Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 8/8 p. 5-8
  • Paano Ka Naaapektuhan ng Wall Street?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ka Naaapektuhan ng Wall Street?
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Pangglobong Ekonomiya
  • Mapanganib na Karagatan para sa Maliliit na Isda
  • Pinatatakbo ba ng mga Makina ang Palabas?
  • Isang Pagpapakabundat
  • Ang Katakut-takot na Utang
  • Ang Paglabas
  • Matalino Bang Mamuhunan sa Stock Market?
    Gumising!—2000
  • Ang Pangglobong Pagbagsak
    Gumising!—1989
  • Ang Bahay na Itinayo ng Kasakiman
    Gumising!—1989
  • Bahagi 4—Ang Pagbabago sa Industriya—Saan Ito Umakay?
    Gumising!—1992
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 8/8 p. 5-8

Paano Ka Naaapektuhan ng Wall Street?

ANG ECONOMICS ay tinataguriang ang malungkot na siyensiya. Gayumpaman, ito’y isang siyensiya na may epekto sa buhay nating lahat. Ang presyo na binabayaran mo sa tindahan, ang pagkakaroon ng maraming mapapasukang trabaho, ang serbisyong ibinibigay ng gobyerno ng iyong bansa​—lahat na ito ay depende sa lakas ng ekonomiya sa iyong bansa.

‘Subalit ano ba ang kinalaman niyan sa Wall Street?’ marahil ay itatanong ng iba. ‘Napakalayo niyan upang magkaroon ng kabuluhan sa akin.’ Bueno, ang stock market ay parang isang salamin ng ekonomiya. At sa ngayon ang mga bansa ng daigdig ay lubhang umaasa sa isa’t isa na anupa’t walang ekonomiya na makapag-iisa.

Isang Pangglobong Ekonomiya

Ang pangulo ng American Stock Exchange ay nagsabi na dahil sa kabiglaanang likha ng Maitim na Lunes “saganang pinatunayan nito na walang bansa ang lubusang may hawak sa kaniyang sariling patutunguhan.” Sa Italya isang manunulat para sa La Repubblica ang nagsabi ng ganito: “Ang mga buwis kahapon sa Kanlurang Alemanya, ang utang ngayon ng Latin Amerika, at . . . ang pagsasabatas ng Kongreso ng E.U. bukas ay mga pangyayaring dati’y bukud-bukod sa isa’t isa o may kaugnayan lamang sa isa’t isa pagkaraan ng isang mahabang yugto ng panahon. Sa ngayon ang mga ito ay katnig-katnig nang biglaan. Upang matanto mo ito, basta pumasok ka sa isang kuwartong kalakalan ng isang malaking bangkong internasyonal, na kung saan isang uri ng elektronikong spaceship ang kakatnig araw at gabi ng lahat ng mga pamilihan ng daigdig.”

Ano bang bansa, anong ekonomiya, ang makapagsasabing siya’y nakabukod at walang kaugnayan sa ugnay-ugnay at kabit-kabit na pangglobong sistemang ito? Ang mga bansa ba sa Aprika? Ang mga editor ng isang pangkalakal na buwanang lathalain na sumusubaybay sa ekonomiya ng mga bansa sa Aprika ay nagsasabi na “ang mga ekonomiya sa Aprika ay lubhang madaling tablan ng panlabas na mga kabiglaanan.” Kumusta naman ang mga bansa sa Latin-Amerika? Isang editor ng Jornal do Brasil ang may sabi na ang krisis sa stock market ay bahagi ng isang pandaigdig na krisis sa pananalapi. Kumusta naman ang Gitnang Silangan? Sinipi ng deputy editor ng Ma’ariv ng Tel Aviv ang isang kasabihan ng dating punong ministro ng Israel: “Kung sinisipon ang Amerika, ang Israel ang bumabahin.”

Kung gayon, sino nga ba ang ligtas sa kasalukuyang mga bagyong pangkabuhayan? Kung ang isang pasaherong nagpapainit sa kubyerta ng isang barko ay pinagsabihan na ang barko’y nabutas sa gawing ibaba, siya ba’y may katuwirang magsabi na ligtas siya sa panganib dahil lamang sa napakalayo ang butas na iyon? Hindi; lahat ng bahagi ng barko ay konektado​—walang isa man ang lumulutang na mag-isa. Ganiyan din ang masasabi tungkol sa ekonomiya ng daigdig. Ang suliranin ng isa ay maaaring maging suliranin mo rin.

