Kung Paano Naiwala ng mga Inca ang Kanilang Ginintuang Imperyo
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA PERU
Sikat na ang araw. Ang tuktok ng Andes na natatakpan ng niyebe ay napintahan ng malamlam na kulay rosas ng mga sinag ng liwanag mula sa langit sa umaga. Ang maagang gumising na mga katutubong Indian ay nasisiyahan sa init na nag-aalis ng lamig ng maginaw na gabi sa taas na 4,300 metro. Unti-unti, ang sinag ng araw ay nakarating sa templo ng araw sa gitna ng kabisera ng Imperyo ng Inca, ang Cuzco (na nangangahulugang “Pusod ng Daigdig”). Ipinababanaag ng ginintuang mga pader ang sinag ng araw. Ang purong gintong mga llama, vicuña, at mga condor ay kumikinang sa hardin ng Incaa sa harap ng templo. Ang mga nagdaraan ay nagpapalipad ng halik sa hangin bilang pagsamba sa kanilang diyos, ang araw. Anong laki ng pasasalamat nila na maging buháy at pinagpala ng araw na nagbibigay sa kanila ng kanilang kabuhayan, ayon sa paniwala nila!
SA PAGITAN ng ika-14 at ika-16 na siglo, isang dakilang ginintuang imperyo ang nagpuno sa kanlurang baybayin ng Timog Amerika. Sa pamamahala ng magagaling na arkitekto at teknisyan, ang mga Inca ay isang bayan na inorganisa upang pagbutihin ang kanilang mga sarili sa panlipunang paraan. Pinalawak pa ng nakapagtatakang Imperyo ng Inca ang mga hangganan nito ng halos 5,000 kilometro, na umaabot mula sa timog na bahagi ng kasalukuyang-panahong Colombia hanggang sa Argentina. Sa katunayan, “inakala ng mga Inca na kontrolado nila ang halos buong daigdig.” (National Geographic) Naniniwala silang sa kabila pa ng mga hangganan ng kanilang imperyo, wala nang ibang bagay na sulit sakupin. Subalit, hindi man lamang nalalaman ng iba pang bahagi ng daigdig na umiral ang imperyong ito.
Sino ang mga Inca? Ano ang kanilang pinagmulan?
Sino ang Nauna sa mga Inca?
Ipinakikita ng mga natuklasan ng arkeolohiya na ang mga Inca ay hindi orihinal na mga nakatira sa kontinente. May iba pang maunlad na mga kultura ang nauna sa kanila ng ilang daan hanggang ilang libong taon. Ang mga ito’y inuri ng mga arkeologo bilang ang kulturang Lambayeque, Chavin, Mochica, Chimu, at Tiahuanaco.
Ang naunang mga grupong ito ay sumamba sa iba’t ibang hayop—mga jaguar, puma, at isda pa nga. Ang pagsamba sa mga diyos ng kabundukan ay laganap sa kanila. Ipinakita ng kanilang mga palayok na ang ilang tribo ay nagsagawa ng pagsamba sa sekso. Malapit sa Lawa ng Titicaca, sa itaas ng hangganan sa pagitan ng Peru at Bolivia, isang tribo ang nagtayo ng isang templo na nagtataglay ng mga sagisag ng phallic (ari ng lalaki), na sinasamba sa mga fertility rite upang tiyakin ang mabuting ani mula kay Pacha-Mama, na ang ibig sabihin ay “Inang Lupa.”
Ang Alamat at ang Katotohanan
Mga bandang 1200 nang lumitaw ang mga Inca. Ayon sa mananalaysay na si Garcilaso de la Vega, anak ng isang prinsesang Inca at Kastilang kabalyero at may-ari ng mga lupain, sinasabi ng alamat na ang orihinal na Inca, si Manco Capac, kasama ng kaniyang kapatid/nobya, ay sinugo ng kaniyang ama, ang diyos na araw, tungo sa Lawa ng Titicaca upang himukin ang lahat ng mga tao na sumamba sa araw. Ngayon, ang alamat na ito ay ikinukuwento pa rin sa mga bata sa ilang paaralan.
