Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ba Ako Maiibigan ng mga Tao?
NORMAL lamang na naisin mong ikaw ay maibigan. At ito ay abot ng iyong kaya na ikaw ay maibigan ng mas maraming tao. Gayunman, wari bang gaano man ang iyong pagsisikap, kinayayamutan ka ng iba; na ikaw ay nabubulol tuwing sisimulan mo ang isang pag-uusap; na ikaw ang laging huling inaanyayahan, ang kahuli-hulihang isinasali, ang huling hinahanap. Paano mo, kung gayon, mababago ang mga bagay at ikaw ay maibigan ng iba?
Naiibigan Mo ba ang Iyong Sarili?
Una sa lahat, harapin mo ang katotohanan na walang sinuman ang naiibigan ng lahat. Aba, hindi nga naibigan ng iba kahit na si Jesu-Kristo—at siya ay sakdal! (Isaias 53:1-3) Samakatuwid isang mapait na katotohanan ng buhay na ang ibang tao ay ayaw sa iyo. Gayunman, ang tila magulong katotohanang ito ay mas mahirap tanggapin kung hindi mo naiibigan ang iyong sarili. Kung walang pagpapahalaga-sa-sarili, maaaring maging mapangwasak na malaman na mayroong hindi nakakagusto sa iyo. Palibhasa’y nakadarama ng kawalang-kaseguruhan, baka gumawa ka pa nga ng walang-saysay na mga pagsisikap upang makamit ang pagsang-ayon ng lahat.
Nasumpungan ng kinse-anyos na si Sean na ang paggawa ng gayon ay nagpapawalang-saysay sa sarili: “Nasumpungan ko na kung ako ay labis-labis na nababahala na ako ay maibigan ng mga tao, ako’y nagpapagal upang ako’y maibigan nila anupa’t nadarama nila [ang kawalang-kaseguruhan] at sila ay aktuwal na nayayamot.”
Ang utos ni Jesus na “ibigin ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” ay nagpapakita na ang pagkakaroon ng pagpapahalaga-sa-sarili ay angkop at mahalaga. (Mateo 22:39) Kaya kilalanin mo ang iyong halaga bilang isang tao. Bagaman tiyak na ikaw ay may mga pagkukulang, tandaan na ikaw rin ay maraming maibibigay bilang isang tao.a
Ang sapat na pagpapahalaga-sa-sarili ay tutulong sa iyo na pakitunguhang mas mabuti ang indibiduwal na nagsusuplado sa iyong mga pagsisikap na makipagkaibigan. Hinahadlangan ka rin nito na manghawakang mahigpit sa mga kaugnayan. Halimbawa, personal na nadama ng kabataang si Kelly na siya ay nanganganib nang ang isa sa kaniyang mga kaibigang babae ay nakipagkaibigan sa isa pang batang babae. Gayunman, ang mga pagkakaibigan ay hindi kinakailangang maging pantangi—na para bang isang tao lamang sa daigdig ang maaaring makagusto sa iyo. Kung may pagpapahalaga ka sa sarili hindi mo sasarilinin ang iyong mga kaibigan. Oo, nasumpungan ni Kelly na kahit na ang kaniyang kaibigang babae ay mayroong ibang mga kasama, ang kanilang itinatanging pagkakaibigan ay nanatiling gaya ng dati!
Gayunman, maaaring ang iyong problema ay hindi ang pagkakaroon ng mababang pagtingin-sa-sarili kundi isang hindi pulidong personalidad.
Pagdadalubhasa sa Sining ng Pakikipag-usap
Nais ni Tarah na siya ay maibigan ng mga adulto. Gayunman, kapag sinisikap ng matatandang tao na arukin ang kaniyang niloloob sa pamamagitan ng mga tanong, ang hindi akmang mga tugon ni Tarah ay mabilis na pumuputol sa usapan.
Ang isang tao na maginhawang nakikipag-usap sa iba ay karaniwang naiibigan. Subalit ikaw ba ay asiwa at hindi komportable kapag sinisikap mong makipag-usap? Basta ba nauubusan ka ng sasabihin? Masahol pa, nayayamot ba sa iyo ang iba dahil sa lagi mong itinutuon ang pag-uusap sa iyong sarili? Kung gayon, linangin mo ang sining ng makahulugang pag-uusap.
