Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 10/1 p. 22-25
  • Ibinibigay kay Jehova ang Nararapat sa Kaniya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ibinibigay kay Jehova ang Nararapat sa Kaniya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagkakapit sa Aking Natutuhan
  • Pangangaral sa Kabila ng mga Hadlang
  • Ang Aming Ministeryo sa Aidhonochori
  • Malupit na Pag-uusig
  • Pagsulong sa Kabila ng Pagsalansang
  • Naglilingkod sa Ilalim ng Maibiging Kamay ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Mahigit na 50 Taon ng ‘Pagtawid’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Nasumpungan Ko ang Tunay na Kayamanan sa Australia
    Gumising!—1994
  • “Sa Halip na Ginto, Diamante ang Nasumpungan Ko”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 10/1 p. 22-25

Ibinibigay kay Jehova ang Nararapat sa Kaniya

AYON SA SALAYSAY NI TIMOLEON VASILIOU

Ako ay inaresto dahil sa pagtuturo ng Bibliya sa nayon ng Aidhonochori. Tinanggal ng pulis ang sapatos ko at sinimulang paluin ang talampakan ng aking mga paa. Habang patuloy ang pagpalo, namanhid ang aking mga paa at hindi ko na maramdaman ang sakit. Bago ko ipaliwanag ang naging dahilan ng pang-aabusong ito, na nang panahong iyon ay pangkaraniwan sa Gresya, hayaan ninyong isalaysay ko kung paano ako naging isang guro sa Bibliya.

DI-NAGTAGAL pagkasilang ko noong 1921, ang aming pamilya ay lumipat sa bayan ng Rodholívos, sa hilagang Gresya. Noong kabataan ko, magulo ang aking buhay. Nang ako ay 11, nagsimula akong manigarilyo. Nang maglaon, ako ay naging tomadór at sugarol, at nagpupunta ako sa magugulong parti halos gabi-gabi. May talento ako sa musika, kaya sumali ako sa isang lokal na banda. Sa loob ng isang taon, kaya ko nang tugtugin ang karamihan sa mga instrumento ng banda. Ngunit, ako rin naman ay palaaral at maibigin sa katarungan.

Maaga noong 1940, habang nag-aalab ang Digmaang Pandaigdig II, ang aming banda ay naanyayahan na tumugtog sa libing ng isang batang babae. Sa dakong paglilibingan, ang mga kamag-anak at mga kaibigan ay tumatangis nang may di-mapigilang pamimighati. Ang kanilang lubos na kawalang pag-asa ay naikintal nang malalim sa akin. Nagsimula akong mag-isip, ‘Bakit tayo namamatay? May higit pa bang bagay sa buhay kaysa sa sandali nating pag-iral? Saan ko matatagpuan ang mga sagot?’

Ilang araw pagkatapos, napansin ko ang isang kopya ng Bagong Tipan sa isang istante sa aking bahay. Kinuha ko ito at sinimulang basahin. Nang mabasa ko ang mga salita ni Jesus sa Mateo 24:7 tungkol sa malawakang digmaan na bahagi ng tanda ng kaniyang pagkanaririto, nagliwanag sa akin na ang kaniyang mga salita ay kumakapit sa ating panahon. Nang sumunod na mga linggo, binasa ko nang ilang beses ang kopyang ito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.

Pagkatapos noong Disyembre 1940, dinalaw ko ang isang pamilya na nakatira sa malapit​—isang balo at ang kaniyang limang anak. Sa kanilang atik, sa isang salansan ng mga buklet, natagpuan ko ang isa na may pamagat na A Desirable Government, na inilathala ng Watch Tower Bible and Tract Society. Nanatili ako sa atik at binasa ko ang buong buklet. Lubusan akong nakumbinsi ng aking nabasa na tunay ngang tayo ay nabubuhay sa tinatawag ng Bibliya na “mga huling araw” at na malapit nang wakasan ng Diyos na Jehova ang sistemang ito ng mga bagay at halinhan ito ng isang matuwid na bagong sanlibutan.​—2 Timoteo 3:1-5; 2 Pedro 3:13.

Ang higit na nakaantig sa akin ay ang maka-Kasulatang patotoo na ang mga tapat ay mabubuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa at na ang pagdurusa at kamatayan ay mawawala na sa bagong sanlibutang iyon sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos. (Awit 37:9-11, 29; Apocalipsis 21:3, 4) Habang nagbabasa ako, pinasalamatan ko ang Diyos sa panalangin dahil sa mga bagay na ito, at hiniling ko sa kaniya na ipakita sa akin kung ano ang mga kahilingan niya. Naging maliwanag sa akin na nararapat ang Diyos na Jehova sa aking buong kaluluwang debosyon.​—Mateo 22:37.

