Mula sa Aming Mambabasa
Kawalang-Tahanan
Ipinagtataka ko na hindi idiniin ng mga artikulo tungkol sa kawalang-tahanan (Marso 8, 1988) ang ugat na dahilan—ang labis na populasyon sa daigdig o ang kawalang kakayahan ng tao na supilin ang bilis ng kaniya mismong pagdami. Gaya ng sa lahat ng kaso, ang tao ang nagdadala ng kahirapan sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagsalungat sa mga kagustuhan ng Diyos para sa Kaniyang mga anak sa ilang paraan.
J. A., Hapón
Totoo na ang labis na populasyon ay isa sa pangunahing dahilan ng kawalang-tahanan. Gayunman, ang mga walang tahanan ay masusumpungan din sa mga bahagi ng daigdig kung saan ang labis na populasyon ay hindi isang malaking problema; iyan ang dahilan ng aming pagsisikap na iharap ang isang timbang na pangmalas tungkol sa mga dahilan. Ang labis na populasyon ng daigdig ay isang naiibang paksa at ito ay tinalakay nang mahaba sa aming labas ng Agosto 8, 1983.—ED.
Sa isa sa aking mga klase, kami ay gumagawa ng mga pag-uulat tungkol sa mga problema sa daigdig ngayon. Pinili kong gumawa ng report tungkol sa kawalang-tahanan. Mula sa lahat ng mga magasin na ginamit ko bilang reperensiya, ang Marso 8 ng Gumising! ang nagbigay sa akin ng pinakamahusay na impormasyon. Ito lamang ang mayroong tunay na lunas.
S. G., Estados Unidos
Pag-iwas sa Paggahasa
Noong nakaraang Disyembre, ako ay sinalakay. Sinunggaban ako ng isang lalaki mula sa likuran. Natandaan ko na ang payo ng magasin (Hulyo 8, 1980 sa Ingles) ay sumigaw sa gayong mga kalagayan. Yamang ang kaniyang kamay ay nasa aking bibig, sinikap kong kagatin ito upang ako’y makasigaw, subalit ito ay imposible. Patuloy niyang sinasabi na papatayin niya ako kung hindi ako hihinahon. Subalit alam ko kung ano ang dapat kong gawin.
Ibinuka ko ang aking bibig at nasumpungan ko ang palad ng kaniyang kamay sa pagitan ng aking mga ngipin. Kinagat ko siya nang buong lakas ko, at niluwagan niya ang hawak niya sa akin. Kinagat ko siyang muli, at kinalmot ko siya upang ilayo niya ang kaniyang kamay, sumigaw ako nang malakas na malakas. Minumura ako, sinuntok niya ako nang malakas sa aking bibig at saka nagtatakbo. Gayon na lamang ang pasasalamat ko! Hinding-hindi ko kaliligtaang basahin ang isa mang artikulo sa mahusay na mga magasing ito.
D. P. Italya
Nais ko kayong pasalamatan sa balita sa “Pagmamasid sa Daigdig” na “Pinakamagaling na Sandata: Pagsigaw” na nagbibigay ng payo sa kung paano maiiwasan ang paggahasa. (Agosto 22, 1980 sa Ingles) Samantalang ako ay naglalakad mula sa isang nayon patungo sa isang nayon kamakailan, dinaluhong ako ng isang lalaki at nagtangkang ako’y halayin. Ako’y sumigaw at humingi ng saklolo. Dalawang lalaki ang lumabas mula sa palumpon upang iligtas ako, at ang manggagahasa ay umalis. Maraming salamat muli.
E. A. A., Nigeria
Paggalang sa Magulang
Ako po’y 17 anyos at katatapos ko lamang basahin “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” tungkol sa paggalang sa mga magulang sa mga labas ng Gumising! noong Abril 8 at 22, 1988. Ang mga artikulong ito ay tamang-tama sa akin. Sinusunod ang payo na huwag ‘bistayin ang mga brilyante sa paghahanap ng mga dumi,’ ako’y naupo at sinulatan ko ang isang pilas ng papel ng mabubuting katangian ng aking mga magulang. Napakarami nito.
Tinulungan ako ng mga artikulo na maunawaan kung paano ko dapat pahalagahan ang bagay na mayroon akong dalawang maibiging mga magulang na, sa kabila ng kanilang mga pagkakamali, ay pumatnubay sa akin tungo sa pinakamabuting paraan ng buhay. Batid ko na kadalasan ako ay mahirap pakisamahan, subalit hindi sila karapat-dapat sa ganitong pagtrato. Sa pana-panahon binabasa ko ang pilas na iyon ng papel kung saan nakatala ang kanilang mabubuting katangian. Maraming salamat po sa ekselenteng mga artikulong ito.
R. P. Italya