Ang Mahabang Pagtulog ng Inang Oso
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA FINLAND
ANG nandarayuhang mga ibon ay walang-pagsalang naghuhudyat ng pagdating ng taglagas sa Hilaga. Upang matakasan ang napakalamig na panahon, ang pumapagaspas na masasayang kawan ng mga ibong martines at ang napakagagandang hugis-tatsulok na hanay ng mga ibong tipol ay nagliliparan sa himpapawid patungong timog. Kasabay nito, ang kulay-kapeng oso na pagiwang-giwang kung lumakad sa lupa ay napapaharap din sa panahon ng taglamig. Paano pa kaya ito mabubuhay kung lanta na ang mga pananim, pagkalamig-lamig na ng lupa, at balot na ng niyebe ang lahat ng bagay? Madaling makatakas ang mga may pakpak, subalit ang kulay-kapeng oso ay hindi basta makatatakbo sa kakahuyan at sa iláng tungo sa mas mainit-init na klima.
Napakapraktikal ng solusyon. Sa panahon ng tag-init, kakainin na ng oso ang sustansiyang kailangan niya sa taglamig at pagkatapos ay magtútulóg na ito hanggang tagsibol. Gayunman, ito’y madaling sabihin pero mahirap gawin. Isip-isipin na lamang ang magiging korte ng katawan mo kung hindi ka kakain o iinom sa loob ng kalahating taon. Tingnan natin ang ilang kagila-gilalas na yugto ng pagtulog ng inang oso kung taglamig.
Abalang Tag-init
Upang matagalan ang hindi pagkain sa loob ng ilang buwan, ang inang oso ay dapat na patiunang magtipon ng lakas. Samakatuwid, hindi na mahalaga sa kaniya anuman ang maging korte ng kaniyang katawan. Basta ang mithiin niya ay ang magkaroon ng maraming taba sa ilalim ng kaniyang balat, na sa ilang lugar ay hanggang walong sentimetro ang kapal. Bagaman paborito niyang kanin ang mayaman-sa-asukal na mga berry, hindi naman siya pihikan—lahat ay puwede. Kumakain siya ng ugat, maliliit na mamalya, isda, at langgam. Sa wakas, pagdating ng taglagas ang kaniyang timbang ay maaaring bumigat mula 130 kilo hanggang 160 kilo, na ang mga sangkatlo nito ay taba (sa panahong iyon ang lalaki ay maaaring tumitimbang na nang 300 kilo). Bago pumalaot sa daigdig ng mga pangarap, hindi na siya kakain at lilinisin niya ang kaniyang bituka. Hindi siya kakain, iihi, o dudumi hanggang sa makalipas ang mga kalahating taon.
Ang tamang-tamang tulugan ay isang yungib, abandonadong punso, o isang guwang sa ilalim ng mga ugat ng punungkahoy, basta’t tahimik na lugar—tutal, walang sinuman ang magnanais na maabala sa pagtulog. Ang oso ay nangunguha ng mga sanga ng punong pino, lumot, bulok na damo, at iba pang mahihigan upang maging komportable hangga’t maaari ang kaniyang tulugan. Ang tulugan ay malaki lamang nang kaunti sa siksik na katawan ng oso. Pagsapit ng taglamig, matatakpan ng niyebe ang tulugan, at tanging isang butas na pinaghihingahan ang maaaring makita ng isang matalas ang matang nagmamanman.
Ang Pamamahinga
Ang ilang maliliit na mamalya, gaya ng mga hedgehog, paniki, at dormouse, ay tinatawag na talagang mga nagtútulóg dahil sa ginugugol nila ang kalakhang bahagi ng taglamig sa isang kalagayang parang patay, anupat ang temperatura ng kanilang katawan ay halos kasinlamig na ng kapaligiran. Gayunman, ang temperatura ng katawan ng oso ay bumababa lamang nang mga 5 digri Celsius, kung kaya ang pagtulog nito ay hindi napakahimbing. “Hindi gaya niyaong para bang nawalan ng malay ang oso. Iniaangat nito ang kaniyang ulo at binabago ang posisyon niya halos araw-araw,” ang paliwanag ni Propesor Raimo Hissa, na gumawa ng pag-aaral sa pagtulog ng mga oso kung taglamig sa loob ng maraming taon sa University of Oulu, sa Finland. Gayunman, bihirang lumabas ang oso mula sa tulugan nito sa kalagitnaan ng taglamig.
