Pagtalunton sa mga Bakas ng mga Inca
“KASINDAK-SINDAK!” “Napakaganda!” “Para bang ako’y ibinalik sa panahon.” Ito ang aming mga damdamin habang kami’y napuspos ng tanawin ng makaalamat na nawawalang lungsod ng mga Inca, ang Machu Picchu, sa Peru.
Bagaman nakadalaw na ako noon sa Machu Picchu, ang muling makita ito na kasama ng aking asawa, si Elizabeth, at kasama ng aming matalik na mga kaibigang sina Baltasar at Heidi ay isang di-malilimot na karanasan.
Ang aming paglalakbay patungo sa Machu Picchu ay nagsimula sa kabigha-bighaning lungsod ng Cuzco, ang dating kabisera ng sinaunang imperyong Inca, mga 3,400 metro sa ibabaw ng antas ng dagat. Ang lungsod na ito, idinisenyo sa hugis ng isang puma ng pinunong Inca na si Pachacuti, ay sagana pa rin sa arkitekturang Inca ng pambihirang kagandahan. Marami sa mga gusali sa pangunahing plasa ay matatag na nakaupo sa sinaunang mga batong pundasyong Inca. Ang mga batong ito, na tinabas sa kasakdalan nang walang argamasa, ay karaniwang 1.6 o higit pang metro ang taas at tumitimbang ng mga ilang tonelada. Gaya ng isinulat ng Kastilang mananalaysay na si Cieza: “Nakalilito sa isipan . . . kung paano ito dinala sa itaas at inilagay sa kaniyang lugar.” Gayunman, kami’y sinabihan na mahihigitan ng Machu Picchu ang anumang bagay na nakita na namin.
Paliku-likong Paglalakbay
Gumising kami ng maaga noong Biyernes ng umaga at nilisan namin ang istasyon ng San Pedro sa Cuzco noong alas siete, tuwang-tuwa at kami sa wakas ay sakay ng tren na patungo sa Machu Picchu. Ang tren ay wari bang matagal nang ginagamit subalit kayang-kaya nito ang paliku-likong daan sa kabundukan habang kami ay umaakyat ng mahigit 1,200 metro mula sa Cuzco tungo sa perimetro ng kagubatan ng Amazon. Sa loob ng apat-na-oras na biyahe tungo sa Machu Picchu (na nangangahulugang “dating tuktok”) sa kahabaan ng Ilog Urubamba, ang tanawin ay nagbago sa aming paningin. Habang kami ay bumababa mula sa tigang na kabundukan at mataas na talampas, ang lupain ay higit at higit na naging luntian dahil sa pananim, hanggang sa kami’y nasa gitna ng kabundukang natatakpan ng mayabong na mga dahon.
Sa tren, pinag-usapan namin ang tungkol sa nabasa namin may kaugnayan sa Machu Picchu at kung ano ang nalalaman namin tungkol sa kasaysayan nito. Inaakay ng isang batang lalaki, noong Hulyo 1911 natuklasan ng Amerikanong manggagalugad na si Hiram Bingham ang nawawalang lungsod na ito. Ipakikita ng batang lalaki kay Bingham ang “kalapit na mga kagibaan” sa tropikal na kagubatan sa tuktok na tinatawag na Machu Picchu. Subalit, gaya ng sulat ni Bingham, “bigla na lamang, walang anu-ano, sa ilalim ng isang pagkalaki-laking nakabiting ungos ipinakita sa akin ng batang lalaki ang isang kuweba na may magandang hanay ng mahuhusay ang pagkakatabas na mga bato.” Nang ipakita sa kaniya ng bata ang pader, “ito’y parang isang di-kapani-paniwalang panaginip. Saka ko natalos,” sabi niya, “na ang pader na ito at ang kalapit na kalahating bilog na templo nito sa ibabaw ng kuweba ay kasingganda ng pinakamagandang gawang-bato sa daigdig.” Isip-isipin na makikita rin namin ang gawang-batong iyon!
Ang layunin ng nabubukod na kutang ito, marahil itinayo mga 500 taon na ang nakalipas, ay hindi pa rin alam. Sinasabi ng isang teoriya na ito ay isang kanlungan ng mga Birhin ng Araw, marahil dahil sa ang karamihan ng mga silid na natuklasan ni Bingham ay naglalaman ng mga labí ng mga babae. Ang isa pang teoriya ay na ang lungsod ay nagsilbing isang bantayan ng militar. Sinabi rin ng iba na ito ay maaaring isang kanlungan ng imperyo kung saan tumakas ang mga Inca mula sa kamay ng mananakop na Kastila na si Pizarro. O maaari namang ito ang kabisera ng Vilcabamba, isang bagong lupaing-bayan ng Inca na itinatag ni Manco Inca sa di-mapapasok na kagubatan ng Amazon. Anuman ang katotohanan sa likuran ng lungsod ng Machu Picchu, sabik na sabik kaming makita ang kabigha-bighaning mga kagibaan na 2,060 metro sa ibabaw ng antas ng dagat.
