Si Jehova ang Aking Naging Malaking Bato
AYON SA SALAYSAY NI EMMANUEL LIONOUDAKIS
Ang aking nanay ay sumimangot at nagsabi sa akin: “Kung maninindigan ka sa iyong desisyon, kung gayon ay lumayas ka sa bahay na ito.” Nagpasiya akong ipangaral ang Kaharian ng Diyos nang buong panahon. Subalit, hindi kaya ng pamilya ko ang kahihiyang tinatanggap nila dahil sa paulit-ulit na mga pag-aresto sa akin.
ANG aking mga magulang ay mapagpakumbaba at may takot sa Diyos. Nakatira sila sa nayon ng Douliana, sa gawing kanluran ng Griegong isla ng Creta, kung saan ako isinilang noong taon ng 1908. Mula sa aking pagkabata patuloy, tinuruan nila akong matakot at gumalang sa Diyos. Mahilig ako sa Salita ng Diyos, bagaman hindi ko kailanman nakita ang isang Bibliya sa kamay ng mga guro o ng mga paring Griego Ortodokso.
Pagkatapos mabasa ng isang kapitbahay ang anim na tomo ng Studies in the Scriptures, ni C. T. Russell, at ang aklat na The Harp of God, buong pananabik na ibinahagi niya sa akin ang nakapagtuturong nilalaman nito mula sa Kasulatan. Ang mga aklat na ito’y inilathala ng mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. May katuwaang kumuha ako ng isang Bibliya at mga kopya ng aklat mula sa tanggapan ng Samahang Watch Tower Society sa Atenas. Naaalaala ko pa na nagpupuyat ako kasama ng kapitbahay na ito, na nananalangin kay Jehova at sa liwanag ng kandila ay matamang nagsasaliksik sa Kasulatan sa tulong ng mga publikasyong iyon.
Ako’y 20 taóng gulang at naglilingkod bilang isang guro sa paaralan sa isang kalapit na nayon nang simulan kong ibahagi sa iba ang aking bagong-tuklas na kaalaman sa Bibliya. Di-nagtagal, apat na kaming nagdaraos ng regular na mga pulong sa pag-aaral ng Bibliya sa Douliana. Namahagi rin kami ng mga tract, buklet, at mga Bibliya upang tulungan ang ibang tao na matuto tungkol sa tanging pag-asa ng sangkatauhan, ang Kaharian ng Diyos.
Noong 1931, kabilang kami sa libu-libo sa buong daigdig na tumanggap sa salig-Bibliyang pangalan na mga Saksi ni Jehova. (Isaias 43:10) Nang sumunod na taon, nakibahagi kami sa isang kampanyang naghahatid ng impormasyon, anupat nagpapaliwanag sa mga awtoridad tungkol sa aming bagong pangalan at sa kahulugan nito. Kasali rito ang pamamahagi ng isang buklet na may kaugnayan sa bawat pari, hukom, opisyal ng pulisya, at negosyante sa aming lugar.
Gaya ng inaasahan, ang klero ay nagsulsol ng isang daluyong ng pag-uusig. Noong una akong maaresto, ako’y sinentensiyahan ng hanggang 20 araw sa bilangguan. Di-nagtagal pagkaraan kong mapalaya, muli akong inaresto at sinentensiyahan ng hanggang isang buwan na pagkabilanggo. Nang ipag-utos ng isang hukom na huminto na kami sa pangangaral, kami’y sumagot sa mga pananalita ng Gawa 5:29: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” Nang maglaon, noong 1932, dinalaw ng isang kinatawan ng Watch Tower ang aming maliit na grupo sa Douliana, at lahat kaming apat ay nabautismuhan.
Pagkasumpong ng Isang Espirituwal na Pamilya
Dahil sa hangad kong makagawa ng higit pa sa gawaing pangangaral, nagbitiw ako sa pagtuturo. Hindi iyan matanggap ng aking ina. Iniutos niya na lumayas ako. Sa pagsang-ayon ng tanggapang pansangay ng Watch Tower sa Atenas, malugod akong tinanggap sa kaniyang bahay ng isang bukas-palad na Kristiyanong kapatid sa lunsod ng Iráklion, Creta. Kaya noong Agosto 1933, ang mga kapatid mula sa aking nayong tinubuan, kasama ang ilang taong interesado, ay nagpunta sa hintuan ng bus upang magpaalam sa akin. Lubhang makabagbag- damdamin ang sandaling ito, at nag-iyakan kaming lahat, yamang hindi namin tiyak kung kailan kami muling magkikita.