Gayunman, bukod sa alamat, ang mga Inca ay malamang na nagmula sa isa sa mga tribo sa Lawa ng Titicaca, ang mga Tiahuanaco. Nang maglaon, kinuha ng lumalawak na imperyo ang marami sa organisadung-organisadong mga gawa ng nasakop na mga tribo, anupat pinalalawak at pinagbubuti ang mga kanal at mga hagdan-hagdang lupain na nagawa na. Ang mga Inca ay nakahihigit sa pagtatayo ng pagkalaki-laking mga gusali. Maraming ideya kung paanong napagdugtong ng kanilang mga arkitekto ang moog at templo ng Sacsahuaman, na nakatunghay sa lunsod ng Cuzco mula sa mataas na talampas. Pinagdugtung-dugtong ang napakalaking 100-toneladang mga monolith. Walang argamasang ginamit upang pagdugtungin ang mga ito. Walang gaanong epekto ang mga lindol sa maganda ang pagkakahugpong na mga bato na nasumpungan sa mga pader ng sinaunang lunsod ng Cuzco.
Ang Kumikinang na Templo ng Araw
Sa maharlikang lunsod ng Cuzco, ang mga Inca ay nagsaayos ng isang pagkasaserdote para sa pagsamba sa araw sa isang makintab na templong bato. Ang mga dingding sa loob ay nagagayakan ng dalisay na ginto at pilak. Kasama ng pagkasaserdote, itinayo ang pantanging mga kumbento, gaya ng isang itinayong-muli sa templo ng araw ng Pachácamac, sa labas lamang ng Lima. Ang mga birhen na may natatanging kagandahan ay sinasanay mula sa batang edad na walong taon upang maging ‘mga birhen ng araw.’ Ipinakikita ng mga katibayang nahukay ng mga arkeologo na ang mga Inca ay naghahandog din ng mga haing tao. Inihain nila ang mga bata sa mga apus, o mga diyos ng kabundukan. Nasumpungan ang ilang bangkay ng bata na nagyelo na sa taluktok ng Andes.
Bagaman ang mga Inca at ang mas naunang mga tribo ay hindi marunong sumulat, nakagawa sila ng isang sistema ng pag-iingat ng mga rekord sa pamamagitan ng paggamit ng tinatawag na quipu. Ito’y “isang kagamitan na yari sa isang malaking kordon na may maliliit at iba’t ibang kulay na kordon na nakakabit at nakabuhol at ginagamit ng sinaunang mga taga-Peru” bilang isang pantulong sa alaala para sa mga naatasang tagapag-ingat ng mga imbentaryo at mga ulat.—Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary.
Paano Pinagkaisa ang Imperyo?
Ang mahihigpit na batas at nakaplanong estratehiya ay matibay na nagtatag ng isang sentrong pamahalaan. Ang panimulang kahilingan ay na ang lahat ay matuto ng Quechua, ang wika ng mga Inca. “Ang Quechua,” sabi ng aklat na El Quechua al Alcance de Todos (Ang Quechua na Naaabot ng Lahat), ay itinuturing na “ang pinakamadaling maunawaan, pinakasari-sari, gayundin ang pinakaelegante sa mga diyalekto ng Timog Amerika.” Sinasalita pa rin ito ng mga limang milyon katao sa mga kabundukan ng Peru at ng milyun-milyong iba pa sa limang bansa na naging bahagi noon ng imperyo. Isang grupo sa timog-silangan ng Lawa ng Titicaca ang nagsasalita pa rin ng Aymara, isang wikang galing sa Quechua noong panahon bago ang mga Inca.
Pinagkaisa ng paggamit ng Quechua ang halos 100 nalupig na mga tribo at isang tulong sa curaca (panginoon) ng nayon na namamahala sa bawat grupo. Ang bawat pamilya ay may nakaatas na lupang sasakahin. Matapos magapi, ipinahihintulot ng Inca ang lokal na pantribong mga sayaw at kapistahan na magpatuloy at maglaan ng mga pagtatanghal sa teatro at mga laro upang panatilihing kontento ang lahat ng mga nalupig na tao.
Ang Buwis na Mita
Walang salaping ginamit sa buong imperyo, na nangangahulugang ang ginto, sa ganang sarili, ay walang halaga sa mga tao. Ang pang-akit nito ay na kumikinang ito sa araw. Ang tanging buwis na ipinatutupad, ang mita (Quechua, “isang turno”), ay kahilingan na ang mga sakop ay magrelyebo sa sapilitang pagtatrabaho sa maraming daan at proyekto ng pagtatayo na pag-aari ng mga Inca. Libu-libong manggagawang Indian ang sa gayo’y kinalap ng batas.