Mapanganib na Karagatan para sa Maliliit na Isda

Pagkatapos ng pagbagsak, kawan-kawan na maliliit na kapitalista ang nag-alisan sa pamilihan. Dahil sa lansakang pag-aalisang iyan ay nagkaroon ng malaking pagkalugi ang industriya ng koredor (brokerage), na may 25,000 humigit-kumulang ang nabawas sa trabaho pagkatapos ng pagbagsak. Subalit ito’y nagdala ng lalo pang malaking suliranin sa stock market mismo.

Ano ba ang tumakot sa maraming mamumuhunan upang umalis sa Wall Street? Maliwanag, may malaking kinalaman ang pagbagsak. Subalit sa mga iba pang paraan, ang Wall Street ay waring isang kapaligiran na hindi mabuti para sa maliit na kapitalista, tulad ng mga tubig na napakamapanganib para sa maliliit na isda. Suriin natin sandali ang tatlo sa mga bagay na sanhi nito: ang computer, ang walang patumanggang pagbili sa mga aksiyon o interes, at ang sobrang pag-utang.

Pinatatakbo ba ng mga Makina ang Palabas?

Ang Maitim na Lunes ay isang masamang araw para sa mga computer. Ang daluyong ng pangangalakal ng araw na iyon ay higit pa kaysa kanilang kayang hawakan. Sa buong bansa, ang mga koredor de komersiyo (broker) ay nakatunganga lamang habang ang kanilang mga terminal ay nagpa-flashed sa screen ng bantas na pantanong o kaya’y basta blangko. Sa kasagsagan ng bagyo, ang New York Stock Exchange, dahil sa pagbagsak ay nagkaroon ng pansamantalang paghinto sa halos bawat bahagi ng sistema. Subalit marami ang naniniwala na ang mga computer ay hindi lamang mga biktima ng pagbagsak kundi sa aktuwal ay may bahagi rin sa nagpapatuloy na walang patumanggang pagbibilihan. May isang tao na ganito ang pagkasabi sa The New York Times: “Ito’y mga computer lamang na nagbibili sa mga computer.”

Mangyari pa, hindi naman talaga totoo iyan. Subalit dahilan sa ilang masalimuot na mga panukala sa pangangalakal na gusto ng malalaking institusyong namumuhunan, ang mga computer ay automatikong pinakikilos ng mga kalagayan sa pamilihan​—tulad halimbawa ng pagbaba sa presyo ng isang aksiyon​—upang imungkahi sa koredor de komersiyo ang dapat niyang gawin. Ang problema ay, siya’y bihirang may panahong mag-usisa tungkol sa mga mungkahi ng kaniyang computer. Sa gayon, nagagawa ng mga computer na pakilusin ang pulu-pulutong na mga mangangalakal tulad sa isang tropa ng mga mananayaw. Sila’y nagkakaisa ng pagsunod sa kanilang mga computer, at ito’y lumilikha ng mga daluyong ng napakaraming mga nagbebenta na umaakit naman ng iba pa na magbenta. Samakatuwid ang mga computer ay maaaring siyang nagpalubha sa pagbagsak, gaya ng ingay na tumatalbog sa isang public-address system na nauuwi sa isang nakatutulig na ingay. Sinisisi ng iba ang mga computer na siyang may kagagawan ng 300 puntos sa 508-puntos na pagbaba.

Maaari ngang ang mga computer ay talagang kailangan sa stock market, subalit ito ang nagtataboy sa maliliit na mamumuhunan na madama ang kaliitan nila noong Maitim na Lunes. Hindi man lamang makausap sa telepono ng indibiduwal na mga namumuhunan ang kanilang mga koredor de komersiyo upang ipagbili ang kanilang bumababang mga aksiyon. Samantala, ang malalaking mamumuhunan na may mga programa sa pangangalakal na nakapasok sa computer ay nagdidiskarga ng kanilang mga aksiyon nang bultu-bulto.

