Mula sa Daigdig ng Katahimikan
MAAGA noon, mga alas singko ng umaga. Ang aking asawa, si Basil, at ako ay komportableng nakahiga at nakakumot nang marahang sikuhin niya at pabulong na sinabi sa akin, “Mahal, umuulan.” Gustung-gusto kong mahiga sa kama at pakinggan ang marahang tagiktik ng ulan sa bahay! Subalit sa loob ng walong taon, kailangang sabihin sa akin ni Basil kung umuulan sapagkat hindi ko ito marinig. Gayunman, iba na sa pagkakataong ito. Bigla akong naupo. Naririnig ko ito! Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng maraming taon, naririnig ko ang magandang tunog na iyon!
Hindi ito ang una kong pagkarinig sa dating pamilyar na mga tunog na hindi ko narinig sa loob ng maraming taon. Noong nakaraang linggo ay punô ng magandang pakinggang mga tunog—ang marahang tunog ng umiikot na pamaypay sa hurno, ang patuloy na huni ng dial tone sa telepono, ang marahang yabag ng akin mismong paa sa sahig sa kusina. Ang mga tunog na ito, napakapangkaraniwan sa karamihan ng mga tao, ay musika sa aking mga tainga. Ang aking pandinig ay naisauli! Hayaan mong ilahad ko sa iyo ang aking kuwento.
Maagang Rikonosi
Bata at nakatalaga, pinasok ko ang aking karera bilang isang buong-panahong guro ng Bibliya noong 1958. Ngayon, pagkalipas ng 30 mga taon, nagpapatuloy pa rin ako sa landasing iyon. Maaga noong 1970’s, habang kami ni Basil ay tumutulong sa mga tao na magtamo ng espirituwal na paningin at buksan ang pandinig ng mga bingi sa kahanga-hangang mga katotohanan ng Salita ng Diyos, ang akin mismong pisikal na pandinig ay nakakainis na humina.
Noong 1977 nakipagkita ako sa isang doktor sa San Pedro, California, na nagpakilala sa akin sa salitang “otosclerosis.” Sinabi niya na ito ay isang pangkaraniwang namamanang sakit at na ang isang operasyon ay maaaring magpagaling sa aking pandinig. Subalit pagkatapos niyang sabihin sa akin ang posibleng masamang epekto ng operasyon, nilisan ko ang kaniyang opisina, may pagmamalaking sinabi ko sa aking sarili: ‘Hindi ako! Ang gayong mga bagay ay hindi nangyayari sa akin.’
Pagpasok Ko sa Daigdig ng Katahimikan
Sa sumunod na tatlong taon, unti-unti akong dumaus-os sa mahina, tahimik na daigdig—isang daigdig na walang anumang ingay na maririnig. Ang mga tao ay para bang pasubuk-subok sa akin mula sa likuran at bigla na lamang lilitaw. Ang pamilyar na put-put ng kotse ng aking asawa pagpasok nito sa garahe ay wala na; walang anu-ano siya man ay lilitaw sa bahay, na ikinagugulat ko! Kapag nagsasalita ang mga tao ay hindi ko makita ang kanilang mga labi, nayayamot ako kasi ang tunog ng kanilang boses ay waring nanggagaling sa maling direksiyon. Masikap na pinagmamasdan ko ang ekspresyon ng kanilang mukha pagkatapos nilang magsalita upang matiyak ko na hindi ako sumagot nang mali. Kung ako ay ngumunguya ng pagkain, kailangan kong huminto upang marinig ko ang pag-uusap. Ang pinakagrabeng bagay ay ang pagkagalit at halos nakatatakot na nadarama ko ito kapag nagdaraos ako ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga estudyante na mahina ang boses, sapagkat sa tuwina’y hindi ko maunawaan ang kanilang mga komento. Para bang ako’y patáng-patâ—pagod na pagod—pagkaraan lamang ng isang oras.
