan sa aming nayon na ako’y maging isang paring Griego Ortodokso sa aming pamayanan. Gayunman, bagaman nabisita ko na ang maraming monasteryo at nakausap nang matagal ang mga obispo at mga abbot, hindi ko pa nadamang ako ay handa o nagnanais tumanggap ng gayong pananagutan.
Sa Gitna ng Gera Sibil
Pagkaraan ng mga taon, noong Abril 1941, sinakop ng Nazi ang Gresya. Ito’y nagpasimula ng kalunus-lunos na panahon ng patayan, taggutom, kakapusan, at labis na pagdurusa ng tao. Nabuo ang isang malakas na kilusan sa pakikipaglaban, at sumali ako sa isa sa mga pangkat ng gerilya na nakipagbaka sa mga sumakop na Nazi. Bunga nito, maraming beses na sinunog ang aking tahanan, binaril ako, at sinira ang aking mga pananim. Maaga noong 1943 ay napilitan ako at ang aking pamilya na tumakas patungo sa matatarik na bundok. Nanatili kami roon hanggang sa matapos ang pananakop ng mga Aleman noong Oktubre 1944.
Sumiklab ang panloob na alitang pulitikal at sibil pagkaalis ng mga Aleman. Ang pangkat ng lumalabang mga gerilya na kinabibilangan ko ay naging isa sa mga pangunahing puwersang nakipagbaka sa gera sibil. Bagaman nakaakit sa akin ang maka-Komunistang mithiin ng katarungan, pagkakapantay-pantay, at samahan, ang katotohanan ay lubhang nakasiphayo sa akin nang dakong huli. Yamang mataas ang aking posisyon sa grupo, tuwiran kong nakita na ang kapangyarihang iyan ay nakapagpapasamâ sa mga tao. Sa kabila ng waring mararangal na teoriya at mithiin, ang kasakiman at di-kasakdalan ay sumisira sa pinakamatatayog na hangarin sa pulitika.
Ang lalo nang nakagimbal sa akin ay ang bagay na sa iba’t ibang panig ng alitan ng mga mamamayan, ang mga klerigong Ortodokso ay humahawak ng sandata upang patayin ang kanilang mga karelihiyon! Naisip ko, ‘Paano masasabi ng mga klerigong ito na sila ay kumakatawan kay Jesu-Kristo, na nagbabala: “Ang lahat niyaong mga kumukuha ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak”?’—Mateo 26:52.
Sa panahon ng gera sibil, noong 1946, nagtatago ako malapit sa bayan ng Lamia, sa kalagitnaan ng Gresya. Lumang-luma na ang aking mga damit, kaya ako’y nagpasiyang magbalatkayo at pumunta sa isang sastre sa lunsod upang magpagawa ng bagong mga damit. May mainit na pagtatalo doon nang dumating ako, at di-nagtagal ay namalayan ko na lamang na nagsasalita na ako, hindi tungkol sa pulitika, kundi tungkol sa aking dating pag-ibig, ang relihiyon. Palibhasa’y napansin ang aking may-kabatirang pananaw, iminungkahi ng mga nakikinig na kausapin ko ang isang ‘propesor ng teolohiya.’ Agad-agad, kanilang sinundo siya.
Nasumpungan ang Maaasahang Pag-asa
Sa sumunod na pag-uusap, tinanong ako ng “propesor” kung ano ang saligan ng aking mga paniniwala. “Ang Banal na mga Ama at mga Sinodong Ekumeniko,” ang sagot ko. Sa halip na salungatin ako, binuklat niya ang kaniyang maliit na Bibliya sa Mateo 23:9, 10, at hinilingan akong basahin ang mga salita ni Jesus: “Isa pa, huwag ninyong tawagin ang sinuman na inyong ama sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Isa na makalangit. Ni huwag kayong patawag na ‘mga lider,’ sapagkat ang inyong Lider ay iisa, ang Kristo.”
Iyon ang nagbukas ng aking mga mata! Nahinuha ko na ang taong ito’y nagsasabi ng katotohanan. Nang ipakilala niya ang sarili na isa sa mga Saksi ni Jehova, humiling ako sa kaniya ng ilang literatura upang mabasa. Dinalhan niya ako ng aklat na Light, na isang komentaryo sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis, at dinala ko iyon sa lugar na aking pinagtataguan. Sa matagal na panahon, naging hiwaga sa akin ang mga hayop na tinutukoy sa Apocalipsis, pero ngayon ay nalaman ko na ang mga ito ay kumakatawan sa pulitikal na mga organisasyon na umiiral sa ating ika-20 siglo. Naunawaan ko ngayon na ang Bibliya ay may praktikal na kahulugan para sa ating panahon at na dapat na pag-aralan ko iyon at iayon ang aking buhay sa mga katotohanan nito.
