Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 9/8 p. 18-19
  • Cuzco—Ang Sinaunang Kabisera ng mga Inca

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Cuzco—Ang Sinaunang Kabisera ng mga Inca
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Sinaunang Lunsod
  • Ang Pambihirang Arkitektura ng Cuzco
  • Relihiyon sa Cuzco
  • Kung Paano Naiwala ng mga Inca ang Kanilang Ginintuang Imperyo
    Gumising!—1998
  • Isang Sulyap sa Ginintuang Panahon ng mga Inca
    Gumising!—1992
  • Dapat Makarating ang Mensahe
    Gumising!—2006
  • Pagtalunton sa mga Bakas ng mga Inca
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 9/8 p. 18-19

Cuzco​—Ang Sinaunang Kabisera ng mga Inca

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Peru

PIGIL namin ang aming hininga habang ang aming eroplano ay patagilid na pumihit at sumalimbay pababa tungo sa makipot na libis. Lalapag na kami sa makasaysayang lunsod ng Cuzco, Peru. Bagaman ang lunsod ay nasa taas na mahigit 3,400 metro, ang matatarik na bundok ay pataas nang pataas, anupat ang aming paglapit sa runway ay wari bang lubhang mapanganib. Mabuti na lamang, kami’y ligtas na lumapag. Isang kalugurang makita ang bantog na lunsod na ito na may 275,000 naninirahan, na dating kabisera ng malaking Imperyo ng Inca.

Ang sinaunang kultura ng Inca ay makikita pa rin sa Cuzco. Marami sa mga residente ng lunsod ay nagsasalita pa rin ng Quechua. Sa katunayan, mga walong milyong tao sa bundok ng Andes ang nagsasalita pa rin ng sinaunang wikang ito. Kamakailan, hinikayat ng pamayanan ng Quechua ang mga awtoridad na baguhin ang pangalang ng Cuzco tungo sa Qosqo, yamang ang ponetikong bigkas ng Qosqo ay mas malapit sa orihinal na pangalan sa Quechua.

Isang Sinaunang Lunsod

Sinasabi ng mga mananalaysay na ang lunsod na ito ay nagsimula mga 1,500 taon bago ang kapanganakan ni Kristo. Iyan halos ang panahon nang akayin ni Moises ang Israel palabas ng Ehipto. Pagkatapos, halos 600 taon ang nakalipas, si Pachacuti, ang ikasiyam na emperador ng Inca, ay dumampot ng sandakot na luwad at hinubog ito sa isang modelo ng isang bago, muling dinisenyong lunsod ng Cuzco. Si Pachacuti ay nagpuno 89 na taon bago dumating ang mga Kastilang konkistadores noong mga 1527. Sa ilalim ng kaniyang pangangasiwa ang lunsod ay nabago tungo sa isang mahusay ang pagkakaplanong metropolis na may libu-libong tirahan, ang pinagmulan ng modernong Cuzco.

Ayon sa ilang katutubo, ang lunsod ay nahahati sa apat na bahagi, nagsisimula sa gitna na kinaroroonan ng plasa, o liwasang bayan. Ang plasang ito ay kilala sa Quechua bilang ang huacaypata, isang lugar para sa mga pagdiriwang, pagpapahingalay, at pag-iinuman. Sinasabi ng ilang dalubhasa sa wikang Quechua na ang “Cuzco,” o “Qosqo,” ay nangangahulugang “ang Pusod ng Daigdig.” Kaya, ang sentro ng plasa sa Cuzco ay naging chawpi, o “ang sentro ng sentro ng Imperyong Inca.”

Mula sa Cuzco, ang emperador ng Inca ay nagpuno sa mga bahagi ng ngayo’y Argentina, Bolivia, Chile, Colombia, Ecuador, at Peru​—karamihan dito ay mayaman at matabang lupa. Ang mga tao ay nagtagumpay sa pagsasaka sa pamamagitan ng pagtatayo ng maraming antas na hagdan-hagdang lupain sa iba’t ibang taas. Sa mabungang hagdan-hagdang lupaing ito, nagtanim sila ng ilang halaman na naglalaan pa rin ng saganang pagkain sa daigdig, gaya ng patatas at bataw.

