Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 8/8 p. 16-20
  • Kagila-gilalas ang Pagkakagawa Upang Manatiling Buháy

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kagila-gilalas ang Pagkakagawa Upang Manatiling Buháy
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Iyong Panloob na Ilog ng Buhay
  • Biglang Pangangailangan​—Paglutas sa Kawalan ng Dugo
  • Ang Iyong Sistema sa Imyunidad
  • Ang Pinakamahalagang Likido sa Daigdig
    Gumising!—1990
  • Ang Kamangha-manghang Pulang Selula ng Iyong Dugo
    Gumising!—2006
  • Ang Pagkaliliit na “Trak” ng Iyong Katawan
    Gumising!—2001
  • Ang mga Selulang T at Selulang B ay Nag-aaral sa Kolehiyo
    Gumising!—1990
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 8/8 p. 16-20

Kagila-gilalas ang Pagkakagawa Upang Manatiling Buháy

MAY kagila-gilalas, kahanga-hanga, automatikong mga mekanismo sa iyong katawan na nagpapanatili sa iyong buháy at malusog. Suriin nating sandali ang ilan.

Isang halimbawa ay yaong iyong mga bagà. Una, nariyan ang epiglottis, isang maliit na harang na humaharang sa pagpasok sa mga bagà kapag ikaw ay lumulunok ng pagkain. Ang pag-ubo ay pangalawa sa linya ng depensa ng bagà. Pangatlo, nariyan din ang malagkit at tumataas na sapin patungo sa iyong mga bagà kung saan ang maliliit na mananalakay ay sinisilo ng uhog at inaalis sa pamamagitan ng pataas na pagkilos ng maliliit na balahibo.

Ang huling linya ng depensa sa bagà ay ang nangunguha ng dumi na puting selula ng dugo. Kinakain ng mga ahenteng ito sa paglilinis ang nakapipinsalang pagkaliliit na mga bagay. Dahil sa gayong mekanismo, ang ating mga bagà ay patuloy na nagtatrabaho nang ligtas.

Habang binabasa mo ito, ang iyong diaphragm ay lumiliit at lumalaki. Sa bawat pagliit nito ay hinihigop nito ang hangin sa iyong bagà, at habang lumalambot ang kalamnan, ang hangin ay itinutulak palabas. Ang diaphragm ay nag-uutos na gawin ito ng mga 15 beses sa isang minuto mula sa isang maaasahang sentro na nag-uutos sa iyong utak.

Kawili-wili, ang unang aklat ng Bibliya, isinulat 3,500 taon na ang nakalipas, ay gumagamit sa salitang Hebreo na neʹphesh upang ilarawan kapuwa ang tao at ang mga hayop. Ang salita ay literal na nangangahulugang “isang humihinga.”a Sa tamang paraan sa medisina, ipinakikita ng Bibliya na ang paghinga ay sumusustini sa buhay at na kung wala “ang hininga ng puwersa ng buhay . . . na aktibo sa mga butas ng ilong nito,” kapuwa ang tao at ang mga hayop ay mabilis na mamamatay.​—Genesis 1:20, 21, 24, 30; 2:7; 7:22.

Ang iba pang sinaunang mga sulat ay naglalaman ng walang batayang opinyon tungkol sa layunin ng paghinga. Ang Griego at Romanong mga pilosopo, halimbawa, ay may kakatuwang teoriya na ang paghinga ay nagpapanatili sa apoy na mag-alab sa puso at na ang panloob na ningas na ito ay nagbibigay sa katawan ng kinakailangang init.

Ang teoriyang ito ay nanatiling popular hanggang noong ika-16 na siglo, at nito lamang ika-20 siglo na ang tunay na layunin ng paghinga ay naging malinaw. Ang oksiheno sa hangin ay sinisipsip ng dugo at inihahatid sa trilyun-trilyong selula na bumubuo sa katawan. Sa gayon, ang bawat nabubuhay na selula ay gumagamit ng oksiheno upang gumawa ng enerhiya. Saanman tayo pumunta sa lupa, ang mahalagang hangin ay nakukuha upang magsilbi sa mahalagang layuning ito. Gaya ng sabi ng isang sinaunang guro sa isang grupo ng mga pilosopong Griego: “Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng bagay na naririto . . . ang nagbibigay sa lahat ng tao ng buhay at ng hininga at ng lahat ng bagay.”​—Gawa 17:24, 25.

