Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 12/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagkatutong Bumasa at Sumulat at Kalusugan
  • Walang-kabuluhang Summit
  • Pagkatuto ng Empatiya
  • Mga Babae o mga Lalaki​—Sino ang Mas Mahabang Magtrabaho?
  • Umaabot sa 1.2 Bilyon ang Populasyon ng Tsina
  • Sumasalakay na mga Susô
  • Komentaryo sa Digmaang Pandaigdig II
  • Sinong Ibig Mag-tenis?
  • Mga Halaman na May “Memorya”
  • Labis na Klero
  • Susô—Isang Salot o Isang Masarap na Pagkain?
    Gumising!—1989
  • Mga Anak—Bentaha o Disbentaha?
    Gumising!—1993
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1985
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 12/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Pagkatutong Bumasa at Sumulat at Kalusugan

Ang mas mataas na antas ng pagkatutong bumasa at sumulat ay makapagdudulot ng mas mahabang buhay, ayon sa estadistika na binanggit ng UNESCO (United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization). “Ang mga tao na natutong bumasa at sumulat,” sabi ng magasing UNESCO Sources, “ay higit na nagbibigay pansin sa kalinisan at pangkalusugang pangangalaga; hindi sila madaling mawalan ng pag-asa at, kapag nagkakasakit, mas malamang na magpatingin sa doktor.” Subalit, ang pagkatutong bumasa at sumulat ay isa lamang sa mga salik na nakaaapekto sa haba ng buhay. “Ang pagkamadaling magpagamot, ang kalagayan ng pamilya sa pananalapi at ang panlipunang kapaligiran” ay may mahalagang bahagi rin na ginagampanan.

Walang-kabuluhang Summit

Humigit-kumulang 20,000 delegado mula sa buong mundo ang nagtagpo sa Copenhagen, Denmark, noong Marso 6-12, 1995, upang dumalo sa isang asamblea na itinaguyod ng United Nations na pinamagatang: “Pandaigdig na Summit Para sa Panlipunang Pag-unlad.” Ang layunin ng kanilang miting? Upang talakayin ang mga paraan upang wakasan ang karukhaan, kawalan ng trabaho, at pagkakabaha-bahagi sa nagpapaunlad na mga bansa. Gayunman, hindi natagalan para makilala ang pangunahing sagwil​—ang kakulangan ng pondo. Waring ang maraming bansang naghihikahos ay baon sa utang sa mayayamang bansa anupat hindi nila kayang magbayad ng tubo. Ang nagpatuloy na bansa, ang Denmark, ay nagmungkahi na sundin ang halimbawa ng Denmark at kanselahin ang utang ng pinakamahirap na bansa. Subalit, may isang problema. Marami sa utang ng mas mahihirap na bansa ay bunga ng pagtataglay ng mga armas. Kaya naman, gaya ng paliwanag ng isang tagapayo ng UN, kung kakanselahin ang utang, gagamitin lamang nila ang pagkakataon na bumili ng mas maraming baril.

Pagkatuto ng Empatiya

Iminungkahi ng mga mananaliksik na nagsusuri sa empatiya sa mga bata na ang kakayahan na maunawaan ang damdamin ng iba ay natututuhan. “Ipinakita na ang mga bata na inabuso ay hindi nagpapakita ng empatiya sa kaligaligan ng ibang bata,” sabi ni Dr. Mark A. Barnett, isang propesor sa Kansas State University sa Manhattan, gaya ng sinipi sa The New York Times. “Maaaring tingnan lamang nila ang naliligalig na bata at wala silang gagawin, o kanilang pupuntahan at bubulyawan at itutulak ang bata.” Sa kabilang panig, sabi pa niya na ang “isang bata na napangalagaan ang emosyonal na pangangailangan ay higit na nakatutugon sa emosyon ng iba.” Gayunman, karagdagan pa sa paglalaan ng emosyonal na kasiguruhan ang mga magulang ay dapat na magpakita sa kanilang mga anak kung paano magkaroon ng empatiya. Gaya ng sabi ni Dr. Barnett, ang mga magulang na may empatiya ay karaniwang nakapagpapalaki ng mga anak na may empatiya.

Mga Babae o mga Lalaki​—Sino ang Mas Mahabang Magtrabaho?

