Ang Aklatan Na Kasiya sa Iyong Mesa
GUNIGUNIHIN ang pagkakaroon ng isang koleksiyon ng mga literatura na madali mong makuha na makikipagpaligsahan sa pinakamalalaking aklatan ng daigdig. Gunigunihin ang angaw-angaw na mga artikulo at kahawig na mga bagay mula sa libu-libong mga aklat, magasin, pahayagan, at iba pang katha na magkakasiya sa iyong mesa.
‘Paano maaaring mangyari ito?’ tanong mo. Ang sagot ay sa anyo ng tatlong bagay sa modernong teknolohiya: isang personal na computer, isang modem, at isang linya ng telepono. (Ang modem ay isang aparato na naghahatid at tumatanggap ng mga impormasyon ng computer sa mga linya ng telepono.) Maaari ring baguhin ng tatlong bagay na ito ang ibabaw ng isang mesa tungo sa isang tunay na aklatan.
Sa isang tradisyunal na aklatan, bagaman laksa-laksang mga aklat at mga magasin ay maaaring maingat na inayos, kailangan pa rin ang panahon upang inut-inot na basahin ang maingat na isinakatalogong impormasyon. Subalit kahit na pagkatapos mong maghanap sa isang katalogo, walang katiyakan na ang aklat na hinahanap mo ay nasa istante ng aklatan.
Ang Bagong Panahon
Sa pamamagitan ng isang desktop na computer at isang modem, ang isang tao ay maaaring makakabit sa isang mas malaking sistema ng computer na naglalaman ng literal na milyun-milyong bagay na hinango sa mga aklat, magasin, paglilingkod ng balita, at iba pang babasahin, lahat ay nakakatalogo sa ilang “files” ng computer (na tinatawag na data base) na makukuha sa pamamagitan ng simpleng mga utos o command.
Halimbawa, kung nais ng isang negosyanteng malaman ang impormasyon sa mga magasin tungkol sa leveraged buyouts, pagkatapos gamitin ang isang password upang magsimula, ay maaari niyang hilingin ang impormasyon sa “mga magasin.” Pagkatapos maikabit sa kategoryang iyon ng mga lathalain, maaari niyang ipagpatuloy ang paghahanap sa pagta-type ng: “find leveraged buyouts.” Agad-agad, mahigit na 1.4 milyong mga artikulo sa magasin na hinango sa mga magasin na 16 na taon na ang nakalipas hanggang sa kasalukuyan ang hinahanap sa loob lamang ng mga ilang segundo!
Ang bawat artikulong naglalaman ng mga salitang “leveraged buyouts” ay kinukuha, at ang kabuuang bilang ng mga artikulo ay idinidispley. Pagkatapos, ang “display” command ay ginagamit, at mula sa pinakabagong artikulo, bawat titulo, petsa, at autor ng artikulo ay idinidispley, gayundin ang maikling buod na may karagdagang impormasyon—sa loob lamang ng ilang segundo. Magkano ang ibinayad niya? Marahil—dalawa o tatlong dolyar.
Sa sistemang ito, ang isang maybahay ay maaari makakuha ng bagong mga ideya sa pagluluto sa pagtingin sa mga resiping ginagamit sa iba’t ibang bansa sa buong daigdig. Mayroon ding makukuhang mga ideya sa pagdedekorasyon at bagong mga istilo at sa mga kausuhan sa pananamit. Maaari ring subaybayan ng tauhan sa medisina ang pinakabagong pananaliksik sa microbiology at maaari rin siyang makaalinsabay sa bagong mga regulasyon na nakakaapekto sa industriya ng parmasya. Maaaring hanapin ng mga abugado ang mga kasong nakakahawig niyaong sa kasalukuyang mga kliyente at saliksikin ang iba’t ibang paraan na binabanggit ng anumang nasabing kaso sa korte.
Maaaring tingnan ng isang estudyante ang halos anumang asignaturang itinuturo sa paaralan. Kung ano ang ginawa ng negosyante sa paksang “leveraged buyouts” ay magagawa ng estudyante sa paksang “black holes.” Ang tulong na ito sa pananaliksik ay maaari ring maging kawili-wili sa mga guro, manunulat, mananaliksik, at mga tauhan sa korporasyon.
Higit Pa Tungkol sa Halaga
Bagaman ito ay hindi magastos, karaniwan nang ang halaga ay depende sa kung anong file ang ginagamit ng computer. Mangyari pa, gaya ng sa anumang industriya, ang halaga ay iba-iba sa kompaniya at kompaniya.