Magsimula sa paglinang sa iyong kakayahang magsalita tungkol sa sarisaring paksa. Halimbawa, maaari mong sikaping makiagapay sa kasalukuyang mga pangyayari. Kung nasusumpungang mong wala kang panahon upang magbasa ng diyaryo, iminumungkahi ng kasangguni sa pagsasalita na si Dorothy Sarnoff na “panatilihin mong nakabukas ang TV o isang radyo sa balita samantalang ikaw ay nagbibihis, at tipunin mo ang maliliit na impormasyon na magagamit mo para sa kawili-wiling pakikipag-usap.” Ang pagiging isang regular na mambabasa ng Gumising! ay isa pang paraan upang panatiling lumalago at bago ang iyong bangan ng mga paksang mapag-uusapan.
Ang isa pang kasanayan sa pag-uusap ay ang matutuhan kung paano pananatilihin ang pag-uusap. Halimbawa, may nagtanong sa iyo kung ikaw ba ay nasiyahan sa dulo ng sanlinggo. Huwag mong putulin ang pag-uusap sa basta pagsagot ng oo. Sabihin mo kung ano ang ginawa mo noong dulo ng sanlinggo at kung bakit nasiyahan ka rito. Pahabain mo pa ang pag-uusap sa pagtatanong kung paano naman niya pinalipas ang panahon.
Ano, naman, kung kaunti lamang o wala kang nalalaman tungkol sa isang paksa na pinag-uusapan? O halimbawa ito ay basta hindi kawili-wili sa iyo? Ang Bibliya ay nagpapayo sa atin na ‘tingnan ang sariling kapakanan ng iba.’ (Filipos 2:4) Kaya subukan mong magtanong. Maiibigan ka ng mga tao kung ikaw ay interesado sa mga bagay na interesado sila.
Magpakita ng mabuting asal sa iyong pakikipag-usap. Huwag mong ihiwalay ang iba sa pamamagitan ng ikaw na lamang ang laging nagsasalita o sa pagsunggab sa iba kapag ikaw ay hindi sang-ayon. (Ihambing ang Tito 3:2.) Ikinagagalit ng mga tao ang gayong nakasusuyang ugali. Hayaan mong magsalita ang iba. Hanapin ang mga punto ng pagkakaisa at sikaping manatili sa mga ito. Kung inaakala mong dapat kang magpahayag ng pagtutol sa ilang mahalagang punto, gawin ang gayon taglay ang “kahinahunan at taimtim na paggalang” sa mga palagay ng ibang tao.—1 Pedro 3:15.
Matutong Magbigay, Matutong Tumanggap
Ang nakatutulong na mga pabor, taimtim na mga salita ng pasasalamat, at nakapagpapatibay na mga pananalita ay pawang nagsasabi sa iba na inaalaala mo sila at na hindi mo sila binabale-wala. Malaki ang nagagawa nito sa iyong sarili upang ikaw ay maibigan ng iba. Gaya ng pagkakasabi rito ng Kawikaan: “Siyang saganang dumidilig sa iba ay saganang didilingin din naman.” (Kawikaan 11:25) Si apostol Pablo ay isa na sumunod sa simulaing ito. Basahin ang ulat ng Bibliya sa Gawa 20:31-38, at pansinin kung paano walang pag-iimbot na si Pablo ay nagpagal upang patibayin ang kaniyang mga kamanggagawang taga-Efeso. Ang resulta? Si Pablo ay napamahal na sa mga Kristiyano sa Efeso anupa’t nang malaman nila ang tungkol sa kaniyang pag-alis, “silang lahat ay nagsipanangis nang di kawasa, at nagsiyakap sa leeg ni Pablo at siya’y hinagkan nila.”—Gawa 20:37.
Ibinibigay mo rin ba ang iyong sarili—ang iyong panahon, ang iyong lakas? Ikaw ba ay nagbibigay ng pampatibay-loob, suporta, at tulong sa iba? Kung gayon, tiyak na maiibigan ka ng mga tao. Sabi ni Jesus: “Ugaliin ninyo ang pagbibigay, at kayo’y bibigyan ng mga tao.”—Lucas 6:38.
Gayunman, paano ka dapat kumilos kapag ang iba, naman, ay nais gumawa ng isang bagay para sa iyo? Marahil nahihiya dahil sa atensiyon, tinatanggihan ng iba ang gayong alok. Gayunman, hayaan mong ang iba ay maging malapit sa iyo sa pagiging isang magiliw na tagatanggap. (Colosas 3:15) Noong minsan, tinanggap ni Jesus ang mabangong langis na malamang ay nagkahalaga sa nagbigay nito ng halos isang taong sahod. (Juan 12:3-6) Tandaan, nais din ng iba ang kaligayahan ng pagbibigay. Ipakita na pinahahalagahan mo ang kanilang pagpapahayag ng pakikipagkaibigan, at dahil diyan ikaw ay maiibigan ng mga tao.
