Pagmamasid sa Daigdig
MILAGRONG TUBIG?
“Ang papa at ang obispo ng Lourdes ay may magkaibang opinyon tungkol sa halaga at kahulugan ng tubig sa Lourdes, at ipinahayag nila ito sa iisang araw,” sabi ng pahayagang Italyano na La Stampa kamakailan. Sa panahon ng Misa na ginanap sa karangalan ng Madonna ng Lourdes, Pransiya, ipinahayag ng papa na ang tubig mula sa bukal ay “isang tunay na instrumento ng makahimalang kapangyarihan nito, pinakasagana at sobrenatural na pagkilos na isinasagawa ni Maria,” sabi pa niya, “Ang tubig sa bukal ng Lourdes, taglay ang makahimalang kapangyarihan nito,” ay maihahambing sa tubig sa Siloam na noo’y ginamit ni Jesus nang pagalingin niya ang isang lalaki. Gayunman, noong araw ring iyon, ang obispo ng Lourdes, na maliwanag na nababahala tungkol sa pangongomersiyo sa tubig, ay nagsabi: “Hindi ito tubig na may madyik. Sa katunayan, ang pagtawag ditong ‘makahimalang tubig’ ay mapandaya.” Binabanggit ng magasing Panorama ng Italya na ang tubig “ay hindi malinis mula sa mga baktirya, at sa katunayan ang pinagmulan ng bukal na tubig ay nanganganib na nadumhan.” Subalit kung para sa mga negosyante ng tubig sa Lourdes, ang tubig “ay parang langis sa Texas o Iran. Ito ang pangunahing yaman,” sabi ng Panorama.
ISANG LARO NG KAMATAYAN
Ang mga kabataang Israeli ay nakaisip ng “isang kakaibang uri ng Russian roulette,” ulat ng The New York Times, kung saan ang 11- at 12-anyos na mga lalaki ay naghahalinhinan sa pagtakbo sa harapan ng tumatakbong mga kotse. Sa orihinal na bersiyon ng laro, ang mga bata ay nahihiga sa landas ng isang paparating na sasakyan. Ang pinakahuling aalis sa panganib ang panalo. Kabilang sa iba’t ibang anyo nito ang paglukso sa harap ng tren at ang mabilis na pagpulot ng isang portpolyo o iba pang bagay na naiwan sa landas ng isang sasakyan. Ang dahilan? “Upang ipakita ang kanilang katapangan,” sabi ng isang kabataan, at sabi naman ng isa pa na ito ay isang paraan “upang tuksuhin ang kamatayan.” Sang-ayon sa Times, inaakala ng ilang autoridad na “ang pabagu-bagong kalikasan ng buhay rito, at ang madalas na banta ng digmaan o ang pagsalakay ng terorista,” ay lumikha ng isang bansa ng bigong mga kabataan na inilalabas ang kabiguang ito sa larong ito ng kamatayan. Maaga noong Abril, isang 11-anyos ang namatay at isa pa ang napinsala.
PAGLALATHALA NG BIBLIYA
Ang bilang ng mga wika kung saan isang bahagi ng Bibliya ay nailathala ay dumami ng 23 noong nakaraang taon, dinadala ang kabuuang bilang sa 1,907. Ang kompletong mga Bibliya ay masusumpungan na ngayon sa 310 mga wika, mahigit na 7 kaysa dati. Kabilang sa bagong mga wika ang Karo Batak, ekeGusii, Cuzco Quechua, Malawi chi’Tonga, otjiHerero, ruKwangali, at Tigre.
Bagaman ang Bibliya ay inilalathala sa maraming lupain, ang Korea ang naging pinakamalakas magluwas ng Bibliya sa daigdig—nagluluwas ng 4.3 milyong tomo sa 119 mga wika sa 91 ibang mga bansa noong nakaraang taon, sabi ng Korea Times. Ang iniluluwas na Bibliya ng bansa ay dumami ng 20 porsiyento taun-taon, at ang dami ng naipamamahaging Bibliya sa Korea ang pinakamarami sa daigdig. Inaasahan ng Korea na maaabutan nito ang Estados Unidos sa loob ng dalawang taon kung tungkol sa kabuuang bilang ng mga Bibliyang ginawa sa isang bansa.
