Masiyahan Dito Nang Walang Panganib
Ng isang warden sa Waterton Lakes National Park
ANG mga warden ay kadalasang nasasangkot sa hanapin-at-sagipin na mga misyon dahil sa hindi ginagamit ng mga turista ang mabuting pagpapasiya at napapasok sa gulo. Upang ilarawan: Dalawang binatilyo ang lampas na sa taning mula sa pag-akyat sa bundok malapit sa Banff National Park. Ang kanilang mga magulang ay nakipag-alam sa paglilingkod ng warden, na pagkaraan ng ilang sandali ay nakita namin ang kinaroroonan ng kanilang kotse. Sa pamamagitan ng aming instrumento sa pagmamanman, nakita namin ang isang umakyat na nakaupo sa isang ungos, hindi makakilos.
Umaakyat na malapit sa kaniya, tinanong namin kung saan naroon ang kaniyang kasama. “Siya ba’y nasa itaas mo? O siya ba’y nasa ibaba?” Ungol lamang ang aming narinig. Kung minsan ang mga taong nasa maigting na kalagayan ay wala sa sarili. Nasumpungan namin ang kaniyang kasama sa ibaba; siya’y nahulog sa kaniyang kamatayan. Ang pagkakamali ng tao ay walang salang nasasangkot sa gayong mga insidente.
Kaya kapag ang mga tao ay nagtutungo sa amin at nagtatanong tungkol sa paglalakad o pag-akyat o sa paglalakbay sa lugar na tinitirhan ng oso, ang impormasyon na ibinibigay namin ay payak, malinaw, at espisipiko. Kung minsan marahil inaakala ng mga dumadalaw sa parke na kami ay nakikipag-usap sa kanila na para ba silang mga bata. Marami ang basta hindi makaunawa kung ano ang maaaring mangyari sa kanila sa iláng o sa bundok. Para ba silang di makapaghintay na magsimula subalit wala naman silang kabatiran kung ano ang nasa unahan. Kaya, ang aming mensahe ay paulit-ulit at punô ng babala.
Sa kaso ng dalawang kabataan, ang gamit lamang nila ay lubid na pang-akyat at panali sa baywang na lubid na may kawit na metal sa isang dulo. Umabot sila sa isang sitwasyon kung saan hindi na sila makaakyat o makababa. Ang kabataang nasa ungos ay nadaig ng takot. Naupo siya ay hindi siya makakilos. Kaya ang kaibigan niya ay nagpasiyang bumaba sa pamamagitan ng lubid sa susunod na ungos at humingi ng saklolo. Palibhasa’y alam niyang sandali lamang siyang mawawala, iniwan niya ang kaniyang dyaket upang huwag ginawin ang kaniyang kasama. Sa kaniyang pagbaba, ang kawit kung saan nakakabit ang lubid ay bumuka dahil sa isang lamat sa bato, at siya ay nahulog sa kaniyang kamatayan.
Sa Tirahan ng mga Oso
Sa isa pang insidente, kinukompleto ng isang mag-asawa ang huling mga yugto ng paglalakad pababa sa Boundary Creek sa labas ng Waterton sa gawing timog ng Alberta. Walang anu-ano’y nakita nila ang isang oso na papalapit sa kanila. Ang babae, na may balutan (pack) sa kaniyang likod, ay napasubsob sa daan na ang posisyon ay parang sanggol na nasa sinapupunan, ang mga kamay ay nasa batok, ang mga tuhod ay nasa kaniyang tiyan. Ang kaniyang mister ay hindi makakilos dahil sa takot, nakatayo mga 6 na metro mula sa kaniya, pinagmamasdan ang papalapit na oso.
