Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 1/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Populasyon ng Tumatanda Na sa Tsina”
  • Sapilitang Pagpapatrabaho sa Bata​—Lumalagong Problema
  • Pagtugon sa Pangangailangan ng mga Bata
  • “Bagong Uri ng Labanan ng Opyo”
  • Tinalikuran ang Paniniwala sa Apoy ng Impiyerno
  • Bidang Gorilya
  • Pumili Ka
  • Nauugnay sa Kamatayan ng mga Sanggol ang Paninigarilyo
  • Sekretong Isinisiwalat ng Pananaliksik sa Dugo
  • Pangunahing Target ba ang Inyong Bansa?
    Gumising!—1989
  • Milyun-Milyong Buhay ang Naging Abó
    Gumising!—1995
  • Naipit sa Nagliliyab na Isyu ang mga Kompanya ng Sigarilyo
    Gumising!—1996
  • Moralidad sa Tabako?
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 1/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

“Populasyon ng Tumatanda Na sa Tsina”

“Ang populasyon ng tumatanda na sa Tsina ay patuloy na tumataas ang bilang,” ang ulat ng magasing China Today. “Sa pagtatapos ng 1994 ang Tsina ay nagkaroon ng 116.97 milyong mamamayan na matatanda na na mahigit sa 60 ang edad, isang 14.16 porsiyentong pagdami kaysa sa taóng 1990.” Ang mga tao na mahigit na 60 ang edad ngayon ang halos bumubuo ng 10 porsiyento ng populasyon ng bansa, at ang populasyon ng matatanda na ay patuloy na dumarami na halos tatlong ulit ng kabuuang populasyon. Paano sila pinangangalagaan? Bagaman ang mga kinikita sa pagtatrabaho, pensiyon, panlipunang seguro, at tulong ang nangangalaga sa mga pangangailangan ng marami, mahigit na 57 porsiyento ng matatanda nang mamamayan sa Tsina ang tinutulungan ng kanilang mga anak o ibang kamag-anak. “Yamang ang samahan sa pamilya sa Tsina ay matatag naman, at ang Tsina ay may mabuting tradisyon ng paggalang at pangangalaga sa matatanda na, ang karamihan ng mamamayang matatanda ay nakapisan sa kanilang mga kamag-anak, at sila’y pinangangalagaang mabuti ng mga kamag-anak,” ang sabi ng China Today. “Tanging 7 porsiyento ng matatandang tao sa Tsina ang namumuhay sa ganang sarili.”

Sapilitang Pagpapatrabaho sa Bata​—Lumalagong Problema

Ayon sa kamakailang ulat ng International Labor Organization, 13 porsiyento ng mga bata sa daigdig sa pagitan ng mga edad na 10 at 14​—halos 73 milyong bata​—ang sapilitang pinagtatrabaho. Sinabi pa ng ulat na kung makukuha pa ang estadistika ng mga batang wala pang sampung taong gulang at ng mga batang babae na buong panahong nagtatrabaho sa bahay, ang bilang ng mga batang sapilitang pinagtatrabaho sa daigdig ay malamang na umabot sa daan-daang milyon. Bagaman ang organisasyon na nakahimpil sa Geneva ay nagsisikap na sugpuin ang pagpapatrabaho sa bata sa loob ng 80 taon, ang problema ay patuloy na tumitindi at lumalawak, lalo na sa Aprika at Latin Amerika. Bagaman ang mahirap na pagtatrabaho at mapanganib na kalagayan sa trabaho ang siyang kalagayan ng milyun-milyong batang ito, ang prostitusyon ang nabanggit na partikular na problema. Sa ilang bansa “itinuturing ng mga may sapat na gulang ang paggamit sa mga bata para sa seksuwal na mga layunin na siyang pinakamabuting paraan upang maiwasan ang impeksiyon ng [HIV],” ang sabi ng ulat. Sinasabi ng International Herald Tribune sa Paris na “sinisisi ng [organisasyon] ang mga opisyal ng pamahalaan na . . . nagwawalang-bahala sa problema.”

Pagtugon sa Pangangailangan ng mga Bata

Sinasabi ng The State of the World’s Children 1995, isang ulat ng UNICEF (United Nations Children’s Fund), na isang kahangalang isipin na hindi kayang tugunan ng daigdig ang pangunahing mga pangangailangan ng mga bata. Upang ipakita ang puntong ito, ibinigay ng UNICEF ang sumusunod na bilang: Ang tinatayang karagdagang gastusin upang matugunan ang pandaigdig na pangangailangan para sa sapat na pagkain at pangunahing pangangalaga sa kalusugan ay $13 bilyon sa isang taon; para sa primaryang edukasyon, $6 na bilyon; para sa tubig na maiinom at sanitasyon, $9 na bilyon; para sa pagpaplano ng pamilya, $6 na bilyon​—na may kabuuang halaga na $34 na bilyon sa isang taon. Ihambing iyan, anila, sa tinatayang halaga ng ginagastos na sa bawat taon sa mga sumusunod: golf, $40 bilyon; serbesa at alak, $245 bilyon; sigarilyo, $400 bilyon; militar, $800 bilyon. Tiyak, sabi nila, ang lahat ng bata sa daigdig ay sapat na mapangangalagaan kung maitatatag ang angkop na mga priyoridad.