SULIT ITIGIL
Sang-ayon sa isang report na inilathala sa Cancer Research, ang panganib ng kanser sa bagà para sa mga babaing naninigariliyo ay lumukso ng mahigit na 1,000 porsiyento! Gayunman, ipinakikita ng pananaliksik na lubhang naibababa ng mga babae ang panganib sa pamamagitan lamang ng pagtigil sa bisyo ng paninigarilyo. Gaano kababa? Ipinakikita ng report na sa loob ng maikling panahon, ang panganib ay bumababa halos sa antas niyaong hindi nanigarilyo sa loob ng 10 hanggang 15 taon.
KARAHASAN NG MGA KABATAAN SA ITALYA
Ang Roma ay nagiging isang lungsod kung saan “ang karahasan ay isa na ngayong nakatatakot na ugali,” panangis ng pahayagan ng Roma na La Repubblica. “Ang lungsod, gaya ng waring sinasabi ng mga mananaliksik, ay nahirati na sa pamumuhay sa karahasan at hindi na naninibago sa mararahas na pamumuhay.” Binanggit din ng pahayagan na ipinababanaag ng isang surbey kamakailan tungkol sa karahasan ng mga kabataan ang katangian ng delingkuwenteng mga kabataan ngayon. Inilalarawan nito ang kabataan na “lubhang nababahala sa kaniyang sariling larawan at karangalan, may kaunting konsiderasyon sa mga may kapansanan, at malaki ang di pagkakagusto sa mga institusyon at sa mga kumakatawan nito.”
MASAMANG PAGHIWALAY
Dalawang taon na ang nakalipas, isang 15-anyos na kabataang Australyano ang “humiwalay” sa kaniyang mga magulang sa dahilang “di maipagkakasundong mga pagkakaiba.” (Tingnan ang Gumising!, Marso 22, 1987.) Ngayon, sa gulang na 17, sang-ayon sa Sunday Telegraph ng Sydney, inaamin ni Damien na “siya ay isa lamang bata na inaabuso ang sistema at ang kaniyang mga magulang upang masunod niya ang kaniyang gusto.” Sabi niya: “Nahahabag ako sa aking sarili at nais ko ng atensiyon.” Subalit sinasabi ng Telegraph na sinisisi ng kaniyang ina ang mga paglilingkod ng pamayanang estado at ang mga social worker sa “paglalagay sa harap ni Damien ng mga karapatan na hindi niya dapat taglayin.” Pagkatapos umuwi ng bahay, ganito ang sabi ng kabataan tungkol sa kaniyang pag-alis: “Hindi ito matalinong gawin . . . Ngayon mahirap paniwalaan ang ginawa ko.”
PAGPATAY SA MGA SANGGOL
Inilathala kamakailan ng isang pangkat ng mga mananaliksik sa Johns Hopkins University, sa Baltimore, Maryland, E.U. A., ang isang report na nagsisiwalat na ‘ang pagpatay ang naging pangunahing sanhi ng kamatayan ng mga sanggol sa Estados Unidos.’ Ang bilang ng mga sanggol na pinapatay ay mas mataas kaysa bilang ng mga sanggol na namatay sa mga aksidente sa kotse. Binabanggit ng report na 1,250 mga sanggol na wala pang isang taóng gulang ang pinatay mula noong 1980 hanggang 1985. Sila’y mga biktima ng lahat ng uri ng masamang pagtrato, mula sa pagsakal hanggang sa paglunod, gayundin ang kamatayan sa paggamit ng mga sandatang pumuputok. Ipinakita rin ng report na iyon na nakakaharap ng mas nakatatandang mga bata sa Estados Unidos ang isa pang panganib—pagpapatiwakal. Ang bilang ng pagpapatiwakal ng mga bata na ang edad ay sa pagitan ng 10 at 14 ay dumoble sa pagitan ng 1980 at 1985.
