Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 3/1 p. 20-24
  • “Sa Halip na Ginto, Diamante ang Nasumpungan Ko”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Sa Halip na Ginto, Diamante ang Nasumpungan Ko”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Higit na Mahalagang Bagay
  • Buong-Panahong Ministeryo sa Gresya
  • Pagbabata ng Pagsalansang
  • Paglilingkod sa Bethel
  • Muling Pagbabata ng Pagsalansang
  • Nagagalak sa Patuloy na Paglawak
  • Naglilingkod sa Ilalim ng Maibiging Kamay ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Nasumpungan Ko ang Tunay na Kayamanan sa Australia
    Gumising!—1994
  • Ibinibigay kay Jehova ang Nararapat sa Kaniya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Mahigit na 50 Taon ng ‘Pagtawid’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 3/1 p. 20-24

“Sa Halip na Ginto, Diamante ang Nasumpungan Ko”

AYON SA PAGKALAHAD NI MICHALIS KAMINARIS

Pagkatapos ng limang taon sa Timog Aprika kung saan nagtungo ako upang maghanap ng ginto, pauwi na ako taglay ang isang bagay na makapupong higit ang halaga. Hayaan ninyong ilahad ko sa inyo ang tungkol sa kayamanan na aking taglay at nais na ibahagi ngayon.

ISINILANG ako noong 1904 sa isla sa Gresya na Cephalonia na nasa Dagat Ionian. Di-nagtagal pagkaraan ay kapuwa namatay ang aking mga magulang, kaya lumaki akong isang ulila. Nanabik ako sa tulong, at malimit akong manalangin sa Diyos. Bagaman regular akong pumupunta sa Simbahang Griego Ortodokso, wala akong nalalamang anuman tungkol sa Bibliya. Hindi ako nakasumpong ng kaaliwan.

Noong 1929, nagpasiya akong mandayuhan at humanap ng mas mabuting buhay. Sa paglisan sa aking di-mabungang isla, naglayag ako patungong Timog Aprika sa pamamagitan ng pagdaan sa Inglatera. Pagkaraan ng 17 araw sa dagat, nakarating ako sa Cape Town, Timog Aprika, kung saan agad akong nakapagtrabaho para sa isang kababayan. Gayunpaman, hindi ako nakasumpong ng kaaliwan sa materyal na kayamanan.

Isang Higit na Mahalagang Bagay

Mga dalawang taon na ako sa Timog Aprika nang isa sa mga Saksi ni Jehova ang dumalaw sa aking pinagtatrabahuhan at nag-alok sa akin ng literatura sa Bibliya sa wikang Griego. Kasali roon ang mga buklet na Where Are the Dead? at Oppression, When Will It End? Tandang-tanda ko pa ang kasabikan ko habang binabasa ko ang mga ito, anupat isinaulo ko pa nga ang lahat ng siniping kasulatan. Isang araw ay sinabi ko sa isang kasamahan: “Nasumpungan ko na ang hinahanap ko sa loob ng maraming taon. Pumunta ako sa Aprika dahil sa ginto, ngunit sa halip na ginto, diamante ang nasumpungan ko.”

Isang malaking kagalakang malaman na ang Diyos ay may personal na pangalan, iyon ay Jehova, at na ang kaniyang Kaharian ay naitatag na sa mga langit, at na tayo ay nabubuhay sa mga huling araw ng sistemang ito ng mga bagay. (Awit 83:18; Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10; 24:3-​12; 2 Timoteo 3:1-5; Apocalipsis 12:7-​12) Tunay ngang nakapananabik na malamang ang Kaharian ni Jehova ay magdudulot ng walang-katapusang pagpapala sa lahat ng lahi ng sangkatauhan! Ang isa pang bagay na hinangaan ko ay na ipinangangaral sa buong daigdig ang napakahalagang katotohanang ito.​—Isaias 9:6, 7; 11:6-9; Mateo 24:14; Apocalipsis 21:3, 4.