Isang Pagpapakabundat

Marami ang nagsasawa na rin na makitang ang malalaki- at katamtaman-laki na mga mamumuhunan ay nagpapakabundat noong nakalipas na mga taon, nagsasakmalan sa pag-aawayan at leveraged buyouts. “Ang mga tao ay namimili ng mga kompaniya sa ngayon gaya rin ng kanilang pagbili ng mga aksiyon,” ang sabi ng isang retiradong mamumuhunang bangkero na kinapanayam ng Gumising!

Ang leveraged buyout, o LBO, ay popular na popular sa Wall Street. Isang kompaniya ang gumagamit ng “leverage” (napakaraming inutang na salapi na nalikom, halimbawa, sa pamamagitan ng pagbebenta ng junk bonds) upang “bilhing entero” ang isa pang kompaniya sa pamamagitan ng pagbiling lahat sa mga pangunahing aksiyon niya. Minsang mabili na ng sakim ng kompaniya ang kaniyang biktima, ito’y pinagbabaha-bahagi at ipinagbibili ang mga bahagi upang mabayaran ang lahat ng inutang. Kaya’t ang kompaniyang iyon ay maaaring sa bandang huli’y maging may-ari ng lahat ng natitira nang walang anumang puhunan! Sa pamamagitan ng pagbibili ng junk bonds, ang maliliit na kompaniya ay naaaring manakmal ng malalaki, tulad ng mga maliliit na isdang nananakmal ng mga pating.

Ang mga bilihan ay nagpapanhik ng halos di-maubos-maisip na dami ng salapi sa mga bangko, abugado, at mga negosyante na nagsososyo. Sa isang ubod laking LBO noong dakong huli ng 1988, ang bayad sa mga bangko at sa mga tagapayo lamang ay halos umabot ng $1 bilyon. Ang ibang mga taong napatanyag bilang mga nambiktima ay kumita ng daan-daang milyong dolyar sa loob ng mga ilang taon lamang. Hindi kakaunti sa kanila ang lumabag sa batas.

Ang Katakut-takot na Utang

Ang mga LBO ay isa lamang halimbawa ng patuloy na pagkahilig ng Amerika sa pangungutang. Bilang mga indibiduwal, ang mga Amerikano ay nag-iimpok ng mga 5 porsiyento lamang ng kanilang kita. Ang mga taga-Kanlurang Alemanya ay nag-iimpok ng mga 13 porsiyento, at ang mga Haponés ay mga 17 porsiyento. Ang hilig ng mga Amerikano sa credit card at sa ideya na ‘bumili na ngayon, saka na magbayad’ ay naging isang alamat na. Ang mga korporasyon sa E.U. ay may utang na mahigit na $1.8 trilyon, at ang utang ng gobyerno pederal ay mahigit na $2.6 trilyon. Nagawa rin ng gobyerno ng E.U., sa loob lamang ng walong taon, na bumaligtad sa pagiging pinakamalaking tagapagpautang ng daigdig tungo sa pagiging pinakamalaking mangungutang sa larangan ng internasyonal na kalakalan. Isang manunulat para sa Globe and Mail ng Canada ang bumuo ng pinaka-buod ng patakaran ng E.U. bilang “gumasta, gumasta, at basta mangutang.”

Ang pag-urong ng ekonomiya ay maaaring mangahulugan ng malaking suliranin para sa baon-sa-utang na mga korporasyon sa Amerika. Ang mga kompaniyang pinahihirapan ng utang ay biglang manghihina sa gayong kapaligiran. Maaaring sundan ito ng sunud-sunod na mga kabiguan at pagkabangkarote. Ang mga bangko man ay nanganganib: Sila’y may bilyun-bilyong dolyar na mapanganib na mga utang. Daan-daan ang may mabigat na problema, at marami ang napilitang magsara.

Ang pagkakautang sa buong globo ay lalong nakalalagim ang babala: Ang mga bansa ng Third World ay nagkakautang ng di-maubos-maisip na $1.2 trilyon. Kaya, hindi nga kataka-taka na ang kapitalistang bangkerong si Felix Rohatyn ay ganito ang pagkatasa sa ekonomiya: “Tayo’y lumikha ng isang dambuhalang pinansiyal na kalagayang mabuway. Tayo’y binigyan na ng babala tungkol sa kahinaan nito.”

