Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 3/8 p. 29-30
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Nakalalasong” Dugo
  • Alam ba ng Vaticano?
  • Isa Pang Teoriyang Sinawatâ
  • Sino ang Judio?
  • Pinukaw na mga Alaala
  • Magastos na Bunga ng Bagyo
  • Mga Asong Tagaamoy
  • Kalayaan sa Relihiyon?
  • Mga Balyena sa Yelo
  • Kontratimbang Para sa Lindol
  • Ang Sahig ng Karagatan—Isiniwalat ang mga Lihim Nito
    Gumising!—2000
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1990
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1988
  • Wakas ng Isang Panahon—Pag-asa ba Para sa Hinaharap?
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 3/8 p. 29-30

Pagmamasid sa Daigdig

“Nakalalasong” Dugo

Ang dugong nahawaan-AIDS ay isang nakalalasong sangkap, pasiya ng isang hukom sa Korte Suprema sa Brooklyn, New York. Ang walang katulad na pasiya ay nagbukas ng daan sa isang doktor na nagkaroon ng virus ng AIDS mula sa isang walang-ingat na itinapong hiringgilya upang magsampa ng $175 milyong na demanda. Ang doktor, isang 30-anyos na babae, ay grabe ang sakit anupa’t hindi na siya makapagtrabaho kung kaya siya ay “humihiling ng mabilis na paglilitis,” sabi ng kaniyang abugado sa The New York Times.

● Ganito naman ang komento ng isang report na pinamagatang Autologous and Directed Blood Programs, inilathala ng American Association of Blood Banks, tungkol sa dugong nahawaan-AIDS: “Ito ang pinakamapait sa lahat ng kabalintunaan sa medisina; na ang mahalagang kaloob ng dugo na nagbibigay-buhay ay maaaring maging isang instrumento ng kamatayan.”

Alam ba ng Vaticano?

Tinanong kamakailan ng pahayagang Italyano na Corriere della Sera kung baga nalalaman ng Vaticano ang tungkol sa Holocaust (lansakang pagpatay sa mga Judio) ng Nazi samantalang ito ay nagaganap. Itinala ng artikulo ang maraming autoritibong mga nakasaksi sa pangyayari na nag-ulat sa Vaticano tungkol sa lansakang pagpatay sa Judio at sa iba pa. Halimbawa, isang kapilyan na nasa ospital na tren “ay umiiyak na nagsabi sa papa: ‘Ang pagpatay sa mga may kapansanan at sa mga Judio ay nagpapatuloy. Ang kawawang mga Judio ay wala man lamang kard ng rasyon upang ibili ng pagkain, kaya sila ay namamatay sa gutom.’” Kabilang doon sa mga inilista ng artikulo na nagpabatid sa Vaticano tungkol sa Holocaust ay: ang apostolikong delegado mula sa Berlin, ang mga arsobispo ng Münster at Vienna, ang embahador ng papa sa hukbong Aleman, at ang embahador ng Reich sa Santa Sede. Ang konklusyon ng artikulo? “Alam ng Vaticano.”

Isa Pang Teoriyang Sinawatâ

Isang teoriya na ang buhay sa lupa ay nagsimula sa mga labasan ng hydrothermal (mainit na tubig) sa sahig ng karagatan ay napatunayang mali ng mga eksperimento kamakailan. “Malamang na ito ang pinakaalanganing lugar para maganap ang pasimula ng buhay,” sabi ng kemikong si Jeffrey L. Bada ng University of California. Ang teoriya ay itinawag-pansin pagkatapos matuklasan ang nabubuhay na baktirya at iba pang mga organismo, gaya ng dambuhalang paros at mga bulati, sa paligid ng mga labasan ng mainit na tubig. Tinutularan ang temperatura at presyon ng mga labasan, natuklasan ni Bada at ng kaniyang kasama, si Stanley L. Miller, na ang mga amino acid, ang tagapagtayong bloke ng buhay, ay mabilis na nabubulok sa ilalim ng gayong mga kalagayan. “Ang kombinasyon ng amino acid sa mas malaking mga molekulang peptide, na kilala bilang polymerization, ay nasumpungang imposible sa tubig sa anumang temperatura,” sabi ng The New York Times. “At ang mas masalimuot na mga molekula na nagdadala ng genetikong kodigo, isang kahilingan para sa nabubuhay na mga organismo, ay hindi tumagal sa matinding init.” Sang-ayon sa Times, ang mga mananaliksik ay naghinuha “na ang mainit na tubig sa sinaunang mga karagatan ay malamang na sumira sa halip na lumikha ng organikong mga bagay sa sinaunang mga karagatan.”