Di-nagtagal at natagpuan ko ang direksiyon ng tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Cape Town at nakakuha ako ng higit pang literatura. Lalo akong natuwa na makakuha ng personal na kopya ng Bibliya. Napakilos ako ng aking nabasa upang naising magpatotoo. Nagsimula ako sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga publikasyon sa Bibliya sa aking mga kamag-anak, kaibigan, at mga kakilala sa aking bayan ng Lixoúrion. Sa aking mga pag-aaral, unti-unti kong naunawaan na upang mapalugdan si Jehova ang isa ay kailangang mag-alay ng buhay sa kaniya. Kaya agad kong ginawa iyon sa pamamagitan ng panalangin.

Minsan, dumalo ako sa isang pulong ng mga Saksi ni Jehova, ngunit yamang hindi ako marunong ng Ingles, wala akong anumang naintindihan. Nang malaman kong maraming Griego ang nakatira sa Port Elizabeth, lumipat ako roon, ngunit hindi ako nakatagpo ng mga Saksing nagsasalita ng Griego. Kaya naman, nagpasiya akong bumalik sa Gresya upang maging isang buong-panahong ebanghelisador. Natatandaan kong sinabi ko sa sarili ko, ‘Babalik ako sa Gresya kahit na halos mahubaran ako sa pagpunta roon.’

Buong-Panahong Ministeryo sa Gresya

Noong tagsibol ng 1934 ay sumakay ako sa Italyanong barko na Duilio. Nakarating ako sa Marseilles, Pransiya, at, pagkatapos ng sampung-araw na pamamalagi roon, lumisan ako patungong Gresya sakay ng pampasaherong barko na Patris. Nang nasa laot kami, nagkaroon ng problema sa makina ng barko, at nang bandang gabi ay nagpalabas ng utos na ibaba sa dagat ang mga bangkang salbabida. Nang magkagayo’y nagunita ko ang naisip kong pagpunta sa Gresya nang halos hubad. Subalit isang Italyanong barkong panghila ang dumating nang bandang huli at hinila kami patungong Naples, Italya. Pagkaraan ay dumating din kami sa wakas sa Piraiévs (Piraeus), Gresya.

Mula roon ay nagtungo ako sa Atenas kung saan dinalaw ko ang tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower. Sa pakikipag-usap kay Athanassios Karanassios, ang tagapangasiwa ng sangay, hiniling kong mabigyan ng atas sa buong-panahong pangangaral. Kinabukasan ay patungo na ako sa Peloponnisos, sa timugang bahagi ng kontinente ng Gresya. Iniatas sa akin ang buong distritong ito bilang aking sariling teritoryo!

Pinasimulan ko ang pangangaral taglay ang di-mapigil na kasabikan, anupat nagtungo sa mga bayan, mga nayon, mga bukirin, at malalayong bahay. Di-nagtagal at sinamahan ako ni Michael Triantafilopoulos, na siyang nagbautismo sa akin noong tag-araw ng 1935​—mahigit na isang taon pagkatapos kong magsimula sa buong-panahong ministeryo! Walang pampublikong sasakyan, kaya naglalakad kami sa lahat ng lugar. Ang aming pinakamalaking problema ay ang pagsalansang ng klero, na gagawa ng kahit ano upang mapigil kami. Bunga nito, napaharap kami sa labis na pagtatangi. Gayunman, sa kabila ng mga hadlang, naisagawa ang pagpapatotoo, at naianunsiyo ang pangalan ni Jehova sa lahat ng dako.