Isang malaking pagbabago ay dumating noong 1980 nang ako ay anyayahan ng Samahang Watchtower na dumalo sa Pioneer Service School—isang masinsinang dalawang-linggong kurso sa instruksiyon tungkol sa Bibliya. Naghintay ako ng ilang taon para sa pribilehiyong ito, ngunit kung hindi ako makaririnig nang malinaw, hindi ako maaaring makinabang ngayon sa paaralan. Noon ako nagpasiya na patingin muli sa ibang manggagamot.
Sa tanggapan ng doktor, nang panahong ito nasumpungan ko ang aking sarili na nakaupo sa harap ng isang matangkad, puting-buhok na otologo. Maamo ang kaniyang mukha at madaling lapitan. “Sang-ayon ako sa doktor sa San Pedro,” sabi niya. “Mayroon ka ngang otosclerosis.” Nakadama ako ng tiwala sa kaniya sapagkat siya ay nakinig sa aking mga katanungan at tiniyak niya na nauunawaan niya kung ano ang itinatanong ko bago siya sumagot. Siya ay nakikinig! Gumugol siya ng panahon upang ipaliwanag kung ano ba ang otosclerosis at binigyan niya ako ng literatura upang basahin. Yamang siya ay para bang nababahala, relaks ako.
Otosclerosis—Ano ba Ito?
Ang mga salitang oto (Griego para sa “tainga) at sclerosis (Griego para sa “paninigas”) ay nagbigay sa akin ng himaton sa kung ano ang nangyayari sa aking tainga. Narinig mo na ba ang tungkol sa maliliit na buto sa gitnang tainga—ang hammer, ang anvil, at ang stirrup? Marahil tulad ko hindi mo gaanong pinapansin ang maliliit na kayariang ito, gayunman tayo ay labis na dumidepende rito. Nang personal na maapektuhan ako nito saka ko lamang natutuhan ang kanilang wastong mga pangalan, malleus, incus, at stapes. Ang stapes, (o stirrup) ang pangwakas na kawing ng transducer chain sa gitnang tainga. Karaniwan na, ang otosclerosis ay kumakalat sa stapes, at habang tumitigas ang buto, ang mga pagyanig na inililipat nito sa likido ng panloob na tainga ay humihina nang humihina, na nagbubunga ng pagkawala ng pandinig. Ang stapedial otosclerosis ay isang uri ng conductive hearing impairment na karaniwan nang naaayos sa pamamagitan ng pag-oopera.
Isa sa unang bagay na natutuhan ko ay kung ano ang conductive hearing impairment. Sa payak na paraan, ito ay nangangahulugan na ang mga tunog ay hindi naihahatid sa gitnang tainga dahil sa ilang kalagayan na bumabara rito. Subalit kung kumikilos pa nang mahusay ang nerbiyos, kung gayon ang isa ay isang mabuting kandidato para sa operasyon. Nakatutuwang malaman, mahusay pa ang pagkilos ng aking nerbiyos.
Pag-alis sa Stapes
Akala ko ang lahat ay magiging pawang tahimik sa panahon ng pag-opera sa stapes, subalit ang kabaligtaran ang nangyari. Sa ilalim ng lokal na anestisya, naririnig ko ang mga ingay habang inaalis ng doktor, na gumagamit ang isang mikroskopyo at gumagawa ng kanal ng tainga, ang stapes at pinalitan ito ng isang kahalili na yari sa kawad. Pagkatapos, biglang-bigla, samantalang ako ay nasa operating table pa, narinig ko ang isang malinaw na malinaw na tinig—kinakausap ng doktor ang kaniyang nars. Pagkatapos, tinanong ako ng doktor: “Kumusta na?” “Naririnig ko ang lahat!” ang bulalas ko. Gayunman, binabalaan niya ako na hindi magtatagal ang aking pandinig ay hihina dahil sa pamamaga sa tainga at na baka kumuha ng mga ilang linggo bago bumuti ang pakinig ko.