Maliban sa Hilagang Amerika at Australia, ang mga babae saanmang dako ay nagtatrabaho nang mas mahabang oras kaysa mga lalaki, ulat ng Populi, isang magasin ng UNFPA (United Nations Population Fund). Ang pinakamalaking agwat ay umiiral sa Aprika at rehiyon ng Asia-Pasipiko, kung saan ang kababaihan na nagtatrabaho, sa katamtaman, ay nagtatrabaho ng mahigit na 12 oras bawat linggo kaysa kalalakihan. “Sa maraming nagpapaunlad na mga bansa,” sabi ng magasin, “ang kababaihan ngayon ay nagtatrabaho ng 60-90 oras bawat linggo upang sikaping mapanatili lamang ang kanilang dahop na pamantayan ng pamumuhay sa nakalipas na dekada.” Samantala, sa mauunlad na bansa, ang bahagi ng kalalakihan sa gawaing bahay ay nadaragdagan. “Subalit,” paliwanag ng Populi, ang karagdagang ito “ay hindi dahil sa patas na hati ng rutina ng pagluluto, paglilinis, at paglalaba. Sa halip, mas matagal ang kalalakihan na gumawa ng gayong mga gawain gaya ng pamimili.”

Umaabot sa 1.2 Bilyon ang Populasyon ng Tsina

Nito lamang simula ng taóng ito ang populasyon ng Tsina ay umabot sa 1.2 bilyon, ulat ng China Today. Ang populasyon ay maaaring umabot sa bilang na ito siyam na taon na mas maaga kung walang programa ng bansa sa pagpaplano ng pamilya na ipinakilala noong dekada ng 1970. Gayunman, sa kasalukuyang pagdami, ang populasyon ng Tsina ay aabot sa 1.3 bilyon sa simula ng susunod na siglo. Bagaman isa sa pinakamalalaking bansa sa daigdig, ang produksiyon ng bawat tao ng butil, karne, at itlog ay mas mababa kaysa produksiyon ng mga bansang mas maunlad. Karagdagan pa, ang kabuuang lupain na sinasaka ay lumiliit dahil sa populasyon at mas siksikang paninirahan sa lupa, sabi ng China Today.

Sumasalakay na mga Susô

Bago ang buháy na gintong mga susô sa Timog Amerika ay inangkat sa Vietnam bilang pagkain sa nakalipas na anim na taon, ang mga siyentipiko ay nagbabala na ang mga susô ay magdudulot ng malaking pinsala kung ang mga ito’y makakawala. Waring pinatunayan ng panahon na tama ang mga siyentipiko. Ang ilang susô ay nakatakas at mabilis na nagpakita ng pagkahilig sa pagkain ng bigas. Kaya ipinagbawal ng pamahalaan ang mga susô, subalit maraming maliliit na negosyo ang nagpatuloy naman sa pagpaparami ng mga ito at ipinagbili ang mga ito bilang pagkain. Iniuulat ng Associated Press na ayon sa opisyal ng Vietnam News, ang walo lamang sa maliliit na nilikhang ito ay maaaring makaubos ng 1 metro kudrado ng palayan sa isang araw! Iniulat na napinsala na ng mga susô ang 31,000 ektarya ng palayan at kumalat na ito sa pinakamaraming umani ng bigas na rehiyon ng bansa. Ang isang babaing susô ay makapangingitlog ng mga 40 milyon sa isang taon.

Komentaryo sa Digmaang Pandaigdig II

Mahigit na 50 taon ang nakalipas, sa kainitan ng Digmaang Pandaigdig II, isang magsasaka sa lalawigan ng Colorado, E.U.A., ang nag-akala na siya’y medyo ligtas mula sa pag-atake ng kaaway. Anong laking gulat ng magsasakang iyon nang ang kaniyang traktora ay biglang nahulog sa isang maliit na yungib dahil sa sumabog na bomba! Ang nangyari ay na ibinagsak ang bomba sa kabilang panig ng Karagatang Pasipiko​—sa pamamagitan ng isang lobo. Sa isang kakaibang komentaryo sa pandaigdig na digmaan, nagpasiya ang mga Hapones na gantihan ang pagsalakay sa himpapawid ng E.U. noong 1942 sa pamamagitan ng paglulunsad ng mahigit na 9,000 lobo ng hydrogen na nagtataglay ng maliliit na pansunog at mga bombang laban sa mga sundalo. Ang idea, ayon sa Scripps Howard News Service, ay upang magpasimula ng sunog sa kagubatan at maghasik ng kagulumihanan sa Estados Unidos, mga 10,000 kilometro ang layo. Ang pinsala ay kakaunti lamang, bagaman ilang katao ang nasawi. Mayroong 285 pangyayari na nauugnay sa lobo ang iniulat, at sa utos ng pamahalaan, ang media ay pinatahimik sa pagbabalita upang maiwasan ang kagulumihanan.