Kaagad na pinuntahan ng oso ang babae, kinakalmot ang balutan na nasa kaniyang likod sa pagsisikap na kunin ang pagkain. Ang babae ay nagkaroon ng mga galos sa kaniyang likod, balakang, at puwitan. Sa wakas, naisip ng lalaki na kailangang kumilos siya, inabot niya ang balutan niya at inihagis ang ilang sandwich sa lupa. Sa paggawa niyaon, isang kaldero ang nahulog sa isang bato mula sa kaniyang balutan, at ang ingay ay nagpangyari sa oso na huminto at nagtatakbo sa gubat. Ang mag-asawa ay saka dali-daling umurong. Kailangan naming patayin ang oso, ito ay nasangkot na sa dating mga insidente sa mga tao.
Ang leksiyon dito ay: Kung may suot kang balutan at ikaw ay nilapitan ng isang oso, hubarin mo ang balutan. Karaniwang lalapitan ng mga oso ang mga tao upang ipahulog sa kanila ang kanilang mga balutan dahil sa laman nitong pagkain; napakadali nilang natutuhang gawin ito. Ang itinapong balutan o kamera o anumang bagay na mayroon ka ay maaaring makagambala sa oso, binibigyan ka ng panahon upang tumakas.
Dapat mag-ingat ang mga potograpo na iwasang maging napakalapit sa mga oso sa pagsisikap na kunan ng litrato. Noong tagsibol ng 1988, isang lalaki at ang kaniyang asawa ay nagkampo sa isang lugar sa Glacier National Park. Nakita nila ang isang inahing oso kasama ang tatlong anak na oso. Ang asawang lalaki ay umalis taglay ang isang kamera na may automatic multiexposures. Kinuha niya ang unang mga larawan mula sa isang ligtas na posisyon sa isang dahilig na kaharap ng mga oso. Pagkatapos naging labis ang kaniyang pagtitiwala, yamang wari bang hindi pinapansin ng mga oso ang kaniyang pagkanaroroon.
Maingat na tinawid niya ang dahilig hanggang sa siya ay nasa iisang landas ng mga oso. Ang mga larawan, na dinibelop nang dakong huli mula sa multiexposure na kamerang ito, ay nagpakita ng palapit na palapit na kuha sa mga oso. Nais niyang makakuha ng isang buong-buhay na larawan subalit napakalapit niya sa inahing oso, pinanghihimasukan ang kaniyang lugar, pinipilit siyang gumawa ng isang disisyon kung siya baga ay tatakbo o sasalakay.
Ang huling mga larawan sa kamera ay nagpapakita ng mga tanda na nainis na ang oso—at ito ay sumalakay! Sinikap ng litratista na umakyat sa isang puno, subalit huli na ang lahat. Naunahan siya ng oso at napatay siya nito.
Sa isa pang insidente sa lugar ng Lake Louise ng Banff National Park, isang lalaki ang kinagat sa hita at sa kamay ng isang babaing osong grizzly. Kasama ng inahing oso ang dalawa niyang anak. Ang insidente ay walang kaugnayan. Ang oso ay sumalakay buhat sa isang distansiya na halos 150 metro, iniiwang walang bantay ang kaniyang mga anak. Malamang na hindi tatakbo ang isang oso nang gayon kalayo sa kaniyang mga anak upang salakayin ang isang tao nang walang dahilan.
May palagay kami na ang aso na kasama ng hiker ay nagpunta sa oso at hinabol ng oso ang aso pabalik sa nagmamay-ari nito. Nang sabihin namin ito sa may-ari ng aso, tinanggihan niya ito, binabanggit ang mga alituntunin ng parke na ang aso ay dapat na nakakawala, nasa ilalim ng pisikal na pagkontrol sa tuwina. Tumingin ako sa warden na kasama ko at sinabi niyang kailangang patayin namin ang oso. Agad-agad, ang tugon ng hiker ay, “Bakit?”
“Ang pagsalakay ng oso ay waring hindi dahil sa ito’y ginalit,” sagot namin, “kaya kailangang patayin ang hayop.”
Nag-isip siyang sandali at saka nagtapat: “OK. Tama kayo. Ang sinabi ninyo ay siya mismong nangyari. Pinagalit ng aking nakawalang aso ang oso.”
