Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 5/8 p. 24-27
  • “Ang Aking Paboritong Modelo sa Litrato”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Ang Aking Paboritong Modelo sa Litrato”
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Maingat na Kinapal
  • Isang Tunay na “Natutulog”
  • Nakatutuwang Anak ng Oso ay Hindi Dapat Yapusin
  • Ang Mahabang Pagtulog ng Inang Oso
    Gumising!—2002
  • Kahanga-hangang mga Higante sa Kahilagaan ng Canada
    Gumising!—1993
  • Masiyahan Dito Nang Walang Panganib
    Gumising!—1989
  • Ang Leopardo—Isang Malihim na Pusa
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 5/8 p. 24-27

“Ang Aking Paboritong Modelo sa Litrato”

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Sweden

“PATAPOS na ang tag-araw noon sa hilaga ng Sweden. Papalubog na ang araw. Ako’y nagpapahingalay sa aking kotse, na ipinarada ko sa dulo ng isang makahoy na daan na malapit sa isang lusak. May katamarang minasdan ko ang mga punong birch sa kabilang panig ng lusak. Walang anu-ano, isang malaking kulay kayumangging oso ang aalug-alog na papalapit sa akin mula sa gubat.

“Dali-daling lumabas ako ng kotse. Dala ang kamera na nakasabit sa aking leeg ay gumapang ako sa gilid ng lusak upang humanap ng magandang anggulo. Ang oso ay huminto at tumitig sa akin. Sumulyap ako sa kotse, na mga sampung-segundong takbo ang layo. Iniangat niya ang kaniyang malapad na ulo, suminghot, at inalog ang kaniyang pagkalaki-laking katawan at humatsing. Natakot ako.

“Habang siya ay patuloy na papalapit sa akin, dahan-dahan akong umurong patungo sa kotse. Muli siyang huminto, at ngayo’y nakita niya ako. Walang anu-ano, humatsing siya nang malakas at nagsimulang lumapit sa akin. Dali-dali kong iniangat ang aking kamera. Agad kong nakita ang kaniyang mata sa viewfinder. Pinindot ko ang shutter release at saka ako nagmadali pabalik sa kotse.

“Anong gandang kuha! Napakaganda nito anupa’t ginamit ito ng tanggapan ng koreo sa Sweden na disenyo ng isang selyo.”

Ganito inilarawan ng litratista ng kalikasan na si Bertil Pettersson ang isa sa kaniyang mga pagkatagpô sa mga osong kayumanggi.

“Ito ang aking paboritong modelo sa litrato,” aniya at susog pa niya: “Ang pagkatagpô sa maganda, nakasisindak na hayop na ito sa masukal na kagubatan ng Sweden ay lubhang pambihira. Iilang tao ang nakakita ng isa nito at lalo pang kakaunti ang nakunan ito ng litrato.”

Isang Maingat na Kinapal

“Kalimutan mo na ang anumang ideya na ang oso ay isang malaki, hindi matalas ang isip, masayang hangal,” sabi ni Bertil. “Ito ay alisto at maingat at daig nito ang tao sa gubat. Maaari itong sumalakay at lumaban, kahit na hindi nakatayo, gaya ng sabi ng ilang kuwento. Sa pana-panahon ito ay tumatayo upang suriin ang kalagayan. Karaniwan nang ito’y lumalayo o lumulupasay sa pulumpon hanggang sa makaraan ang panganib. Sa pamamagitan ng matalas nitong pandinig at pang-amoy, maaaring mamatyagan ka nito bago mo pa mamalayan na naroroon ito.”

“Ano ang dapat kong gawin kung makaharap ko ang isa sa kagubatan?” tanong ko. “Una, huwag kang mataranta. Ang oso ay bihirang sumalakay malibang ito’y pagalitin. Maingat na lumayo. Kung ito’y umungal, magmadali ka, sapagkat iyan ang paraan niya ng pagsasabi sa iyo na ikaw ay hindi niya tinatanggap.

“Huwag kang magsama ng nakakawalang aso sa gubat. Maaaring tahulan ng aso ang oso, biruin ito, at matakot dito anupa’t ito’y tumakbong matulin​—papunta sa iyo! Maguguniguni mo na ang kasunod na pangyayari.”

Isang Tunay na “Natutulog”

“Paano ginugugol ng iyong modelo sa litrato ang taglamig?” tanong ko.

“Sa lungga nito sa ilalim ng lupa,” sagot ni Bertil.

