Karahasan—Natutugunan ba Natin ang Hamon?
KARAMIHAN ng krimen sa Britaniya ay ginagawa ng mga kabataang mag-aaral. Isang guro sa Sheffield, Inglatera, ang nagsabi na siya’y nagturo sa isang klase ng 15 estudyante sa isang paaralan kung saan 3 lamang ang walang kriminal na rekord. Sa katunayan, kahit na ang mga batang nasa kindergarten ay nasasangkot na ngayon sa karahasan sa silid-aralan.
“Ang mga kawani sa nursery ay grabeng sinasalakay ng kanilang mga mag-aaral, at maguguniguni mo ang sindak sa puso ng ibang mga bata,” sabi ng isang guro sa Yorkshire. Sabi pa niya: “Kung magagawa ng isang batang nasa mababang paaralan ang ganitong uri ng pinsala, ano na lamang kaya ang magiging katulad nila sa high school kung hindi natin itutuwid ito?”
Subalit bakit ba napakahilig ng mga bata na maging marahas?
Ang Bahagi ng TV at Sine
Parami nang paraming bata ang nanonood ng mararahas at sadistang mga programa sa telebisyon at mga pelikula, at maraming autoridad ang nagsasabi na ito ay isang salik sa pagdami ng karahasan. Sa Australia, halimbawa, isang surbey ang isinagawa sa mga ugali sa panonood ng halos 1,500 mga bata na ang edad ay 10 at 11. Ibinilang ng lupon na nagrirebista ng pelikula sa Australia ang kalahati ng lahat ng mga pelikula na napanood ng mga bata na hindi angkop. Gayunman, sangkatlo ng mga bata ang nagsabi na sila’y nasiyahan lalo na sa mararahas na eksena.
Sabi ng isa: “Ang nagustuhan kong bahagi ay kung saan pinutol ng batang babae ang ulo ng kaniyang tatay at kinain ito na parang birthday cake.” Tungkol sa isa pang pelikula, isang bata ang nagsabi: “Nagustuhan ko ang bahagi nang kainin ng tagaibang planeta ang ulo ng babae at walang tigil ito ng kadidighay.” Sabi pa ng isang bata: “Gusto ko ang bahagi kung saan pinutol nila ang isang babae at pawang puti ang pumulandit sa kaniya.”
Ang mga mananaliksik ay naghinuha na bunga ng panonood ng ganitong uri ng mga palabas, ang mga bata at ang mga adulto ay nagkakaroon ng hilig sa karahasan. Sinasabi rin nila na ang mga magulang ay tinatakot o hinihikayat ng malakas na panggigipit ng lipunan sa pamamagitan ng kanilang mga anak na payagan ang kanilang mga anak na panoorin ang gayong mga pelikula.
Ang Independent Broadcasting Authority ng Britaniya ay nagsagawa ng isang pag-aaral tungkol sa epekto ng panonood ng mga programang nagtatampok ng karahasan. Dalawang milyong tagapanood, o 6 na porsiyento ng lahat ng tagapanood, ang nagsabi na pagkatapos manood ng mga programang may kaugnayan sa krimen, sila kung minsan ay nagiging “lubhang marahas.” Ang The Times ng London, sa report nito tungkol sa mga tuklas, ay nagsabi na hindi maunawaan ng mga bata na ang karahasan sa pelikula ay hindi tunay at inaakala nila na ang pagpatay ay isang “pang-araw-araw na pangyayari.” Kataka-taka ba na napakaraming bata ang nahirati sa karahasan at hindi gaanong nababahala sa pagsasagawa nito mismo?
Mga Paaralan at mga Magulang
Isinisisi ng ilan ang pagdami ng karahasan sa kabiguan ng mga paaralan na magturo ng mga pamantayang moral. Tungkol sa kabiguang ito, isang report na inihanda sa Britaniya ng dalawang guro sa lungsod ay nagsasabi: “Ito ay isang kalunus-lunos na kalagayan at isa na malayo na ang narating sa pagpapaliwanag sa pagdami ng karahasan sa ating lipunan.” Subalit makatuwiran bang sisihin ang mga guro sa hindi pagtuturo ng mga pamantayang moral sa mga bata?
Isang report ng British National Association of Head Teachers ay sumasagot: “Ang mga pamantayan sa paggawi sa paaralan at sa lipunan ay bumababa subalit ang impluwensiya ng mga paaralan sa lipunan sa pamamagitan ng mga kabataan ay hindi na kailangan pang idiin.” Yamang ang disposisyon ng bata ay nahubog na bago pa siya pumasok sa paaralan, ang report ay nagsasabi: ‘Wala nang gaanong magagawa ang guro upang baguhin iyon.’
Idiniriin din ni Roy Mudd, kinatawang pinuno sa City of Portsmouth Boys’ School, na ang mga guro na nakikita ang kanilang mga mag-aaral ng mga ilang oras isang araw ay ‘walang magagawa upang maglagay ng karagdagang hibla ng mabuting asal sa itinuturo ng paaralan malibang ang mga bata ay naturuan ng kanilang mga magulang sa kaibhan ng mabuti at masama.’