Inaakala ng ilang tao, kapag naglalakad sa iláng na dako, na ang isang aso ay isang proteksiyon. Ang kabaligtaran ang totoo. Ang isang asong hindi sinanay ay kadalasang tatakbo papunta sa isang oso, tatahulan ito, at pagkatapos ay dadalhin ang sumasalakay na oso pabalik sa walang kalaban-labang amo nito.
Upang banggitin ang isa pang insidente tungkol sa isang pagsalakay ng oso: Isang bata ang iniulat na kinagat ng isang oso. Napag-alaman namin na dalawang bata ang naglalaro sa isang buhanginan samantalang ang ama ay nangingisda sa di-kalayuan. Ang oso ay biglang lumabas mula sa pulumpon at sinunggaban ang isang bata at kinaladkad ito. Hinabol ng ama ang oso at nabawi ang bata, na nasumpungan niyang iniwan ng oso.
May palagay kami na ito ay isang kaso ng maling pagkakilala. Ang mga batang naglalarong gumagapang ay maaaring napagkamalan ng oso na mga batang usa, o marahil mga anak ng usang elk. Maliwanag na kusang iniwan ng oso ang bata nang matiyak nito na ang biktima nito ay tao. Sa kasamaang palad, ang isang kagat ay sapat na upang mapatay ang bata. Kaya tandaan, ang mga oso ay hindi maamo dahil lamang sa ito ay nasa parke. Maaari nitong salakayin ang mga bata at kung minsan ay sinasalakay nito ang mga bata, gaya ng ipinakikita ng karanasang ito. Kaya ingatan ang inyong mga anak na kasama ninyo.
Isa pang bagay na dapat tandaan ay mag-ingay samantalang nasa tirahan ng mga oso. Sa ganitong paraan hindi ninyo magugulat ang mga oso. Nakabubuti kung marami kayo; ang grupo ng pito o higit pa ay magpapaalis sa anumang oso. Sa kabilang dako, kung ikaw ay lubhang tahimik at pagkatapos ay nakakita ka ng isang oso subalit hindi ka nakikita nito, baka makabubuting huwag gumawa ng anumang bigla, di inaasahang ingay na maaaring mag-udyok ng isang pagsalakay. Kung minsan ang isang nagulat na oso ay magkukunwang sasalakay, magagalit o uungal at lalapit sa isang nagbabantang paraan. Napakalapit mo at ikaw ay binabalaan. Oras na upang gamitin ang iyong mabuting pagpapasiya at umalis nang walang ingay, iniiwan ang lugar sa oso. Ito ang isang argumento na hindi ka maaaring manalo.
Kaya maglaan ka ng panahon upang basahin ang mga brosyur ng parke tungkol sa mga oso upang malaman mo kung ano ang gagawin at kung ano ang titingnan samantalang nasa tirahan ng mga oso.
Iba Pang Tungkulin ng Warden
Bukod sa pamamahala sa mga oso, madalas naming pinapatrolya ang mga haywey, lawa, kampo, at iláng na lugar ng parke. Pananagutan din namin ang pagpapatupad ng batas, pamamahala sa yaman, pagsugpo sa sunog at kaligtasan ng publiko. Samantalang iniingatan at pinangangalagaan namin ang parke sa maraming paraan, pinangangalagaan din namin ang mga tao mula sa kanilang sarili. Upang ilarawan:
Sa Banff National Park, may popular na lugar na tinatawag na Johnston Canyon. Ito’y isang kaaya-ayang isang-oras na paglalakad patungo sa Upper Falls. Ang mga tanda ay nakapaskil at ang mga halang ay itinayo upang ang mga hiker ay manatili sa landas. Hindi pinansin ng isang babae ang mga tanda, naglakad-lakad siya sa dulo ng bakod, at bumaba sa gilid ng tubig upang hugasan ang kaniyang paa. Isa pang babae na parating sa landas ay nagpasiyang ito ay isang mabuting ideya at gayon din ang ginawa. Pagkatapos ng simpleng gawaing iyon, tumayo siya sa makinis na piraso ng bato, nadulas siya, at tinangay ng mabilis na agos ng sapa.
