Steroids—Kung Ano ang Ginagawa Nito Para sa Iyo at sa Iyo
STEROIDS! Ang mismong salita ay nag-iwan ng mahabang iskandalosong anino sa 1988 Olympic Games na ginanap sa Seoul, Republika ng Korea. Maraming puno-ng-pag-asang mga atleta ang sinuspende ng International Olympic Committee dahil sa sinasabing paggamit ng droga. Ang pinakamabilis na mananakbo ng daigdig sa 100-metrong pangwakas na takbo ay nagdarang sa kaluwalhatian ng kaniyang medalyang ginto—subalit sa sandaling panahon lamang. Ang mga pagsubok na kinuha pagkatapos ng takbuhan ay nagpapakita ng paggamit ng steroid. Naiwala niya ang kaniyang medalya, at ang kaniyang pandaigdig na rekord.
Ito, gayunman, ay hindi na dapat nakagulat sa daigdig ng palakasan. Noong 1988 Winter Olympics sa Calgary, Canada, isang atleta ang hindi nakasali sa palaro pagkatapos masubukang positibo sa paggamit ng steroid. Iniuulat na sa prestihiyosong World Class track-and-field meet sa Zurich, Switzerland, noong 1987, kalahati ng 28 mga atletang nakatakdang makibahagi sa mga paligsahan ng “lakas”—shot put, hammer, javelin, at discus—ay hindi nagpakita pagkatapos malaman ang tungkol sa mga pagsubok sa steroid.
Sa Caracas, Venezuela, noong 1983, 15 atleta ang pinagbawalang lumahok sa palarong Pan-American dahil sa paggamit ng steroid. Ang 1984 Olimpiks ay nagkaroon din ng kahihiyan dahil sa paggamit ng steroid habang ang mga nagwagi ay inalisan ng mga medalya.
Halos lahat ng isport ay may kaniyang sariling iskandalo dahil sa paggamit ng steroid—takbuhan, bodybuilding, weight lifting, at football, upang banggitin lamang ang ilan. Mahigit na 20 mga manlalaro ng football sa kolehiyo mula sa maraming mga unibersidad sa E.U. ang pinagbawalang maglaro sa postseason bowl games dahil sa paggamit ng steroid. Sa daigdig ng propesyonal na football, isang kilalang 14-na-taóng beteranong NFL ay siniping nagsasabi: “Sa ilang koponan, sa pagitan ng 75 at 90 porsiyento ng lahat ng mga atleta ay gumagamit ng steroids.” Ang magasing Psychology Today ay nag-uulat: “Marami sa mga . . . kinapanayam ay nagsasabing 100 porsiyento ng mga kalahok sa pagpapalaki-ng-katawan ang gumagamit ng steroids.”
At, ang pag-abuso sa paggamit ng steroids ay hindi natatakdaan sa mga manlalarong propesyonal at sa kolehiyo. Ngayon, ang steroids ay malawakang ginagamit kapuwa ng mga lalaki at mga babaing nagpapalaki ng katawan at mga atleta at gayundin ng mga batang lalaki na hindi pa tin-edyer.
Si Dr. William N. Taylor, miyembro ng Olympic Drug Control Program ng E.U., ay nagbabala na ang paggamit sa mga drogang ito ay umabot na sa “epidemikong kasukat.” Gaano kalaganap ang epidemyang ito? Binanggit ni Taylor na bukod pa sa mga atleta, inaabuso rin ng mga accountant at ng mga propesor gayundin ng mga manggagawang walang-kasanayan at mga opisyal ng pulisya ang paggamit sa steroids. “Hindi na ito isang suliranin sa isports,” sabi niya, “ito’y isang suliraning panlipunan. At ang mga gumagamit na ito ay naglalaro ng dinamita.”
Ang mga anabolic steroid ay matapang na sintetikong bersiyon ng hormone ng lalaki na testosterone. Sa nakalipas na mga taon ang mga steroid ay ginamit sa mga klinika, sa ilalim ng maingat na superbisyon, bilang isang tulong sa pagdating ng naantalang pagbibinata o pagdadalaga, sa paggawa ng mga kalamnan na natuyo dahil sa sakit o operasyon, at bilang proteksiyon sa mga selula ng dugo sa panahon ng radyasyon o kemoterapi. Sa mga ito at sa iba pang pisiolohikong mga suliranin na madaling mapansin ng mga doktor, ang mga steroid ay naging isang mabisang kasangkapan sa kamay ng mga manggagamot.