Sino ang Judio?

Ang tanong na iyan ay pumukaw ng mainit na pagtatalo kamakailan na nakaapekto sa angaw-angaw na mga Judio, lalo sa Israel at sa Estados Unidos. Malaon nang hinangad ng mga lider ng 400,000 Judiong Orthodoxo sa Israel na baguhin ang “Batas ng Pagbabalik,” na nagpapahintulot sa sinumang mandarayuhang Judio na maging isang mamamayang Israeli, anupa’t makakasali rito yaong mga nakumberte sa Judaismo ng mga rabbi na hindi Orthodoxo, gaya niyaong sa mga sangay ng Conservative at Reform. Bumangon ang sigaw laban sa gayong mahigpit na mga palagay tungkol sa “sino ang Judio,” lalo sa mga Judiong Conservative at Reform sa Estados Unidos. Sang-ayon sa The Jerusalem Post, ang diplomatikong Israeli na si Abba Eban “ay binatikos ang mga pagsisikap na hadlangan ‘ang karamihan ng mga kongregasyon, rabbi, templo at mga seremonyang Judio sa daigdig sa kanilang ipinagmamalaking Judiong pagkakilanlan.’” Ang mga Judiong Orthodoxo ay bumubuo ng wala pang 10 porsiyento ng populasyon ng Israel.

Pinukaw na mga Alaala

Ang Unyon ng mga Gurong Haponés ay hindi sumang-ayon sa ministri ng edukasyon ng Hapón. Iniulat ng The Economist na “hindi naibigan ng unyong ito ang nakikita nitong lumalagong pagsuporta ng ministri para sa nasyonalismo sa loob ng silid aralan” at ito ay nagkomento na sa Hapón “ang bandila at ang pambansang awit ay pumupukaw pa rin sa mga alaala ng 1930’s.” Malinaw pa rin sa alaala ng mga Saksi ni Jehovang Haponés na nabilanggo sa Hapón noong 1930’s dahil sa kanilang Kristiyanong neutralidad ang nasyonalismo noong mga panahong iyon.

Magastos na Bunga ng Bagyo

Nililinis pa rin ng Timugang Inglatera ang dumi na iniwan ng humampas na hangin ng bagyo mahigit na isang taon ang nakalipas. Ang natitirang pamana ng bagyo: 15 milyong nabuwal na puno, ang marami ay naroon pa rin at nabubulok sa lupa. Ayon sa Manchester Guardian Weekly, ang bagyo ay puminsala ng “halos 10 milyong punong pino, dalawang milyong punong encina, 1.75 milyong punong beech at 1.25 milyong iba pang malalapad-dahon.” Susog pa ng pahayagan: “Lahat-lahat, 5,333 ‘sinaunang semi-natural na mga kahuyan’ ay malubhang napinsala.” Halos kalahati lamang ng nahulog na malalambot ng kahoy at 20 porsiyento ng matitigas na kahoy ang nalinis isang taon pagkatapos ng bagyo. Bakit? Ang paglilinis sa mga labí ay napakamahal. Bagaman ang pagtatanim ng kasindami ng limang milyong bagong mga puno ay isinasagawa, ang ilan sa napinsalang mga kahuyan ay gagawing sakahan. Isang kaaliwan: Bagaman maraming magandang punungkahoy ay nasira dahil sa bagyo, inalis rin nito ang maraming nabubulok na puno.