Habang tulog ito sa taglamig, matipid ang proseso ng buhay ng oso. Ang pulso nito ay bumabagal nang di-lalampas sa sampung pintig tuwing isang minuto, at ang metabolismo ay bumababa. Kapag ang inang oso ay himbing na himbing na sa kaniyang pagtulog, nagsisimula na ang mahalagang proseso ng pagsunog sa taba. Natutunaw ang mga tisyu ng taba at nasusuplayan ang katawan ng oso ng kinakailangang kalori at tubig. Gayunman, bagaman hindi na gaanong gumagana ang mahahalagang sangkap ng katawan, may naiipon pa ring dumi dahil sa metabolismo. Paano kaya niya mailalabas ang mga ito at kasabay nito ay mapananatili pa ring malinis ang kaniyang tulugan? Sa halip na ilabas ang kaniyang dumi, muli itong ginagamit ng kaniyang katawan!
Ganito ang paliwanag ni Propesor Hissa: “Ang mga produkto ng ureya na may nitrohena ay muling nasisipsip mula sa bato at pantog at sumasama sa sistema ng sirkulasyon patungo sa bituka, kung saan ang ureya ay nagiging amonya dahil sa baktirya sa pamamagitan ng hydrolysis.” Ang higit pang kagila-gilalas ay na ang amonyang ito ay bumabalik sa atay, kung saan ito’y nagagamit upang gumawa ng bagong mga amino acid, ang pinakasangkap ng protina. Kaya sa pamamagitan ng pagbabago sa mga naipong dumi tungo sa pagiging mahahalagang sangkap, ang katawan ng oso ay napananatiling malusog sa panahon ng mahabang pagkakatulog!
Noon, hinuhuli ng mga tao ang mga oso sa kanilang mga tulugan. Mangyari pa, madaling hulihin ang isang tulóg na oso. Hinahanap muna ang tulugan at pagkatapos ay dahan-dahang paliligiran ito ng mga nag-iiski, anupat pinalilibutan ng mga ito ang tulugan. Pagkatapos ay nagigising ang oso at pinapatay. Pero sa ngayon, ang pagpatay sa mga oso ay ipinagbawal na sa halos buong Europa dahil sa ito’y itinuturing na isang kalupitan.
Bagong Buhay
Ang lalaking oso ay nakahilata sa buong taglamig, na madaling nakapagpapabiling-biling, subalit ang inang oso ay may ibang pinagkakaabalahan. Ang mga oso ay nagtatalik sa pasimula ng tag-init, subalit ang pertilisadong mga itlog sa tiyan ng ina ay nananahimik doon hanggang sa siya’y handa nang magtulóg sa taglamig. Pagkatapos ay kumakapit ang mga bilig sa gilid ng matris at magsisimula nang lumaki. Pagkalipas lamang ng dalawang buwan, sa Disyembre o Enero, ang temperatura ng katawan ng inang oso ay tataas nang kaunti, at saka siya magsisilang ng dalawa o tatlong anak. Pagkatapos ay bababa na ang temperatura ng kaniyang katawan, bagaman hindi kasimbaba noong bago siya magsilang. Hindi nasasaksihan ng ama ng mga batang oso ang pagsisilang sa kanila, subalit masaksihan man niya ito, hindi ito magiging kasiya-siya para sa kaniya. Malamang na hindi naman kilalanin ng mabulas na lalaking osong ito na mga anak niya ang maliliit na kinapal na ito, na tumitimbang lamang nang 350 gramo bawat isa.
Ipinasususo ng inang oso ang kaniyang masustansiyang gatas sa kaniyang mga anak, na lalong umuubos ng kaniyang lakas. Madaling lumaki ang mga batang oso, at pagsapit ng tagsibol ang mabalahibong maliliit na oso ay tumitimbang na nang mga 5 kilo. Nangangahulugan iyan na mayroon nang gagalaw-galaw sa maliit na tulugan ng inang oso.
Tagsibol
Marso na. Tapos na ang taglamig, natutunaw na ang niyebe, at ang mga ibon ay nagbabalikan na mula sa timog. Sa pagtatapos ng buwan, ang mga lalaking oso ay gumagapang nang papalabas sa kanilang tulugan kung taglamig. Subalit ang mga inang oso ay ilang linggo pang magpapahinga; marahil ay napagod nang husto ang mga ito dahil sa kanilang mga anak.