Noong 1950’s ang mga doktor at siyentipikong Ruso ay nangatuwiran na sa pagbibigay sa mga atleta ng maraming dosis ng hormone ng lalaki na testosterone, mas mabilis na lálakí ang mga kalamnan at katawan, sa gayo’y pinahuhusay ang pagtatanghal ng kanilang mga atleta. Ang kanilang tunguhin ay bigyan sila ng lakas na tumakbong mas matulin, lumuksong mas mataas, ihagis ang discus at javelin na mas malayo, bumuhat ng mas mabigat na mga timbang, at manguna sa lahat ng paligsahan. Bunga nito, ang mga atletang Ruso ay nakalalamang na nagtungo sa pandaigdig na arena ng internasyonal na paligsahan sa isports, nangingibabaw sa lahat halos ng paligsahan sa isports noong panahong iyon.
Iniangat ng nasyonalismo ang pangit na ulo nito. Isang Amerikanong doktor ang nagpasiyang gawing patas ang labanan sa isports sa paggawa ng isang sintetikong anyo ng anabolic steroid—isang droga na nauugnay sa testosterone—na mas madali at mas murang gawin, na makapipili ka sa anyong pildoras o iniksiyon. Ang pormula ng doktor ay naging totoong matagumpay. Posible na ngayon ang mas malaking katawan at mas mahusay na pagtatanghal sa isports sa pamamagitan ng kímika. Nagsimula na ang labanan sa isports!
Nariyan din yaong mga mahilig magpaganda ng katawan. “Uso ang malalaking kalamnan,” sabi ng isang opisyal sa U.S. Food and Drug Administration. “Nais ng mga lalaking magtinging makisig sa tabing-dagat. Inaakala naman ng mga batang lalaki na nasa high school na mapahuhusay ng mga steroid ang kanilang kakayahan upang makakuha ng iskolarsip sa palakasan, maging propesyonal sa isports o mapasagot ang babaing kanilang napupusuan.” Ang The Wall Street Journal, Oktubre 4, 1988, ay nag-uulat: “Daan-daang libong mga tin-edyer na Amerikano ang gumagamit ng anabolic steroids, sa pamamagitan ng iniinom na pildoras o ng iniksiyon, upang maglarong mas mahusay o basta magtinging mas makisig.”
Nagsisimula Na ang Panggigipit
Ang mga atleta sa high school na umaasang maging mga bituin sa daigdig ng isports, ang kanilang mga tagasanay, at marahil ang kanilang mga magulang ay nakababatid na ang karagdagang timbang, at karagdagang kalamnan sa tamang dako ay maaaring mangahulugan ng kaibhan sa pagitan ng pagiging sikat at pagiging pangkaraniwan. Dahil sa maganda’t malaking sahod na ibinabayad doon sa nagiging sikat at nagpapabantog sa mga paaralan at kolehiyo at sa kani-kanilang mga tagasanay, pati na ang karangalang dulot nito sa kanilang mga magulang, ang panggigipit ay nagsisimula na sa magiging sikat na bituin na manguna sa kaniyang paligsahan sa pagbaling sa mga steroid.
Si Dr. Taylor, sumusulat sa magasing Psychology Today, ay nagsabi: “Marami na akong tinanggap na tawag sa telepono mula sa mga ama na nais palakihin ang kanilang mga anak na katamtaman-laki. Ako’y inalok ng sampu-sampung libong dolyar upang palakihin ang kanilang mga anak sa kemikal na paraan.” Isang kilalang dalubhasa sa edukasyong pangkatawan ang nagsasabing ang mga atleta sa high school ay may pagsang-ayon kapuwa ng mga magulang at mga tagasanay na gumamit ng steroid.
