Pagmamasid sa Daigdig
‘Mga Sugapa’ sa Paninigarilyo
Ang surgeon general ng Estados Unidos, si Dr. C. Everett Koop, ay nagpahayag noong nakaraang Mayo na ang nikotina ay nakapagpapasugapa na gaya ng heroin at cocaine. “Nililinaw ng maingat na pagsusuri ng mga datus na ang mga sigarilyo at ang iba pang anyo ng tabako ay nakasusugapa,” sulat ng surgeon general sa paunang salita sa kaniyang taunang report tungkol sa nagagawa ng paninigarilyo sa kalusugan. “Ipinakikita ng isang malawak na lupon ng pananaliksik na ang nikotina ang droga na nasa tabako na siyang dahilan ng pagkasugapa.” Binabanggit ng 618-pahinang report ang 171 magkaibang siyentipikong mga pag-aaral at naghihinuha na ang paggamit ng tabako ay isang malubhang anyo ng pagkasugapa, sa halip ng basta isang mapanganib na bisyo. Ang pananaliksik na ito ay tumutulong upang ipaliwanag kung bakit ang mga tao ay patuloy na gumagamit ng isang produkto na sinasabing pumapatay ng 320,000 taun-taon sa Estados Unidos lamang.
Mga Gumagambala sa Memorya
Upang tiyakin ang epekto ng mga ingay sa paligid sa memorya, sinubok ng mga mananaliksik ang Pranses na mga estudyante sa kolehiyo sa kanilang kakayahang makatanda ng siyam-na-tambilang na numero samantalang nakahantad sa sarisaring tunog. Isinisiwalat ng pagsubok na ang mga ingay na kahawig niyaong likha ng isang tren sa subwey ay walang gaanong epekto o walang epekto sa kakayahan ng estudyante na magtanda. Gayunman, “ang naririnig na pag-uusap . . . ay nakagagambala kahit na kung ito ay isang di-pamilyar na wika,” sabi ng magasing Hippocrates. Ipinaliliwanag kung bakit, ang mananaliksik na si Alan Baddeley ng Cambridge University ng Inglatera ay nagsasabi na ang panandaliang memorya ay nauugnay sa wikang sinasalita, na siyang dahilan kung bakit kailangang malinaw na ulitin ang isang bagong numero ng telepono o ang isang bagong kombinasyon ng kandado. Subalit sang-ayon sa ulat, “ginugulo ng tunog ng isa pang tinig ng tao ang pamamaraang ito” ito man ay pag-uusap o tinig na umaawit.
Panahon ng mga Aksidente
Ang mga tao ay madaling maaksidente “mula alas-2 hanggang alas-7 n.u. at mula alas-2 hanggang alas-5 n.h.,” ulat ng The Province, isang pahayagan sa British Columbia, Canada. Sang-ayon sa ulat, isang pangkat ng mga siyentipiko ang naniniwala na “ang mga pamamaraan ng utak ay gumagawa ng matinding hilig na matulog at binabawasan ang kakayahan na umandar sa madaling-araw. Ang pangalawahin, hindi gaanong tiyak na panahon na madaling maaksidente ay nagaganap sa gitnang-hapon.” Ang malaking sakuna sa plantang nuklear sa Three Mile Island sa Pennsylvania ay binanggit bilang isang halimbawa ng pagkakamali ng tao sa pagpapasiya na naganap sa loob ng “mga sonang [ito] ng pagiging madaling tablan.” Nasumpungan ng mga mananaliksik ang “isang kapuna-punang kaugnayan sa pagitan ng dalawang pang-araw-araw na yugto sa hilig ng tao na matulog at sa medikal na mga insidente, mga aksidente sa sasakyan at sa pagkakamali ng tao sa teknolohikal na mga kapahamakan,” sabi ng The Province.