Ang Paglabas

Kaya’t sa maliit na mamumuhunan, baka ang Wall Street ay waring dominado ng computer na kalakalan na nagbabangon ng pagkalalaking mga daluyong, ang malalaking kapitalista ay gahamang makapangamkam, at isang walang katapusang bangin ng pagkakautang na nagbabantang manakmal sa buong katubigan. Kataka-taka ba kung ang maliliit na mamumuhunan ay nag-aalisan sa pamilihan?

Subalit higit kaysa takot, may isang bagay na nagtaboy sa maraming maliliit na mamumuhunan na mag-alisan sa Wall Street. Ito’y pinakikilos ng kaparehong emosyon na waring lumalaganap sa buong daigdig sa mga araw na ito. Ano ba ang emosyong iyan?

[Blurb sa pahina 8]

Daan-daang mga bangko sa E.U. ang may suliranin, at marami ang napilitang magsara

[Kahon sa pahina 6]

Isang Giya sa mga Salitang Gamit sa Wall Street

Kung ano ang nangyayari sa Wall Street ay maaaring banyaga sa iyo sapagkat ang daigdig ng pananalapi ay may sariling wika. Ang sumusunod ay isang maliit na halimbawa ng pinakakaraniwang salita sa Wall Street.

◆ STOCK: Kapag ikaw ay bumibili ng isang bahagi ng stock o aksiyon sa isang kompaniya, ikaw ay aktuwal na bumibili ng isang bahagi ng kompaniyang iyon. Isa itong paraan na ang mga kompaniya ay nagpaparami ng pera. Pana-panahon, ang mga aksiyonista ay maaaring tumanggap ng isang maliit na porsiyento ng pakinabang ng kompaniya, na tinatawag na dibidendo.

◆ BOND: Isa pang paraan na ang mga korporasyon ay nagpaparami ng salapi ay utangin ito sa pamamagitan ng pagbibili ng bonds. Kapag ikaw ay bumibili ng isang bond ng kompaniya, ikaw ay nagpapautang ng pera. Binabayaran ng kompaniya ang paggamit sa iyong pera sa pamamagitan ng pagbabayad ng interes. Ang mga aksiyon at mga bond ay kapuwa angkop sa ilalim ng terminong “mga seguridad.” Bagaman ang mga bond ay karaniwang hindi lumalaki ang halaga na gaya ng paglaki kung minsan ng halaga ng mga aksiyon, ito ay karaniwang ipinalalagay na mas ligtas na puhunan. Isang eksepsiyon ang junk bond, isa na opisyal na itinuturing na lubhang mapanganib. Ang kompaniyang naglalabas nito ay malamang na sumala sa pagtupad, hindi makabayad na gaya ng napagkasunduan. Binibili ito ng mga tao sapagkat ang junk bonds ay nagbabayad ng mataas na interes.

◆ STOCK EXCHANGE: Isang organisadong subasta, o dakong pamilihan, kung saan ang mga seguridad na gaya ng mga aksiyon at bonds ay binibili at ipinagbibili. Sa lugar ng palitan, ang mga broker o koredor de komersiyo ang bumibili-at-nagbibili ng mga pidido ng kani-kanilang mga kliyente, mga mamumuhunan, at sila’y binabayaran sa pamamagitan ng isang komisyon.

◆ ANG DOW: Maikli para sa Dow Jones Industrial Average, ito ang pinakapopular na tagapagpahiwatig ng lakas at halaga ng New York Stock Exchange. Ito’y isang katamtaman na salig sa kasalukuyang halaga ng 30 stocks o aksiyon ng industriya. Kapag ang mga tao ay nagtatanong, “Kumusta ba ang pamilihan?” ang karaniwang sagot ay banggitin kung ano ang kalagayan ng Dow.

[Larawan sa pahina 7]

“Tayo’y lumikha ng isang dambuhalang pinansiyal na kalagayang mabuway. Tayo’y binigyan na ng babala tungkol sa kahinaan nito.”​—Ang mamumuhunang bangkerong si Felix Rohatyn

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share