Pagbabata ng Pagsalansang

Isang umaga, habang nangangaral sa bulubunduking pook ng Arcadia, narating ko ang nayon ng Magouliana. Pagkatapos magpatotoo sa loob ng isang oras, narinig ko ang mga kampana ng simbahan at agad kong natanto na ang mga ito ay pinatutunog dahil sa akin! Nagtipon ang isang manggugulong karamihan sa ilalim ng pangunguna ng isang Griego Ortodoksong archimandrita (isang opisyal ng simbahan na ang ranggo ay mas mababa sa isang obispo). Agad kong isinara ang aking bag na ginagamit sa pagpapatotoo at nanalangin ako nang tahimik kay Jehova. Ang archimandrita, kasama ang isang pulutong ng mga batang sumusunod sa kaniya, ay patungo sa akin. Sumigaw siya, “Hayun siya! Hayun siya!”

Pinalibutan ako ng mga bata, at lumapit ang klerigo at itinulak-tulak ako sa pamamagitan ng kaniyang nakausling malaking tiyan, anupat sinabing ayaw niyang hawakan ako ‘baka ako’y marumi.’ Sumigaw siya, “Suntukin ninyo siya! Suntukin ninyo siya!” Subalit nang sandaling iyon ay dumating ang isang pulis at dinala kaming dalawa sa himpilan ng pulisya. Nilitis ang klerigo sa kasong panunulsol sa isang manggugulong karamihan at pinagmulta ng 300 drachma bukod pa sa mga gastos sa hukuman. Ako naman ay pinalaya.

Kapag dumarating kami sa isang bagong lugar, ang mas malaking bayan ang pinipili naming sentro ng aming gawain, at mula roon ay ginagawa namin ang buong teritoryo sa distansiyang maaabot ng apat-na-oras na paglalakad. Nangangahulugan ito na umaalis kami nang madaling-araw habang madilim pa at umuuwi nang gabi na, anupat karaniwang nadadalaw ang isa o dalawang nayon bawat araw. Pagkatapos magawa ang nakapalibot na mga nayon, nangangaral kami sa pinakasentrong bayan at saka lumilipat sa ibang lugar. Madalas kaming maaresto dahil sinusulsulan ng klero ang mga tao laban sa amin. Sa rehiyon ng Parnassus, sa gitnang Gresya, ilang buwan akong pinaghahanap ng mga pulis. Gayunpaman, hindi nila ako kailanman nahuli.

Isang araw kami ni Brother Triantafilopoulos ay nangangaral sa nayon ng Mouríki sa pook ng Boeotia. Pinaghatian namin ang nayon sa dalawang bahagi, at gumawa ako sa matatarik na dalisdis, yamang ako ang mas bata. Walang anu-ano’y nakarinig ako ng mga daing mula sa gawing ibaba. Habang tumatakbo ako pababa, naisip ko, ‘Ginugulpi si Brother Triantafilopoulos.’ Nag-ipun-ipon ang mga taganayon sa kapihan sa lugar na iyon, at isang pari ang nagpapapadyak tulad ng isang galit na toro. “Tinatawag tayo ng mga taong ito na ‘ang binhi ng Serpiyente,’ ” ang isinisigaw niya.

Nabali na ng pari ang isang tungkod sa ulo ni Brother Triantafilopoulos, at umaagos ang dugo sa kaniyang mukha. Pagkatapos kong pahirin ang dugo, nagawa naming tumakas. Naglakad kami nang tatlong oras hanggang sa marating namin ang lunsod ng Thebes. Doon ay ginamot ang sugat sa isang klinika. Ipinagbigay-alam namin sa pulisya ang pangyayari, at isang demanda ang isinampa. Gayunman, ang pari ay may mga koneksiyon at sa wakas ay napawalang-sala.

Samantalang gumagawa kami sa bayan ng Leukas, “inaresto” kami ng mga tagasunod ng isa sa mga pulitikal na lider sa lugar na iyon at dinala kami sa kapihan ng nayon, kung saan inakusahan kami sa isang sariling-gawang hukuman ng mga tao. Ang pulitikal na lider at ang kaniyang mga tauhan ay naghali-halili sa pag-ikot sa amin at sa pagwiwika​—naghuhumiyaw​—at pinagbabantaan kami sa pamamagitan ng kanilang nakakuyom na mga kamao. Lasing silang lahat. Nagpatuloy hanggang sa paglubog ng araw ang kanilang pagtuligsa sa amin, ngunit kami’y nanatiling kalmado at nakangiti habang ipinahahayag naming wala kaming kasalanan at tahimik na nanalangin para sa tulong ng Diyos na Jehova.