“Walang Payak na Lunas”
“Malayo” iyan ang nadarama ng 50 porsiyento ng mga maninirahan sa Roma, Italya, sa Iglesya Katolika Romana, sabi ng isang ulat ng Iglesya ng Roma. Ipinakikita ng report na sa nakalipas na 20 taon, ang bilang ng regular na dumadalo sa Misa ay bumaba mula 41 porsiyento tungo sa 25 porsiyento. Sa ilang arabal sa Roma, ang aktibong mga Katoliko ay binubuo lamang ng 5 porsiyento ng populasyon. Ang mga bilang na nauugnay sa mga pari ay nakababahala sa simbahan. Mayroong 1 pari sa bawat 10,000 maninirahan. “Isa itong problema na walang payak na lunas,” sabi ng Il Corriere della Sera, isang pahayagan sa Milan.
Namamatay ba ang Kaluluwa?
Sinisindak ni Obispo Krister Stendahl ng Stockholm ang mga nagsisimba sa Sweden sa kaniyang mga ideya tungkol sa kawalang-kamatayan ng kaluluwa, inilathala sa kaniyang bagong aklat na Meningar (Mga opinyon). Sinasabi ni Stendahl na ang tradisyunal na paniniwala sa kawalang-kamatayan ng kaluluwa ay nalalapit na sa wakas nito. Iginigiit ng membro ng Batasan na si Filip Fridolfsson na ang katayuan ng obispo “ay tumututol sa mga saligan ng paniniwalang Kristiyano.” Datapuwat gaya ng sinasabi ni Stendahl: “Walang kang makikitang matibay na suporta sa doktrina ng kawalang-kamatayan ng kaluluwa sa Bibliya”—ang tunay na saligan ng paniniwalang Kristiyano. Oo, maliwanag ang paninindigan ng Bibliya. Ang kaluluwa ay namamatay, at ang pag-asa ng buhay na walang-hanggan para sa sangkatauhan ay salig sa isang pagkabuhay-muli, gaya ng ipinakikita ng mga teksto sa Ezekiel 18:4 at Gawa 24:15.
“Mabiling” Bibliya
Ang “pawang-Australianong Bibliya” na inilabas kamakailan bilang bahagi ng ikadalawang-daang taon ng Australia ay nagkaroon ng nakapagtatakang mabuting panimulang pagtanggap. (Tingnan ang “Pagmamasid sa Daigdig,” Mayo 8, 1988.) Sa loob lamang ng isang linggo buhat nang ilabas ito, ang ‘Australianong’ Good News Bible ay naubos sa ilang lunsod. Gayunman, ang unang paglilimbag ay 40,000 kopya lamang. Sang-ayon sa pahayagang The Canberra Times, ang kalihim panlahat ng Samahan sa Bibliya sa Australia ay nagsabi: “Nakalulungkot na ang karamihan ng ating kapuwa Australiano ay mga walang alam sa Bibliya. Totoo ito sa maraming paraan at naghaharap ng isang malaking hamon.” Sino ang may pananagutan sa pangkalahatang kakulangan ng karunungan sa Bibliya sa gitna ng 16 na milyong maninirahan ng Australia? Tiyak, ang mga klero mismo ay may pananagutan dahil sa hindi pagtuturo sa mga tao ng katotohanan ng Bibliya.
‘Nagpaparami ng mga Maysakit sa Isip’
“Ang Amerika ay maaaring maging ang paramihang dako ng mga maysakit sa isip,” ulat ng The Province ng Vancouver, British Columbia, Canada. Sang-ayon sa artikulo, ang Amerikanong sikologong si Ken Magid, kasamang direktor ng programa sa siyensiya ng paggawi sa Saint Joseph Hospital sa Denver sa Colorado, ay nagsasabi na “mayroong napakagrabeng problema tungkol sa mga batang hindi wastong nabuklod [sa maibiging pagmamahal] sa kanilang mga ina unang 16 na buwan ng buhay” kung kailan ang “pagtitiwala sa tao ay natututuhan.” Sabi niya na ang hindi pagkabuklod ay maaaring dala ng “anumang bagay na umaabala sa maibiging kaugnayan sa pagitan ng ina at ng kaniyang sanggol.” Ganito ang sabi ni Dr. Magid: “Mawawakasan natin ang kalahati ng lahat ng karahasan, walang pakiramdam na krimen sa Hilagang Amerika sa loob ng dalawang sanlinlahi” kung tutulungan ng mga gobyerno ang mga ina na manatili sa bahay na kasama ng kanilang mga sanggol kahit na man lamang sa unang taon.