Gayunman, karaniwan na, ang binabayaran mo lamang ay ang panahon na ikaw ay nakakabit sa computer at para sa mga resulta ng iyong pananaliksik. Ang isang information service ay sumisingil ng $1 (U.S.) sa bawat minuto sa katamtaman, samantalang ang katamtamang pananaliksik mismo ay tumatagal ng mga sampung minuto. Ang oras sa araw ay isa sa ilang bagay na nagbabagu-bago kapag isinasaalang-alang ang halaga. Kung ang pagsaliksik ay isinagawa pagkatapos ng normal na oras ng trabaho, ang singil ay maaaring mababa ng mga 50 porsiyento.
Upang bawasan pa ang halaga, ang gayong mga paglilingkod ay karaniwan nang nagbibigay ng tulong sa anyo ng mga kinatawan ng parokyano o mga espesyalista ng paksa. Ang makabagong mga librarian na ito ay tumutulong sa pagpapasiya kung anong estratehiya sa pagsaliksik ang gagamitin bago ang aktuwal na pagsaliksik. Ito’y nakatitipid ng panahon, na nakatitipid naman ng salapi. Ang ilang kompaniya ng information-service na naglilingkod sa pamayanang propesyonal, sa mga abugado lalo na, ay maaaring sumingil ng isang buwanang bayad. Kapuna-puna, naiiwasan ng ilang maliliit na kompaniya ng mga abugado ang karagdagang halaga sa pamamagitan ng pagbili ng panahon mula sa mas malaking mga kompaniya na sumususkribe sa paglilingkod ng information service at nagkakaroon ng buong-panahong tauhan na gumagawa ng regular na pagsaliksik.
Subalit kumusta naman kung ikaw, gaya ng marami, ay natatakot sa mga computer? Ano kung hindi mo kaya ang isang desktop na computer, isang modem, at isang karagdagang linya ng telepono sa inyong tahanan? Ano kung wala kang panahon upang gawin ang iyong sariling pagsaliksik kahit na kung kaya mong gawin ang mga bagay na ito?
Mula nang dumating ang paglilingkod na ito, ang mga aklatan at mga kolehiyo ay nagkaroon ng interes dito. Sa pagkuha ng higit pang impormasyon tungkol dito, nasumpungan nila ang pagkahalina sa isa’t isa. Nakita ng mga organisasyon sa paglilingkod ang mga aklatan ng lungsod at ng campus bilang mga outlet ng kanilang paglilingkod, samantalang kinikilala ng mga aklatan ang kanilang mga paglilingkod bilang isang kaakit-akit at malakas na kasangkapan. Pagkatapos galugarin ang mga posibilidad, isang kaugnayan ang umiral at namukadkad.
Ang mga organisasyong ito sa paglilingkod ay nag-aalok ng kanilang mga paglilingkod na may diskuwento sa mga institusyong ito, na siya namang nagpapasa ng mga naimpok sa kanilang mga tagatangkilik. Ngayon ikaw, bilang isang tagatangkilik o isang estudyante, ay maaaring gumawa ng mga pagsaliksik kahit na wala kang kagamitan sa computer.
Gaya ng sa maraming bagay sa modernong teknolohiya, gaya ng mga microwave oven at digital na mga relos, ang presyo para sa pagsaliksik ay bumababa. Ginagawa nito ang aklatan na kasiya sa mesa na mas abot-kaya ng maraming tao.
[Kahon sa pahina 27]
Ang Bagong Librarian
May bagong librarian sa bayan, at hindi mo na kailangang umalis sa iyong mesa upang dalawin siya. Sa halip, abutin mo lamang ang iyong telepono. Kilala siya bilang information broker. Subalit hindi mo siya masusumpungan sa inyong lokal na aklatan. Siya’y nakaupo sa isang mesa sa isang opisina, at sa isang kabayaran ay gagawin niya ang pananaliksik para sa iyo sa pamamagitan ng pantanging koneksiyon sa telepono na inilalarawan sa mga pahinang ito.
Ang kaniyang trabaho ay hindi madali. Kailangang alam niya hindi lamang kung alin sa mahigit na 3,000 computer files (data bases) ang sasaliksikin kundi kailangang alam din niya kung paanong madaling magtutungo sa isang partikular na data base at kung anong mga susing salita ang gagamitin sa pagsasaliksik.