Ang Pangglobong Pagbagsak
ANG OKTUBRE 19, 1987, ay isang kakatuwang araw sa ating planeta. Nang araw na iyon isang bagyo ang humampas na lumaganap sa buong globo at nagdala ng pinsala sa maraming bansa. Gayunman ang bagyong iyon ay walang dalang hangin. Iyon ay walang kasamang bumubuhos na ulan, hindi nagpabaligtad ng mga bahay, hindi pumatay ng sinuman. Nang araw na iyon isang pagbagsak ang umalingawngaw sa buong daigdig, at sandaling naging isang mistulang nakatakas na oso ang isang dumadaluhong na toro.
Mga bagyong walang kasamang hangin? Mga torong nagiging mistulang mga oso? Marahil alam mo, na ang bagyong ito ay walang kinalaman sa lagay ng panahon ng mundo kundi, bagkus, may kinalaman ito sa kabuhayan. Ang Oktubre 19 ang siyang araw na ngayo’y napabantog na Pagbagsak ng 1987, nang ang stock market ng Wall Street ay dumanas ng pinakamatindi, pinakamabilis na pagbagsak sa kaniyang kasaysayan, anupa’t nagkagulo ang buong daigdig. Ang pamilihan ay huminto nang pagtaas ng halaga (isang “bull market”) at pansamantala ay rumaragasang bumulusok na pababa (isang “bear market”).
Bagaman ang pagbagsak ay tunay na walang tunog at ang oso ay walang tunay na mga kuko, ang mga biktima ay tunay. Naulinigan ng isang reporter sa Zurich ang isang lalaking bumulalas, “Ako’y napahamak na, lubusang napahamak,” at napansin niya na ang mga tao sa lugar na iyon ng pananalapi na nagbabasa ng mga pahayagan ay parang bumabasa ng patalastas ng kanilang sariling kamatayan. Sa Hong Kong ang kaguluhang iyon ay sumapit sa sukdulan na anupa’t ang pamilihan ay may apat na araw ring sarado. Ito ang pinakagrabe kaysa anupamang ibang pamilihan na bumagsak, anupa’t ito’y nalugi ng mga 33 porsiyento ng halaga. Isang negosyante sa Hong Kong ang nalugi ng $124 milyon. Sa New York isang 63-anyos na biyuda ang nakabatid na hindi lamang ipinahamak ng pagbagsak na iyon ang halaga ng lahat ng kaniyang aksiyon (stocks) kundi ngayon ay may utang din siya sa kaniyang koredor de komersiyo (broker) na mahigit na $400,000!
Angaw-angaw ang Naging Dukha
Si Helmut Schmidt, dating kansilyer ng Kanlurang Alemanya, ay nagsabi sa Die Zeit, isang peryodikong Aleman: “Ang pagbagsak ng mga stock market sa buong daigdig sa halagang mahigit na $1 trilyong ay may epekto sa 100 hanggang 200 milyong sambahayan sa Kanluran tungo sa higit na karalitaan kaysa paniniwala nila tungkol sa kanilang sarili bago naganap ang pagbagsak.” Gayunman ang pagbagsak ay hindi lamang doon sa Kanluran. Ang mga pamilihan sa Hong Kong, Tokyo, Singapore, Taiwan, Australia, Timog Aprika, at Latin Amerika, at gayundin sa Europa at sa Hilagang Amerika ay tumumba na animo’y mga domino.
Ang Le Quotidien ng Paris ay may paulong-balita na “LE CRASH.” Ang Cambio ng Lima, Peru, ay nagbalita “PANIC IN NEW YORK, TOKYO AND LONDON!” Ang The Australian Financial Review ng Sydney ay nagpahayag na ang Wall Street ay “bumagsak na ang kalabog ay parang isang patay na torong inihagis buhat sa Empire State Building.” Subalit gaya ng sinabi ng dating kansilyer Schmidt, ang bumagsak na mga pamilihang ito ay hindi lamang isang katerbang nagkahalu-halong mga numero at nakabubulahaw na mga paulong-balita. Ang pagbagsak ay nagdulot ng tunay na mga pagkalugi sa marami na nagbili ng kanilang mga aksiyon sa mas mabababang halaga. Ang mga naimpok na panghabang-buhay, ang mga pensiyon, mga reserbadong naimpok para sa pagretiro, plano sa pagbili ng bahay, plano para sa pangangalaga sa mga anak—ay pawang naapektuhan ng pinansiyal na bagyo.
