Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 11/8 p. 13-15
  • Ang Pagmamataas ang Aking Pinakamasamang Balakid

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pagmamataas ang Aking Pinakamasamang Balakid
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Binhi ng Pagmamataas
  • Mga Epekto ng Sapilitang Pagkakabukod
  • Paghingi ng Isang Tanda
  • “Ang Kaalaman ay Nagpapalalo”
  • Pananaig sa Aking Pagmamataas
  • Isang Pinagmumulan ng Tunay na Kaligayahan
  • Bumagsak ang Aking Pagmamataas
  • Napasasalamat sa Laging Pag-alalay ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Binigyan Ako ni Jehova ng Lakas
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Nadarama Ko Na Ngayon na Nakatutulong Ako sa Iba
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Ako ay ‘Aakyat na Gaya ng Lalaking Usa’
    Gumising!—2006
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 11/8 p. 13-15

Ang Pagmamataas ang Aking Pinakamasamang Balakid

HINDI madali ang maging may kapansanan gayunma’y maligaya. Karamihan ng mga tao na pinahihirapan ng pisikal na mga kapansanan ay nanlulumo, sa paano man paminsan-minsan. Sa gayong mga kalagayan kadalasang tinatanong nila ang kanilang sarili: “Bakit ako pa?”

Hindi ako natatangi. Ako’y ipinanganak na may grabeng pisikal na balakid na humahadlang sa akin sa paglakad, pagtayo, o maging sa paggamit ng aking mga kamay. Mauunawaan kung gayon na ang kalagayang ito ay nagkaroon ng malaking epekto sa aking personalidad. Natatandaan ko pa ang paninibugho at kabiguan na nadama ko bilang isang bata kapag minamasdan ko ang ibang bata na tumatakbo at lumulukso.

Kung minsan dumadalaw ako sa kalapit na simbahan upang hilingin ang tulong ng Diyos. Taimtim na inuulit ko nang 20 o 30 beses ang panalanging “Padre Nuestro” (“Ama Namin”) at gayunding dami ng “Ave Marias” (“Aba Ginoong Maria”), isinasalit sa mga panalanging ito ang isang taos-pusong pagsamo, “Pakisuyo Panginoon, pagalingin mo po ako!” Napakarami ng pangako ko sa Diyos kung pagagalingin niya lamang ako.

Ang mga Binhi ng Pagmamataas

Ako’y isinilang sa Granada, isang magandang lunsod sa timog ng Espanya sa paanan ng nagtataasang Bundok ng Sierra Nevada. Bilang isang bata, ang pagkakaroon ko ng kapansanan ay nag-udyok sa akin na magkaroon ng ibang kasanayan, at nang ako ay pitong taon, ako ay akademikong nanguna kaysa ibang bata na kaedad ko. Nang panahong iyon ako ay normal na nakikihalubilo sa iba pang mga bata, nakikipaglaro sa kanila at sa paano man ay may kahusayang kumikilos samantalang nakaupo sa aking maliit na silya. Natuto pa nga akong gumuhit at sumulat na ginagamit ang aking kaliwang paa sa pamamagitan ng paghawak sa isang lapis sa pagitan ng mga daliri ko sa paa.

Noong minsan inilathala ng isang lokal na pahayagan ang isang artikulo tungkol sa akin, kasama ng mga larawan na ipinakikita ang pagsulat ko sa pamamagitan g aking paa. Ang publisidad na ito ay nagbunga ng pagtanggap ko ng maraming gantimpala at mga paglalakbay, pati na ang paghanga ng iba. Lahat ng ito ay nagpaunlad sa akin ng espiritu ng pagmamalaki at kapalaluan. Ang pagmamataas ang nangibabaw.

Mga Epekto ng Sapilitang Pagkakabukod

Hindi nagtagal ako ay huminto ng pag-aaral. Ako ay lumalaki, at naging imposible para sa aking ina na pasanin ako paroo’t parito mula aming ikalawang-palapag na apartment. Kaya, sa edad na 13 anyos, ipinagpatuloy ko ang aking edukasyon sa pamamagitan ng isang kurso sa pakikipagsulatan. Nasumpungan kong madaling mag-aral at ako’y sumulong nang husto, subalit ang sapilitang pagkakabukod ay nakaapekto sa akin. Bagaman marahil sa panlabas ako ay waring masayahin at palakaibigan, sinimulan kong pag-isipan ang tungkol sa aking pisikal na kalagayan at ang mga implikasyon nito sa hinaharap.