Nang magtakip-silim na ay sinaklolohan kami ng dalawang pulis. Dinala nila kami sa himpilan ng pulisya at pinakitunguhan kaming mabuti. Upang bigyang-katuwiran ang kaniyang ginawa, ang pulitikal na lider ay dumating kinabukasan at pinagbintangan kami na nagpapalaganap ng propaganda laban sa Hari ng Gresya. Kaya ipinadala kami ng pulisya, kasama ang dalawang tao, sa bayan ng Lamia para sa higit pang pagsisiyasat. Ikinulong kami sa loob ng pitong araw at saka dinala nang nakaposas sa bayan ng Larissa para litisin.

Naghihintay sa aming pagdating ang ating mga Kristiyanong kapatid sa Larissa na patiunang nasabihan. Ang matinding pagmamahal na ipinakita nila sa amin ay isang mainam na patotoo sa mga guwardiya. Ang aming abogado, isa sa mga Saksi ni Jehova at dating tenyente koronel, ay kilalang-kilala sa bayan. Nang siya’y humarap sa korte at nagpaliwanag tungkol sa aming kaso, nabunyag na mali ang mga paratang sa amin, at kami’y pinalaya.

Ang pangkalahatang tagumpay ng pangangaral ng mga Saksi ni Jehova ay humantong sa lalong matinding pagsalansang. Noong 1938 at 1939 ay naipasa ang mga batas na nagbabawal sa proselitismo, at kami ni Michael ay nasangkot sa maraming kaso sa hukuman hinggil sa usaping ito. Pagkaraan, pinayuhan kami ng tanggapang pansangay na gumawa nang magkahiwalay upang hindi gaanong makatawag ng pansin ang aming gawain. Nasumpungan kong mahirap ang walang kasama. Gayunman, dahil sa pagtitiwala kay Jehova, nilakad ko ang mga distrito ng Attica, Boeotia, Phthiotis, Euboea, Aetolia, Acarnania, Eurytania, at ang distrito ng Peloponnisos.

Nakatulong sa akin sa panahong ito ang magagandang salita ng pagtitiwala ng salmista kay Jehova: “Sa pamamagitan mo ay mahaharap ko ang isang pangkat ng mandarambong; at sa pamamagitan ng aking Diyos ay maaakyat ko ang isang pader. Ang tunay na Diyos ang Siyang nagbibigkis sa akin ng mahalagang kalakasan, at pasasakdalin niya ang aking daan, ginagawang gaya ng mga paa ng babaing usa ang aking mga paa, at iniingatan akong nakatayo sa matataas na dako.”​—Awit 18:29, 32, 33.

Noong 1940, nagdeklara ng digmaan ang Italya laban sa Gresya, at di-nagtagal pagkatapos nito ay lumusob sa bansa ang mga hukbong Aleman. Idineklara ang batas militar, at ipinagbawal ang mga aklat ng Samahang Watch Tower. Iyon ay mahihirap na taon para sa mga Saksi ni Jehova sa Gresya; gayunpaman, lubhang dumami ang bilang nila​—mula 178 Saksi noong 1940 hanggang 1,770 pagsapit ng katapusan ng Digmaang Pandaigdig II noong 1945!

Paglilingkod sa Bethel

Noong 1945, inanyayahan akong maglingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Atenas. Ang Bethel, na ang kahulugan ay “Bahay ng Diyos,” ay matatagpuan noon sa isang inuupahang bahay sa Lombardou Street. Nasa unang palapag ang mga tanggapan, at nasa silong ang palimbagan. Ito ay binubuo ng isang maliit na imprenta at isang makinang pantabas. Ang mga tauhan sa paglilimbag ay binubuo lamang ng dalawang katao noong una, ngunit di-nagtagal at may iba pang boluntaryo na nanggagaling pa sa kanilang tahanan upang tumulong sa gawain.