Pagkakapit sa Aking Natutuhan

Magmula noon, tumigil na ako sa paninigarilyo, huminto sa paglalasing, at hindi na nagsugal. Tinipon ko ang limang anak ng balo at ang aking tatlong nakababatang kapatid na lalaki at babae, at ipinaliwanag ko sa kanila ang natutuhan ko mula sa buklet. Hindi nagtagal ay sinimulan naming palaganapin ang aming kaunting nalalaman. Nakilala kami sa komunidad bilang mga Saksi ni Jehova, bagaman wala pa kaming nakakausap na mga Saksi. Mula sa pasimula, iniukol ko ang mahigit sa isang daang oras bawat buwan sa pagsasabi sa iba ng kamangha-manghang mga bagay na aking natutuhan.

Isa sa lokal na paring Griego Ortodokso ang nagpunta sa alkalde upang magreklamo hinggil sa amin. Ngunit ilang araw bago nito, lingid sa aming kaalaman, natagpuan ng isang batang Saksi ang isang nawawalang kabayo at isinauli ito sa mga may-ari. Bilang resulta ng gayong pagkamatapat, iginalang ng alkalde ang mga Saksi, at hindi siya nakinig sa pari.

Isang araw noong mga Oktubre 1941, habang nagpapatotoo ako sa pamilihan, may nakapagsabi sa akin tungkol sa isang Saksi ni Jehova na naninirahan sa kalapit na bayan. Isa siyang dating pulis na nagngangalang Christos Triantafillou. Pinuntahan ko siya at nalaman ko na isa na siyang Saksi mula pa noong 1932. Kay saya ko nang bigyan niya ako ng maraming lumang publikasyon ng Watch Tower! Talagang nakatulong ang mga ito upang sumulong ako sa espirituwal.

Noong 1943, sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Nang panahong iyon ay nagdaraos na ako ng pag-aaral sa Bibliya sa tatlo sa kalapit na mga nayon​—Dhravískos, Palaeokomi, at Mavrolofos. Ginamit ko ang aklat na The Harp of God bilang pantulong sa pag-aaral namin ng Bibliya. Nang dakong huli, naging pribilehiyo ko na masaksihan ang pag-oorganisa sa apat na mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa lugar na ito.

Pangangaral sa Kabila ng mga Hadlang

Noong 1944, napalaya ang Gresya mula sa pananakop ng Alemanya, at di-nagtagal, nagkaroon ng pakikipag-ugnayan sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Atenas. Inanyayahan ako ng tanggapang pansangay na makibahagi sa pangangaral sa isang teritoryo na iilan pa lamang ang nakarinig sa mensahe ng Kaharian. Pagkalipat doon, nagtrabaho ako nang tatlong buwan sa isang bukid at ginugol ang natitirang bahagi ng taon sa ministeryo.

Nang taóng iyon ay pinagpala akong makita ang aking ina na mabautismuhan, gayundin ang balo at ang kaniyang mga anak, maliban sa kaniyang bunsong anak na babae, si Marianthi, na nabautismuhan noong 1943 at naging aking mahal na asawa noong Nobyembre ng taóng iyon. Makalipas ang tatlumpung taon, noong 1974, ang aking ama ay naging isa ring bautisadong Saksi.

Maaga noong 1945 ay natanggap namin ang unang nakamimyugrap na kopya ng Ang Bantayan mula sa tanggapang pansangay. Ang tampok na artikulo nito ay pinamagatang “Humayo, Gawing Alagad ang Lahat ng Bansa.” (Mateo 28:19, The Emphatic Diaglott) Si Marianthi at ako ay kaagad na lumisan sa aming bahay upang gumawa sa malalayong teritoryo sa silangan ng Ilog Strymon. Nang maglaon, sinamahan kami ng iba pang mga Saksi.

Madalas kaming naglalakad nang nakayapak upang marating ang isang nayon, anupat naglalakbay nang maraming kilometro sa mga bangin at mga bundok. Ginawa namin ito upang maingatan ang aming mga sapatos dahil kapag napudpod ang mga ito, wala na kaming maipapalit dito. Noong mga taon ng 1946 hanggang 1949, sinalanta ng digmaang sibil ang Gresya, at lubhang mapanganib ang maglakbay. Pangkaraniwan na lamang ang makakita ng mga bangkay na nakabulagta sa daan.

