Pagmamasid sa Daigdig
Lumalala ang Pagmumura
Nag-aalala ang maraming taga-Hilagang Amerika na sila ay “hindi matagumpay sa kanilang mga pagsisikap na panatilihin ang pagkamagalang,” ang sabi ng isang artikulo sa The Toronto Star. Kitang-kita ito lalo na sa “bagay na hindi na gaanong pinapansin ang pagmumura.” Ayon kay P. M. Forni, pinuno ng Johns Hopkins University Civility Project, lubhang pangkaraniwan na lamang ngayon ang pagmumura anupat hindi iniisip ng maraming kabataan na ito ay mali at waring hindi naman ito pinapansin o hindi pa nga ito ikinababahala ng karamihan sa mga adulto. Iniuulat ng pahayagan na ayon kay Propesor Timothy Jay, “ang mga bata ay nagmumura na sa edad na kasimbata ng 1 taon, kapag sila ay may kakayahan nang idagdag sa kanilang bokabularyo ang mga salitang naririnig nila mula sa kanilang mga magulang o sa telebisyon.” Isinisiwalat ng mga estadistika mula sa isang pagsusuri na “10 porsiyento ng mga salitang mura ay ginagamit ng mga adulto sa kanilang dako ng trabaho at 13 porsiyento naman samantalang naglilibang.” Isinisiwalat ng isa pang estadistikang sinipi ng Star na sa Estados Unidos, “tumaas nang mahigit na 500 porsiyento ang pagmumura sa telebisyon mula noong 1989 hanggang 1999.”
Kung Paano Napananatili ng Natutulog na mga Langay-langayan ang Kanilang Posisyon
Hindi lamang natutulog ang mga langay-langayan samantalang lumilipad kundi nagagawa rin nitong manatili sa kanilang teritoryo nang hindi tinatangay ng hangin. Upang malaman kung paano nila nagagawa ito, ang mga ornitologo (dalubhasa sa ibon) na sina Johan Bäckman at Thomas Alerstam ng Lund University sa Sweden ay gumamit ng radar upang subaybayan ang pagkilos ng mga langay-langayan habang natutulog. Gaya ng iniulat ng magasin sa siyensiya na Bild der Wissenschaft ng Alemanya, napansin ng mga mananaliksik na isang tiyak na paraan sa paglipad ang nagpapanatili sa mga langay-langayan sa kanilang posisyon. Ang mga ibon ay lumilipad sa matataas na altitud, hanggang 3,000 metro, at ang mga ito’y lumilipad sa direksiyong dayagonal sa hangin, anupat regular na nagbabago ng direksiyon tuwing ilang minuto. Ang maindayog na paraang ito sa paglipad ang nagpapanatili sa kanila na magparoo’t parito sa kanilang teritoryo. Gayunman, sa banayad na hangin, napansing ginugugol ng mga langay-langayan ang kanilang pagtulog sa paraang lumiligid-ligid.
“Ang Sakit na Maiiwasan Natin”
“Ang osteoporosis ay sakit na maiiwasan natin,” ang sabi ng The Sun-Herald ng Australia. “Maiiwasan ito. Subalit hinuhulaan na sa taóng 2020, isa sa tatlong mga kama sa ospital ay maookupa ng mga babaing nabalian ng buto.” Ipinakikita ng isang ulat ng Osteoporosis Australia na ang sakit, na nagpapangyaring maging butas-butas at malutong ang mga buto, “ay mas karaniwan kaysa sa mataas na kolesterol, mga alerdyi o sipon. Mas magastos itong gamutin kaysa sa diyabetis o hika. At mas marami ang mga babaing namamatay dahil sa pagkabali ng mga balakang kaysa sa lahat ng babaing nagkaroon ng kanser na pinagsama-sama ang bilang.” Ayon kay Propesor Philip Sambrook, ipinakikita ng mga pagtantiya na sa Australia, kalahati ng mga babae at sangkatlo ng mga lalaki ang mababalian dahil sa osteoporosis sa buong buhay nila. “Ang pinakamainam na depensa,” ang sabi ng pahayagan, “ay palakasin ang mga buto sa unang tatlong dekada ng buhay sa pamamagitan ng ehersisyo at sapat na pagkain ng kalsiyum.” Lubhang mababawasan ang tsansa na magkaroon ng osteoporosis sa pamamagitan ng pag-iwas sa paninigarilyo at labis na pag-inom ng inuming may alkohol o caffeine. Kasali sa kapaki-pakinabang na kinaugalian ang regular na pag-eehersisyo at pagkain ng mga pagkaing mayaman sa kalsiyum at bitamina D.