Pagdating namin sa paanan ng Machu Picchu, batid namin na ang nawawalang lungsod ay nasa itaas namin, subalit wala kaming makita nang kami’y bumaba ng tren. Kami’y nagmadali upang pumila sa 20-minutong pagsakay sa bus sa mga biglang liko sa bundok. Gayunman, kahit na paliku-liko sa aming daan paakyat sa bundok at pinipilit na masulyapan ang kagibaan, wala kaming makita.
Walang Katapusang mga Hagdan at Bato
Pagkatapos magpatala sa otel (ang tanging modernong gusali sa itaas ng bundok), narating namin sa wakas ang pasukang tarangkahan ng mga kagibaan. Ang nakita namin habang nililigid namin ang sulok ay makapigil-hininga. Ang tanawin ay hindi kapani-paniwala. Sabi ni Elizabeth, “Nakakita na ako ng mga larawan, subalit walang sinabi ang mga larawan sa lugar na ito.” Anim na raang metro sa ibaba, ang Ilog Urubamba ay umaagos sa ibaba ng kabundukan. Sa lahat ng direksiyon, nakita namin ang luntiang mga tuktok ng bundok ng maringal na kagandahan, ginagawa kaming lubhang walang halaga. Sa lahat ng kasindak-sindak na paligid na ito ay ang nawawalang lungsod mismo, nakatayo na parang isang santuwaryo, hindi nadungisan ng mga manlulupig, lumilikha ng nakatatakot na damdamin ng pagkamangha.
Ipinakita ng kagibaan ang isang lungsod na itinayo na pawang bato, isang dalubhasang kombinasyon ng granito, heometriya, at lubusang paggamit sa pambihirang kalupaan. Ang karamihan ng mga gusali ay isang-palapag na mga gusali at, sang-ayon sa makabagong mga mananalaysay, disenyong Inca. Napakaraming nitso sa mga looban ng mga silid. Ang mga pinto, bintana, at mga nitso ay may huwarang trapezoid—lumiliit sa tuktok—isang mapagkikilanlang tampok ng huling arkitekturang Inca. Sa gitna ng lungsod ay isang malaking bukas na espasyo, marahil ang pangunahing plasa, napaliligiran ng mga terado, dambana, tuluyan, at matatarik na hagdan. Ang ilan sa mga pader ay nagpapakita ng magagandang yaring bato, ang ipinagmamalaking pagkaartesano ng Inca.
Habang kami’y naglalakad mula sa isang dulo hanggang sa kabilang dulo ng pambihirang kagibaang ito, napahalagahan namin ang laki nito. Mahigit na isang oras kaming naglakad mula sa isang dulo hanggang sa kabilang dulo, hindi pa kasali ang panahon na ginugol namin sa pag-akyat sa tuktok ng Huayna Picchu. Dahil sa bulubunduking kalupaan, may mga hagdan sa lahat ng dako, mahigit na 3,000 nito. Kahit na ang bai-baitang na lupa sa gilid ng lungsod, na ginagamit para sa pagtatanim ng mga ani at panginginain sa damuhan ng mga hayop, ay may nakausling mga bato na nagsisilbing hagdan mula sa isang antas tungo sa iba pa. Tinatayang ang lungsod ay sumasaklaw ng sukat na labintatlong kilometro kuwadrado!
Kami ay humanga sa naingatan-mainam na kalagayan ng kagibaan. Nang matuklasan ito ni Bingham, walang nasumpungang pisikal na katibayan na ipinakipagbaka roon ang anumang digmaan. At makikita natin na ang lungsod ay para bang nilisan, hindi nilupig. At hanggang ngayon ay hindi pa alam kung paano naikilos ng mga Inca ang pagkalalaking batong iyon doon, yamang wala silang kaalaman tungkol sa gulong. Subalit ang mga bato ay sakdal ang pagkakatabas at inilagay sa kaniyang lugar. Ang kagibaan, maingat na ibinalangkas sa mga bahagi, ay nagpapatunay ng isang organisadong-organisadong sibilisasyon.