Noong 1971, ako ay nagwagi ng isang iskolarsip upang mag-aral ng isang taon sa isang sentro sa pagpapanibagong-buhay na pinatatakbo ng mga madreng Katoliko sa Madrid. Doon ako natutong magmakinilya na ginagamit ang isang pluma sa aking bibig, na lubhang kapaki-pakinabang. Mangyari pa, ang relihiyon ay obligadong bahagi ng aming lingguhang iskedyul. Tuwing Linggo sa ganap na ika–7:00 n.u. kami ay nagtitipun-tipon upang dumalo sa Misa. Bagaman ang ritwal ay hindi mahalaga sa akin, ako’y tapat na dumadalo, sapagkat nais kong palugdan ang mga madreng nag-aalagang mabuti sa akin.

Pagkatapos ng isang taon sa Madrid, ako ay bumalik sa Granada. Lalo kong naibigan ang pag-iisa, nakukulong na gaya ko sa loob ng apat na sulok ng aking panahon sa pagbabasa ng mga nobela at iba pang mga aklat na nakukuha ko. Sumunod din ako sa uso: nagpatubo ako ng balbas at pinahaba ko ang aking buhok. Subalit hindi ito isang maligayang panahon sa aking buhay.

Paghingi ng Isang Tanda

Madalas akong may sumpong dahil sa kalumbayan at sa pagkadama ng kawalang-kaya. Nanalangin ako sa Diyos, humihingi sa kaniya ng tanda na magpapakita ng kaniyang pag-iral at ng kaniyang malasakit sa akin.

At, nagbigay naman ng isang tanda ang Diyos​—subalit hindi sa paraang inaasahan ko. Ito’y noong pagtatapos ng 1973. Isa sa mga Saksi ni Jehova ay dumalaw sa amin, at yamang ang aking nanay ay namili, binuksan ko ang pinto at nakinig ako sa kung ano ang sasabihin niya. Sa pagtatapos ng usapan, inalok niya ako ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Agad ko itong tinanggap, sapagkat noong panahong iyon handa akong basahin ang anumang bagay. Binasa ko ang buong publikasyon nang hapon ding iyon. Ang mga nilalaman nito ay nakabigla sa akin, lalo na tungkol sa dalawang pagbabawal ng Kasulatan: ang paggamit ng mga imahen sa pagsamba at ang maling gamit sa dugo.​—Exodo 20:4, 5; Gawa 15:28, 29.

Ang Saksi ay bumalik pagkalipas ng isang linggo, at samantalang ipinakikita niya sa akin kung ano ang itinuturo ng Bibliya, ipinakita ko naman sa kaniya kung paano ko sinisindihan ang isang sigarilyo sa paggamit lamang ng aking paa! Inalok niya ako ng isang libreng pag-aaral sa Bibliya sa loob ng anim na buwan. Agad-agad kong tinanggap nang hindi natatalos na ito na nga ang tanda na hinihiling ko.

Mabilis kong naunawaan ang kaalaman ng Bibliya. Gayunman, ibang bagay naman ang paggawa ng kinakailangang mga pagbabago sa aking buhay upang maging isang tunay na alagad ni Kristo. Ang pinakamalaking problema ko ay ang aking personalidad.

“Ang Kaalaman ay Nagpapalalo”

Ipakikita sa iyo ng isang maikling karanasan ang aking mentalidad. Pagkatapos kong mag-aral ng Bibliya sa loob ng anim na buwan, dinalaw ako ng isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova at tinanong ako tungkol sa aking pagsulong. “Mahusay naman. Naisaulo ko na ang 500 mga teksto sa Bibliya,” ang sagot ko na nangingiti dahil sa kasiyahan. “Talaga, 500 mga teksto sa Bibliya?” inulit niya na para bang hindi makapaniwala. “Oho, 500! Tingnan ninyo, isinulat ko itong lahat sa notebook na ito,” ipinagmalaki ko.

Natawagan ng pansin, sinubukan niya ako sa Kawikaan 18:1. Karaka-rakang inulit ko ang teksto nang salita por salita: “Ang humihiwalay ay humahanap ng sarili niyang nasà; at nakikipagtalo laban sa lahat ng magaling na karunungan.” Saka niya ako tinanong: “Ikinakapit mo ba ang tekstong ito? Ikaw ba ay regular na nakikipagtipon sa iyong Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae?” “Bueno, opo, nakikipagtipon po ako,” sabi ko, sapagkat ang mga kapatid sa kongregasyon ay may kabaitang gumawa ng praktikal na mga kaayusan upang ako ay makadalo sa mga pulong.

Pagkatapos ng dalawa pang katanungan natanto ng aking bisita na talagang saulado ko ang lahat ng mga tekstong iyon. Kasabay nito, natalos niya na ako ay higit na nagbibigay-pansin sa pagkuha ng kaalaman ng Bibliya kaysa pagkakapit ng gayong kaalaman sa aking buhay. Ipinaalaala niya sa akin ang teksto sa 1 Corinto 8:1, “Ang kaalaman ay nagpapalalo, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatibay.” Tinulungan niya akong maunawaan ang pangangailangan na baguhin ang aking personalidad.

