Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ano ang Dapat Kong Malaman Hinggil sa Steroid?
“Pinag-iisipan ko ito [ang mga epekto ng paggamit ng ‘steroid’] . . . Gaano kaya ako katagal mabubuhay? . . . Pero, ito ang gusto ko ngayon.”— John, isang weight lifter.
HINDI ka ba masaya sa hitsura mo? Gusto mo bang maging matipuno gaya ng isang magaling na atleta o maging balingkinitan gaya ng isang sikát na modelo? Dinidibdib mo ba ang isport at gusto mo pang lumakas at lumiksi?
Kung oo ang sagot mo sa alinmang tanong sa itaas, baka matukso kang uminom ng ilang tableta o tinimplang inumin na ayon sa mga kaibigan mo ay tutulong sa iyo na maabot nang mas mabilis ang iyong mga tunguhin. Ganito ang sinabi ng babasahing American Academy of Family Physicians: “Humigit-kumulang 1 milyong kabataan [sa Estados Unidos] na edad 12 hanggang 17 ang gumagamit ng nakapipinsalang mga suplemento at drogang pampahusay sa paglalaro.”
Ang pinakapopular na mga drogang pampahusay sa paglalaro ay tinatawag na mga anabolic steroid. Ano ba ang mga ito? Bakit ito ginagamit ng mga tao? At paano mo maiiwasang maakit na gumamit nito?
Pampahusay sa Likas na Kakayahan
Ayon sa paliwanag ng report mula sa Department of Health and Human Services sa Estados Unidos, “anabolic steroid ang karaniwang tawag sa sintetikong mga substansiya na nauugnay sa mga sex hormone ng mga lalaki (androgen). Pinalalaki nito ang mga kalamnan sa buto (anabolic effect) at tumutulong upang madebelop nang husto ang seksuwal na mga katangian ng mga lalaki.” Sa panahon ng pagbibinata, sumasailalim sa pisikal na pagbabago at nagiging adulto ang isang batang lalaki dahil sa eksakto at nakaprogramang pagdami ng mga sex hormone na ito.—Awit 139:15, 16.
Inimbento ang sintetikong mga steroid noong dekada ng 1930 upang gamutin ang mga lalaking kulang ng likas na mga hormon. Sa ngayon, ginagamit ang mga steroid upang lunasan ang pangangayayat na dulot ng HIV at iba pang sakit. Gayunman, tinangkilik din ito ng mga taong hindi naman talaga nangangailangan ng gamot na ito. Noong dekada ng 1950, ilegal na ibinenta ang mga steroid, at sinamantala ng ambisyosong mga atleta ang kakayahan ng mga drogang ito na magpahusay sa paglalaro.
Gayunman, hindi lamang mga atleta ang natutuksong gumamit ng mga steroid. Tinataya sa isang pag-aaral na inilathala ng babasahing pangmedisina na Pediatrics na halos 3 porsiyento ng mga batang lalaki at babae sa Estados Unidos na edad 9 hanggang 13 ang gumamit ng mga drogang ito. Sa isang kamakailang pagdinig ng kongreso ng Estados Unidos, sinabi ni Dra. Nora D. Volkow, direktor ng National Institute on Drug Abuse, na noong 2004, “tinatayang 79,000 estudyante sa haiskul na malapit nang magtapos ang [nagsabing] nag-abuso sila sa mga anabolic steroid noong nakaraang taon.” Sa United Kingdom, laganap din ang pag-abuso sa steroid. “Sa Merseyside at Cheshire noong 2003,” ang sabi ng New Statesman, “ang pinakamalaking grupo ng bagong mga kliyente sa palitan ng heringgilya ay yaong mga gumagamit ng steroid, anupat naging mas marami pa sa kauna-unahang pagkakataon kaysa sa mga gumagamit ng heroin.”a
Bakit Nakaaakit ang Steroid?