Ang paghinga ay gumaganap din ng mahalagang papel sa pananatiling malinis ng katawan. Habang ang dugo ay dumaraan sa bagà, idinidiskarga nito ang carbon dioxide bago tanggapin ang sariwang panustos ng oksiheno. Kapag tayo’y aktibo, ang antas ng carbon dioxide sa ating katawan ay tumataas. Isang kamangha-manghang mekanismo ang humahadlang sa mga selula na mainis sa duming ito. Habang ang dugo ay umaagos sa utak, ang anumang pagtaas sa antas ng carbon dioxide ay mabilis na napapansin. Ang sentrong nag-uutos ay tumutugon sa pamamagitan ng pagdaragdag sa bilis at lalim ng paghinga.

Ang pag-aayos sa paghinga ay nagaganap nang kusa. Gayunman, gaya ng isang makina ng sasakyan na may kambiyong automatic transmission, ang paghinga ay maaaring paandarin nang manu-mano, wika nga. Tayo’y makapagpapasalamat na ang mekanismong ito ay nagpapangyari sa atin na pigilin ang ating hininga samantalang tayo’y nasa ilalim ng tubig o nagmamadaling lumabas mula sa isang silid na punô-ng-usok. Subalit hindi natin maaaring pigilin ang ating hininga magpakailanman sapagkat pinawawalang-bisa ng automatikong mekanismo ang manu-manong pag-andar kapag tayo’y nawalan ng malay. Kaya, kahit na tayo’y natutulog, ang katawan ay tinutustusan ng sumusustini-buhay na oksiheno.

Ang Iyong Panloob na Ilog ng Buhay

Ang maraming selula sa katawan ay hindi maunawaan ng tao. Isang katamtamang tantiya ay 75 trilyon​—isang bilang na 15 libong beses na mas marami kaysa populasyon ng ating daigdig. Upang marating ng oksiheno ang bawat selulang ito, kinakailangan ang isang sistema ng paghahatid na mas masalimuot at mahusay kaysa anumang modernong lunsod.

Ang sistema ng katawan sa paghahatid ay binubuo ng dugo na umaagos sa puso, mga arteriya, mga ugat, at sa isang network ng mas maliliit na mga daluyan ng dugo. Ito ay “isang paikot na sistema ng halos 160,000 kilometro . . . na mga tubo,” sabi ng aklat na The Human Body. Sang-ayon sa tantiyang iyon, ang iyong daluyan ng mga dugo, kung pagdudugtung-dugtungin, ay aabot ng apat na ikot sa paligid ng lupa.

Ang pagkalaki-laking network na ito ay naghahatid din ng maliliit na butil ng pagkain na tinanggap mula sa dingding ng iyong bituka. Sa gayon ang buong katawan ay napaglalaanan ng pagkain at oksiheno, kahit na yaong sa wari’y hindi mahalagang mga bahagi. Mga limang milyong buhok ang tumutubo sa iyong balat; gayunman isang network ng pinong mga daluyan ng dugo ay nakatuon sa ugat ng bawat buhok. Ang pangangalaga na ibinibigay sa bawat balahibo ay isang bagay na ipagtataka. “Huwag kayong matakot,” tiniyak ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “maging ang buhok ninyo’y bilang na lahat.”​—Mateo 10:28, 30.

Ang nilalaman ng dugo ay nagpapangyari sa iyong katawan na gumawa ng tinatayang tatlong bilyung bagong selula sa bawat minuto. Ang paglago ng buhok ay bunga ng pagdami ng mga selula sa pinaka-ugat. Habang nagbabalat ang iyong katawan, bagong mga selula ng balat ang dumarami sa ilalim. Habang ang mga selula ay nakakayod sa mga dingding ng iyong bituka, bagong mga selula ang ginagawa upang palitan ito. Sa bawat segundo, angaw-angaw na pulang mga selula ng dugo ay ginagawa sa utak ng iyong buto!

