Ang Bumuting Kalagayan ng mga Babae—Pawang Pagpapala Ba?
“BILANG sumaryo, ang mga babae sa mga taon ng 1980’s ay lalong edukado, mas malulusog, at mas mahahaba at ganap ang buhay.” Ganiyan ang konklusyon ng isang magasin sa artikulong: “Tayo Noong Nakaraan; Tayo Ngayon.” Subalit ang bumuting kalagayan kaya ng mga babae ay sa totoo naging pawang pagpapala dahilan sa naging epekto nito?
Epekto sa Pag-aasawa at sa Pamilya
Halimbawa, nariyan ang karaniwang suliranin sa pagitan ng kasiya-siyang buhay pampamilya at ang pagtataguyod ng isang karera. Isang ulat ang nagsasabi: “Ang mga babaing ehekutiba ay malamang na hindi magbigay ng mataas na prioridad sa kanilang buhay-tahanan kaysa kanilang mga kauring lalaki, at malamang na doble ang tsansa nila na makipagdiborsiyo.” Baka itanong mo kung bakit. Isang management professor sa California State University ang nagpapaliwanag: “Ang tingin ng mga lalaki sa kanilang tahanan ay isang sistema ng pagsuporta, samantalang ang tingin naman dito ng mga babae ay isang pasanin. Isang lalaki ang umuuwi sa tahanan at siya’y nagrerelaks; iyan ang kaniyang ipinagtatrabaho. Subalit sa mga babae iyon ay nagsisilbing karagdagang trabaho.”
Ito’y hindi lamang totoo kung tungkol sa mga ehekutiba. Ang mga babaing Ruso ay nangagtatrabaho na isang lahi ang kaunahan kaysa mga babae sa mga bansang Kanluran. Gayunma’y inaakala nilang ang pagtatrabaho at ang pag-aasikaso sa isang pamilya ay isang pabigat. Isang Rusong editor ng Working Woman ang nagsasabi: “Ang mga babae ang pinaka-puso ng pamilya at kailangang maging mas masigla upang lumikha ng kapaligiran na may kasiglahan at pag-ibig.” Kaya sila’y nakaharap sa isang dobleng pasanin, samantalang maraming mga asawang lalaki ang hindi tumutulong sa mga gawaing-bahay.
Ang isa pang sanhi ng suliranin ay ipinakikita ng isa sa pinakamatagumpay na babae sa Wall Street. Kaniyang ipinagmamalaki: “Ang trabaho sa akin ay isang libangan,” at isinusog pa niya: “Gusto ko ang ginagawa ko, at bahagya lamang akong magparaya”—kahit sa kaniyang pamilya. Ang ikapapanuto nito ay depande sa asawang lalaki na siyang tumitingin sa kanilang dalawang anak, kahit na siya’y isang negosyante. Ang mga kasama ng babaing ito ay nagsasabing ang kaniyang lubhang kinahihiligan ay “maliwanag na hindi mabuti para sa kaugnayang pampamilya.”
Ito’y nahahawig din sa isa sa modernong mga punong ministro. Ang kaniyang pamilya ay hindi niya gaanong naaasikaso dahilan sa kaniyang mga hangaring politikal. Samantalang nagsisilalaki, ang kaniyang mga anak ay doon kapisan sa tahanan ng kanilang tiyuhin sapagkat, ayon sa sabi sa amin, “isa sa mga bagay na gustung-gusto [nila] ay ang basta uupo na lamang sa pagkain bilang isang pamilya, na isang bagay na hindi madaling isaayos” sa tahanan.
Sa isang panayam kamakailan sa apat na pangunahing mga ehekutibang babae sa Europa, isa ang nagbunyag na ang kaniyang 12-anyos na anak na babae ay halos walang nagpalaki kundi ang kaniyang asawang lalaki. Ang sabi naman ng isang ehekutiba ay kung mga dulo lamang ng sanlinggo naaasikaso niya ang kaniyang mga anak. Sang-ayon sa mga ulat ng mga pahayagan, napansin ng mga tagapakinig na ang tatlo sa mga babaing ito ay kulang ng ugaling makatao.