Inabot siya ng unang babae at nahawakan siya subalit hindi siya nasagip. Siya ay tinangay sa kaniyang kamatayan sa mga talón. Ang nakalulungkot na bagay ay na siya ay nasa kanilang pagpupulot-gata, tatlong araw pa lamang na kakakasal. Anong kahina-hinayang na pag-aaksaya ng buhay—kung sana’y hindi niya winalang-bahala ang mga tanda at ang halang!
Ang buhay ng isang warden sa parke ay karaniwang isang kasiya-siyang buhay. Abalang-abala kami sa kalikasan, tumutulong sa pangangalaga at pagpapanauli sa kung ano ang likas. Subalit ang elementong tao ay laging naroroon, at gaya ng nagugunita ko, ang ilang mga pagdalaw sa parke ay nagwawakas sa isang trahedya. Gayunman, ang karamihan ay may masaya at kung minsan ay nakatatawa pa ngang wakas.
Halimbawa, samantalang nagmamaneho sa isang abalang haywey sa parke, napansin ng isang warden sa parke ang isang motoristang nakaparada sa tabi ng daan. Pinakakain ng isang pasahero sa sasakyan ang isang oso mula sa bintana ng pasahero. Nilapitan ng warden ang tsuper upang ipakipag-usap ang bagay na ito, samantalang ang hayop ay pinakakain sa kabilang panig ng sasakyan. Nang ipagbigay-alam na ang kanilang ginagawa ay kapuwa mapanganib at labag sa batas, dali-daling isinara ng pasahero ang bintana sa kabiguan ng oso, na agad na tumakbo sa kabilang panig ng kotse, kung saan ang warden ay nakikipag-usap pa sa tsuper. Ang nagulat na oso ay biglang huminto ng halos 1 metro mula sa warden at naghintay, na para bang sinasabi, “Ako’y maghihintay, warden, subalit bilisan mo naman, puwede ba!”
Malaki na ang ipinagbago ng aming mga tungkulin sa parke sa nakalipas na dalawampung taon. Ang modernong mga bisita ay hindi gaanong nasasangkapan sa iláng na gaya ng mga bisita noong unang mga panahon. Kaya isang munting payo: Kung ikaw ay nagbabalak na maglakad sa iláng na dako, ang korto, T-shirt, sandalyas, at kaunting pagkain ay hindi uubra. Ang magandang araw kung tag-araw ay maaaring biglang magbago tungo sa malakas na hangin at niyebe, na magpangyari sa iyong dumanas ng pagkalantad o hypothermia. Maging handa sa di-inaasahan, at laging magdala ng ekstrang pagkain at pananamit upang kompletuhin ang inyong ligtas na paglalakbay.
Isa pa, hindi ka dapat umakyat o maglakad na mag-isa. Umakyat ka ayon sa iyong kakayahan. Ang mga amateur na umaakyat sa bundok ay mula sa antas ng dagat at hindi nila maaaring gawin iyon sa taas na 1,400 hanggang 2,400 metro. Kaya huwag mong labis na tayahin ang iyong lakas; ang pangangailangan ay laging mas malaki kaysa iyong inaakala. Mag-umpisa nang maaga at bumalik kapag masama ang lagay ng panahon.
Bilang pagtatapos, tandaan na sa isang iláng na parke, ikaw ay isang panauhin. Kahit na ang mga bato at mumunting kinapal ay pinangangalagaan, gayundin ang mga bulaklak at mga pananim. Kaya iwan lamang ang iyong mga bakas. Dalhin ang mga larawan at masasayang alaala lamang pauwi ng bahay.
[Larawan sa pahina 7]
Mahalaga ang sukdulang pag-iingat kapag nasa teritoryo ng mga osong grizzly
[Larawan sa pahina 8]
Ako’y naglilingkod bilang isang warden dito sa Waterton Lakes National Park