Pagsasapanganib!
Mangyari pa, ang pagsisimula at pagpapakita ng tunay na interes sa iba ay medyo mapanganib. Lalo na sa umpisa. Maaaring matakot ka na mamalasin ng iba ang iyong mga pagsisikap bilang isang kahinaan o baka masamain pa ng iba ang pagsisikap mo na maging palakaibigan. Ganiyan ang nadama ng isang kabataang nagngangalang Glen. Bunga nito, siya ay naging walang imik at malayo kapag nakikipag-usap sa iba. Gayunman, di-nagtagal natalos ni Glen na samantalang ang pagiging malayo ay nag-iingat sa kaniya mula sa pagsalakay, wala rin siyang nakakaibigan. Kaya sinimulan ni Glen na ipahayag ang kaniyang sarili nang kaunti pa, nagpapakita ng interes sa mga tao. “Sa simula’y para bang ako’y napipilitan lamang,” sabi ni Glen, “subalit naging mas madali ito sa paglipas ng panahon.” Si Glen ngayon ay nagtatamasa ng mas mabuting kaugnayan sa kaniyang mga kaibigan.
Ipagpalagay na, mayroong iba na baka hindi magpahalaga sa iyong mga pagsisikap sa pakikipagkaibigan. Subalit kung pinagsusupladuhan ka ng isang tao o pinagtatawanan ka, siya ang may problema—hindi ikaw. Marami pang iba ang tutugon sa iyong mga pagsisikap. Kaya huwag kang matakot na harapin ang mga panganib na dumarating dahil sa pagkakaroon ng interes sa iba.
Si Haring Solomon ay nagsabi na ang “gawain ay may pakinabang.” (Kawikaan 14:23, The Living Bible) Oo, ang iyong puspusang pagsisikap ay mahalaga sa iyong pagkakamit ng mga resulta. Kaya ugaliin at dalisayin ang iyong mga kakayahan na magtamasa ng mabuting mga kaugnayan sa iba. Ugaliin ang mabuting pag-uugali at magiliw na mga ugali sa pakikipag-usap, at magpakita ng taimtim na interes sa kapakanan ng iba. Gaya ng kabataang si Samuel noong panahon ng Bibliya, ikaw ay tiyak na magiging “higit na kalugud-lugod kapuwa sa paningin ni Jehova at ng mga tao.”—1 Samuel 2:26.
[Talababa]
a Tingnan ang “Kung Paano Ako Magkakaroon ng Paggalang-sa-Sarili?” sa labas ng Gumising! ng Oktubre 8, 1983.
[Kahon sa pahina 14]
Personal na Kalinisan at ang Iyong Hitsura—Mahalaga Ito!
Nasumpungan ng isang kabataan ang kaniyang sarili na iniiwasan ng kaniyang mga kasama. Isang hindi magandang personalidad? Hindi, ang kabataan ay pabaya sa kaniyang personal na kalinisan. Naipasiya niyang bigyan ng pansin ito—at ang kaniyang mga kaibigan ay dumami! Hindi mo ito dapat pagtakhan, sa kalakhang bahagi, ang iyong personal na kalinisan ay nagpapabanaag sa tindi ng iyong pagkabahala sa damdamin ng iba. Oo, sino ang nais na maging kasama ang isa na marumi at may masamang amoy?
Dapat ding bigyan ng pansin ang iyong pananamit at hitsura. Ganito ang sabi ng awtor na si Milo O. Frank: “Sa kalaunan, hindi mahalaga kung gaano kamahal ang iyong kasuotan, o kung gaano kaluma o kabago, basta ito ay nagbibibigay ng impresyon na ikaw ay nagmamalasakit. Kung ikaw ay nagmamalasakit na pinakamabuting iharap ang iyong sarili, kung gayon mamahalin ka nila.”
Tunay, mayroong mga iba na makakapansin kung ang iyong mga damit ay hindi maayos o labis-labis sa istilo. Subalit ito ba ang mga tao na nais mong akitin bilang mga kaibigan? Malamang na hindi. Hindi ba makatuwirang hanapin ang mga kaibigan na naglalabas ng pinakamagaling sa iyo sa halip ng pinakamasama sa iyo? (Kawikaan 13:20; 1 Corinto 15:33) Ang mahinhin at maayos na hitsura ay pinakamabuting magsisilbi sa iyong kapakanan sa bagay na ito.—1 Timoteo 2:9.
[Larawan sa pahina 13]
Yaong mga gumagawa ng mga bagay para sa iba ay karaniwang siyang naiibigan