Pagkatapos ng mahabang pagtulog na ito, ang inang oso ay buto’t balat na lamang na di gaya ng kaniyang siksik na hitsura noong taglagas. Natunaw na ang niyebe, at gayundin ang taba. Pero ang nakapagtataka, ito ay masigla pa rin—walang sugat na dulot ng matagal na paghiga, walang pulikat, walang osteoporosis. Lumalabas siya mula sa tulugan at maya-maya ay idudumi na ang pamasak na humaharang sa dumi, isang “napakaitim na pamasak” ng pinagsama-samang duming resulta ng metabolismo. Karaniwan nang hindi kumakain ang oso hanggang sa makalipas ang mga dalawa o tatlong linggo pa, dahil sa hinihintay munang bumalik sa normal ang mga paggana ng mga sangkap ng kaniyang katawan. Saka ito nagiging “gutóm na parang oso.” Gayunman, palibhasa’y bago pa lamang nagsisimula ang tagsibol, wala pang gaanong makakain sa kagubatan. Ngumangata na lamang ang oso ng mga uod at uwang, naninimot ng matatagal nang patay na hayop, at nanghahabol pa nga ng usa.
Mangyari pa, kailangang palakihin ng inang oso ang kaniyang mga anak upang matutuhan nila ang kilos ng mga oso, at mutyang-mutya sila sa kaniya. Ganito ang sabi ng sinaunang kawikaan: “Masalubong na ng tao ang oso na nawalan ng mga anak nito kaysa ang sinumang hangal sa kaniyang kamangmangan.” (Kawikaan 17:12) Sa ibang pananalita, alinman ang makaharap mo sa dalawa ay hindi mo magugustuhan. “Napakaraming dapat gawin ng inang oso sa pangangalaga sa kaniyang mga anak. Kapag may lumalapit na lalaking oso, pinaaakyat agad ng ina ang mga batang oso sa punungkahoy, dahil maaaring saktan ng lalaki ang mga ito kahit na siya pa ang kanilang ama,” ang paliwanag ni Hissa.
Dadalhin ng inang oso ang kaniyang mga anak sa tulugan niya sa susunod na taglamig. Sa susunod na taon, ang mga batang oso na naawat na sa pagsuso ay dapat nang humanap ng kani-kanilang sariling tulugan, dahil panahon na naman ito para magsilang ang inang oso ng panibagong maliliit na anak.
Napakarami nating natutuhan sa masalimuot at mapamaraang kababalaghan ng pagtulog ng oso kung taglamig, subalit misteryo pa rin ang maraming nakapagtatakang aspekto nito. Bakit kaya inaantok at nawawalan ng gana ang oso kung taglamig? Bakit kaya hindi ito nagkakaroon ng osteoporosis? Hindi madaling malaman ang mga lihim ng oso, at mauunawaan naman iyan. Bawat isa ay may karapatang maglihim!
[Kahon sa pahina 20]
Pag-aaral Tungkol sa Pagtulog ng Oso Kung Taglamig
Ilang taon na ring gumagawa ng pisyolohikong pagsasaliksik ang Department of Zoology sa University of Oulu tungkol sa mga mekanismong nagpapangyaring makayanan ng mga hayop ang lamig. Ang pag-aaral tungkol sa kulay-kapeng oso sa Europa ay nagsimula noong 1988, at lahat-lahat, 20 oso na ang napag-aralan mula noon. Isang partikular na tulugan ukol sa pagsasaliksik ang ginawa para sa kanila sa álagaán ng maiilap na hayop sa unibersidad. Gumamit ng mga computer, mga pagsusuri sa laboratoryo, at isang video camera upang makita ang temperatura ng kanilang katawan, metabolismo, at mga aktibidades gayundin ang kanilang dugo at mga pagbabago sa hormon kapag sila’y tulóg sa taglamig. Nagkaroon ng pagtutulungan ang mga unibersidad sa ibang mga bansa, umabot pa nga ito hanggang sa Hapon. Umaasa ang mga mananaliksik na ang mga resulta ay makapaglalaan ng impormasyon na makatutulong maging sa paglutas sa mga problema tungkol sa pisyolohiya ng tao.
[Larawan sa pahina 18]
Tulugan ng inang oso
[Larawan sa pahina 18]
Mayaman-sa-asukal na mga “berry”