Sa halip na masiraan ng loob dahil sa mga kahirapan, nagpatuloy kaming naglingkod nang masigasig. Maraming beses kong naranasan ang nadama ng salmista na sumulat: “Bagaman lumalakad ako sa libis ng matinding karimlan, wala akong kinatatakutang masama, sapagkat ikaw ay kasama ko; ang iyong tungkod at ang iyong baston ang siyang umaaliw sa akin.” (Awit 23:4) Nang panahong ito ay madalas kaming wala sa bahay ng ilang linggo, at kung minsan ay gumugugol ako ng 250 oras sa isang buwan sa ministeryo.

Ang Aming Ministeryo sa Aidhonochori

Isa sa mga nayon na dinalaw namin noong 1946 ay ang Aidhonochori, na nasa itaas ng isang bundok. Natagpuan namin doon ang isang lalaki na nagsabi sa amin na may dalawang lalaki sa nayon na nagnanais na marinig ang mensahe ng Bibliya. Gayunman, dahil sa takot sa kaniyang mga kapitbahay, hindi itinuro sa amin ng lalaki kung nasaan sila. Pero natagpuan din namin ang mga bahay nila at magiliw kaming tinanggap. Sa katunayan, pagkaraan ng ilang minuto, ang salas ay napunô ng tao! Sila ay alinman sa mga kamag-anak o malapit na mga kaibigan. Totoong namangha ako na makita ang kanilang di-nababahaging atensiyon habang nakaupo at nakinig sila sa amin. Di-nagtagal ay nalaman namin na buong pananabik silang naghihintay na makakausap ng mga Saksi ni Jehova, ngunit noong panahon ng pananakop ng Alemanya, walang isa man sa lugar na iyon. Ano ang pumukaw ng kanilang interes?

Ang dalawang ulo ng pamilya ay prominente sa lokal na partido Komunista, at itinuro nila ang mga ideyang Komunista sa mga tao. Ngunit nang maglaon ay nakakita sila ng isang kopya ng aklat na Government, na inilathala ng Samahang Watch Tower. Dahil sa pagbabasa nito, sila ay nakumbinsi na ang Kaharian ng Diyos ang tanging pag-asa para sa isang sakdal at matuwid na pamahalaan.

Nanatili kaming nakipag-usap sa mga taong ito at sa kanilang mga kaibigan hanggang hatinggabi. Lubusan silang nasiyahan sa salig-Bibliyang mga sagot sa kanilang mga katanungan. Gayunman, di-nagtagal pagkatapos nito, binalak akong patayin ng mga Komunista sa nayon dahil sa itinuturing akong responsable sa pagkumberte sa kanilang dating mga pinuno. Siyanga pala, kabilang sa mga naroroon noong unang gabi ay ang lalaking nakapagsabi sa akin tungkol sa mga interesadong tao sa nayon. Nang dakong huli ay sumulong siya sa kaalaman sa Bibliya, nabautismuhan, at nang maglaon ay naging isang Kristiyanong matanda.

Malupit na Pag-uusig

Hindi pa natatagalan pagkatapos na makausap ang mga dating Komunistang ito nang dalawang pulis ang biglang sumalakay sa isang bahay na kung saan nagdaraos kami ng isang pagpupulong. Inaresto nila ang apat sa amin habang tinututukan ng baril at dinala kami sa himpilan ng pulisya. Doon ay kinagalitan kami nang labis ng tenyente ng pulis, na may malapit na kaugnayan sa Griego Ortodoksong klero. Sa wakas nagtanong siya, “Buweno, anong gagawin ko sa inyo?”

“Bugbugin natin sila!” ang sabay-sabay na sigaw ng mga pulis na nakatayo sa likod namin.

Noon ay malalim na ang gabi. Ikinulong kami ng mga pulis sa silong at nagtungo sila sa kalapit na taberna. Nang sila ay lasing na, bumalik sila at dinala ako sa itaas.

Pagkakita sa kanilang kondisyon, natanto kong maaari nila akong patayin anumang sandali. Kaya nanalangin ako sa Diyos na bigyan ako ng lakas upang makapagbata sa anumang daranasin ko. Kumuha sila ng ilang tungkod na kahoy at, gaya ng inilahad ko sa pasimula, pinagpapalo nila ang aking mga talampakan. Pagkatapos nito ay binugbog nila ako, at saka marahas na ibinalik sa silong. Sumunod ay inilabas nila ang isa pang biktima at sinimulan itong bugbugin.