Natural, lahat ng gawaing ito ay gumagawa ng maraming dumi. Minsan pa ang daluyan ng dugo ay tumutulong sa pag-aalis sa carbon dioxide at maliliit na butil ng dumi. Ang malalaking butil ng dumi, gaya ng patay na mga selula, ay kinakain ng puting mga selula ng dugo, na pumapasok sa mga himaymay buhat sa dugo. Marami sa ahenteng ito sa paglilinis ang nagtitipun-tipon sa lugar ng impeksiyon upang isagawa ang kanilang atas. Bago natuklasan ng siyensiya ng medisina ang mga bagay na ito, payak na inilalarawan ito ng Bibliya: “Ang kaluluwa [o buhay] ng laman ay nasa dugo.”​—Levitico 17:11, 14.

Biglang Pangangailangan​—Paglutas sa Kawalan ng Dugo

Ikaw ba’y napinsala anupa’t ikaw ay lubhang dinugo? Maaari kang mamatay kung nawalan ka ng maraming dugo. Subalit kadalasan, ang kamangha-manghang mga mekanismo sa biglang pangangailangan, na hindi lubusang maipaliwanag ng siyensiya, ay tumutulong upang maiwasan ang gayong kahihinatnan.

Kapag naputol ang isang daluyan ng dugo, ito ay lumiliit, sa gayo’y binabawasan ang daloy ng dugo. Ang ikalawang mekanismo ay agad na sumusunod. Ang mga platelet sa dugo ay nagiging malagkit sa paligid ng lugar na napinsala at nagkukumpul-kumpol. Pagkatapos ang mga hibla ng fibrin ay nag-aanyo sa sugat. Binibigkis nito ang mga platelet upang mamuo na nagsasara sa huling patak ng dugo.

Gayunman, ano ang nangyayari kung hindi ito malutas ng nabanggit na mekanismo? Ang labis na pagdurugo ay nagpapakilos sa iba pang mekanismo. Ang maliliit na mga tagatanggap sa mga arteriya ay agad na itinatala ang anumang pagbaba sa presyon ng dugo. Ang mga mensahe ay ipinadadala sa utak, na tumutugon sa pagpapangyari na ang mga daluyan ng dugo ay kumipot. Kasabay nito, ang utak ay nag-uutos sa puso na tumibok nang husto. Kung magpapatuloy ang pagdurugo, ang utak mismo ay naaapektuhan at tumutugon sa pamamagitan ng pagpapakilos sa mga replekso ng nerbiyos nito. Ang pintig ng puso ay maaaring bumilis mula sa normal na halos 72 pintig sa bawat minuto tungo sa halos 200. Gaano kabisa ang gayong mga mekanismo?

Binabawasan ng kumipot na mga daluyan ng dugo ang daloy ng dugo sa karamihan ng bahagi ng katawan. Ito, pati na ang mabilis na tibok ng puso, ang nagpapanatili sa presyon ng dugo. “Gayunman sa pamamagitan ng isang magandang aparato,” sabi ni Dr. A. Rendle Short sa kaniyang aklat na Wonderfully Made, “ang mga arteriya ng utak ay hindi kasali sa pangkalahatang pagkipot ng daluyan ng dugo.” Totoo rin ito kung tungkol sa mga arteriya na nagtutustos sa mga kalamnan ng puso. Kaya, ang dugo ay normal na umaagos sa mahahalagang bahagi na ito ng katawan. Sang-ayon sa Textbook of Medical Physiology ni Propesor Arthur Guyton, ang nabanggit na mga replekso ay “pinalalawig ang dami ng nawalang dugo na maaaring mangyari nang hindi pinagmumulan ng kamatayan nang hanggang dalawang ulit niyaong posible sa kawalan nito.”