Walang alinlangan tungkol dito, ang pundasyon para sa kaaya-ayang paggawi sa moral ay dapat na nailatag ng mga magulang maaga sa buhay. Sila, sa halip na ang mga paaralan, ang dapat na pangunahing masangkot sa pagtuturo sa kanilang mga anak ng mga pamantayang moral kung nais nating mangyari ang pagbaligtad sa dumaraming karahasan. Gayunman, hindi natutugunan ng mga magulang o ng mga paaralan ang hamon ng karahasan, o sa paano man hindi sapat na natutugunan ng ilan sa kanila.
Kumusta Naman ang Tungkol sa Pagpapatupad ng Batas?
Natutugunan ba ng mga opisyal sa pagpapatupad-ng-batas ang hamon? Sa Colombia, Timog America, 62 hukom ang iniulat na pataksil na pinatay sapagkat ayaw nilang tanggapin ang suhol mula sa mga ilegal na nagbibenta ng cocaine. Gayundin naman, sa Los Angeles county, E.U.A., hindi nahadlangan ng mga tagapagpatupad ng batas ang 387 mga pagpatay ng gang na nauugnay sa droga noong 1987. Kinikilala ng mga autoridad na nagpapatupad ng batas sa maraming gayong mga dako na dahil sa droga lalo na, nakakaharap nila ang hindi mapangasiwaang krisis. Subalit bakit hindi nila matugunan ang hamon?
Ito’y dahil sa pagkasira ng batas at kaayusan sa buong daigdig. Sa Gran Britaniya, ang hepe ng konstable ng Surrey, si Brian Hayes, ay nagsasabi: “Noong nakalipas na mga taon sasabihin ng mga pulis sa isang pangkat na sumulong sila at sila ay susulong. Sa ngayon ang mga pulis ay sinasalakay.” Sinasabi ng The Sunday Times ng London na karaniwang “binabaligtad [ng lipunan] ang mga pamantayan, kung saan ang mga pulis ay gumaganap bilang mga kriminal at ang mga manlalabag-batas ay nakikita bilang mga bida.”
Si Richard Kinsey, isang lektyurer sa kriminolihiya sa University of Edinburgh, ay nagsasabi: “Sa Scotland tayo’y nagpapadala ng mas maraming tao sa bilangguan kaysa anumang ibang bansa sa Europa at dalawa at kalahating ulit na kasindami sa timog [sa Inglatera].” Taglay ang anong resulta? Noong 1988 iniulat ng pulisya ng Strathclyde ng Glasgow ang isang 20-porsiyentong pagsulong sa mga krimen ng karahasan sa nakalipas na 12-buwan. Masamang mukha, si Kinsey ay naghihinuha: “Nakita nating mga nasa Scotland [na] ang susi sa pintuan ng selda ay walang saysay.”
Isang Hindi Natugunang Hamon
Inilalarawan ng isang editoryal sa Nursing Times ng Britaniya ang kabiguang harapin ang hamon ng karahasan. Sabi nito: “Walang nagbababala sa mga nakalap na mga nars na sila ay sumasali sa isang mapanganib na propesyon—marahil dapat silang babalaan.” Ang mga tuklas ng Komisyon sa Kalusugan at Kaligtasan, patuloy ng editoryal, ay na nakakaharap ng mga nars ang “isang antas ng karahasan at pananakot na mas madalas kaysa mamamayan sa kabuuan.”
Kabilang sa pinakamapanganib na mga dako para sa isang nars na magtrabaho ay sa A&E (Aksidente at Emergency), gaya ng tawag dito sa Britaniya. Ang mga ito ay maaaring maging lubhang marahas na mga dako kung dulo ng sanlinggo kapag ang mga karaniwang departamento ng ospital ay sarado. Kinapanayam ng Gumising! ang isang dating nars na inilarawan ang trabaho sa isang A&E sa London.
“Ang ospital ay nasa isang lugar kung saan maraming sugapa sa droga, at mayroon kaming espisipikong dako para sa kanila sa departamento ng mga napinsala. Doon maaari silang iwan upang itulog nila ang mga epekto ng kanilang labis na dosis, malayo sa ibang mga pasyente. Kung minsan, habang sila ay sinusumpong, sila ay nagiging lubhang marahas. Isa itong nakatatakot na karanasan.
“Nakakita na ako ng mga taong tinanggap sa ospital na lubhang napinsala sa isang labanan ng gang at ipinagpatuloy ang kanilang labanan sa A&E. Kadalasan maaaring magkaroon ng karahasan nang walang babala sa mga kawaning nars. Nang ako’y pumasok sa propesyon na pagiging nars, ang uniporme ng nars ay para bang nagbibigay ng isang uri ng proteksiyon—subalit hindi na ngayon.”
Ang karahasan ay naglagay sa ating lahat sa depensibo. Ang mga pangungusap na gaya ng, “Ngayon walang sinuman ang ligtas” at, “Wari bang ikaw ay hindi ligtas saan man,” ay higit at higit na nagiging pangkaraniwan. Binabantayan ng mga magulang ang kanilang mga anak, natatakot na mawala sila sa kanilang paningin. Ang mga babae ay nabubuhay sa takot na sila ay agawan at halayin. Tinatrangkahan ng mga may edad na ang kanilang mga sarili sa loob ng kanilang bahay. Mula sa lahat ng anggulo, ito ay isang malungkot na larawan.
Dinadala tayo nito sa isang mahalagang tanong, Ano ang magagawa natin kapag tayo’y napaharap sa karahasan?
[Larawan sa pahina 5]
Ang karahasan sa telebisyon ay maaaring magtaguyod ng tunay-sa-buhay na karahasan