Sa Iráklion, naging bahagi ako ng isang maibiging espirituwal na pamilya. May tatlo pang Kristiyanong mga kapatid na lalaki at isang kapatid na babae na regular na nakakasama namin sa pag-aaral at sa pagsamba. Nasaksihan ko mismo ang katuparan ng pangako ni Jesus: “Walang sinuman na nag-iwan ng bahay o mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae o ina o ama o mga anak o mga bukid alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita ang hindi tatanggap ng sandaang ulit ngayon sa yugtong ito ng panahon, ng mga bahay at mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae at mga ina.” (Marcos 10:29, 30) Ang atas ko ay mangaral sa lunsod na ito at sa kalapit na mga nayon. Pagkatapos kong makubrehan ang lunsod, lumipat ako at gumawa sa malalaking subdibisyon ng Iráklion at Lasithion.
Nag-iisang Payunir
Ginugol ko ang maraming oras sa paglalakad sa mga nayon. Bukod pa riyan, kailangan kong buhatin ang ilang kilo ng nilimbag na mga babasahin, yamang hindi madalas ang pagpapadala ng mga literatura. Sapagkat wala akong matulugan, nagtutungo ako sa isang kapihan sa nayon, naghihintay roon hanggang sa makaalis ang huling parokyano—karaniwang lampas na sa hatinggabi—matutulog sa isang sopa, at magigising nang maaga kinabukasan bago magsilbi ng inumin ang may-ari. Napakaraming pulgas ang nakasama ko sa mga sopang iyon.
Bagaman karaniwan nang malamig ang pagtugon ng mga tao, maligaya kong ibinigay kay Jehova ang kalakasan ng aking kabataan. Kapag nakasumpong ako ng isang taong interesado sa katotohanan ng Bibliya, pinasisidhi nito ang aking determinasyong magpatuloy sa nagliligtas-buhay na ministeryong ito. Nakagiginhawa rin ang pakikisama sa aking espirituwal na mga kapatid. Nagkikita kami pagkatapos kong mawala ng 20 hanggang 50 araw, depende sa kung gaano kalayo sa lunsod ng Iráklion ako nangangaral.
Tandang-tanda ko pa kung gaano ako kalungkot noong isang hapon, lalo na kapag naalaala ko na ang aking Kristiyanong mga kapatid sa Iráklion ay regular na magpupulong sa gabing iyon. Gayon na lang katindi ang pagnanais kong makita sila anupat nagpasiya akong lakarin ang mahigit na 25 kilometro na naghihiwalay sa amin. Hindi pa ako kailanman lumakad nang napakabilis. Anong laking kaaliwan na tamasahin ang kaayaayang pakikipagsamahan sa aking mga kapatid nang gabing iyon at muling punuin ang aking tipunan ng espirituwal na panustos, wika nga!
Di-nagtagal, nagbunga ang aking pagpapagal sa pangangaral. Gaya noong mga kaarawan ng mga apostol, ‘patuloy na isinama ni Jehova sa amin yaong mga inililigtas.’ (Gawa 2:47) Dumami ang bilang ng mga mananamba ni Jehova sa Creta. Habang ang iba ay sumasama sa akin sa ministeryo, hindi na ako nag-iisa. Tiniis namin ang pisikal na hirap at malupit na pagsalansang. Ang aming pang-araw-araw na pagkain ay tinapay, na may kasamang itlog, olibo, o gulay na nakukuha namin na kapalit ng literaturang tinanggap niyaong mga pinangaralan namin.
Sa bayan ng Ierápetra, sa gawing timog-silangan ng Creta, nagpatotoo ako kay Minos Kokkinakis, isang negosyante ng tela. Sa kabila ng aking matiyagang pagsisikap na magsimula ng isang pag-aaral ng Bibliya sa kaniya, wala siyang gaanong panahon dahil sa kaniyang abalang istilo ng buhay. Gayunman, nang sa wakas ay nagpasiya siyang maging seryoso sa kaniyang pag-aaral, gumawa siya ng malaking pagbabago sa kaniyang buhay. Naging napakasigasig at aktibong tagapaghayag din siya ng mabuting balita. Si Emmanuel Paterakis, isang 18-anyos na empleado ni Kokkinakis, ay humanga sa mga pagbabagong iyon, at di-nagtagal ay humiling siya ng literatura sa Bibliya. Anong tuwa ko na makita siyang patuloy na sumulong sa espirituwal at sa wakas ay naging isang misyonero!a
Samantala, ang kongregasyon sa aking nayon ay patuloy na lumalaki at ngayon ay mayroon nang 14 na mamamahayag. Hinding-hindi ko malilimutan ang araw nang mabasa ko ang isang liham buhat sa aking kapatid sa laman na si Despina, na nagsasabing tinanggap niya at ng aking mga magulang ang katotohanan at sila ngayo’y bautisadong mga mananamba na ni Jehova!