Nang maglaon ay inihinto ko ang paninigarilyo, inayos ko ang aking hitsura, at inalis ko ang mga babasahin na hindi nakapagpapatibay. Labingwalong buwan pagkatapos na ako ay unang patotohanan, ako’y nabautismuhan noong Hunyo 1975.

Pananaig sa Aking Pagmamataas

Gayumpaman, hindi ko pa rin nadaig ang aking pagmamataas. Ang aking kalagayan ay nagpahintulot sa akin na mag-aral ng tatlo o apat na oras araw-araw, at hindi nagtagal ko ay nakapagtipon ng naparaming kaalaman sa Kasulatan, na buong pananabik na ipinakikita ko. Ang mga Saksi sa kongregasyon na kinabibilangan ko ay nagtutungo sa akin taglay ang kanilang mga katanungan sa Bibliya at pati na ang kanilang personal na mga problema. Ako naman ay nagagalak na gamitin ang aking kakayahan upang tulungan ang iba, subalit kung minsan ito man ay nagpalaki ng aking ulo.

Sa paglipas ng panahon ang aking pagpapalalo ay nababawasan. Tuwing natatalos ko na ako ay nagpapakita ng espiritung mapagpalalo, nananalangin ako kay Jehova, hinihiling na tulungan niya ako. Ako’y humihingi ng tulong lalo na sa pagkakaroon ng tamang motibo: yaong pagtulong sa iba taglay ang aking kaalaman sa halip na luwalhatiin ang aking sarili.

Isang Pinagmumulan ng Tunay na Kaligayahan

Ang pagpapatotoo sa lahat na nakakatagpo ko ay naging isang pinagmumulan ng tunay na kaligayahan. Ang pagbahagi sa iba ng natutuhan ko ay hindi lamang nagdudulot ng panloob na kasiyahan kundi pinilit din akong maging palakaibigan at nagpangyari sa akin na makihalubilo sa iba pa at makatulong sa ilan sa kanila. Tuwang-tuwa ako lalo na na makatulong sa isang may edad nang lalaki na may problemang katulad ng sa akin.

Una ko siyang nakilala nang ako ay nagpapatotoo sa dalawang lalaki sa lansangan. Sa aming pag-uusap napansin ko ang isang lalaki, na naglalakad sa tulong ng mga saklay, na pana-panahon ay dumaraan. Siya ay humihintong sandali sa tuwing dumaraan siya, na para bang nais niyang makinig sa kung ano ang aming pinag-uusapan. Sa wakas, huminto siya sa harap ko at nagtanong: “Totoo ba ito, ang lahat ng ito tungkol sa pangglobong Baha?” Ako ay tumugon ng oo at saka ko ipinaliwanag ang kahulugan nito para sa atin ngayon. Nang maglaon ako ay nakipag-aral sa kaniya ng Bibliya.

Sa kabila ng kaniyang katandaan at ng kaniyang pisikal na mga problema, siya ay sumulong at ikinapit ang Bibliya sa kaniyang buhay. Siya ay nabautismuhan sa gulang na 80 anyos. Ang kaniyang asawa, na noong una’y tumutuya sa kaniya, ay nabautismuhan sa gulang na 85 anyos.

Dahil sa pagtulong doon sa mga may kapansanan o sa mga nangangailangan ng tulong sa iba pang paraan ay ginagawa itong madali para sa akin na kalimutan ang aking mga problema. Lahat-lahat, ako’y nakatulong sa sampung iba’t ibang tao na makaalam ng katotohanan ng Salita ng Diyos. Ito ay naging isang tunay na pinagmumulan ng pampatibay-loob sa akin.

Bumagsak ang Aking Pagmamataas

Pinakamahalaga, natuklasan ko na ang pisikal na kapansanan ay hindi nakahahadlang sa pagkasumpong ng kaligayahan sa buhay. Ang pagkilala sa Maylikha ay nakatulong sa akin na maging makatotohanan at harapin ang aking mga balakid, pati na ang aking pagmamataas. Sinisikap kong mabuhay nang isang normal na buhay hangga’t maaari. Napaglalaanan ko ngayon ang aking sarili ng kabuhayan, na nagbibigay sa aking ng malaking kasiyahan. Nasisiyahan akong maglingkod bilang isang hinirang na matanda sa lokal na kongregasyon, at sinisikap kong magkaroon ng isang aktibong bahagi sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. (Marcos 13:10) Walang alinlangan, ang pagtulong sa iba ang nagbibigay sa akin ng pinakamalaking kaligayahan. Kasabay nito, natutuhan kong hanapin ang kaluwalhatian ni Jehova, hindi ang sa aking sarili.​—Lucas 17:10.​—Gaya ng isinaysay ni José Martín Pérez.

[Larawan sa pahina 15]

Pangangaral sa lansangan sa tulong ng iba pang Saksi

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share