Mula sa Aming mga Mambabasa
Down’s Syndrome Salamat po sa artikulong “Pamumuhay na May Sakit na ‘Down’s Syndrome.’” (Agosto 8, 1989) Kami man ay may isang membrong may kapansanan sa aming pamilya, at aming nakita kung paanong dahil sa pag-ibig ang kaniyang pagsulong ay naging lalong mabilis. Sa mga pulong Kristiyano, buong-pagmamalaki siyang umuupo roon taglay ang kaniyang sariling Bibliya at mga babasahin sa Bibliya. Kami’y nakatanggap ng higit na pampatibay-loob sa pagbabasa tungkol kay Suzy at ang walang maliw na pag-ibig ng kaniyang pamilya.
L. S. B., Timog Aprika
Katangi-tangi, Mapagmahal Katatapos ko lamang basahin ang Oktubre 8, 1989 na Gumising! Ang labas na ito ay tunay na katangi-tangi. Ang ibang mga magasin ay marahil maraming impormasyon subalit pagkatapos ay madalas na iwan akong nalulungkot o nanghihina. Sinasabi ng Gumising! ang layunin ng Diyos na lutasin ang mga suliranin. Ito’y isinulat sa isang maunawain, tapat, prangkang paraan subalit mapagmahal. Hindi ko halos mapigil ang aking sarili sa dagling paglabas at pag-aalok nito sa mga tao sa pamayanang ito. Marami pong salamat!
S. D., Estados Unidos
Ako’y lubhang naantig ng kuwento ng munting si Suzy anupa’t ako’y umiyak. Ako’y nasa aking ika-70 taon pataas, at ang aking ina ngayon ay nasa kaniyang mga ika-90. Nasubaybayan ko siyang unti-unting manghina mula sa isang serye ng mga atake-serebral. Sa nakaraang walong buwan, siya ay naging tulad sa isang bagong-silang na sanggol, isang buháy at humihingang tao subalit hindi mabubuhay kung sa ganang kaniyang sarili. Nakadama ako kung gayon ng isang kaugnayan sa ina ng munting si Suzy. Ako rin ay nakadama ng biglang bulwak ng taimtim na damdamin ng pag-ibig at pagpapahalaga para sa ating makalangit na Ama, na sa isang araw na darating ay gagawing sakdal ang munting si Suzy at ang aking ina gaya ng nilayon niya para sa lahat ng sangkatauhan.
I. S., Estados Unidos
Steroids Nitong kamakailan aking napag-isipang mabuti ang inyong artikulo tungkol sa steroids. (Marso 22, 1989) Ang aking kinakapatid na lalaki ay nakakuha ng ilang mga medalya sa Winter Olympics. Gayumpaman, hindi siya nasiyahan sa pagiging pinakamahusay; kailangan niya pang maging mas mahusay. Sa dalawang taon ng paggamit ng steroids, kaniyang naitaas ang kaniyang timbang ng kalahati sa dati nito. Lahat ng mga librang iyon ay buong kalamnan. Subalit siya’y labis na naging magagalitin at agresibo. Tutungo sana siya sa Lake Placid sa 1990 para sa isang paligsahan sa isports. Sa halip, siya’y gugugol ng taglamig sa libingan. Pinatay siya ng mga steroids.
A. N., Estados Unidos
Kasaysayan ng Relihiyon Katatapos ko lang basahin ang Bahagi 12 ng seryeng “Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito.” Nasumpungan kong kawili-wili at punô ng impormasyon ang mga ito. Pakisuyong ilagay ako sa talaan ng inyong mailing.
M. K., Estados Unidos
Tsismis Nang aking mabasa ang “Ang Mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” mga artikulo tungkol sa tsismis (Hulyo 8 at Hulyo 22, 1989), ako’y nagpasimulang umiyak sapagkat lahat ng sinabi nila roon ay may kaugnayan sa akin. Ako’y tumulong na magpalaganap ng isang tsismis, at tunay na nasaktan nito ang maraming tao, maging ako. Nawalan ako ng malaking paggalang mula sa mga tao at lumaganap pa nga ang mga tsismis tungkol sa akin. Ang mga artikulo ay nakatulong sa akin. Hindi ko lamang alam kung paano kayo pasasalamatan.
J. P., Estados Unidos
Mga Awit ng Pag-ibig Katatapos ko lamang basahin ang artikulong “Ang Mga Kabataan ay Nagtatanong . . .Ang Pag-ibig ba ay Gaya ng sa mga Awit ng Pag-ibig” (Hunyo 22, 1989) Ang artikulo ay buong-husay na isinulat at punô ng unawa. Naunawaan ko na lahat ng mga awit ng pag-ibig ay mapanganib para doon sa wala pa sa kalagayang mag-asawa. Subalit nangangahulugan ba ito na ang may-asawang mga indibiduwal ay dapat nang tumigil sa pakikinig ng mga awit ng pag-ibig?
D. K., Estados Unidos
Ang artikulo ay nagsisilbi, hindi upang kondenahin ang mga awit ng pag-ibig bilang isang kategoriya, kundi upang ipakita na marami sa gayong mga awitin ang nagtuturo ng hindi makatotohanan at hindi kapaki-pakinabang na pangmalas ng pag-ibig at pag-aasawa. Gayumpaman, ang mismong katotohanan na ang isang awit ay nagpapahayag ng romantikong mga damdamin ay hindi awtomatikong gumagawa ritong hindi kanais-nais sa mga Kristiyano. Nagbigay kung gayon ng pampatibay-loob sa mga kabataan na maging mapamili sa kanilang pinipiling musika. Ang mga Kristiyanong may-asawa ay nararapat ring patnubayan nito.—ED.
Akala ko tunay na ipinahayag ng mga awit ng pag-ibig kung paano ito dapat ipamalas at kung paano ito ibinibigay. Sa wakas tinulungan ako ng artikulong ito na matanto na kailangang magpagal para sa isang ugnayan at manatili kasama nito sa mabuti at masamang mga panahon.
M.Z., Estados Unidos