Nagtitiis ng Pag-uusig at Pagpapatapon
Itinuring ng Simbahang Griego Ortodokso ang aming gawaing pangangaral na gaya ng isang salot ng mapangwasak na mga balang, at determinado silang sugpuin kami. Noong Marso 1938, dinala ako sa harap ng piskal ng bayan, na nag-utos na lisanin ko agad ang lugar na iyon. Sumagot ako na ang aming gawaing pangangaral ay aktuwal na kapaki-pakinabang at na ang aming gawain ay ipinag-utos ng mas nakatataas na awtoridad, ang ating Haring si Jesu-Kristo.—Mateo 28:19, 20; Gawa 1:8.
Kinabukasan, ipinatawag ako sa lokal na istasyon ng pulis. Doon ay ipinabatid sa akin na ako’y binansagang isang panganib sa bayan, at ako’y nahatulan ng isang taon na pagkatapon sa isla ng Amorgos sa Aegean. Pagkaraan ng ilang araw, ako’y nakaposas na dinala sa islang iyon sakay ng bangka. Walang ibang Saksi ni Jehova sa Amorgos. Isip-isipin ang pagkagulat ko nang, pagkaraan ng anim na buwan, nalaman ko na may isa pang Saksi na ipinatapon sa isla! Sino kaya siya? Si Minos Kokkinakis, ang estudyante ko sa Bibliya doon sa Creta. Anong tuwa ko na magkaroon ng isang espirituwal na kasama! Nang maglaon, nagkapribilehiyo ako na bautismuhan siya sa katubigan ng Amorgos.b
Karaka-raka pagbalik ko sa Creta, muli na naman akong inaresto, at sa pagkakataong ito ako ay ipinatapon sa maliit na nayon ng Neapolis sa islang iyon sa loob ng anim na buwan. Pagkatapos ng aking anim na buwang pagkakatapon, ako’y inaresto, ibinilanggo ng sampung araw, at saka ipinadala sa isang isla na reserbado para sa mga ipinatapong mga Komunista upang dumoon sa loob ng apat na buwan. Natalos ko kung gaano katotoo ang mga salita ni apostol Pablo: “Lahat niyaong mga nagnanasang mabuhay na may maka-Diyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din.”—2 Timoteo 3:12.
Dumami sa Kabila ng Pagsalansang
Sa pagsakop ng Alemanya sa Gresya noong mga taon ng 1940-44, ang aming gawaing pangangaral ay halos huminto. Gayunman, agad na nagreorganisa ang bayan ni Jehova sa Gresya, at sinimulan namin muli ang aming gawaing pangangaral. Sa pagsisikap na makabawi sa nawalang panahon, aktibo at masigasig kaming nagpatuloy sa gawaing pang-Kaharian.
Gaya ng inaasahan, muling sumiklab ang relihiyosong pagsalansang. Kadalasan, inilalagay ng mga paring Griego Ortodokso ang batas sa kanilang kamay. Sa isa sa mga nayon, sinulsulan ng isang pari ang isang pang-uumog laban sa amin. Binugbog ako ng pari mismo habang gayundin ang ginagawa ng kaniyang anak mula sa likuran. Sumugod ako sa isang kalapit na bahay para sa proteksiyon, samantalang ang kasama ko naman sa pangangaral ay kinaladkad sa liwasang-bayan ng nayon. Doon, pinunit ng mga mang-uumog ang kaniyang literatura, at isang babae ang patuloy na sumisigaw sa kaniyang balkon, “Patayin siya!” Sa wakas, isang doktor at isang nagdaraang pulis ang sumaklolo sa amin.
Nang maglaon, noong 1952, muli akong naaresto at nasentensiyahan ng apat na buwan ng pagkatapon, na pinagdusahan ko sa Kastelli Kissamos, Creta. Karaka-raka pagkatapos niyan, tumanggap ako ng pagsasanay upang dumalaw sa mga kongregasyon at patibayin sila sa espirituwal. Pagkatapos gumugol ng dalawang taon sa ganitong uri ng gawaing paglalakbay, pinakasalan ko ang isang tapat na Kristiyanong sister, na nagngangalang Despina na kapangalan ng aking kapatid sa laman, na naging isang tapat na mananamba ni Jehova mula’t sapol. Pagkatapos ng aming kasal ay naatasan ako bilang isang special pioneer sa bayan ng Hania, Creta, kung saan naglilingkod pa rin ako.