Isang “Santa” na Nagkakalas ng Buhol
“Sa nakalipas na mga taon, naging popular si San Judas de Tadeo, ang patron ng mga bagay na hindi magtagumpay; si Santa Rita, tagapagligtas ng mga desperado; si Santa Hedwig, tagapagsanggalang ng mga may utang; at San Expeditus, ang patron ng apurahang mga usapin,” ang sabi ng pahayagang Veja. Ang pinakabagong “santa” ngayon na naging popular sa mga Katoliko sa Brazil ay “Ang Ina na Tagakalas ng Buhol.” Ang kakaibang titulo na ito ay galing sa isang ipinintang larawan na nakasabit sa isang kapilya sa Augsburg, Alemanya, na naglalarawan kay Birhen Maria na nagkakalas ng buhol sa isang laso. Dahil sa itinaguyod ng mga kilalang tao sa media, “Ang Ina na Tagakalas ng Buhol” ay nagkaroon ng mga deboto na humihingi ng tulong upang malutas ang kanilang buhul-buhol na problema sa kalusugan, pag-aasawa, at pananalapi. Kasabay nito, lumikha ito ng malakas na negosyo sa pagtitinda ng mga medalyon, rosaryo, imahen, at mga sticker sa kotse. “Ang pagkahumaling sa ‘Tagakalas’ ay hindi masama, subalit hindi ito magtatagal,” ang hula ni Darci Nicioli, administrador ng pinakamalaking dambanang Katoliko sa Brazil.
Ang Ebanghelyo sa Kalawakan
Samantalang pinagtatalunan pa ng mga siyentipiko ang posibilidad ng buhay sa malayong kalawakan, naghinuha na ang mga pari sa Vatican Observatory, ulat ng pahayagang Berliner Morgenpost, na “hindi lamang ang mga tumatahan sa lupa ang mga nilalang ng Diyos sa sansinukob. Lumalang din ang Diyos ng mga kinapal sa ibang planeta (extraterrestial).” Gaya ng paliwanag ni George Coyne, direktor ng obserbatoryo, “napakalaki ng sansinukob kung para lamang sa atin.” Para maipaabot sa mga kinapal na ito ang Ebanghelyo, nagpapadala ang ilang monasteryo ng kodigong mensahe ng Bagong Tipan sa kalawakan. Ang susunod na gustong malaman ng Batikano, sabi ng pahayagan, “ay kung nagpakita rin si Jesu-Kristo sa ibang planeta.” At, dagdag pa ni Coyne, “kung iniligtas din ba ni Jesu-Kristo ang mga nakatira” sa mga planetang iyon.
Pagbabago sa Orasan ng “Doomsday”
Iniabante ng mga direktor ng The Bulletin of the Atomic Scientists ang mga kamay ng kilalang Doomsday Clock “nang dalawang minuto upang maging pitong minuto bago maghatinggabi,” ang ulat ng pahayagang International Herald Tribune ng Paris. “Ang mga ikinababahala sa mabagal na mga pagsisikap na bawasan ang mga sandata, ang seguridad ng umiiral na mga imbakan ng nuklear na sandata at terorismo” ang nag-udyok sa pagbabagong ito. Ang orasan—ang sagisag kung gaano na kalapit ang pagkawasak ng mundo dahil sa nuklear na digmaan—ay 17 ulit nang binago mula nang pagpapasinaya rito noong 1947. Pagkatapos bumagsak ng Unyong Sobyet, noong 1991, ang mga kamay ng orasan ay iniatras sa 17 minuto bago maghatinggabi, subalit sa nakalipas na mga taon ang mga kamay ng orasan ay unti-unting lumalapit sa hatinggabi. Ang orasan ay huling iniabante noong 1998, mula sa 14 tungo sa 9 na minuto bago maghatinggabi. Mula noon, 3,000 nuklear na mga sandata lamang ang kinalas, na may naiiwan pang mahigit na 31,000 sa mga kamay ng mga bansang may mga sandatang nuklear.