Ang maaliwalas na pangitain sa ligaw na “bull market” na humantong sa pagbagsak ay lalo lamang nagpalubha ng mga bagay-bagay. Ang bilang ng tuwirang namuhunan sa U.S. stock market ay halos nadoble sa pagitan ng 1975 at 1985. Ang bilang ng mga may aksiyon na di-tuwiran sa pamamagitan ng pensiyon, kompaniya ng seguro, at bangko ay dumami sa loob ng panahon ding iyan nang halos 35 milyon. Ang dumadaluhong na “bull market” ay nakaakit ng mga mamumuhunan gaya ng mga langaw na naaakit sa pulot-pukyutan. Marami ang namuhunan nang lubhang huli na, nagbayad nang napakalaki, at hindi sila nakalabas doon nang mabilis.
Isa Pang Krisis?
Samantalang ang pagbagsak ay patuloy na lumalaganap buhat sa Wall Street at sa palibot ng daigdig, nagunita ng mga tao ang isa pang taon na ubod ng sama sa kasaysayan ng ekonomiya: ang 1929. Nang taon na iyon, isang nahahawig na pagbagsak ng stock market ang humantong sa pangglobong krisis. Ang daigdig ay nangingilabot pa rin sa sandaling maisip ang panahong iyon, na may pilahan sa tinapay, mga kusinang namamahagi ng sabaw at tinapay, palasak na kawalang-hanapbuhay, at karalitaan. Ang bagong pagbagsak kaya ay hahantong sa ganoon ding krisis? Siyanga pala, noong pinakamasamang araw ng krisis noong 1929 (Maitim na Martes), ang pamilihan ay bumaba ng 12.8 porsiyento. Subalit noong Maitim na Lunes ng 1987, iyon ay bumaba ng 22.6 porsiyento. Isang paulong-balita sa New York Times ng Oktubre 20, 1987, ang nagtanong, “Ang 1987 ba ay makakatumbas ng 1929?”
Ang sagot, sa labis na ikinatuwa ng marami, ay hindi. Halos dalawang taon pagkaraan ng Maitim na Lunes, maraming dalubhasa na nagsurbey ng matinding pinsalang likha ng bagyo ang nakasumpong na iyon ay maliit lamang. Ang ekonomiya ng E.U. ay maunlad pa rin. Ang katumbasan ng mga walang hanapbuhay ay maliit. Siyanga pala, kahit na pagkatapos ng Maitim na Lunes ang pamilihan ay 4 na porsiyento lamang ang ibinaba kaysa noong lumipas na taon; nagawa pa man din nito na medyo umabante sa katapusan ng taon.
Maraming eksperto ang may palagay na ang Maitim na Lunes ay mistulang pagkaparam ng isang bulâ, isang pagtutuwid ng matataas na presyo sa stock market. Kung ang pag-uusapa’y ang naiwang epekto ng pagbagsak na iyon, masasabing iyon ay ang pagkadala ng marami na mamuhunan sa stock market. ‘Talagang hindi na,’ ang panata nila. Wari ngang ganoon ang ibig nilang sabihin.
Ibig bang sabihin na ang Maitim na Lunes ay di-mahalaga? Hindi naman! May mga ekspertong naniniwala na dapat magsilbing babala ang pagbagsak na iyon, na ipinakita niyaon ang ilang malalalim na kahinaan na mula sa Wall Street tungo sa ekonomiya ng daigdig. Subalit ang pangkalahatang daigdig ba ay nakinig sa babala? Hindi sang-ayon sa isang propesor ng economics, na ganito ang sabi sa magasing Time: “Ito’y parang isang grupo ng lasing na mga tin-edyer na nagmamaneho ng isang kotse at nag-aakala na dahil sa sila’y nakalampas sa huling kurba, sila’y magtatagumpay rin sa susunod.”
Ano nga ba ang nagkamali sa Wall Street? Ito kaya’y maaaring bumagsak uli? At personal na maapektuhan ka kaya nito?