Ang Kilusan ng mga Babae ay Nagdadala ng mga Pagbabago
ANG mga pinto ng pagkakataon sa dako ng trabaho, pamahalaan, at buhay sa pamayanan ay nabuksan sa mga babae sa maraming bansa ng daigdig sapol nang maliit na pasimula ng Kilusan sa Pagpapalaya ng Kababaihan (Women’s Liberation Movement) mahigit nang 25 taon ang nakalipas.
Pasimula ng Pagbabago
“Ang problemang walang pangalan” ang pagkakalarawan dito ng Amerikanong manunulat na si Betty Friedan sa kaniyang aklat noong 1963, ang The Feminine Mystique. Kinilala niya noon ang reklamo sa gitna ng mga babaing nakaluluwag sa buhay na nag-aakalang ang kanilang buhay ay natatali sa kani-kanilang asawa at sa kanilang pamilya. Sa maraming kababaihan na nakadarama ng paulit-ulit na kabiguan, isang di-mailarawang hinanakit, ang aklat ay nakapukaw ng pagtugon na totoo pa rin sa ngayon.
“Inaakala kong sinasayang ko ang aking isipan,” sabi ni Lyn, isang babaing taga-Canada, nang sinasabi ang tungkol sa kaniyang pag-aasawa noong 1970’s. Sinabi niya sa Gumising!: “Mayroon akong dalawang anak at asawa, subalit hindi pa rin ako nasisiyahan. Nais kong . . . talaga na ako’y may sinasabi.”
Ang indibiduwal na pagkadiskontento ay nagbunga ng malaganap na kilusang panlipunan na naghahangad na palayain ang mga babae mula sa “pagdomina” ng lalaki. Ang pangunahing dako ng kawalang-kasiyahan ay ang pamilya, na itinulad ng mga feminista (mga tagapagtaguyod ng mga karapatan at mga kapakanan ng kababaihan) sa pang-aalipin sa tahanan, at sa dako ng trabaho, na nagtatakda sa mga pagkakataon ng mga babae at karaniwan nang mas mababa ang suweldo kaysa mga lalaki.
Mga Pagbabagong Isinagawa
Ang pinakamahalagang mga pagbabago na naisagawa ng kilusan ay nasa pangkalahatang pag-iisip ng lipunan sa maraming lupain—sa isang matinding kabatiran tungkol sa mga usapin na nakakaapekto sa mga babae, isang bagong diwa ng kabutihan sa pakikinig sa kanilang mga pagkabalisa, at ang mas malaking pagpapahalaga sa kanilang kontribusyon at potensiyal sa maraming larangan.
Ang mga pagbabago sa kaisipan ay nakikita sa tunay na mga reporma. Ang mga babaing manggagawa ay kaagapay na ngayon ng mga lalaki sa maraming industriyal na trabaho na dati’y hindi para sa mga babae. Bagaman mas kaunti ang bilang, pinapasok na rin ng mga babae ang balwarte ng mga lalaki sa mga silid pampangasiwaan. “Mayroong higit at tunay na mga mapagpipilian ngayon,” sabi ng isang feminista sa Gumising!
Ang mga babae ay maaari na ngayong masumpungan sa pinakamataas na pulitikal na mga posisyon sa maraming lupain. Ang ilan sa kilalang mga bansa sa daigdig—ang India, Israel, at Gran Britaniya, halimbawa—ay kasalukuyang pinamumunuan ng mga babae. Ganito ang sabi ng presidente ng Pilipinas na si Corazon Aquino tungkol sa 1986 “walang dugong” rebolusyon na nagdala sa kaniya sa kapangyarihan: “Ang mga babae ang nasa unahan ng mga gawain.”
Marami sa mga pagbabago na nangyari ay naging kapaki-pakinabang kapuwa sa mga lalaki at mga babae. Sa buong daigdig, mayroong kawalang-katarungan gayundin ng may kinikilingang pagtrato sa mga babae. Tiyak na isang mabuting bagay na ang mga babae ay tratuhin nang pantay sa dako ng trabaho, o saanman, sa bagay na iyan. Ang mas malaking kabatiran tungkol sa mga pangangailangan, mga pagkabalisa, at mga kakayahan ng mga babae ay malaon nang lampas sa taning. Ang mga babae ay tiyak na hindi mababa sa mga hangarin at pangangailangan na makilala at pahalagahan sa kung ano sila kaysa mga lalaki.
Subalit ang kilusan ba ng kababaihan ay pawang pagpapala? Mayroong nagtatanong kung sa ilang mga kaso ang mga pagsisikap kaya ay napasobra o lumabis. Ang mga babae mismo ay nagtatanong: Ano ba ang halagang ibinayad para sa pagpapalaya? Ang kilusan ba ay isang mahalagang puwersa na gaya nang dati? At ano ang kinabukasan nito? Susuriin ng susunod na artikulo ang mga katanungang ito para sa atin.
[Blurb sa pahina 4]
Sa buong daigdig, mayroong kawalang-katarungan gayundin ng may kinikilingang pagtrato sa mga babae. Tiyak na isang mabuting bagay na ang mga babae ay tratuhin ng pantay. Subalit ang kilusan ba ng kababaihan ay pawang pagpapala?