Nabihag at Nabilanggo
Di-nagtagal pagkaraan, sinalakay ng mga sundalo ang lugar na aking pinagtataguan at inaresto ako. Itinapon ako sa isang bartolina. Dahil sa matagal na akong hinahanap ng batas, inaasahan kong papatayin na ako. Doon, sa aking kulungan, dinalaw ako ng Saksi na unang nakipag-usap sa akin. Pinatibay-loob niya ako na lubusang magtiwala kay Jehova, na siya namang ginawa ko. Ako’y nahatulang ipatapon sa loob ng anim na buwan sa Aegeanong isla ng Ikaria.
Nang ako’y dumating, ipinakilala ko ang aking sarili, hindi bilang isang Komunista, kundi bilang isang Saksi ni Jehova. Ipinatapon din doon ang iba na natuto ng katotohanan sa Bibliya, kaya hinanap ko sila, at palagian kaming nag-aaral ng Bibliya nang sama-sama. Tinulungan nila akong magkaroon ng higit pang kaalaman mula sa Kasulatan at mas mabuting pagkaunawa sa ating mapagkakatiwalaang Diyos, si Jehova.
Noong 1947, nang matapos ang aking sentensiya, ipinatawag ako sa opisina ng piskal. Sinabi niyang humanga siya sa aking paggawi at na maaari kong gamitin ang kaniyang pangalan bilang reperensiya kung sakaling muli akong ipatapon. Nang dumating ako sa Atenas, kung saan lumipat ang aking pamilya habang ako’y napatapon, ako’y nagsimulang makisama sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova at di-nagtagal ay nabautismuhan bilang sagisag ng aking pag-aalay kay Jehova.
Inakusahan ng Proselitismo
Sa loob ng mga dekada, pinag-usig ng Gresya ang mga Saksi ni Jehova sa ilalim ng mga batas na ipinasa noong 1938 at 1939 na nagbabawal sa proselitismo. Sa gayon, mula noong 1938 hanggang 1992, may 19,147 pag-aresto sa mga Saksi sa Gresya, at ang mga hukuman ay nagpataw ng mga sentensiya na may kabuuang 753 taon, na ang 593 dito ay aktuwal na ginugol sa bilangguan. Ako mismo ay naaresto nang mahigit sa 40 beses dahil sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, at sa kabuuan ay gumugol ako ng 27 buwan sa iba’t ibang bilangguan.
Isa sa mga pag-aresto sa akin ay bunga ng pagliham ko sa isang klerigong Griego Ortodokso sa Chalcis. Noong 1955, pinasigla ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na magpadala sa lahat ng klerigo ng buklet na Christendom or Christianity—Which One Is “the Light of the World”? Ang isa sa mga klerigong may mataas na katungkulan na aking sinulatan ay naghabla sa akin ng proselitismo. Sa paglilitis, kapuwa ang abogadong Saksi at ang lokal na abogado ay nagbigay ng napakahusay na pagtatanggol, anupat ipinaliwanag ang obligasyon ng mga tunay na Kristiyano na ipangaral ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos.—Mateo 24:14.
Tinanong ng dumirinig na hukom ng korte ang archimandrita (isang mataas na opisyal ng simbahan na ang posisyon ay kasunod ng obispo): “Binasa mo ba ang liham at ang buklet?”
“Hindi,” ang mariing tugon niya, “Pinunit at itinapon ko iyon kaagad pagkabukas na pagkabukas ko ng sobre!”
“Kung gayo’y paano mo nasabing kinukumberte ka ng taong ito?” ang tanong ng dumirinig na hukom.
Sumunod ay bumanggit ang aming abogado ng halimbawa ng mga propesor at iba pa na nag-abuloy ng buong mga salansan ng mga libro para sa mga aklatang pambayan. “Sasabihin mo bang tinangka ng mga taong iyon na kumbertehin ang iba?” ang tanong niya.
Maliwanag, hindi maituturing na proselitismo ang gayong gawain. Pinasalamatan ko si Jehova nang marinig ko ang hatol: “Walang-sala.”
Ang Pagkamatay ng Aking Anak
Patuloy ring ginugulo ang aking anak na si George, karaniwang dahil sa sulsol ng mga klerigong Ortodokso. Siya man ay maraming beses na naaresto dahil sa kaniyang sigasig bilang kabataan sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Sa wakas, nagpasiya ang mga mananalansang na iligpit siya at, kasabay nito, magbabala sa aming lahat na itigil ang pangangaral.