Nag-iisang Kasama ng mga Llama at mga Bituin
Samantalang ang mga paglalakbay sa araw ay lumisan maaga noong hapon, ang Machu Picchu ay naiwan sa ilang mga panauhin sa otel na magpapalipas ng gabi. Ang aming kalooban ay mapagdilidili habang kami ay gumagala-gala sa mga kagibaan at pinagmamasdan ang paglubog ng araw sa pag-iisa. Samantalang naglalakad sa paligid, nakita nina Heidi at Elizabeth ang isang batang llama at ang ina nito sa isang sulok ng kagibaan. Ang mga llama ay mga hayop na nagdadala-ng-pasan na malawakang ginagamit sa Peru, sapat ang lakas upang dalhin ang mga pasan na tumitimbang ng halos 35 kilo subalit mahina upang isakay ang isang tao. Sa umpisa ang mga llama ay para bang nagulat sa pagkanaroroon ng aming mga asawa, subalit sina Heidi at Elizabeth ay disididong makunan ng malapitang larawan ang magagandang hayop na ito na para bang palagay na palagay sa gitna ng mga kagibaan. Ayaw nilang labis na mabalisa ang mga hayop, yamang ipinagsasanggalang ng mga llama ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagdura ng kanilang laway na may asido, kaya ang mga babae ay marahang nakipagkaibigan. Nagawa pa nga ni Heidi na pakanin ang inang llama ng ilang damo sa malapit.
Noong dakong huli sa gabi, kinuha namin ang aming mga pangginaw at lumabas kami sa mabituing gabi, malayo sa anumang artipisyal na liwanag mula sa kalapit na otel. Ngayon ang tanging nakikitang liwanag ay nagmumula sa mga bituin sa langit. Naisip namin ang kadakilaan ni Jehova. Pagkatapos ay naisip namin ang mga tao na, apat na siglong mas maaga, ay nanirahan sa bundok na ito at tumingala sa mga bituin ding iyon.
Ang mga Inca at ang mga Konkistador
Maaga kinabukasan, bago sumikat ang araw, bumalik kami sa kagibaan. Narinig namin ang malungkot na tono ng tinutugtog na panpipe. Nagpakasawa kami sa kagandahan at sa atmospera ng Machu Picchu bago dumating ang mga maglalakbay sa araw na iyon!
Habang kami ay namamahinga sa gitna ng mga kagibaan at minumuni-muni ang lahat ng nakita namin, si Baltasar ay nagkomento tungkol sa kalunus-lunos na resulta na ginawa ng isang relihiyon na hindi ginagabayan ng kung ano ang talagang itinuturo ng Bibliya. (Mateo 7:15-20) Ipinahamak ng mga konkistador na Kastila, sa ngalan ng kanilang relihiyong Katoliko at dahil sa kanilang walang kabusugang kasakiman, ang buong sibilisasyon. Ginawa nila ito nang hindi inaalam kung paano namuhay ang mga Inca. Yamang ang mga Inca ay walang nasusulat na wika kundi sila ay gumagamit ng mga quipus, mahahabang tali na may mga buhol upang ingatan ang estadistikal na mga ulat, impormasyon tungkol sa mga ani, sandata, kapanganakan, kamatayan, at iba pa, ang pagwasak ng mga manlulupig na Kastila sa mga quipus ay nag-iwan ng ilang rekord ng kulturang Inca.
Babalik ang mga Inca!
Natatandaan ang pangako ni Jehova tungkol sa isang pagkabuhay-muli, si Elizabeth at si Heidi ay nagkomento kung gaano kamangha-manghang malaman na ang mga tao mula sa isang sibilisasyon na lubusang nalipol ay magkakaroon ng pagkakataon na muling mabuhay. (Gawa 24:15) Isip-isipin lamang na maaari nating makilala ang ilan sa sinaunang mga Inca at malaman mismo mula sa kanila ang kanilang kultura! Maaari pa nga tayong magkapribilehiyo na turuan ang ilan sa mga Inca na nakatira sa Machu Picchu tungkol sa tunay na Diyos at sa kaniyang layunin sa kanila.
Ang aming dalawang araw sa Machu Picchu ay dumating sa wakas habang sinisimulan namin ang aming paglalakbay pabalik sa Cuzco. Dala namin ang magagandang alaala ng isang pambihirang lungsod sa tuktok ng bundok, isang lungsod na ngayo’y ginugunita lamang ng mga kagibaan. Bagaman nalupig ng mga Kastila ang imperyong Inca, kailanman ay hindi nila natuklasan ang Machu Picchu. Subalit kami’y naliligayahan na nasumpungan namin ang nawawalang lungsod ng mga Inca.—Isinulat.
[Larawan sa pahina 15]
Machu Picchu, sinaunang lungsod ng mga hagdan at bai-baitang na lupa
[Larawan sa pahina 16]
Machu Picchu (dating tuktok), sa itaas ng Bundok Andes, ang Huayna Picchu (bagong tuktok) sa likuran
[Larawan sa pahina 16]
Walang gulong, ikinilos ng mga Inca ang malalaking tinabas-kamay na mga bato para sa kanilang mga gusali
[Larawan sa pahina 17]
Karaniwang tirahang Inca na may arkitekturang trapezoid, lumiliit sa itaas
[Larawan sa pahina 17]
Nagsosolong llama sa kagibaan ng Machu Picchu
[Larawan sa pahina 18]
Ang Ilog Urubamba, 600 metro sa ibaba ng Machu Picchu