“Bagong Uri ng Labanan ng Opyo”

Ganiyan inilarawan ng The Times of India ang ganap na pagsisikap ng mga kompanya ng tabako sa Estados Unidos upang puspusang ipagbili ang kanilang mga produkto sa Asia. Bagaman sa bawat taon sa India pa lamang ay humigit-kumulang isang milyon katao ang namamatay sa mga sakit na may kaugnayan sa tabako, ang pamahalaan sa India ay hindi pa nagpapatupad ng anumang batas laban sa tabako. Ito, ayon sa ulat ng Times, ay dahil sa makapangyarihang pangangampanya ng mga kompanya ng tabako, kapuwa sa bansa at labas ng bansa, gayundin naman, “ang mga pederal na batas ng Estados Unidos na nagbabanta ng tadhanang parusa laban sa mga bansa na hindi nagpapahintulot ng pagbebenta ng mga produktong tabako ng Estados Unidos.” Tinatayang 99 na porsiyento ng populasyon sa mga lalawigan sa India ang walang kaalam-alam sa anumang pinsala mula sa paggamit ng tabako. Karaniwang ipinalalabas ng media ang isang maninigarilyo na may kumpiyansa, kaakit-akit, at matatag kung tingnan. Ang malalaking kompetisyon sa popular na mga isport, gaya ng cricket, ay itinataguyod ng mga kompanya ng tabako. Ang mga sigarilyo rin ay isang pangunahing pinagmumulan ng kita ng pamahalaan, na namuhunan sa apat na kompanya ng sigarilyo.

Tinalikuran ang Paniniwala sa Apoy ng Impiyerno

Tinalikuran ayon sa isang ulat ng Church of England ang tradisyunal na pangmalas na ang impiyerno ay isang dako ng apoy at walang-hanggang pagpapahirap. Ayon sa ulat ng Doctrine Commission ng simbahan, “ang mga Kristiyano ay nagpahayag ng kakila-kilabot na mga teolohiya na gumagawa sa Diyos na isang sadistang halimaw at nag-iiwan ng masakit na sikolohikal na mga pilat sa marami.” Sinabi pa nito: “Maraming dahilan sa pagbabagong ito, subalit kabilang dito ang moral na pagtutol kapuwa mula sa mayroon at walang pananampalatayang Kristiyano laban sa isang relihiyon ng takot, at isang lumalagong kabatiran na ang paglalarawan sa isang Diyos na nagpapadala ng angaw-angaw sa walang-hanggang pagpapahirap ay malayung-malayo sa pagpapahayag ng pag-ibig ng Diyos kay Kristo.” Gayunman, sinasabi nila na nakakaharap pa rin ng bawat tao ang araw ng paghuhukom at na yaong hindi makapapasa sa pagsubok ay ihahagis sa kalagayan ng pagkalipol, o hindi pag-iral. Ganito ang sabi ng Herald Tribune ng New York: “Nililiwanag ng ulat na walang pagkakataon para sa lahat ng tao ng lahat ng pananampalataya na kusang maliligtas.”

Bidang Gorilya

Isang tatlong-taóng-gulang na batang lalaki ang nahulog sa isang kulungan kung saan pitong gorilyang mula sa Aprika ang itinatanghal sa Brookfield Zoo, sa labas ng lunsod ng Chicago, at siya’y sinagip ng isa sa mga babaing gorilya. Ang bata, na humiwalay sa kaniyang ina, ay umakyat sa 4-na-talampakang bakod at nahulog halos 20 talampakan sa kongkretong sahig na pinagtatanghalan, anupat nasugatan ang kaniyang ulo. Ang walong-taóng-gulang na gorilya, si Binti Jua​—salitang Swahili para sa “anak na babae ng sikat ng araw”​—ay naglakad-lakad patungo roon at marahang binuhat ang batang nasugatan. Samantalang pasan-pasan sa kaniyang likod ang kaniya mismong anak na gorilya, binuhat ni Binti ang malambot na katawan ng batang lalaki sa kaniyang mga bisig at dinala ang bata sa pinto na ginagamit ng mga tagapangalaga sa zoo, maingat na inilapag ang bata kung saan maaari siyang kunin ng mga tagapangalaga sa zoo. Si Binti, na iniwan ng sarili niyang ina, “ay naturuan ng mga ginagawa ng isang ina ng mga tagapangalaga sa zoo na nagbigay sa kaniya ng mga manika ng bata upang palakihin at alagaan” bago ang pagsilang ng kaniyang anak, ulat ng Daily News ng New York. Mula noon ay nakaakit siya ng libu-libong dumadalaw at nagantimpalaan ng mga handog na prutas. Ang batang lalaki, na nagtamo ng mga pasa at galos, ay gumaling.