Palibhasa’y ginagamit ang mga manggagawa ayon sa mita, ang mga dalubhasang tagapagtayo na Inca ay gumawa ng isang kawing ng mga daan na mahigit sa 24,000 kilometro ang haba! Mula sa Cuzco, ang mga Inca ay nagtayo ng isang sistema ng mga daan na bato ang ilalim upang idugtong ang pinakamalalayong dako ng imperyo. Ginamit ito ng sinanay na mga mensaherong mananakbo, na tinatawag na mga chasqui na gaya ng isang mananakbo sa relay. Sila’y nakaistasyon sa mga kubo sa pagitan ng mga isa hanggang tatlong kilometro. Kapag dumating ang isang chasqui na may dalang mensahe, magsisimulang tumakbo ang susunod na chasqui na katabi niya. Sa paggamit sa sistemang ito, nakukubrehan nila ang layong 240 kilometro sa isang araw. Sa maikling panahon ay natatanggap ng nagpupunong Inca ang mga ulat mula sa buong imperyo niya.
Sa kahabaan ng daan, ang Inca ay nagtayo ng malalaking kamalig. Ang mga ito’y pinuno ng mga panustos na pagkain at pananamit para sa gamit ng mga hukbo ng Inca samantalang naglalakbay upang manakop. Hangga’t maaari ay iniiwasan ng Inca ang digmaan. Habang gumagamit ng estratehiya, nagpapadala siya ng mga sugo upang anyayahan ang mga tribo na pasakop sa kaniyang paghahari, sa kondisyong tatanggapin nila ang pagsamba sa araw. Kung susunod sila, sila’y pinapayagang magpatuloy sa kanila mismong tribo, na pinangangasiwaan ng sinanay na mga tagapagturong Inca. Kung sila’y tatanggi, sila’y nagiging mga biktima ng malupit na pananakop. Ang mga bungo ng bangkay ng kaaway ay ginamit na mga kopa para inuman ng chicha, isang nakalalasing na inumin mula sa mais.
Sa ilalim ng pamumuno ng ikasiyam na Inca, si Pachacuti (1438 patuloy), ang kaniyang anak na si Topa Inca Yupanqui, at ang manlulupig-estadistang si Huayna Capac ay mabilis na pinalawak ng imperyo ang mga hangganan nito at narating ang sukdulang lawak nito sa hilaga hanggang timog. Subalit hindi ito nagtagal.
Mga Mananalakay Mula sa Hilaga
Noong mga taon ng 1530, ang Kastilang mananakop na si Francisco Pizarro at ang kaniyang mga kawal ay dumating mula sa Panama, palibhasa’y naakit ng mga ulat tungkol sa ginto sa di-kilalang lupaing ito na noo’y nababahagi dahil sa gera sibil. Si Prinsipe Huáscar, legal na tagapagmana sa trono, ay natalo at ibinilanggo ng kaniyang kapatid sa ama na si Atahuallpa, na patungo sa kabisera.
Pagkatapos ng isang mahirap na pagmamartsa sa loobang lunsod ng Cajamarca, si Pizarro at ang kaniyang mga tauhan ay tinanggap na mainam ng mangangamkam na si Atahuallpa. Gayunman, sa pamamagitan ng pandaraya ay nagtagumpay ang mga Kastila sa pag-alis sa kaniya mula sa kaniyang kamilya at ginawa siyang bihag samantalang, kasabay nito, pinatay nila ang libu-libo sa kaniyang nagtataka at hindi handang mga tropa.
Gayunman, kahit na isang bihag, ipinagpatuloy ni Atahuallpa ang gera sibil. Nagpadala siya ng mga mensahero sa Cuzco upang patayin ang kaniyang kapatid sa ama na si Inca Huáscar gayundin ang daan-daan sa maharlikang pamilya. Walang kamalay-malay, pinadali niya ang planong pananakop ni Pizarro.
Palibhasa’y nakita ang kasakiman ng mga Kastila sa ginto at pilak, nangako si Atahuallpa na pupunuin niya ang isang malaking silid ng mga piguring ginto at pilak bilang pantubos para sa kaniyang paglaya. Subalit walang nangyari. Minsan pang namagitan ang panlilinlang! Pagkatapos maibunton ang ipinangakong pantubos, si Atahuallpa, ang ika-13 Inca, na itinuturing ng mga monghe na isang mananamba sa idolo, ay bininyagan muna bilang isang Katoliko at saka binigti.
Ang Pasimula ng Wakas
Ang pagkabihag at pagpaslang kay Atahuallpa ay isang nakamamatay na dagok sa Imperyo ng Inca. Subalit nilabanan ng mga mamamayang Indian ang mga mananalakay, at ang paghihingalo ng imperyo ay tumagal pa ng 40 taon.