Bago umalis ang doktor sa operating room, ibinigay niya sa akin ang aking stapes na nakalagay sa isang maliit na plastik. Manghang-mangha ako. Napakaliit! Sandali kong binulaybulay kung gaano kadakila ang Diyos na Jehova upang gawin ang gayong napakaliit subalit napakahalagang mga bagay. Naalaala ko ang mga salmista: “Ang mga buto ko ay hindi nakubli sa iyo nang ako’y gawin sa lihim . . . Nakita ng iyong mga mata pati nang ako’y binhing sumisibol pa lamang, at sa iyong aklat ay pawang napasulat ang lahat ng bahagi.” Oo, kahit na ang maliit na stapes na ito, ang pinakamaliit na buto sa katawan ng tao, ay isinaalang-alang sa bahay-bata.—Awit 139:15, 16.
Ang kakayahang makarinig at makipag-usap na mahusay ay isang kahanga-hangang kaloob mula sa ating Maylikha. Ang maiwala ang kakayahang iyon ay isa ngang malaking kawalan. Ang matamo itong muli pagkatapos na maiwala ito ay lalo pang nakatutuwa. Anong laki ng pasasalamat ko na lisanin ang aking daigdig ng katahimikan!—Gaya ng pagkalahad ni Bette E. Sterrett.
[Kahon sa pahina 19]
Nabalitaan Mo Ba?
Nabalitaan mo ba ang sumusunod na mga pagsulong sa paggamot sa pagkabingi?
◼ Ang Ménière’s disease, isang karamdaman sa panloob na tainga na nangangahulugan ng matinding mga suliranin sa panimbang at sa dakong huli ay pagkabingi, ay ginagamot na gayon sa pamamagitan ng pag-oopera na pinapasukan ng isang shunt tube, na ginawa ni Dr. William House at ng House Ear Institute in Los Angeles.
◼ Para sa mga matindi ang pagkabingi, baka may pag-asa pa kung gagawin ang katulad ng ginagawa sa cochlear implants. Ang implant ay binubuo ng isang pagkaliit-liit na elektronikong aparato na inilalagay sa tainga sa pamamagitan ng operasyon. Ito ay pinakikilos ng isang mikropono at speech processor na isinusuot sa katawan. Binabago ng mga aparatong ito ang mga alon ng tunog tungo sa elektrikal na mga daloy. Sa pamamagitan ng implant, pinasisigla ng daloy ang mga himaymay ng nerbiyos sa tainga na ihatid ang mga mensahe sa utak, na siya namang kumikilala sa mga pangganyak na ito bilang tunog. Sa gayon, ang pasyente na nilagyan ng implant ay inaalis daigdig ng katahimikan tungo sa daigdig ng mga tunog. Bagaman nagkakaroon lamang ng napakalimitadong pagtatangi sa pananalita, gayumpaman ang pasyente ay nagkakaroon ng kaugnayan sa kaniyang kapaligiran. Tinutulungan siya nito na makipagtalastasan, kilalanin ang mga tunog sa paligid, at kontrolin ang kaniya mismong tinig. Hanggang sa ngayon, humigit-kumulang 400 pasyente ang mayroong cochlear implant. Ang hinaharap ay waring maganda para sa higit pang mga pagsulong sa paggamit ng implant.
[Kahon sa pahina 20]
Kung Paano Makikipag-usap sa Isang Tao na Mahina ang Pandiniga
◼ Magsimula sa pagsasabi sa tao ng paksa ng iyong mensahe at sundan ito ng isang nasusulat na nota para sa lubhang mahahalagang punto.
◼ Magsalita nang malinaw at mabagal nang kaunti subalit sa isang normal na tono ng boses.
◼ Magsalita na nakaharap sa taong kausap, hangga’t maaari ang iyong mukha ay nasa liwanag.
◼ Huwag ngumuya o ilagay ang iyong mga kamay sa iyong mukha habang nagsasalita.
◼ Iwasang magsalita mula sa ibang silid o sa maingay na kapaligiran, gaya ng tumutulong tubig.
[Talababa]
a Mga mungkahi buhat kay Jane E. Brody, eksperto sa kalusugan para sa The New York Times.
[Mga dayagram sa pahina 21]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang Operasyon ng Stapes
Hakbang 1: stapes otosclerosis
Hakbang 2: inalis ang stapes
Hakbang 3: kawad na hahalili sa stapes