Kung sa bagay, may mga babaing naghahanapbuhay dahil sa pangangailangan, marahil dahil sa pagkamatay ng asawang lalaki o iniwanan nito ang pamilya. Kaya para sa gayong mga babae, ang pagkakita ng isang mapapasukang trabaho ay baka isang pagpapala na rin, subalit sa gusto man nila o sa ayaw man nila, kailangang harapin nila ang negatibong mga epekto nito.
Ang Negatibong mga Epekto
Ang nagbagong kalagayan ng mga babae ay hindi pawang pagpapala at ito’y malinaw buhat sa karaniwang epekto pagka ang mga asawang babae’y nahigitan pa ang kani-kanilang mga asawa sa kanilang kinikita o propesyon. Sang-ayon sa mga terapista, ang ganitong kalakaran ay “nagiging isang mahigpit at kinikilalang krisis sa parami nang paraming mga mag-asawa.” Narito ang isang karaniwang reklamo ng asawang lalaki: “Kung sa talas ng isip ay pumapalakpak ako sa kaniyang tagumpay. Subalit kung sa emosyon ay hindi mabuti ang aking pakiwari. Aking nadarama na ako’y abandonado. At nadarama kong ako’y nagkakasala dahil sa totoong nanglulupaypay ako.” Kung ang kapuwa mag-asawang Kristiyano ay kailangang magtrabaho sa kasalukuyan, ang maibiging pag-uusap at konsiderasyon ay tutulong upang mabawasan ang gayong negatibong damdamin at mga epekto.—1 Pedro 4:8.
Ang isa pang salik na nagpapakitang hindi pawang pagpapala ang progresong nagawa ng mga babae ay ang pagdiriin na inilalagay ng maraming feminists sa mga bagay na unang-una’y sa kanilang bentaha. Sa The Coming Matriarchy ay tinutukoy ang panahon na ang daigdig ay paandarin ng mga babae na makaako at mga nagtatanong, “Ano ba ang mayroon nito para sa akin?” Kapuna-puna, ang matagumpay na babaing ehekutiba na binanggit na ay halos ganiyan ang pagkasabi; siya’y hindi interesado sa pagtulong sa iba na umasenso sa negosyo maliban sa kung siya’y makikinabang doon. Inamin niya: “Totoong mahilig ako sa pakinabang.” Gaano nga bang katalino iyan, sa liwanag ng payo ni Jesus? Sa Sermon sa Bundok ay sinabi niya: “Laging tatratuhin ninyo ang mga ibang tao na gaya ng ibig ninyong itrato sa inyo.” “Huwag kayong mabalisa tungkol sa araw ng bukas, sapagkat ang araw ng bukas ay mababalisa sa ganang sarili.” (Mateo 7:12; 6:34, American Translation) Oo, ang mga babaing Kristiyano ay nagsusumikap na makasunod sa payo ni Jesus sa ganiyang mga bagay.
Ang Moralidad ba ng Bibliya ay Masusunod?
Walang alinlangan na ang pinakanegatibong bahagi ng nagbagong kalagayan ng mga babae ay ang pagkaagnas ng moral. Bihirang tukuyin ng feminists ang Diyos at ang relihiyon at kadalasa’y pamimintas pa. Ang mga babae na nagpapaliban ng pag-aasawa dahilan sa kanilang mga karera ay karaniwang naniniwala na ang kasal ay hindi naman kailangan bago makipagtalik ang isa.
Ang isang negatibong hilig ng kilusang pambabae ay ang pagtataguyod ng lesbianismo. Noong 1971 sa taunang pulong ng NOW (National Organization of Women) ay pinagtibay: “Na kinikilala ng NOW ang makadobleng kaapihan ng mga babae na mga tomboy, Na ang karapatan ng isang babae sa kaniyang sariling pagkatao ay saklaw ang karapatan na itakda at ipahayag ang kaniyang sariling seksuwalidad at piliin ang kaniyang sariling istilo ng pamumuhay, Na kinikilala ng NOW ang kaapihan ng mga tomboy bilang isang lehitimong ikinababahala ng feminism.” Subalit, ihambing ang hatol ng Diyos na tinutukoy sa Roma 1:26, 27. Kadalasan ang pagsang-ayon sa pangmalas ng kilusang pambabae sa lesbianismo ay pagpayag na magkaroon ng mga aborsiyon kung ito’y hinihiling. Mainam ang pagkasabi ng propesor sa batas na si Billups Percy ng Tulane University: “Ang paniniwala na ang pagpatay sa binhing ipinagbubuntis bilang karapatan ng siruhano ay pagwawalang-bahala sa daan-daang taon ng criminology, theology at moral philosophy.”