Sinabi ng pulis na pumunta sa aming bahay upang ipabatid ang pagkamatay ni George na nagsabuwatan ang lokal na paring Griego Ortodokso at ilang lider ng militar upang patayin ang aming anak. Ang gayong “mga aksidente” ay pangkaraniwan sa mapanganib na mga panahong iyon. Sa kabila ng pagdadalamhati sa kaniyang pagkamatay, lalo lamang napatibay ang aming determinasyon na manatiling aktibo sa pangangaral at lubusang magtiwala kay Jehova.
Tumutulong sa Iba na Magtiwala kay Jehova
Noong kalagitnaan ng dekada ng 1960, ang aking kabiyak at mga anak ay gumugugol ng mga buwan ng tag-araw sa nayon ng Skala Oropos na nasa tabing dagat, mga 50 kilometro buhat sa Atenas. Noon, walang Saksing nakatira roon, kaya nagpapatotoo kami sa mga kapitbahay sa di-pormal na paraan. Mainam ang tugon ng ilang magsasaka sa lugar na iyon. Yamang nagtatrabaho nang mahahabang oras ang mga kalalakihan sa kanilang bukid kung araw, nagdaraos kami ng pag-aaral ng Bibliya sa kanila kapag gabing-gabi na, at ang ilan sa kanila ay naging Saksi.
Yamang nakikita na pinagpapala ni Jehova ang aming pagsisikap, sa loob ng mga 15 taon ay naglalakbay kami patungo roon bawat linggo upang magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga taong interesado. Halos 30 katao na nakipag-aral sa amin doon ay sumulong hanggang sa punto ng pagpapabautismo. Sa simula, isang grupo sa pag-aaral ang nabuo, at naatasan na ako na mangasiwa sa mga pulong. Nang dakong huli ang grupo ay naging isang kongregasyon, at ngayon ay mahigit sa sandaang Saksi buhat sa lugar na iyan ang bumubuo ng Malakasa Congregation. Nagagalak kami na apat sa mga taong natulungan namin ang naglilingkod ngayon bilang buong-panahong mga ministro.
Isang Mayamang Pamana
Di-nagtagal pagkatapos na ialay ko ang aking buhay kay Jehova, ang aking kabiyak ay nagsimulang sumulong sa espirituwal at nabautismuhan. Sa mahirap na panahon ng pag-uusig, nanatiling matibay ang kaniyang pananampalataya at siya’y nanatiling matatag at di-natitinag sa kaniyang katapatan. Hindi siya kailanman nagreklamo sa mga kahirapang dinanas niya bunga ng aking malimit na pagkabilanggo.
Sa paglakad ng mga taon, magkasama kaming nagdaos ng maraming pag-aaral sa Bibliya, at siya’y mabisang nakatulong sa marami sa pamamagitan ng kaniyang simple at masiglang pamamaraan. Sa kasalukuyan, mayroon siyang ruta sa magasin na kasali ang maraming tao na regular niyang dinadalhan ng Ang Bantayan at Gumising!
Pangunahin nang dahil sa alalay ng aking maibiging kabiyak, pawang aktibo sa paglilingkuran kay Jehova ang aming tatlong buháy na anak at ang kani-kanilang pamilya, na kinabibilangan ng anim na apo at apat na apo-sa-tuhod. Bagaman hindi na nila naranasan ang pag-uusig at mahigpit na pagsalansang na dinanas naming mag-asawa, naglalagak sila ng lubusang tiwala kay Jehova, at patuloy silang lumalakad sa kaniyang mga daan. Ano ngang laking kagalakan para sa aming lahat na makapiling-muli ang aming minamahal na si George kapag siya’y binuhay nang muli!
Determinadong Magtiwala kay Jehova
Sa lahat ng mga taóng ito, nakita ko ang pagkilos ng espiritu ni Jehova sa kaniyang bayan. Natulungan ako ng kaniyang organisasyong inaakay ng espiritu na makitang hindi tayo maaaring magtiwala sa pagsisikap ng mga tao. Walang-saysay ang kanilang mga pangako ukol sa mas mabuting kinabukasan, na pulos kasinungalingan lamang.—Awit 146:3, 4.
Sa kabila ng aking katandaan at malulubhang sakit, nakapako ang aking mga mata sa katunayan ng pag-asa ng Kaharian. Totoong pinanghihinayangan ko ang mga taóng ginugol ko sa huwad na relihiyon at sa pagsisikap na pairalin ang mas mabuting mga kalagayan sa pamamagitan ng pulitika. Kung mauulit muli ang aking buhay, walang alinlangang ipapasiya ko muli na maglingkod kay Jehova, ang mapagkakatiwalaang Diyos.
(Kamakailan ay natulog sa kamatayan si Kimon Progakis. Siya ay may makalupang pag-asa.)
[Larawan sa pahina 26]
Isang di pa natatagalang larawan ni Kimon kasama ang kaniyang kabiyak, si Giannoula