Karahasan—Kung Bakit ang Lumalagong Pagkabahala
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Britaniya
IKAW ba ay nakatira sa isang “bawal-puntahang” dako? Ito ang bahagi ng isang lungsod na kinatatakutan ng mga empleado ng paglilingkod-bayan—mga doktor, nars, at kahit na ng mga pulis—na pasukin nang nag-iisa. Sa opisyal na paraan, walang gayon sa Britaniya, subalit ang ‘magulong dako’ ay hindi gaanong matinding pangalan para sa gayunding bagay. At sinasabi ng ilang autoridad na may mahigit na 70 nito sa London lamang, at marami pa nito sa ibang mga lungsod sa bansa.
Ang Kalihim ng Kaugnayang Panloob ng Britaniya ay nagpahayag ng kaniyang pagkabahala, na ang sabi: “Ang kapayapaan ng ating lipunan ay sinisira hindi ng mga banta sa labas, kundi ng hilig sa karahasan ng napakarami sa ating mga kapuwa mamamayan.”
Hindi naman ibig sabihin na ang Britaniya (dahil sa 17-porsiyentong pagdami sa marahas na krimen sa nakaraang 12-buwan) ang nangunguna sa listahan. Malayong mangyari ito. Maraming ibang lugar ang mayroong mas maraming krimen. Noong unang siyam na buwan ng nakaraang taon, 10,607 mararahas na krimen—pagpatay, panggagahasa, pagnanakaw, at pagsalakay—ang nangyari sa mga subwey lamang ng New York City! Gayunman, sinasabi ng mananaliksik na si Dr. Michael Pratt na may katibayan upang suportahan ang sinasabing “ang mga lansangan sa London ay nagiging gaya ng New York.”
Gayunman, ang New York ay hindi siyang pinakamasamang lungsod dahil sa krimen. Ang Atlanta, Miami, Detroit, at Chicago ang kabilang sa walong malalaking lungsod sa E.U. na nag-ulat ng mas maraming mararahas na krimen sa bawat tao noong 1987 kaysa iniulat ng New York. Sa lahat ng dako, wari bang, ang karahasan ang lumalagong dahilan ng pagkabahala. Napansin ng saykayatris na si Thomas Radecki na ‘ang karahasan sa mga bansa sa Kanluran ay sumulong mula sa 200 tungo sa 500 porsiyento sa nakalipas na 20 taon.’
Sumulong din ang mararahas na krimen sa ibang dako. Sa Kenya, Silangang Aprika, halimbawa, hindi pa natatagalan 400 magnanakaw ng baka ang walang itinatanging pumatay ng 190 mga lalaki, babae, at mga bata, walang-awang iniwan ang mga bangkay upang kainin ng mga buwitre at ng mga hyena.
Sa Unyong Sobyet, ang karahasan sa soccer ay iniulat na ‘kumakalat sa bansa.’ Sa katulad na paraan, ang Sentral Komite para sa Pagtataguyod ng Sosyalistang Etika ng Tsina ay nagsalita laban sa ‘mga away, suntukan, at mga pinsala pa nga at mga kamatayan noong labanan sa soccer.’ Ang komite ay nanaghoy: ‘Ang mga mahilig sa isports, lalo na ang mga kabataan, ay dapat na turuang maging sibilisado.’
Maliwanag, ang mararahas na krimen ang dahilan ng lumalagong pagkabahala. Subalit ano ba ang ginagawa upang matugunan ang hamon na kanilang inihaharap?