Samantala, ang iba pang mekanismo ay kumikilos upang dagdagan ang dami ng dugo. Gaya ng paliwanag ni Dr. Miller sa kaniyang aklat na The Body in Question: “Ang pinakamahalagang bagay ay ang pagsasauli sa dami ng likido. Kung ang kawalan ay lubhang mabagal, magagawa ito ng katawan alang-alang sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagpapalabnaw sa dugo. Ang mga likido ay kinukuha sa mga himaymay; mayroong automatikong pagbabawas ng pag-ihi at maraming pag-inom ng tubig.”

Bagaman pinapaburan niya ang pagsasalin ng dugo sa kaso ng pagdurugo, ganito ang sabi ni Dr. Miller: “Ang pangunahing banta sa buhay ay hindi ang kakulangan ng dugo, kundi ang di-sapat na dami ng likido. . . . Ang pagbibigay ng . . . kahaliling plasma ay isang tinatanggap na tagapagpahinto-ng-agwat sa maagang yugto, yamang tinutularan nito ang likas na hilig ng katawan na isauli ang dami ng dugo sa kapinsalaan ng pagpapalabnaw dito.” Sabi ni Propesor Guyton: “Sarisaring plasma substitutes ang ginawa na halos kahawig ng plasma [ang likidong bahagi ng dugo] sa gawain nito [sa takbo ng dugo].”

Ang katawan ay may mekanismo rin upang punan ang kakulangan ng nagdadala-oksiheno na pulang mga selula. Gaya ng sabi ng isang dokumentaryo sa telebisyon na “Aksidente” mula sa serye ng The Living Body: “Karaniwang ang ating utak sa buto ay gumagawa ng pulang mga selula ng halos 20 porsiyento ng kabuuang kakayahan nito. Ito’y nangangahulugan na kung mayroong biglang pangangailangan para sa pulang mga selula ng dugo, maaari nating pabilisin ang produksiyon ng halos limang beses.”

Kung mangyari ang isang aksidente, anong laki ng pasasalamat natin na ang ating katawan ay mayroong katutubong mga mekanismong ito. Ang ibang mekanismo ay inililigtas tayo sa banta ng nakamamatay na mga mikrobyo.

Ang Iyong Sistema sa Imyunidad

Kung minsan ang mapanganib na baktirya o mga virus ay pumapasok sa katawan at nagpaparami sa loob natin. Mabuti na lamang, marami tayong mga panlaban​—ang puting mga selula ng dugo​—na sumasalakay at sumisira sa dayuhang mga mananalakay. Gayunman, sa pamamagitan ng isang kahanga-hangang mekanismo na hindi maunawaan ng siyensiya, likas na hindi pinipinsala ng puting mga selula ng dugo ang malulusog na mga selula ng katawan.

Sa tulong ng telebisyon, maaaring nakita mo ang pagkilos ng matalinong mga mandirigmang ito. Kagila-gilalas na masdan ang isang puting selula na nilalamon ang dumi subalit mas nakasisindak pa na masdan ang isa na sinusuri ang isang kapuwa membro-ng-katawan na apektado ng isang virus at saka pinapatay ang sumasalakay sa tulong ng isang kasama. Sa gayon ang impeksiyon ay napatitigil.

Kung isang nakamamatay na virus o ibang dayuhang mananalakay ay nakapasok sa unang pagkakataon, maaaring kumuha ng mga ilang araw upang sirain ito ng iyong imyunidad. Una, ang tamang lymphocyte (isang pantanging uri ng puting selula ng dugo) ay dapat masumpungan. Ang katawan ay mayroong angaw-angaw na mga lymphocyte na mapagpipilian; ang bawat isa ay may kakayahang gumawa ng isang uri ng sandata na tutugma sa isang partikular na virus.

Minsang matagpuan ang tamang lymphocyte, ito ay mabilis na dumarami. Sa loob ng ilang araw ang daluyan ng dugo ay punô ng mga mandirigmang ito na nagtatrangka sa kaaway at sinisira ito o gumagawa ng mga antibody na hindi nagpapakilos sa kaaway at tinatandaan ito para lipulin. “Ang antibody,” sabi ng aklat na The Body Machine, “ay kumakabit sa mga molekula ng virus na parang susi na lumalapat sa isang kandado.”