ISANG TIMBANG NA PROGRAMA SA MEDIA
Ang regular na programa sa telebisyon ay maaaring masamang makaapekto sa imahinasyon ng bata, sabi ng isang pag-aaral kamakailan na inilathala ng dalawang sikologo sa California. Pinatunayan nila na bunga ng labis na panonood ng telebisyon, “maaaring hindi na gaanong gamitin ng mga bata ang kanilang imahinasyon at maaaring magkaroon sila ng mas kaunting pagkakataon na uudyok sa kanilang katumpakang magsalita at aktibong paggamit ng kanilang isipan.” Sa katulad na paraan, iniulat ng may-akda ng isang pag-aaral sa Canada na “nahahadlangan din ng telebisyon ang mga batang nasa unang mga baitang na magkaroon ng mahusay na mga kasanayan sa pagbasa” at na ang mga adultong nanonood ng telebisyon ay mas mabagal sa paglutas sa mga problema at walang tiyaga kung ihahambing doon sa mga hindi nanonood ng telebisyon. Sang-ayon sa magasing Equinox ng Canada, ipinapayo ng mga sikologo sa mga magulang na “himukin ang kanilang mga anak na magbasa nang higit, . . . ipakipag-usap ang mga programa sa telebisyon sa kanilang mga anak,” at maghangad ng isang “timbang na programa sa media.”
KAKAPUSAN NG TUBIG SA GITNANG-SILANGAN
“Ang tubig ay laging salat sa tigang na mga lupain ng Bibliya,” sabi ng U.S.News & World Report. “Ngayon, ang daloy ng tubig ay lalo pang humina, na nakadaragdag sa kaigtingan sa isang rehiyon na mabuway na nga.” Ang base-Washington na Center for Strategic and International Studies ay nagsasabi na “sa taóng 2000, ang tubig, hindi ang langis, ang magiging pangunahing isyu ng yaman sa Gitnang Silangan.” Ang mga salik na nagpangyari ng kakapusan ng tubig ay: ang pag-unlad ng ekonomiya sa mga bansa sa Persian Gulf, ang dekada ng tagtuyot sa Silangang Aprika, at ang pagsabog ng populasyon sa Ehipto. Bagaman maaaring paramihin ng pagtatayo ng mga dam ang panustos na tubig sa isang bansa, binabawasan naman nito ang panustos sa mga bansa sa gawi pa roon ng inaagusan ng tubig. Maraming lunas ang ngayo’y pinag-uusapan, subalit ang mga ito ay depende sa pagtutulungan sa pagitan ng mga Turko, Arabe, at mga Judio sa nasasangkot na mga bansa. “Iyan ang nananatiling mahalagang kahilingan na pambira sa bawat antas sa Gitnang Silangan,” sabi ng U.S.News & World Report, “mahirap makita kaysa salapi, mas mahirap pang makita kaysa tubig.”
ANG NEGOSYO NG MGA ARMAS
Sa Pederal na Republika ng Alemanya, ang opisyal na may lisensiyang pagluluwas ng mga baril, mga submarino, mga amyunisyon, at mga elektroniks na gamit sa militar ay nagkakahalaga ng 30,000 milyon DM sa bawat taon, o 5 porsiyento ng lahat ng pagluluwas ng bansa. Gayunman, ang Alemanya ay ikalima lamang sa pinakamalakas magluwas ng mga armas militar, na pinangungunahan ng Estados Unidos, ng Unyong Sobyet, Pransiya, at Gran Britaniya. Saan nagtutungo ang mga kagamitan? Sang-ayon sa Institute of Politics and Security sa Hamburg, 60 porsiyento ng lahat ng armas na iniluluwas ng Alemanya sa pagitan ng 1973 at 1980 ay nagtutungo sa mga bansang nasasangkot sa mga digmaan o mga himagsikan sa loob ng bansa. “Nagpapatrabaho ng mga 300,000 katao, walang ibang industriya ang lubhang nalalambungan sa paningin ng publiko kaysa industriya ng armas,” sabi ng pahayagang Aleman na Süddeutsche Zeitung.
NAGULAT ANG SHANGHAI
Ang mga residente sa Shanghai, ang pinakamalaking lungsod sa Tsina, ay hinihiling na ngayon ng batas na magkaloob ng dugo o kaya sila ay magmumulta. Itinakda ng batas na ang mga lalaki sa pagitan ng edad na 20 at 55 at ang mga babae sa pagitan ng 20 at 50 anyos na nasa mabuting kalusugan ay dapat magkaloob ng dugo ng di kukulangin minsan sa bawat 5-taóng yugto. Ang militar na mga kawani sa Shanghai at ang mga estudyante sa unibersidad ay dapat din sumunod. Sang-ayon sa New China News Agency, itinatag ng pamahalaan ng Shanghai ang gayong mga hakbang upang tiyakin na ang mga ospital nito ay may sapat na suplay ng dugo. Karamihan ng mga dugong isinuplay sa lokal na mga ospital noong nakaraang taon ay inangkat mula sa ibang bansa.