Susô—Isang Salot o Isang Masarap na Pagkain?
ANG KABALITAAN NG “GUMISING!” SA PAPUA NEW GUINEA
ANG oras: ikaanim ng umaga. Ang lugar: bayan ng Kavieng, sa lalawigan ng New Ireland, Papua New Guinea. Isang lalaki ang kumukuha ng isang 5 litrong timba at lumalakad mula sa kaniyang bahay tungo sa isang taniman ng gulay sa bakuran sa likod ng bahay. Kumukuha ng mga sampung minuto upang punuin niya ang kaniyang timba—hindi ng mga gulay kundi ng mga susô! Ito ang rutinang gawain niya tuwing umaga sa pagsisikap na sugpuin ang pagsalakay ng mga susô upang mapakinabangan naman niya ang mga gulay.
Mga ilang taon na ang nakalipas ang mga susô ay nasa lahat halos ng dako at mabilis na kumakalat sa mga rehiyon sa baybayin ng Papua New Guinea. Tinatayang sa bayan lamang ng Madang, may mahigit na isang milyon mga susô. Sinisira nitong lubha ang mga pananim na pagkain at mga hardin. Hindi lamang iyon ang ginawa nito sa Kavieng kundi malaking pinsala rin ito sa mga motorista, lalo na kung gabing maulan. Ang mga lansangan ay literal na punô ng gumagapang na mga susô. Ang pagmamaneho at pagliko ay maaaring maging isang madulas, at maingay, na karanasan.
Subalit saan ba nanggaling ang mga susô? Isang bagay ang tiyak, hindi ito katutubo sa Papua New Guinea. Ito ang uring kilala bilang ang malalaking susô ng Aprika (Achatina fulica). Sa katutubong New Guinea Pidgin, ito ay tinatawag na demdems. Ito ay ipinakilala sa mga pulo sa Timog Pasipiko mula sa Silangang Aprika sa pamamagitan ng Timog-silangang Asia.
Sang-ayon sa mga katutubo, dinala ng mga sundalong Haponés ang mga susô sa mga rehiyon ng New Britain/New Ireland noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II. Bakit? Sapagkat ang napakabisang mga harang ng allied ay humadlang sa mga panustos na barko ng Hapón na marating ang kanilang mga tropa na nakasasakop sa kapuluan ng Papua New Guinea. Kaya ipinakilala ang mga susô upang mabawasan ang grabeng kakulangan ng pagkain.
Ang mga susong ito na nakakain ay hindi kailanman matagumpay na naparami sa Hapón dahil sa ang klima roon ay napakalamig para sa mga ito. Subalit nasumpungan nito na ang mga kalagayan sa Papua New Guinea ay tama lamang, tamang-tama anupa’t ang mga ito ay nangingitlog ng hanggang 6,000 itlog sa buong buhay nito. Hindi nagtagal at ang demdems ay dumami anupa’t may sapat nito sa isang maliit na hardin upang punuin ang isang timba sa bawat araw!
Mga Pagsisikap Upang Pigilin Ito
Ang balat (shell) ng isang demdem ay maaaring lumaki ng sampung centimetro ang haba. Kaya ito ay isang malaking susô. At dahil sa mabilis dumami, lubha nitong sinisira ang mga ani at mga halaman. Ano ang magagawa rito? Minsang ipakilala, talagang imposibleng paalisin ito. Ngunit ito ay maaaring pigilin.
Mga pain na naglalaman ng nakalalasong kemikal, gaya ng methaldehyde, ay ginamit nang matagumpay. Sinikap ding ipakilala ang uring-kanibal na mga susô na sisila sa demdems. Gayumpaman ang demdems ay sapat na nagpaparami upang manatili.
Ano pa ang magagawa sa mga susô? Bueno, bakit hindi harapin ang hamon at gamitin ito sa mismong layunin ng pagpapakilala nito sa kapuluan? Bakit hindi ito kainin?
Masarap na Pagkaing “Demdem”
Ipinakakain ng mga Melanesian ang demdems sa kanilang mga manok at baboy. Inirirekomenda rin na ito ay alisan ng balat para ipakain sa mga manok, gayundin lutuin o ibilad sa araw. Natututuhan mismo ng mga baboy na basagin ang balat, subalit ito ay dapat lutuin, yamang ang mga baboy ay maaaring magkasakit mula sa mga parasito na dala ng mga susô.
Kung ang hilaw, pinakuluan, o ibinilad sa araw na susô ay hindi kaakit-akit sa iyo, may iba pang paraan ng pagluluto nito. Tandaan lamang na sa mga lugar na gaya ng Switzerland, Pransiya, Espanya, Tsina, at maraming bahagi ng Aprika, ang hamak na demdem ay isang masarap na pagkain! Ito’y karaniwang tinatawag na escargot, at ito’y masusumpungan sa mesa ng ilang pinakamagagaling na restauran.
Sa Papua New Guinea, itinatag kamakailan ang isang Komite ng Demdem. Ang layunin nito ay ipakita sa madla kung paano ihahanda, lulutuin, at ihahain ang mga susong ito. Nagbibigay pa nga ito ng resipe mula sa may-ari ng isang kilalang restauran sa Melbourne, Australia. Kung baga ang komite ay magtatagumpay na turuan ang mga taga-Papua New Guinea na kainin ang demdems ay malalaman pa natin.