Nagpasiyang Sumali sa UN ang Switzerland
“Sa maliit na kalamangan, ang neutral na bansang Switzerland ay nagpasiya sa isang pambansang pagboto . . . na talikdan ang mga dekada ng pagiging nakabukod nito at maging isang miyembro ng United Nations,” ang ulat ng The New York Times. Kinailangan ang pagsusumite ng isang pormal na aplikasyon sa UN General Assembly upang ang Switzerland ay maging ika-190 miyembro ng organisasyon. Nang huling bumoto ang mga Swiso sa pagiging miyembro noong 1986, ang mungkahi ay lubhang tinanggihan, “dahil sa takot na maikompromiso ang tradisyonal na neutralidad ng bansa.” Ano ang dahilan ng pagbabago? “Bagaman ang bansang ito ang kinaroroonan ng punong-tanggapan ng United Nations sa Europa na nasa Geneva at aktibo sa maraming ahensiya nito, pinangangambahan ng pamahalaan na ang patuloy na pag-aatubili na maging miyembro ay magpapahina sa Switzerland kung tungkol sa pulitika at ekonomiya, at sa mga pagsisikap nito na mamagitan sa mga labanan sa malalayong bansa,” ang sabi ng Times. Maaaring nakita rin ng Switzerland ang pangangailangan na pagandahin ang reputasyon nito pagkatapos ng mga pagbubunyag kamakailan na itinago ng mga bangkong Swiso ang mga deposito ng mga biktima ng Holocaust at na itinaboy ng Switzerland sa mga hangganan nito ang maraming lumikas na nagsisikap tumakas sa Nazi na Alemanya.
Nakamamatay na mga Steroid
Tinataya na “mga 60 porsiyento ng mga nagpapalaki ng katawan [sa Poland] ay gumagamit ng mga steroid,” ang ulat ng lingguhang babasahin na Wprost ng Poland. Ang mga tin-edyer sa pagitan ng mga edad 17 at 18 ay nagsisimulang gumamit nito sa mga unang buwan ng taon “upang pagdating ng Hunyo ay maipagmamalaki nila ang kanilang mga kalamnan sa mga swimming pool sa labas.” Bagaman ang mga steroid ay “mabibili sa halos lahat ng gym para sa pagpapalaki ng katawan,” mapanganib ito sa katawan. “Hindi lamang atay ang pinipinsala ng mga steroid kundi ang mga kalamnan din,” ang sabi ni Propesor Janusz Nauman ng Medical University sa Warsaw. Kabilang sa iba pang masasamang epekto ang mga problema sa balat at buhok, pagiging di-mapakali, mapusok na paggawi, at napakahirap na mga sakit sa emosyon. Ang ilang masasamang epekto sa paggamit ng mga steroid ay lumilitaw lamang pagkalipas ng mga taon. Halimbawa, sa kaso ng “mga atleta mula sa [dating] Silangang Alemanya, kung saan pagkarami-raming gamot ang ininom mula noong dekada ng 1950, ang mga epekto sa kalusugan ay napansin noong dekada ng 1970 at ’80,” ang sabi ni Nauman. At, dagdag pa ng Wprost, ang paggamit ng mga steroid ay “nakadaragdag sa posibilidad na bumaling sa heroin at sa iba pang mga droga.”