Sa loob ng halos 70 taon ng buong-panahong paglilingkod, halos nakubrehan ko na ang buong Creta—isang isla na 8,300 kilometro kudrado at ang haba ay umaabot ng mga 250 kilometro. Ang pinakamalaking kaligayahan ko ay ang makita ang mangilan-ngilang Saksi sa islang ito noong dekada ng 1930 na lumago tungo sa mahigit na 1,100 aktibong tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos ngayon. Nagpapasalamat ako kay Jehova sa pagbibigay niya sa akin ng pagkakataon na magkaroon ng bahagi sa pagtulong sa marami sa mga ito na magkaroon ng tumpak na kaalaman mula sa Bibliya at isang kamangha-manghang pag-asa sa hinaharap.
Si Jehova, “ang Tagapagligtas”
Natutuhan ko buhat sa karanasan na nangangailangan ng pagbabata at pagtitiis upang matulungan ang mga tao na makilala ang tunay na Diyos. Saganang naglalaan si Jehova ng lubhang kinakailangang mga katangiang ito. Sa 67 taon ko sa buong-panahong paglilingkod, paulit-ulit kong binubulay-bulay ang pananalita ni apostol Pablo: “Sa bawat paraan ay inirerekomenda namin ang aming mga sarili bilang mga ministro ng Diyos, sa pagbabata ng marami, sa mga kapighatian, sa mga pangangailangan, sa mga kahirapan, sa mga pambubugbog, sa mga bilangguan, sa mga kaguluhan, sa mga pagpapagal, sa mga gabing walang tulog, sa mga panahon na walang pagkain.” (2 Corinto 6:4, 5) Lalo na noong mga unang taon ng aking paglilingkuran, hirap na hirap ako sa pananalapi. Gayunman, kami ng aking pamilya ay hindi kailanman pinabayaan ni Jehova. Siya ay naging isang matatag at makapangyarihang Katulong. (Hebreo 13:5, 6) Lagi naming nararanasan ang kaniyang maibiging kamay kapuwa sa pagtitipon ng kaniyang tupa at sa paglalaan ng aming mga pangangailangan.
Kapag ako’y lumilingon at nakikita sa espirituwal na diwa, na ang disyerto ay namumulaklak, ako’y nagtitiwalang ang aking gawain ay hindi sa walang kabuluhan. Ginugol ko ang aking kalakasan at kabataan sa lubhang kapaki-pakinabang na paraan. Ang aking karera sa buong-panahong ministeryo ay naging mas mahalaga kaysa sa anumang ibang gawain. Ngayong matanda na, buong-pusong mapatitibay-loob ko ang mga kabataan na ‘alalahanin ang kanilang Dakilang Maylalang sa mga araw ng kanilang kabataan.’—Eclesiastes 12:1.
Sa kabila ng aking edad na 91, gumugugol pa rin ako ng mahigit na 120 oras sa gawaing pangangaral sa bawat buwan. Araw-araw, gumigising ako ng alas–7:30 n.u. at nagpapatotoo sa mga tao sa lansangan, sa mga tindahan, o sa mga parke. Sa katamtaman, nakapagpapasakamay ako ng 150 magasin sa bawat buwan. Nahihirapan ako ngayon dahil may diperensiya na ang aking pandinig at memorya, subalit ang aking maibiging espirituwal na mga kapatid—ang aking malaking espirituwal na pamilya—gayundin ang mga pamilya ng aking dalawang anak na babae, ay naging isang tunay na alalay.
Higit sa lahat, natutuhan kong maglagak ng aking tiwala kay Jehova. Sa lahat ng panahon, siya ay naging “aking malaking bato at aking moog at ang Tagapagligtas ko.”—Awit 18:2.
[Mga talababa]
a Para sa kuwento ng buhay ni Emmanuel Paterakis, tingnan Ang Bantayan, Nobyembre 1, 1996, pahina 22-7.
b Para sa legal na tagumpay na nagsasangkot kay Minos Kokkinakis, tingnan Ang Bantayan, Setyembre 1, 1993, pahina 27-31. Si Minos Kokkinakis ay namatay noong Enero 1999.
[Mga larawan sa pahina 26, 27]
Ibaba: Kasama ng aking asawa; kaliwa: noong 1927; katapat na pahina: kasama ni Minos Kokkinakis (kaliwa) at ng isa pang Saksi sa Acropolis, 1939, pagkatapos naming bumalik mula sa pagkatapon