Samantala, ginamit ko ang pagkakataon upang ihanda ang dalawa pang kabataang Saksi na harapin ang pagsubok na mararanasan. Subalit mas pinili ng mga pulis na ako ang ibalik sa itaas. Hinubad nila ang aking damit, at lima sa kanila ang bumugbog sa akin nang halos isang oras, na tinatapakan ang ulo ko ng kanilang mga botang pangsundalo. Pagkatapos ay inihulog nila ako sa hagdan, kung saan nakahandusay ako nang walang malay sa loob ng halos 12 oras.

Nang sa wakas ay palayain kami, isang pamilya sa nayon ang nagpatirá sa amin nang magdamag at inalagaan kami. Kinabukasan, umuwi na kami ng bahay. Kami ay hapung-hapó at pagod na pagod dahil sa pambubugbog anupat ang biyahe, na karaniwa’y dalawang oras lamang na nilalakad, ay inabot nang walong oras. Ako ay magang-maga sa pagkabugbog anupat halos hindi ako makilala ni Marianthi.

Pagsulong sa Kabila ng Pagsalansang

Noong 1949, habang ang digmaang sibil ay nagpapatuloy pa, lumipat kami sa Tesalonica. Ako ay naatasan na maglingkod bilang katulong na lingkod ng kongregasyon sa isa sa apat na mga kongregasyon sa lunsod. Pagkatapos ng isang taon, ang kongregasyon ay sumulong nang gayon na lamang anupat bumuo kami ng isa pa, at ako ang naatasan bilang lingkod ng kongregasyon, o punong tagapangasiwa. Pagkalipas ng isang taon, ang bagong kongregasyon ay halos dumoble sa laki, sa kabila nito, isa pang kongregasyon ang binuo!

Galit ang mga mananalansang sa pagsulong ng mga Saksi ni Jehova sa Tesalonica. Isang araw noong 1952, pag-uwi ko galing sa trabaho, nasumpungan kong natupok ng apoy ang aming bahay. Muntik nang hindi nakaligtas si Marianthi. Sa pulong nang gabing iyon, kinailangang ipaliwanag namin kung bakit dumalo kami na marumi ang damit​—walang natira sa amin. Ang aming mga Kristiyanong kapatid ay napakamadamayin at matulungin.

Noong 1961, ako ay naatasan sa gawaing paglalakbay, dumadalaw sa iba’t ibang kongregasyon bawat linggo upang patibayin ang mga kapatid sa espirituwal. Sa sumunod na 27 taon, kami ni Marianthi ay dumalaw sa mga sirkito at distrito sa Macedonia, Thrace, at Thessaly. Kahit halos bulag na ang mahal kong si Marianthi mula pa noong 1948, buong-tapang siyang naglingkod na kasama ko, na pinagtiisan ang maraming pagsubok sa pananampalataya. Siya rin ay inaresto, nilitis, at ikinulong nang maraming ulit. Pagkatapos ay nagsimulang humina ang kaniyang kalusugan, at namatay siya noong 1988 pagkaraan ng mahabang pakikibaka sa kanser.

Nang taon ding iyon, ako ay hinirang na maglingkod bilang special pioneer sa Tesalonica. Ngayon, pagkatapos ng mahigit na 56 na taon sa paglilingkuran kay Jehova, nakapagtatrabaho pa rin akong mabuti at nakababahagi sa lahat ng pitak ng ministeryo. Kung minsan, nakapagdaraos ako ng hanggang 20 pag-aaral sa Bibliya sa mga interesado bawat linggo.

Nauunawaan ko na tunay ngang nasa pasimula tayo ng isang malawakang programa sa pagtuturo na magpapatuloy hanggang sa bagong sanlibutan ni Jehova at sa loob ng isang libong taon. Gayunman, nadarama ko na hindi ito ang panahon para tayo ay magmabagal, magpatumpik-tumpik, o gumugol ng ating panahon upang palugdan ang nasa ng ating laman. Pinasasalamatan ko ang Diyos sa pagtulong sa akin na matupad ko ang pangako na ginawa ko nang pasimula dahil tunay na nararapat si Jehova sa ating buong-kaluluwang debosyon at paglilingkod.

[Larawan sa pahina 24]

Nagpapahayag samantalang ipinagbabawal ang aming gawaing pangangaral

[Larawan sa pahina 25]

Kasama ang aking asawa, si Marianthi

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share