Inaamin ng mga gumagamit ng steroid na ang droga ay gumagana—ito nga ay nagbibigay ng ipinangako nitong kalamnan at lakas. Sabi ng isang dating propesyonal na wrestler: “Umiinom ako ng steroids, 15 miligramo araw-araw. Sa loob ng 30 araw, ang nabubuhat ko ay sumulong mula sa 143 kilo tungo sa 177 kilo. Karaniwan na, ito ay kumukuha ng anim na buwan.” Sinasabi ng mga weight lifters na nakabubuhat sila ng mas mabibigat na timbang nang mas matagal na panahon at na ang panahon ng pagbawi sa pagitan ng mga workout ay lubhang nabawasan.
Sa ibang bansa rin naman, ang pagpapalaki ng katawan ay nauuso. Sa Tsina, halimbawa, sang-ayon sa magasing Women’s Sports & Fitness ng Agosto 1987, ang kalakasan ng katawan at pagpapaganda ng katawan ay “laganap sa bansa . . . Ang mga magasin tungkol sa pagpapalaki ng katawan ay mabibili na ngayon sa lahat ng malalaking lungsod.”
Isang daigdig ang layo mula sa Tsina, sa Silangang Alemanya, ang mga steroid ay gumaganap ng malaking bahagi sa buhay ng mga atleta. Sapat na ang siniping ito buhat sa The Wall Street Journal: “‘Ang mga steroid sa Silangang Alemanya ay inuuri na pinakamagaling,’ sabi ng isang sheriff sa California. ‘Ang kanilang mga atleta ay kilala na mas mahusay, mas malaki at mas malakas.’”
Anong Halaga ng Kabantugan?
“Inaakala ng mga tao na ang isyu ng cocaine ay malaki,” sabi ng isang kilalang physical therapist na nakikitungo sa mga atleta. “Hindi ito malaking isyu na gaya ng anabolic steroids. Sa gitna ng mga kabataan, ito’y isang epidemya.” Ang mga kabataan sa buong daigdig ay nakikigaya sa karamihan. Sila’y naglalaro ng isang nakamamatay na laro upang pagandahin ang katawan, na pinagbabayaran nila ng mahal.
“Labis-labis na paghihinala, mga guniguni, kahibangan sa kadakilaan at marahas na mga hilig ay nakatatakot sa tuwing lilitaw ito,” sabi ng Psychology Today. “Ang mga nagpapalaki ng katawan sa pamamagitan ng mga steroid ay malamang na magkaroon ng gayong mga sintomas ng pagkasira ng isip, sang-ayon sa ginagawang pananaliksik sa McLean Hospital sa Belmont, Massachusetts.”
Sa mga lalaki, bukod pa sa masamang mga epektong ito ay ang panganib na pagkatuyot ng testicles, paglaki ng dibdib—kung minsan ay nangangailangan ng operasyon—pagkabaog at pagkainutil. Nariyan din ang panganib ng tumor sa atay, pagkasira ng bato, atake, sakit sa puso, at isang pagbabago sa personalidad na maaaring humantong sa karahasan at hilig na pagpapatiwakal.
Ang masamang epekto ng steroid ay maaaring pagmulan ng di-mababaligtad na pagiging lalaki ng mga babae—pagtubo ng buhok sa katawan at mukha, pagbaba ng boses, pagliit ng suso, paghinto ng siklo ng regla.
Kung isasaalang-alang ng isa yaong mga gumagamit ng droga upang magkaroon ng mas malaki at mas magandang katawan sa kausuhang ito na tinatawag na kalakasan ng katawan, dapat itanong ng isa kung ito ba ay tunay na kalakasan o ilusyon na kalakasan ng katawan? Ano ang nangyayari sa kalakasan pagka kumupas na ang kabantugan? Lilingunin ba nila ang kanilang kabataan at titiyakin na sila’y nagbayad ng napakalaking halaga upang maging sikat sa isports o dahil sa banidad ng labis na paghanga sa sarili? Matatalos ng matalinong kabataan na ang isakripisyo ang katawan ng isa para sa panandaliang kabantugan at paghanga ng mga nasa sistemang ito ng mga bagay ay tunay ngang walang saysay.