Nang dumating ang dagdag na mga kawal at kagamitan, si Pizarro at ang lahat ng kaniyang mga kawal ay sabik na magtungo sa Cuzco upang makuha ang higit pang ginto ng mga Inca. Dahil sa paghahangad na ito ang mga Kastila ay hindi tumutol sa paggamit ng malupit na mga pagpapahirap upang makuha ang mga sekreto ng kayamanan mula sa mga Indian o upang takutin at patahimikin ang sinumang lumaban.
Kasama ng kapatid ni Huáscar na si Prinsipe Manco II, na siyang susunod na Inca (Manco Inca Yupanqui), si Pizarro ay nagtungo sa Cuzco at dinambong ang lahat ng napakalaki nitong kayamanang ginto. Karamihan ng ginintuang imahen ay tinunaw at ginawang barang ginto para sa Espanya. Hindi nga kataka-taka kung bakit gustung-gustong lupigin ng mga piratang Ingles ang mga galeong Kastila na nagdadala ng saganang kayamanan ng Peru! Habang kargado ng mga kayamanan, si Pizarro ay nagtungo sa baybayin, kung saan itinatag niya ang lunsod ng Lima noong 1535 bilang ang sentro ng kaniyang pamahalaan.
Nang panahong iyon, si Manco Inca Yupanqui, palibhasa’y naliwanagan na tungkol sa kasakiman at panlilinlang ng mga mananakop, ay nag-organisa ng isang paghihimagsik. Ang iba rin ay naghimagsik laban sa mga Kastila, subalit sa bandang huli ang mga Indian ay umatras sa liblib na mga dako upang makapanlaban hangga’t magagawa nila. Maaaring isa sa ligtas na mga kanlungang ito ang sagradong lunsod ng Machu Picchu na nakakubli sa kabundukan.
Ang Huling Inca
Sa huling yugto, si Tupac Amarú, isang anak ni Manco Inca Yupanqui, ay naging Inca (1572). Mga Kastilang gobernador ang namamahala ngayon sa Peru. Ang tunguhin ni Gobernador Toledo ay ubusin ang mga Inca. Kasama ang malaking hukbo, pinasok niya ang dako ng Vilcabamba. Si Tupac Amarú ay nabihag sa kagubatan. Siya at ang kaniyang asawang nagdadalang-tao ay dinala sa Cuzco para bitayin. Isang Cañari na Indian ang pumugot sa ulo ni Tupac Amarú. Ang libu-libong Indian na natipon sa liwasan ay malakas na dumaing dahil sa kalungkutan nang sa isang tagâ ay pugutan ng ulo ang kanilang Inca. Ang kaniyang mga kapitan ay pinahirapan hanggang mamatay o kaya’y binigti. Sa pamamagitan ng malupit na pagpapaalis, nagwakas ang pamamahala ng mga Inca.
Ang inatasang mga gobernador, kasama ang maraming monghe at paring Katoliko, ay dahan-dahang nagpalaganap ng kanilang impluwensiya, mabuti at masama, sa mga Indian, na sa loob ng mahabang panahon ay basta itinuring na mga alipin. Ang marami ay sapilitang pinagtrabaho sa mga minahan ng ginto o pilak, na isa sa mga ito ay ang bundok na may saganang pilak, na nasa Potosí, Bolivia. Upang makaligtas sa di-makataong mga kalagayan, ang pinagmalupitang mga Indian ay bumaling sa paggamit ng dahon ng coca dahil sa epekto nito na parang droga. Noong pagpapasimula lamang ng ika-19 na siglo natamo ng Peru at Bolivia ang kaniyang kasarinlan mula sa Espanya.
Modernong-Panahong mga Inapo ng mga Inca
Ano ang kalagayan ng mga inapo ng mga Inca sa modernong panahong ito? Ang kabiserang lunsod ng Lima sa Peru, katulad ng maraming iba pang modernong lunsod, ay namumutiktik sa milyun-milyong mamamayan. Subalit sa mga lalawigan, waring sandaang taon nang huminto ang orasan. Kontrolado pa rin ng mga paring Katoliko ang maraming nabubukod na mga nayon. Sa magsasakang Indian, ang simbahang Katoliko sa liwasan ng nayon ang siyang pangunahing atraksiyon. Ang maraming istatuwa ng mga santong maringal na nadaramtan, ang maraming kulay na mga ilaw, ang ginintuang altar, ang nakasinding mga kandila, ang mistikong mga seremonya na inaawit ng pari, at lalo na ang mga sayawan at mga kapistahan—ay pawang nakaaakit sa kaniyang pangangailangan para sa paglilibang. Subalit ang gayong mga paglilibang na nakalulugod sa mata ay hindi kailanman nakapag-alis ng sinaunang mga paniniwala. At ang paggamit ng dahon ng coca, na inaakalang may mistikong mga kapangyarihan, ay nakaiimpluwensiya pa rin sa buhay ng marami.