Ang paglalakbay sa teritoryo ng Inca ay talagang imposible kung walang mahusay na sistema ng mga daan na umaabot sa ibayo ng imperyo. Sa magandang Cuzco madaling maguniguni ng isa ang sinaunang mga Inca na dumarating kasama ang kanilang mga caravan ng mga llama, ang hayop na pantrabaho sa Andes. Kabilang sa kanilang mahalagang kargamento ang mamahaling bato, tanso, pilak, at ginto.

Maraming ginto, subalit hindi ito ginagamit ng mga Inca bilang salapi. Dahil sa metalikong-dilaw na kinang nito, ang ginto ay iniuugnay sa diyos ng mga Inca, ang araw. Kadalasan, ang kanilang mga templo at mga palasyo ay napapalamutian ng ginto. Gumawa pa nga sila ng ginintuang hardin, na may mga hayop at halaman na nililok sa lantay na ginto. Gunigunihin ang kahanga-hangang tanawin ng sinaunang Cuzco, na ang mga gusaling binalot sa ginto ay kumikinang sa araw! Mauunawaan naman, ang gayong kasaganaan sa ginto ang umakit sa sakim na mga mananalakay na Kastila, na nanlupig at nandambong dito noong 1533.

Ang Pambihirang Arkitektura ng Cuzco

Ipinamana ng mga Inca sa makabagong Cuzco ang maganda at pambihirang istilo ng arkitektura sa bato. Marami sa mga gusali sa ngayon ay yari sa mga batong pader na nananatiling buo sa loob ng daan-daang taon. Ang ilang bato ay tinabas na sukat na sukat sa espesipikong mga dako sa pader. Ang isang pader, na naging kilalang pang-akit sa mga turista, ay may gayong bato, na may labindalawang iba’t ibang anggulo! Dahil sa maraming-anggulong tabas ng mga ito, ang mga batong ito ay parang mga susi na kasiya lamang sa kanilang katugmang susian.

Ang mga Inca na tagatabas ng bato ay dalubhasang mga tagapagtayo. Kahit walang tulong ng modernong teknolohiya, natatabas nila ang mga bato nang hustung-husto anupat minsang mailagay, hindi mo maipapasok kahit ang talim ng kutsilyo sa pagitan nito! Ang ilan sa mga batong ito ay tumitimbang ng ilang tonelada ang isa. Kung paano natamo ng sinaunang mga taong ito ang gayong kasanayan ay nananatiling isang palaisipan.

Relihiyon sa Cuzco

Palibhasa’y tinanggap ang relihiyong Katoliko, ang mga katutubong Quechua sa pangkalahatan ay hindi na itinuturing na mga sumasamba sa araw. Subalit, pinananatili nila ang kanilang paganong animistikong paniniwala na nauna pa kahit sa pagsamba ng mga Inca sa araw. Ipinagdiriwang pa rin nila ang panahon ng pag-aani sa pamamagitan ng mga handog sa tinatawag nilang Pacha-Mama, mula sa salitang Quechua na nangangahulugang “inang lupa.”

Isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang programa ng pagtuturo ng Bibliya sa Peru taglay ang malaking tagumpay. Mga ilang panahon na rin ngayon, ang Samahang Watch Tower ay naglalaan ng literatura sa Bibliya sa Quechua upang ang mga taong nagsasalita ng Quechua ay makatanggap ng mensahe ng Kaharian sa kanilang katutubong wika. May anim na dako kung saan isinasagawa ang mga pulong Kristiyano sa wikang iyan.

Ang Cuzco ay hindi na iniisip bilang ang pusod ng daigdig, subalit dumaragsa rito ang mga turista upang pasyalan ang pambihirang lunsod na ito. Balang araw marahil ikaw man ay papasyal sa kahali-halinang Peru!

[Mga larawan sa pahina 18, 19]

1. Ang liwasang lunsod ng Cuzco mula sa himpapawid

2. Tinatabas ng mga Inca ang bato na hustung-husto anupat ang talim ng kutsilyo ay hindi maipapasok sa pagitan nito

3. Karaniwang damit ng taga-Peru

4. Ang mga llama ang hayop na pantrabaho ng mga taga-Andes

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share