Ang Pagkonsumo ng Kape
Ang British Medical Journal ay nag-uulat na ang labis-labis na pagkonsumo ng kape at iba pang sustansiyang matapang sa caffeine ay nagpaparami sa posibilidad ng isang atake sa puso sa pamamagitan ng pagtataas sa kolesterol sa dugo. Bagaman ang kaunting caffeine ay nagsisilbing isang pampasigla at maaaring pagbutihin ang paggawa ng isang tao kapuwa sa pisikal at mental na paraan, ang mas marami nito ay may epekto na gaya ng adrenaline na nagpapaigting sa sistema ng sirkulasyon sa pamamagitan ng pagpapasigla sa puso at pinalalaki ang mga daluyan ng dugo. Mga sakit ng ulo, hindi pagkatulog, at pagkabalisa ay maaaring maging resulta ng pagkonsumo ng mahigit sa tatlong tasa ng kape araw-araw. Ang pinakuluang kape ay sinasabing naglalaman ng limang ulit na dami ng caffeine kaysa kape na inihanda sa ibang paraan.
Ang Pinakamahabang Tunel sa Ilalim ng Dagat
Ang Tunel ng Seikan, ang pinakamahabang tunel sa daigdig, ay nabuksan sa publiko noong nakaraang Marso. Iniuugnay nito ang Hokkaido at Honshu, dalawang malalaking isla ng Hapón. Ang tunel, na pantanging para sa gamit ng perokaril, ay 53.9 kilometro ang haba, kung saan ang 23.3 kilometro nito ay gumagapang ng 100 metro sa ilalim ng sapin ng dagat sa Tsugaru Strait. Kumukuha ng 30 minuto para sa pinakamabilis na tren na makadaan sa tunel. Ang halaga tunel? Tatlumpu’t-apat na buhay at 1.1 trilyong yen ($8.8 bilyun, U.S.) ang lahat na nagugol sa konstruksiyon. Gayunman, sa nakalipas na 24 na taon mula nang magsimula ang konstruksiyon sa tunel, hinalinhan ng paglalakbay sa himpapawid ang karamihan ng paglalakbay sa pampasaherong tren.
Mga Libingan ng Alagang Hayop
Parami nang paraming Hapones ang pumipiling ilibing ang kanilang patay na mga alagang hayop sa mga libingan ng alagang hayop. Sila ay nagbabayad ng mula ¥10,000 ($78, U.S.) hanggang sa mahigit na ¥1,300,000 ($10,000, U.S.) ayon sa uri ng pagsunog sa bangkay, libing, at lapida. Karagdagang bayad ay sumasaklaw sa pagpapanatiling malinis sa libingan at sa taunang pagdalaw ng isang pari “upang ipanalangin ang kapayapaan ng kaluluwa ng hayop.” Ang pagdalaw sa mga libingan ng mga aso, pusa, goldfish, at iba pang hayop ay karaniwan. Ang isang libingan ay nag-uulat na punúng-punô ng mahigit tatlong daang mananamba na nagbibigay-ng-insenso kung dulo ng sanlinggo. Inaakalang higit na panahon at salapi ang ginugugol sa marami sa mga hayop na ito pagkamatay nila kaysa sa pagbili at pag-aalaga rito samantalang nabubuhay pa.