Ang iyong sistema sa imyunidad ay mayroon pang kamangha-manghang kakayahan. Minsang masumpungan ang tamang sandata, tinatandaan niya ito. Ito’y nangangahulugan na ang mga antibody ay mabilis na magagawa sakaling lumusob sa hinaharap ang gayunding uri ng mikrobyo. “Ang isang tao na gumaling na mula sa isang karamdaman noong kabataan, gaya ng tigdas, beke, o bulutong tubig, ay karaniwang hindi na muling sasalakayin ng sakit na ito sa ikalawang pagkakataon,” sabi ng aklat-aralin sa siyensiya na Elements of Microbiology.

Sa paggawa na kasuwato ng mekanismong ito sa alaala, maraming kabutihan ang nagawa ng siyensiya ng medisina. Ang mga bakuna ay nagpangyari sa sistema ng imyunidad na gumawa ng mga antibody laban sa mga sakit na hindi pa naranasan ng isang tao noon. Sa ganitong paraan, ang mga bata ay nagkakaroon ng imyunidad sa ilang mga sakit. Ngunit ang ilang mga sakit ay lumalaban sa mga pagsisikap ng tao na supilin ito.

“Ang mas mabuting pagkaunawa sa mga antibody ay maaaring umakay sa mas mahusay na pagsawata sa ilang karamdaman na gaya ng kanser at sipon,” sabi ng aklat na Elements of Microbiology. “Ang pananaliksik sa hinaharap,” susog nito, “ay dapat makagawa ng mas maraming kabatiran sa kung paanong ang sigla ng gawain ng imyunidad ay dapat palawigin hanggang sa pagtanda upang pagbutihin ang kalusugan at pahabain ang haba ng buhay ng lahat ng tao.” Gayunman, noong 1981, ang taon nang ang aklat-aralin na ito sa siyensiya ay inilathala, ang Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) ay nakilala. Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ang virus ng (AIDS) ay sumasalakay sa sistema ng imyunidad ng katawan, iniiwan ang mga biktima nito na walang depensa laban sa ilang sakit.

Napansin mo ba ang pagkakasalungatan? Ang katawan ng tao ay tunay ngang ginawa upang manatiling buháy. Sa kagila-gilalas na paraan ipinagtatanggol, kinukumpuni, at binabago nito ang kaniyang sarili. Gayunman, mayroong kulang. Oo, ang pag-iingat sa ilang mga sakit, gaya ng AIDS, ay posible sa pamamagitan ng pagsunod sa mga simulain sa Bibliya. (Gawa 15:28, 29; 2 Corinto 7:1) Subalit ang ibang mga sakit, gaya ng kanser, ay humahampas kahit na sa mga taong nag-iingat. Bakit ganito? Ang tao ba ay ginawa upang mabuhay o upang mamatay? Ang katanungang ito ay sasagutin sa isang labas ng Gumising! sa hinaharap.

[Talababa]

a Sa mga salin ng Bibliya ang salitang Hebreo na neʹphesh ay isinalin sa iba’t ibang paraan, kung minsan ay “nabubuhay na kinapal,” kung minsan ay “buhay,” o sa paggamit ng iba pang salita. Walang pagbabagong isinasalin ito ng New World Translation na “kaluluwa.”

[Dayagram sa pahina 16]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang epiglottis ay isa sa maraming mekanismo na nag-iingat sa iyong mga bagà

Bukás na epiglottis

Saradong epiglottis

Trachea (lalagukan)

Lalamunan (daanan ng pagkain)

[Dayagram sa pahina 17]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Isang network ng mga daluyan ng dugo ay itinutuon sa ugat ng bawat buhok

Hair follicle

Daluyan ng dugo

[Larawan sa pahina 18]

Binabago ng katawan ang sarili nito sa pamamagitan ng paggawa ng tinatayang tatlong bilyong mga selula sa bawat minuto

Kaputol na bahagi ng isang selula

[Larawan sa pahina 19]

Tayo ay ipinanganak na taglay ang isang sistema ng imyunidad na lumalaban sa mga sakit

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share