Bakit dumarami ang nag-aabuso sa steroid? Ang isang dahilan ay sapagkat maaari nitong biglang pasikatin at payamanin nang husto ang matagumpay na mga atleta. Ang paggamit ng steroid ay waring mas mabilis na paraan upang yumaman. Ibinuod ng isang kilalang coach sa isport ang nangingibabaw na saloobin ng marami nang sabihin niya: “Kailangang manalo ka anuman ang mangyari.” Ganito ang sinabi ni Volkow na binanggit kanina: “Naaapektuhan tayo ngayon ng isang lubhang mapaminsalang ideya na nagiging palasak sa ating lipunan—mas malaking katawan, mas maganda, at mas mahalaga ang maging pinakamagaling kaysa kung paano ka naging pinakamagaling.”
Waring pinatutunayan ng isang surbey na isinagawa ni Bob Goldman, isang manggagamot na nagpapakadalubhasa sa sports medicine, na totoo ang di-kaayaayang konklusyong ito. Tinanong niya ang mga kabataang atleta kung gagamit sila ng ipinagbabawal na drogang pampahusay sa paglalaro kapag ganito ang mga kalagayan: Hindi sila mahuhuli, mananalo sila sa anumang kompetisyon sa susunod na limang taon at, pagkatapos, mamamatay sila sa masasamang epekto ng droga. Mahigit sa kalahati ng mga kabataan ang sumagot ng oo.
Kahit na hindi naman labis-labis ang paghahangad mong manalo sa isport, baka maakit ka pa ring gumamit ng steroid. Bakit? “Gumagamit ang mga tao ng steroid,” ang sabi ni Volkow, “dahil, ang totoo, talagang nakapagpapalakas at nakapagpapaganda ng hitsura” ang mga ito. Sa maraming kultura sa ngayon, napakahalaga ng pisikal na hitsura. Ganito ang sinabi ni Dr. Harrison Pope, propesor ng saykayatri sa Harvard Medical School: “Milyun-milyong kalalakihan ang nangingimi, nawawalan ng tiwala sa sarili at nahihiya dahil sa labis na pagdiriin sa kahalagahan ng hitsura.” Naikukubli ng mga kabataang lalaki ang kanilang kawalan ng kumpiyansa kapag naging maskulado ang kanilang katawan dahil sa steroid.
Iyan din ang dahilan kung bakit naaakit gumamit ng steroid pati ang mga kabataang babae. Ganito ang sabi ni Charles Yesalis, propesor ng health and human development sa Pennsylvania State University, hinggil sa pag-abuso sa steroid: “Lubhang dumami ang mga kabataang babae na nag-aabuso sa steroid noong dekada ng 1990, at umabot na ito sa pinakamataas na bilang sa ngayon.” Ang ilang kabataang babae ay gumagamit ng steroid upang mas lumakas at bumilis sila sa larangan ng isport. Gayunman, ang karamihan ay waring gumagamit nito dahil umaasa sila na sa pamamagitan ng drogang ito ay magiging balingkinitan ang kanilang katawan gaya ng ipinangangalandakan ng mga modelo at artista sa ngayon. “Ginagamit naman ito ng mga kabataang babae upang makontrol ang kanilang timbang at magpapayat,” ang sabi ni Jeff Hoerger ng Rutgers University sa New Jersey.
Pag-isipan ang mga Panganib
Kung natutukso kang gumamit ng steroid na hindi inireseta ng doktor, makabubuting pag-isipan ang sumusunod na mga impormasyon. Kapag gumagamit nito ang isang tao kahit sa maikling panahon lamang, lumalaki ang panganib na atakihin siya sa puso, masira ang kaniyang atay at bato, at magkaroon ng malalang sakit sa isip. Ang mga babaing gumagamit ng steroid ay maaaring dumanas ng abnormalidad sa kanilang pagreregla, dumami ang buhok sa katawan, makalbo gaya sa lalaki, at permanenteng lumaki ang boses. Sa kabilang panig, maaaring lumaki ang dibdib at malamang na lumiit ang bayag ng mga lalaking gumagamit ng steroid. Maaaring bigla-bigla na lamang magalit kapuwa ang mga lalaki at babaing gumagamit nito. At ang nakapagtataka, maaaring pigilin ng mga steroid ang paglaki ng isa kapag ginamit ito sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga.