Sinong Ibig Mag-tenis?

Ang pangangailangan para sa ipinagbabawal na droga sa mga bilangguan sa Australia ay nagdulot ng ilang pagbabago sa paraan ng pagpupuslit ng droga. “Pinupunô ng mga tao ang mga bola ng tenis ng ipinagbabawal na mga droga at ginagamit ang mga raketa upang hampasin ang mga ito patungo sa mga bilangguan sa Australia,” ulat ng paglilingkod balita ng Reuters. Ang tagapagsalita sa bilangguan na si Keith Blyth ay nagsasabi: “Ipinapakete nila ang droga at binabalot ito (sa maninipis na plastik).” Pagkatapos ay inilalagay nila ito sa bola ng tenis at literal na inihahagis o pinalalampas ito sa bakuran. Sa isang pagsisikap na sugpuin ang pinagmumulan ng droga, isinaalang-alang ng pamahalaan ng Timog Australia, kabilang sa ibang bagay, ang paggamit ng “mga asong umaamoy ng droga” upang bantayan sa labas ng mga bilangguan ng estado ang “mga tao na may kahina-hinalang mga bola ng tenis,” paliwanag ni Blyth. Isa pang negosyo sa pagpupuslit ay gumamit ng pana upang ibunsod ang mga droga sa pader ng bilangguan. Gayunman, sinabi ng ulat na ang “mas tradisyunal pang paraan ng pagtatago ng mga droga sa mga keyk” at dinadala ang mga ito sa bilangguan ay kilala pa rin.

Mga Halaman na May “Memorya”

Kapag sinasalanta, maraming halaman ang naglalabas ng mga kemikal upang itaboy ang mga sumasalanta sa mga ito. Iniuulat ng magasing New Scientist na ang ilan ay nakabubuo ng “memorya” ng pagsalanta, nagpapahintulot sa mga ito na magsimulang maglabas ng nagtataboy na mga lason nang mas mabilis kapag sinalanta muli. Isang uod na nanginginain sa dahon ng tabako ang pinagmulan ng paglalabas ng jasmonic acid, na tumatawid sa mga ugat. Ito ang pinagsisimulan ng paglalabas ng nikotina, na bumabalik sa mga dahon upang gawing di-kaayaaya ito sa nanginginain. Ang mga halaman na may ugat na nahantad na noon sa asido ay mas mabilis na tumutugon sa nananalanta. “Ipinahihiwatig nito na ang mga halaman ay tunay ngang may memorya,” sabi ni Ian Baldwin ng State University of New York sa Buffalo.

Labis na Klero

Ang pag-unti ng mga miyembro sa mga simbahan ng Protestante sa Canada ay umakay sa “di-mapapantayang kalabisan ng Protestanteng klero,” ulat ng The Globe and Mail. Sa nakalipas na sampung taon, ang Anglican Church sa Montreal, Quebec, ay nakitaan ng pagbagsak sa bilang ng miyembro mula sa 67,000 tungo sa 27,000, samantalang ang bilang ng mga pari ay nananatiling gayon. Ang kalabisan ng klero ay nagbunga ng pagkakaroon ng mga trabahong part-time para sa ilan o tumatanggap ng seguro para sa mga walang trabaho upang mabuhay. Sa Toronto, Ontario, nakakaharap ng Presbiterianong Simbahan ang gayunding suliranin. Si Jean Armstrong, ang kasamang kalihim ng ministri at bokasyon sa simbahan, ay nagsabi: “Hindi namin tiyak kung gaano pa katagal matutustusan ng mga kongregasyon ang buong-panahong mga ministro.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share