Pumili Ka

“Hindi ba mabuti ang simula ng iyong taon?” ang tanong ng isang artikulo sa magasing New Scientist. “Huwag kang mag-alala, mayroong di-kukulanging 14 na iba pang bagong taon sa buong daigdig na mapagpipilian.” Sa katunayan, tanging ang mga bansa na gumagamit ng kalendaryong Gregorian ang bumibilang sa Enero 1 bilang ang unang araw ng taon. Noong 46 B.C.E., si Julius Caesar ay nagpasiya na ang kalendaryong taon ay magsisimula sa Enero 1, at ito’y pinanatili nang baguhin ni Papa Gregorio ang kalendaryo noong 1582. Palibhasa ang iba’t ibang kultura ay gumawa ng kanilang sariling mga sistema ng kalendaryo, di-kukulanging 26 na iba’t ibang Araw ng Bagong Taon ang lumitaw. Sa mga nanatili hanggang sa ngayon, ang sistema ng Tsino ang pinakamatanda. Para sa kanila, ang Bagong Taon ay nagsisimula sa taong ito sa Pebrero 7. Ang Bagong Taon ng mga Judio ay papatak sa Oktubre 2. Ang kalendaryong Muslim, isang ganap na lunar na kalendaryo, ay may sarili ring petsa​—Mayo 8.

Nauugnay sa Kamatayan ng mga Sanggol ang Paninigarilyo

Ang mga sanggol at mga babaing nagdadalang-tao ay hindi dapat malantad sa anumang usok ng sigarilyo, sabi ng mga mananaliksik na Britano. Sinuri ng dalawang-taóng pag-aaral na isinagawa ng Royal Hospital for Sick Children, sa Bristol, ang bawat kaso ng sudden infant death syndrome (SIDS), kilala rin bilang crib death, sa tatlong rehiyon ng Inglatera. Nagtatanong sa mga magulang ng 195 sanggol na namatay at yaong 780 iba pang sanggol na nabuhay, natuklasan nila sa mga ina na namatayan ng mga sanggol, 62 porsiyento ang naninigarilyo, kung ihahambing sa 25 porsiyento ng mga ina na ang mga sanggol ay nabuhay. “Malinaw na ipinakikita ng pananaliksik kamakailan na ang mga amang naninigarilyo ay problema rin,” sabi ni Joyce Epstein, ng Foundation for the Study of Infant Deaths. “Kung maaalis natin ang lahat ng paninigarilyo sa kapaligiran ng sanggol, tinataya namin na ang kamatayan ng mga sanggol [mga kaso ng SIDS] ay bababa ng 61%.”

Sekretong Isinisiwalat ng Pananaliksik sa Dugo

Ang hemoglobin sa dugo ay masusi nang sinuri sa loob ng mahigit na 60 taon at sinasabing marahil ito ang protinang pinag-aralan ng husto sa biyolohiya. Malaon nang nalalaman na ito’y nagdadala ng oksiheno mula sa mga baga tungo sa mga himaymay at nagdadala pabalik ng carbon dioxide at nitric oxide. Subalit, nagtaka ang mga manggagamot at mga siyentipiko sa mga tuklas kamakailan na nagpapahiwatig ng isang karagdagang gawain​—yaong pagdadala ng ibang anyo ng nitric oxide, na tinatawag na super nitric oxide, sa lahat ng bahagi ng katawan. Ang super nitric oxide sa katunayan ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa kalusugan at sa pagpapanatiling buhay sa mga selula at mga himaymay, pati na ang pagpapanatili ng memorya at pagkatuto, paninigas ng ari, at presyon ng dugo. Sa pamamagitan ng pag-aareglo sa dami ng nitric oxide na doon nalalantad ang mga daluyan ng dugo, magagawa ng hemoglobin ang mga daluyan ng dugo na lumaki o kumipot. “Ang tuklas ay malamang na magkaroon ng mahalagang mga pahiwatig para sa paggamot ng presyon ng dugo at sa paggawa ng artipisyal na dugo,” ulat ng The New York Times. Sa kasalukuyan, karamihan ng mga panghalili sa dugo ay nagpapataas ng presyon ng dugo. Maaaring ito’y dahil sa ito’y kulang ng super nitric oxide, sabi ng mga mananaliksik.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share