May isang ulat na nagsasabing sa nakaraang dekada ay malulubhang krimen na ginawa ng mga babae ang dumami nang lalong mabilis kaysa nagawa ng mga lalaki. Sa pagitan ng 1974 at 1979, ang bilang ng mga babae sa Estados Unidos na naaresto dahil sa pandaraya ay sumulong ng halos 50 porsiyento, ngunit ang pagsulong ay 13 porsiyento lamang kung sa mga lalaki. Ang panlulustay ng mga babae ay sumulong din ng mga 50 porsiyento subalit 1.5 porsiyento lamang sa mga lalaki. Ang mga babaing inaaresto dahil sa panghuhuwad at pagpapalsipika ay dumami nang 27.7 porsiyento ngunit wala pang 10 porsiyento sa mga lalaki. Maliwanag na ang nagbagong kalagayan ng mga babae ay hindi nagdulot ng lubos na pagkakontento.
Ang paggamit ng tabako ay sumulong din naman sa mga babae. Ang kanser sa baga na paninigarilyo ang sanhi ang humahalili sa kanser sa suso bilang ang numero unong sanhi ng mga namamatay sa kanser sa mga babae. Sa isang kalilipas na taon ay naging sanhi ito ng 25 porsiyento ng lahat ng mga namamatay sa kanser sa mga babae at ito’y dumarami sa bilis na 7 porsiyento sa taun-taon.
Isang Kasiya-siyang Kinabukasan—Paano?
Ang isa bang trabaho o isang karera ay makapagbibigay sa karamihan ng mga babae ng lubos na kasiyahan sa buhay? Maliwanag na hindi, gaya ng natutuklasan ng parami nang parami. Si Hilary Cosell, awtor ng Woman on a Seesaw: The Ups and Downs of Making It, ay bumanggit ng problemang ito sa isang artikulo, na nagtatanong: “Kung ang mga babae ay nagkamali na noong una sa panig ng pag-aasawa at pagkaina at ng pagkaginang ng tahanan, hindi kaya sila nagkakamali uli sa panig ng propesyonalismo, karera at tagumpay?” Siya’y nagtatanong din: “Talaga kayang magagawa natin ang lahat ng ginawa ng ating mga ina, at lahat ng ginawa ng ating mga ama?”
Gayundin, sa The Cost of Loving, isiniwalat ni Megan Marshall na “ang pinaka-mukha ng kahusayan sa propesyon ay bahagya na lamang magtakip sa lihim na mga sugat: nabigong pag-ibig, walang patumanggang kalayawan sa sekso, pag-eeksperimento sa pagkatomboy, aborsiyon, diborsiyo at kahit ang basta kalungkutan.” Kaniyang binanggit kung paano ang kilusang pambabae ay nagsilang ng “Alamat ng Pagsasarili,” subalit para sa karamihan, ito ay hindi gumagana.
Nagtapos si Marshall sa pagsasabing “kailangang maniwala tayo sa pangmatagalang pag-iibigan na protektado ng isang mabuting pag-aasawa,” na “ang sariling pagkatao ay hindi umiiral na nakabukod,” at na “kailangang humahanap tayo ng iba na maaasikaso natin, at ng mga mag-aasikaso naman sa atin.” Dito’y naaalaala natin ang sinabi ng pinakadakilang Guro kailanman sa lupa, si Jesu-Kristo. “Mayroong higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
Totoo, ang mga tao ay mahilig na magmalabis sa magkabilang sukdulan. Ang bumuting kalagayan ng modernong babae ay hindi pawang pagpapala at ito’y idiniin ng mga salita ni propeta Jeremias: “Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Ang mga Kristiyanong babae, sa pamamagitan ng pagkaalam kung anong mga pagbabago ang naganap (na may kalakip na mga pagpapala at mga problema), lalong higit na maiintindihan nila ang kahalagahan ng pagsunod sa payo ng Diyos. Ipinakikita ng mga karanasan na ito’y “higit na dapat pakahangarin kaysa ginto.” ‘Sa pag-iingat nito ay mayroong malaking kagantihan.’—Awit 19:7-11.