Muling naitatag ang pakikipag-ugnayan sa punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower sa Brooklyn, New York, noong 1945, at nang taóng iyon ay nagsimula na naman kaming regular na maglimbag ng Ang Bantayan sa Gresya. Pagkaraan, noong 1947, inilipat namin ang aming sangay sa 16 Tenedou Street, ngunit nanatili ang palimbagan sa Lombardou Street. Nang maglaon ay inilipat ang palimbagan mula sa Lombardou Street tungo sa isang pabrika na pag-aari ng isang Saksi mga limang kilometro ang layo. Kaya may panahon na paroo’t parito kami sa tatlong lokasyon.

Natatandaan ko pa na umaalis kami sa aming tinitirahan sa Tenedou Street bago magbukang-liwayway at naglalakbay patungo sa palimbagan. Pagkatapos magtrabaho roon hanggang ika–1:00 n.h., pumupunta ako sa Lombardou Street kung saan dinadala ang mga pilyego ng papel na aming inimprenta. Doon ang mga ito ay tinutupi sa anyong magasin, tinatahi, at tinatabas sa pamamagitan ng kamay. Pagkatapos nito ay dinadala namin ang kumpletong mga magasin sa tanggapan ng koreo, binubuhat ang mga ito patungo sa ikatlong palapag, tinutulungan ang mga tauhan na pagbukud-bukurin ang mga ito, at lagyan ng selyo ang mga sobre para sa pagpapadala sa koreo.

Pagsapit ng 1954 ay umabot sa mahigit sa 4,000 ang bilang ng mga Saksi sa Gresya, at kinailangan ang pinalawak na mga pasilidad. Kaya naman, lumipat kami sa isang bagong tatlong-palapag na Bethel sa kabayanan ng Atenas sa Kartali Street. Noong 1958, hiniling na ako ang mangasiwa sa kusina, at iyon ang naging pananagutan ko hanggang 1983. Samantala, noong 1959, pinakasalan ko si Eleftheria, na napatunayang isang matapat na kapareha sa paglilingkod kay Jehova.

Muling Pagbabata ng Pagsalansang

Isang hunta militar ang umagaw ng kapangyarihan noong 1967, at muling nagpairal ng mga restriksiyon sa aming pangangaral. Gayunman, dahil sa dati naming karanasan sa pagharap sa mga pagbabawal sa ating mga gawain, agad kaming nakapagsaayos at matagumpay na nagpatuloy nang palihim.

Ginaganap namin ang mga pulong sa pribadong mga tahanan at nag-iingat sa aming ministeryo sa bahay-bahay. Gayunpaman, laging inaaresto ang ating mga kapatid, at dumami ang mga kaso sa hukuman. Ang aming mga abogado ay laging abala sa paglalakbay upang humarap sa mga paglilitis na ginaganap sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa kabila ng pagsalansang, karamihan sa mga Saksi ay nanatiling regular sa kanilang pangangaral, lalo na kapag mga dulo ng sanlinggo.

Sa isang karaniwang Sabado o Linggo pagkatapos ng aming pangangaral sa araw na iyon, tinitingnang mabuti kung may sinumang nawawala sa aming grupo. Kadalasan, yaong mga nawawala ay nakakulong sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya. Kaya dinadalhan namin sila ng mga kumot at pagkain at pinatitibay-loob sila. Gayundin, ipinagbibigay-alam namin sa aming mga abogado, na pagsapit ng Lunes ay haharap sa piskal upang ipagtanggol yaong mga nakakulong. Masaya naming hinaharap ang kalagayang ito sapagkat nagdurusa kami alang-alang sa katotohanan!

