Ang Bahay na Itinayo ng Kasakiman
“ANG KASAKIMAN ay mabuti. Puwede kang maging sakim at makadama pa rin ng kabutihan tungkol sa iyong sarili.” Ang mga salitang iyan, na bahagi ng isang talumpati sa isang magtatapos na klase sa isang paaralan ng pangangalakal, ay iniulat na tinugon ng tawanan at palakpakan. (The Roaring ’80s, ni Adam Smith) Ang nagtalumpati ay isa sa mga dakilang tagumpay ng Wall Street, na ang katumbas ay daan-daang milyong dolyar. Subalit, hindi nagtagal pagkatapos, sa magasing Fortune ang tao ring iyan ay tinagurian na “mangungulimbat ng taon.” Sa loob lamang ng mga ilang buwan, siya’y nakabilanggo na.
Sa bandang huli, lumabas na hindi mabuti ang kasakiman. Subalit ang mga salita ng nasabing tao ay malimit na sinisipi bilang halimbawa ng saloobin ng Wall Street. Ano ba ang ipinakikita ng mga katotohanan?
Isaalang-alang ang mga kalakaran sa Wall Street na napagmasdan na natin. Simbilis-kidlat na pangangalakal sa tulong ng computer, ang parang hibang na pagbibilihan ng mga kompaniya para sa pagkalaki-laking tubo, gabundok na mga utang na salapi, ay waring may iisang diwa: ang pagtututok ng pansin sa pagkakamal ng tubo sa pinakamaikling panahon.
Lahat ng mata ay nakapako sa biglaang pakinabang. Isang editoryal sa magasing Maclean’s ng Canada ang bumuo ng ganitong mabisang pangungusap: “Ang bagong yumayaman ng 1980s ay naghahangad ng isang bagay na hindi ginugugulan ng anuman: ang pagkakamal ng pinakamaraming salapi sa pamamagitan ng pinakamaliit na pagpapagal.” Kataka-taka ba kung ang ganiyang lipunan na walang hangarin kundi makinabang ay nagsibol ng kaniyang sariling uri ng krimen? Ito’y tinatawag na . . .
“Insider Trading”
“Ano nga ba ito?” ang tanong ng Gumising! sa isang retiradong mamumuhunang bangkero. Ang kaniyang sagot: “Sa pinakamalawak na diwa, ang insider trading ay ang paggamit ng isang bagay na kilala mo bilang isang propesyonal ngunit hindi kilala ng namumuhunang publiko. Ikaw ay nakalalamang kung iyong sasamantalahin iyon.”
Ang ganitong gawain ay labag sa batas. Subalit naging palasak ito sa Wall Street noong mga taon ng 1980’s kung kaya’t sa loob lamang ng mahigit na isang taon, mga 70 negosyante sa Wall Street ang inaresto. Katulad ng marami sa mga problema ng Wall Street, ang isang ito ay lumaganap na rin sa buong globo. Sa Hapón isang lalaking iniimbestigahan dahil sa insider trading ang sumubok na suhulan ang isang mambabatas na kasangkot sa kaso, lumuhod sa harap niya na taglay ang isang portpolyo na may nakasilid na $40,000 na cash. Subalit lingid sa kaalaman niya ang buong pangyayaring iyon ay kinukunan ng pelikula at sa bandang huli ay ipalalabas sa telebisyon sa buong bansa!
Ang iba pang mga stock market—ang Bay Street ng Canada, ang Bourse ng Pransiya, at ang Borsa ng Italya—ay niyanig ng mga iskandalo sa insider-trading. Isang pangkat ng mga kabilang sa insider-trading at ang mga miyembro’y nakakalat mula sa Inglatera hanggang sa Israel ay nabulgar. Ang mga pamilihan sa buong daigdig ay gumawa ng mga batas upang maiwasan ang ganitong uri ng pangungulimbat, subalit gaya ng sinabi sa Gumising! ng nabanggit na bangkero ang insider trading ay “mahirap ipaliwanag at lalong mahirap na supilin. Tayo’y may masalimuot na mga sistema ng seguridad, subalit ang impormasyon ay mas madaling nakawin kaysa salapi.”
Ang “Yuppie Syndrome”
Samantalang ang kasakiman ng Wall Street ay umakay sa iba tungo sa krimen, marami pa ang naakay nito sa materyalismo. Iniulat ng magasing Newsweek na ang Wall Street ang mismong sentro ng sakim na “kultura ng salapi” ng Amerika. Ang “bull market” ng ’80’s ay nakaakit ng maraming kabataang nagtapos na ang intensiyon ay magkamal ng kayamanan. Sila’y tinaguriang yuppies, na ang ibig sabihin ay young urban professionals. Sila’y kilala sa kanilang matatayog na ambisyon at katumbas na malalaking kita, ang yuppies ay siyang target ng mga tagapag-anunsiyo bilang mahuhusay na parokyano, halos mga makinang buhos kung gumastos.
Isang dating mangangalakal ng Wall Street na ang pagpapakilala sa kaniyang sarili’y isang dating yuppie ang nagsaysay sa Gumising! ng tungkol sa kaniyang buhay sa Wall Street noong mga panahon na malakas ang negosyo. Ang kaisipan ng kaniyang kompaniya, sabi niya, ay: “Ang iyong trabaho ang iyong buhay. Lahat ng iba pa ay pangalawa lamang.” Noon ay karaniwan na ang ikaw ay gumising ng alas 5:00 n.u., pumasok sa trabaho maghapon, at pagkatapos ay mag-istima ng mga kliyente hanggang sa kalaliman ng gabi.
Malinaw na natatandaan niya ang isang insidente na, sa kaniya, ay kabuuan ng paraan ng pag-iisip ng mga tao. Isang kasamahan niya ang nagpakita sa kaniya ng sunud-sunod na larawan ng isang koredor de komersiyo na inatake sa puso sa palapag ng isang stock exchange. Hibang na hibang ng pangangalakal ang mga tao sa palibot pa ng taong inatake; walang anumang ipinagbago, walang anumang napahinto.
Iniulat ng The New York Times na ang pagbagsak ay magiging isang dagok sa yuppies hindi lamang dahilan sa kanilang kauutang at mga paraan ng paggasta kundi rin naman dahilan sa kanilang kaisipan. Maraming yuppies ang walang kaalam-alam sa pagkakaiba ng pagpapahalaga sa salapi at ng pagpapahalaga sa sarili.
[Blurb sa pahina 10]
Maraming yuppies ang walang kaalam-alam sa pagkakaiba ng pagpapahalaga sa salapi at ng pagpapahalaga sa sarili