Taglay ang kanilang matatag na simulain, ang mga inapong ito ng mga Inca—na marami ngayon ay mga mestiso—ay nakapag-ingat ng kanilang makukulay na sayaw at tipikal na musikang huaino. Kahit na sa simula’y mahiyain sila sa mga estranghero, lumalabas ang kanilang likas na pagkamapagpatuloy. Para sa mga personal na nakakakilala sa mga inapong ito ng Imperyo ng Inca—na nakasasaksi sa kanilang araw-araw na pakikipagpunyagi upang mabuhay at nagsisikap na magpakita ng personal na pansin, at pagmamalasakit—ang kanilang kuwento ay talagang makabagbag-damdamin!
Nagdadala ng Pagbabago ang Edukasyon
Sa isang panayam sa Gumising!, ganito ang sabi ni Valentin Arizaca, isang inapo ng mga Indian na nagsasalita ng Aymara mula sa nayon ng Socca sa Lawa ng Titicaca: “Bago ako naging isa sa mga Saksi ni Jehova, ako’y isang Katoliko sa pangalan lamang. Kasama ng ilan sa aking mga kaibigan, nagsagawa ako ng maraming gawaing pagano. Ngumunguya rin ako ng dahon ng coca, subalit tinalikdan ko na itong lahat.”
Tandang-tanda pa ang maraming pamahiin na umalipin sa kaniya sa takot na di-mapalugdan ang apus, si Petronila Mamani, 89 na taóng gulang, ay nagsabi: “Regular akong naghahandog upang payapain ang mga diyos ng kabundukan at matiyak ang aking kabuhayan. Ayaw na ayaw kong magalit sila at danasin ang resultang mga salot. Ngayon, sa aking katandaan, iba na ang pangmalas ko sa mga bagay-bagay. Dahil sa Bibliya at sa mga Saksi ni Jehova, malaya na ako sa gayong kaisipan.”
Tinuturuan ng mga Saksi ni Jehova ang maraming Indian na nagsasalita ng Quechua at Aymara na bumasa. Ang mga ito naman ang nagtuturo ng Bibliya sa iba. Sa ganitong paraan libu-libong Inca at mga Kastilang Indian ang natuturuan upang pagbutihin ang kanilang buhay. Natututuhan din nila ang pangako ng Diyos sa Bibliya tungkol sa isang bagong sanlibutan ng katarungan, kapayapaan, at katuwiran, na malapit nang itatag sa buong lupa.—2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-4.
[Talababa]
a Ang salitang “Inca” ay maaaring tumukoy sa kataas-taasang pinuno ng Imperyo ng Inca at maaari ring tumukoy sa mga katutubo.
[Mga mapa sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang Ginintuang Imperyo ng mga Inca
TIMOG AMERIKA
Cuzco
Potosí
IMPERYONG INCA
CARIBBEAN SEA
DAGAT PASIPIKO
COLOMBIA
ECUADOR
ANDES
PERU
Cajamarca
Lima
Pachácamac
Vilcabamba
Machu Picchu
Cuzco
Lake Titicaca
BOLIVIA
CHILE
ARGENTINA
[Larawan sa pahina 16]
Itaas: Ang orihinal na templo ng araw ay nagsisilbing pundasyon para sa simbahang ito ng Katoliko sa Cuzco
[Larawan sa pahina 16]
Kaliwa: Imaheng phallic bago ang mga Inca sa isang templo sa Chucuito
[Larawan sa pahina 16]
Kanan: Ang dugo ng mga handog ng Inca ay umagos sa mga ukit ng batong ito
[Larawan sa pahina 17]
Kanan: May patubig na hagdan-hagdang lupain sa Machu Picchu, malapit sa Cuzco
[Larawan sa pahina 17]
Ibaba: Ang tanawin sa isang sinaunang daanan sa Machu Picchu
[Larawan sa pahina 17]
Kanang ibaba: 100-toneladang mga bloke ng moog-templo ng Sacsahuaman