Noong panahon ng pagbabawal ay isinara ang aming palimbagan sa Bethel. Kaya ang bahay na tinitirhan namin ni Eleftheria sa labas ng Atenas ay naging parang isang palimbagan. Minamakinilya ni Eleftheria ang mga kopya ng mga artikulo sa Bantayan na ginagamit ang isang mabigat na makinilya. Naglalagay siya ng sampung pilyego ng papel nang minsanan sa makinilya at kailangang diinang mabuti ang pagmamakinilya upang bumakat ang mga letra. Pagkatapos ay iniipon ko ang mga pahina at tinatahi ang mga ito nang sama-sama. Nagpapatuloy ito gabi-gabi hanggang sa maghatinggabi. Isang pulis ang nakatira sa ibabang palapag, at nagtataka pa rin kami kung bakit hindi siya kailanman naghinala.

Nagagalak sa Patuloy na Paglawak

Naibalik ang demokrasya sa Gresya noong 1974, at muli na namang isinagawa nang mas hayagan ang aming pangangaral. Gayunman, sa loob ng pitong taon na may mga restriksiyon sa aming gawain, nagtamasa kami ng kamangha-manghang pagsulong na mahigit sa 6,000 bagong Saksi, anupat umabot sa kabuuan na mahigit sa 17,000 tagapaghayag ng Kaharian.

Ipinagpatuloy rin namin ang regular na paglilimbag sa lugar ng sangay. Bunga nito, di-nagtagal ay naging napakaliit na ng mga pasilidad ng Bethel sa Kartali Street. Kaya bumili ng isang ektarya ng lupain sa Marousi na nasa labas ng Atenas. Nagtayo ng bagong mga gusali ng Bethel na binubuo ng 27 silid-tulugan, isang pagawaan, mga tanggapan, at iba pang pasilidad. Inialay ang mga ito noong Oktubre 1979.

Nang maglaon ay nangailangan pa kami ng higit pang lugar. Kaya bumili ng 22 ektarya ng lupain mga 60 kilometro sa gawing timog ng Atenas. Ang lugar ay nasa Eleona, sa isang gilid ng burol na matutunghayan ang mga bundok at mga libis na natutubigang mabuti. Doon, noong Abril 1991, inialay namin ang isang mas malaking pasilidad na binubuo ng 22 bahay, na ang bawat isa’y matutuluyan ng walo katao.

Pagkatapos gumugol ng mahigit sa 60 taon sa buong-panahong ministeryo, pinagpala pa rin ako ng isang mabuting kalusugan. Nakaliligaya, ako’y “nagbubunga sa panahon ng pagiging may-uban.” (Awit 92:14) Ako’y lalo nang nagpapasalamat kay Jehova na nakita ng aking sariling mga mata ang malaking pagsulong sa bilang ng kaniyang tunay na mga mananamba. Inihula ni propeta Isaias ang gayong paglago: “Ang iyong mga pintuang-bayan ay mabubukas na lagi; hindi masasara maging sa araw man o sa gabi, upang dalhin sa iyo ang kayamanan ng mga bansa.”​—Isaias 60:11.

Tunay ngang kahanga-hangang makita ang milyun-milyong tao mula sa lahat ng bansa na humuhugos sa organisasyon ni Jehova at tinuturuan kung paano makaliligtas sa malaking kapighatian tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos! (2 Pedro 3:13) Totohanang masasabi ko na ang buong-panahong ministeryo ay napatunayang higit na mahalaga para sa akin kaysa sa anumang bagay na maiaalok ng sanlibutang ito. Oo, nasumpungan ko, hindi ang mga gintong kayamanan, kundi ang espirituwal na mga diamante na nagpayaman sa aking buhay nang labis-labis.

[Mga larawan sa pahina 23]

Sina Michalis at Eleftheria Kaminaris

(Kanan) Ang palimbagan sa Lombardou Street

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share