“Oo nga pala, natutulog,” susog ko. “Hindi, hindi ito basta natutulog,” sabi niya. “Sipain mo lamang ang isang natutulog na oso upang ikaw ay makumbinse na hindi ito natutulog. Malamang na ito ay magising na parang tao at mabilis na maging aktibo. Ang natutulog na mga oso ay nagising sa ingay ng mga lagareng de motor na nagpuputol ng mga punungkahoy at mabilis na tumakas sa dakong iyon.”

“Tiyak na alam na alam ng mga oso ang panahon,” sabi ko pa.

“Oo,” tumango si Bertil, “kapag ito ay busog na busog sa katapusan ng Oktubre, inihahanda nito ang kaniyang lungga, sinasapinan ito ng mga siit ng punong fir at lumot. Yamang ito ay maingat at matalino, pinipili nitong maghintay hanggang umulan ng niyebe bago ito pumasok sa lungga upang ang mga bakas nito ay madaling maitatago. Lumalabas ito sa kalagitnaan ng Abril. Saka karaniwang kinakaladkad nito ang higaan niya sa harap ng pasukan at nananatili roon sumandali bago sa wakas ay simulan nito ang kaniyang paggala sa tagsibol.”

Samantalang ipinakikita sa akin ang litrato ng dalawang pagkagagandang batang oso na naglalaro, sabi ni Bertil: “Ang mga batang oso ay ipinanganganak sa lungga bandang katapusan ng Enero. Sa panahong iyon ang mga ito ay kasinliit ng mga daga, subalit mabilis itong lumaki anupa’t paglabas nila sa tagsibol, sapat na ang laki nila upang gumulung-gulong, lumaban, at makipaglaro sa kanilang nanay.”

Nakatutuwang Anak ng Oso ay Hindi Dapat Yapusin

“Sinumang makakita sa pagkagaganda at makinis-balahibong mga hayop na ito sa parang ay malamang na makikipaglaro sa kanila at yayapusin pa ang mga ito,” pahiwatig ko.

“Ah, mag-ingat ka!” babala ni Bertil. “Hindi ka nga papayagan ng isang nanay na oso na lumapit sa kaniyang mga anak. Kaya napakahirap kunan ng litrato ang isang ina na kasama ng kaniyang mga anak. Sa iba’t ibang okasyon sa loob ng apat na taon, sinikap ko subalit hindi ako nagtagumpay na kunan ng litrato ang isang pamilya ng oso mula sa isang taguan sa gubat. Pagkatapos, isang araw ng Mayo sa paglubog ng araw, ganito ang nangyari:

“Papunta ako sa aking taguan mga 60 metro ang layo nang bigla kong nakita ang isang malaking oso malapit sa patay na hayop na inilagay ko sa gitna ng lusak. Isang oso! Di-nagtagal dalawang malaki-laking anak ng oso noong nakaraang taon ang lumitaw sa gilid ng lusak. Ang hangin ay sa aking bentaha, umiihip patungo sa akin. Dala-dala ang aking kamera na nakasabit sa aking leeg, gumapang ako ng mga 20 metro patungo sa gilid ng lusak at yumukyok sa likuran ng isang puno ng pino​—napakalapit sa mga oso. Nang ang mga anak na oso ay nakisama sa kanilang nanay, may pag-uusisang nagmasid sila habang ibinabaon ng ina ang patay na hayop. Samantala kumuha ako ng ilang mahuhusay na litrato.

“Paglubog ng araw, bago bumagsak ang telon sa tanawing ito, nakita ko kung ano ang kailanma’y nakita ng ilang tao. Nang ang nanay ay matapos nang maghukay, ang mga anak na oso ay nagsimulang naglambitin sa kaniya. Marahan nilang binubunggo ang kaniyang tagiliran at nag-ungalan. Walang anu-ano ang nanay ay naupo at pinasuso ang kaniyang mga anak. Pagkatapos siya’y tumihaya at iniangat ang kaniyang ulo, maibiging pinagmamasdan ang kaniyang mga anak samantalang tinatapos nila ang kanilang hapunan. Nang sila’y mabusog, sumiksik sila sa tabi niya upang matulog.

“Dahan-dahan akong umalis upang huwag gambalain ang magandang tanawin. Pagkatapos ng makapigil-hiningang karanasang ito, nakadama ako ng mapakumbabang pagpapasalamat sa bukas-palad na Diyos na lumikha sa kahanga-hangang mga hayop na ito.”

[Buong-pahinang larawan sa pahina 24]

[Mga larawan sa pahina 26]

Nilalanghap ang hangin sa gubat

Mag-ingat​—inang oso kasama ang kaniyang mga anak

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share