Kung isa kang kabataan at gusto mong palugdan ang Diyos na Jehova, anong mga simulain sa Bibliya ang maikakapit mo may kinalaman sa bawal na paggamit ng steroid? Maliwanag na sinasabi ng Bibliya na isang kaloob mula kay Jehova ang iyong buhay. (Gawa 17:25) Gaya ng ipinakikita ng impormasyon sa itaas, malamang na mapinsala ng isang kabataang gumagamit ng steroid ang kaniyang kalusugan. Kaya tanungin ang iyong sarili, ‘Nagpapakita ba ako ng pagpapahalaga kay Jehova para sa aking katawan—na “kamangha-mangha ang pagkakagawa”—kung gagamit ako ng mga substansiyang sisira rito sa kalaunan?’—Awit 139:14.
Dapat ding tandaan na nagiging magagalitin ang isang taong gumagamit ng steroid. Ganito ang sinabi ng matalinong si Haring Solomon: “Ang sinumang madaling magngalit ay maraming pagsalansang.” (Kawikaan 29:22) Nagbababala si apostol Pablo na hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos ang mga taong pinangingibabawan ng galit. (Galacia 5:19-21) Sulit kaya ang panandaliang mga pakinabang ng paggamit ng steroid kung ihahambing sa mga panganib na ito?
Paano kung natutukso kang gumamit ng steroid upang pahusayin ang iyong paglalaro bilang isang atleta? Iniuutos ng Bibliya na gumawi tayo nang “matapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Kung naging matagumpay kang atleta dahil sa pag-abuso sa steroid, masasabi bang naging matapat ka sa iba pang mga kalahok sa kompetisyon o sa iyong sarili?
Bagaman maaaring hatulan ka ng iyong mga kaibigan batay sa iyong pisikal na anyo o galíng sa paglalaro, tandaan na iba ang paraan ng pagtingin ni Jehova sa mga tao. Para sa kaniya, hindi nakasalalay ang tunay na halaga mo sa hubog ng iyong katawan. Nang piliin ni Jehova si David bilang hari ng Israel, ganito ang sinabi Niya kay Samuel hinggil sa kapatid ni David na mas magandang lalaki: “Huwag kang tumingin sa kaniyang anyo at sa taas ng kaniyang tindig, sapagkat itinakwil ko siya. Sapagkat hindi ayon sa paraan ng pagtingin ng tao ang paraan ng pagtingin ng Diyos, sapagkat ang tao ay tumitingin sa kung ano ang nakikita ng mga mata; ngunit kung tungkol kay Jehova, tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.”—1 Samuel 16:7.
Lingkod ka man ni Jehova o hindi, isang katalinuhang labanan ang tukso na gumamit ng steroid. Ganito ang praktikal na payo ng isang Amerikanong estudyante sa kolehiyo at manlalaro ng football: “Kung gusto mong iwasan ang panggigipit na gumamit ng steroid, maging mapili ka sa iyong mga kasama. Hindi sulit ang anumang ‘pakinabang’ na makukuha mo sa paggamit ng droga.”
[Talababa]
a Karaniwan nang itinuturok sa katawan ang mga steroid, anupat lalong nanganganib mahawahan ng HIV o ng iba pang sakit na nakukuha sa dugo ang mga naghihiraman ng heringgilya. Kaya, sinasamantala ngayon ng mga gumagamit ng steroid ang mga programa na dinisenyo noong una para sa mga naggagamot, na siyang binibigyan ng malilinis na heringgilya kapalit ng gamít nang heringgilya.
[Larawan sa pahina 20]
Gumagamit ng “steroid” ang ilang kabataang babae upang pagandahin ang hubog ng kanilang katawan