Mga Asong Tagaamoy

Ang pag-amoy ng mga eksplosibo at mga droga ay nagiging rutina para sa nasanay nang husto na mga aso, kaya ang di-sinasadyang pagkatuklas ng mga siyentipikong Amerikano ng isang walang kulay at walang amoy na kemikal na maaaring makaapekto sa pang-amoy ng aso nang hanggang dalawang taon ay nagbangon ng labis na pagkabahala. Gayon na lamang kalakas ang kemikal, ulat ng The Times ng London, anupa’t ang “isa o dalawang patak nito sa hangin ay maaaring magkaroon ng ninanais na epekto.” Ikinatatakot na kung ang kemikal na ito ay mapasakamay ng mga terorista o ng mga nagnenegosyo ng droga, ang mga opisyal ng pulis ay maaaring malinlang ng maling pagkadama ng katiwasayan kung hindi nila mapansin na ang aso ay nawalan na ng pang-amoy. Ang Ministry of Defence and Customs ng Britaniya ang nagtutustos sa apurahang pananaliksik sa Warwick University upang matuklasan ang pamatay-bisa sa kemikal bago pa ito magamit.

Kalayaan sa Relihiyon?

Sa isang panayam sa The Toronto Star, ang pangulo ng Institute for Scientific Atheism ng Moscow ay nagsabi na ang mga Sobyet ay magkakaroon ng higit na kalayaan sa relihiyon sa hinaharap. Sinabi niya na ang mga Bibliya ay hindi pa lokal na makukuha, subalit mula noong patakarang glasnost (pagiging bukas) ng lider na Sobyet na si Gorbachev, isang daang libong mga Bibliya ang ipinadala sa bansang iyon. Iniulat kamakailan ng opisyal na ahensiyang tagapagbalita na Tass na inirekomenda pa nga ng Soviet Human Rights Commission ang pagpapatawad sa lahat ng mga bilanggo dahil sa relihiyon.

Mga Balyena sa Yelo

Noong nakaraang Oktubre ang mga superpower ay nagtulong upang sagipin ang dalawang balyenang California gray whales na nasilo sa ilalim ng yelo sa Artiko sa baybayin ng Alaska. Samantalang ang mga katutubong Inuit ay nagpapagal na maglagay ng mga butas na hingahan para sa mga mamal, dalawang icebreaker ng Sobyet ang “dumurog sa tagaytay ng yelo na ang mga tipak ay kasinlaki ng bahay,” sang-ayon sa The Toronto Star. Ang malaking $1 milyong Amerikano-Sobyet na pagsisikap na pagsagip ay nagpalaya sa wakas sa mga balyena, bagaman inaakala ng isang kritikong Inuit na kasama sa pagsagip na ang makatuwirang bagay sana ay kainin ang mga balyena. Gayunman, ang Pangulong Reagan ng E.U. ay nagsabi: “Ang makataong pagtitiyaga . . . ay nagpapakita sa pagkabahala ng tao sa kapaligiran.” Isang tagapagsalita sa Kremlin ay sumusog: “Makabubuti sana kung ang Estados Unidos at ang Unyong Sobyet ay kumilos sa gayong sama-samang paraan kung ang nasasangkot ay ang pagliligtas ng buhay ng tao.”

Kontratimbang Para sa Lindol

Isang 11-palapag na gusali na itinatayo sa Tokyo, Hapón, ay gagamit ng isang bagong ideya ng proteksiyon laban sa lindol. Sinasalungat ng sistema, tinatawag na Active Mass Driver, ang indayog sa pamamagitan ng pagkilos sa dalawang timbang sa bubong sa isang direksiyon na salungat sa puwersa ng lindol. Ang mga timbang, ang isa ay apat na tonelada at ang isa naman ay isang tonelada, ay tumutulong upang hadlangan ang lakas ng lindol sa pagkilos sa landas sa bilis na hanggang 40 metro sa bawat segundo. Kapag ang isa sa mga sensor na inilagay sa iba’t ibang palapag ay nakaramdam ng pagyanig, pakikilusin ng isang computerized control system ang mga timbang. Ang kompaniya na nagdisenyo sa sistema ay nagsasabing “babawasan nito ang mga epekto ng katamtamang lindol ng mga 50 porsiyento,” ulat ng Asahi Evening News. Magiging gaano kabisa kaya ito? Tanging ang susunod na lindol lamang ang makapagsasabi.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share