Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 5/22 p. 18-21
  • Mga Aklatan—Mga Pintuang-daan ng Kaalaman

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Aklatan—Mga Pintuang-daan ng Kaalaman
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Sinaunang “Ensayklopidiya Hinggil sa Kaalaman ng Tao”
  • Bago at Pagkatapos ng Aklatan ng Nineve
  • Mga Aklatan sa Silangan
  • Ang Bibliya, mga Aklatan ng Monasteryo, at Kanluraning Kultura
  • Mga Aklatan sa Ika-21 Siglo
  • Bagong Kaayusan Para sa mga Aklatan ng Kingdom Hall
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2003
  • Kung Papaano Makagagawa ng Isang Teokratikong Aklatan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Ang Aklatan ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1988
  • Ano ang Maitutulong sa Atin ng Library ng Kingdom Hall?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 5/22 p. 18-21

Mga Aklatan​—Mga Pintuang-daan ng Kaalaman

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA

ANG mga aklatan ay tinaguriang “isa sa mga haligi ng sibilisasyon.” Sinasabi ng World Book Encyclopedia na kabilang ang mga ito sa mga gumaganap ng pinakamahalagang bahagi sa pagpapasulong ng kultura at teknolohiya ng tao. Ang mga ito ay tinawag ng makatang Aleman na si Goethe na memorya ng sangkatauhan.

Aling mga aklatan ang kabilang sa pinakamahahalagang “haligi ng sibilisasyon”? Aling aklat ang may pinakamalaking impluwensiya kapuwa sa mga aklatan at sa pagpapalaganap ng kakayahang bumasa at sumulat? At gaano karaming aklat ang nilalaman ng pinakamalaki at makabagong aklatan? Upang masagot ang unang tanong, magbalik-tanaw tayo sa nakalipas at pasyalan ang isa sa pinakaunang mga aklatan ng sangkatauhan.

Isang Sinaunang “Ensayklopidiya Hinggil sa Kaalaman ng Tao”

Gunigunihin ang iyong sarili na nasa isang bansa sa Gitnang Silangan na kilala ngayon bilang Iraq. Ang taon noon ay 650 B.C.E. Nasa loob ka ng napakataas na mga pader ng lunsod ng Nineve (malapit sa makabagong-panahong Mosul). Nasa harapan mo ang napakalaking palasyo ng imperyo ni Haring Ashurbanipal​—tagapamahala ng Asirya, Ehipto, at Babilonya.a Habang nakatayo ka malapit sa mga pintuan ng palasyo, napansin mong ipinapasok ng mga lalaki sa gusali ang mabibigat na bangang yari sa luwad na isinakay sa kariton. Kauuwi pa lamang ng mga lalaking ito mula sa dulong mga bahagi ng kaharian ng Asirya at sinisikap nilang tipunin ang lahat ng nalalamang akda hinggil sa lipunan, kultura, at relihiyosong mga tradisyon ng mga taong nakatira sa nasasakupan ni Ashurbanipal. Nang buksan mo ang isa sa mga banga, napansin mo na punô ang mga ito ng hugis-unan na mga tapyas na luwad na mga walong sentimetro ang lapad at sampung sentimetro ang haba.

Sinundan mo ang isa sa mga lalaki na pumasok sa palasyo, kung saan nakita mo ang mga eskriba na may hawak na butong panulat at gumagawa ng hugis-tatsulok na mga marka sa maliliit na tapyas ng mamasa-masang luwad. Isinasalin nila sa wikang Asiryano ang mga dokumentong nasa banyagang wika. Di-magtatagal, lulutuin sa hurno ang mga tapyas, anupat pinatitibay nang husto ang mga rekord. Iniimbak ang mga rekord sa mga silid na punô ng mga salansanan na kinalalagyan ng daan-daang banga. Sa mga poste ng pinto ng mga silid, may mga plake na nagsasaad kung ano ang paksa ng mga rekord na nakaimbak sa bawat lokasyon. Ang mahigit na 20,000 tapyas na luwad sa aklatang ito ay naglalaman ng impormasyon tungkol sa mga transaksiyon sa negosyo, relihiyosong mga kaugalian, batas, kasaysayan, medisina, at pisyolohiya ng tao at hayop, anupat inilarawan ito ng isang iskolar nang maglaon bilang “isang ensayklopidiya hinggil sa kaalaman ng tao.”

Bago at Pagkatapos ng Aklatan ng Nineve

May iba pang malalaking aklatan na umiral bago ang aklatan ni Ashurbanipal sa Nineve. Gumawa ng aklatan si Haring Hammurabi sa lunsod ng Borsippa, sa Babilonya, sanlibong taon bago ang aklatan ni Ashurbanipal. Itinatag naman ni Rameses II ang tanyag na aklatan sa lunsod ng Thebes sa Ehipto mahigit na 700 taon bago ang aklatan ni Ashurbanipal. Ngunit dahil sa taglay nitong sari-saring impormasyon at napakalaking bilang ng mga rekord, tinaglay ng aklatan ni Ashurbanipal ang reputasyon bilang “ang pinakamalaki sa sinaunang daigdig.” Lumipas pa ang 350 taon bago ito nahigitan ng isa pang aklatan.

Ang mas malaking aklatan ay itinayo ni Ptolemy I Soter, isa sa mga heneral ni Alejandrong Dakila, noong mga taóng 300 B.C.E. Itinayo ito sa daungang lunsod ng Alejandria sa Ehipto, at sinikap ng mga librarian nito (mga taong namamahala sa aklatan) na tipunin ang mga kopya ng karamihan sa mga akda sa tinatahanang lupa.b Ayon sa tradisyon, sa Alejandria sinimulang isalin sa wikang Griego ng mga 70 iskolar ang bahaging Hebreo ng Kasulatan. Ang saling ito ay tinawag na Griegong Septuagint at ito ay gamít na gamít ng unang mga Kristiyano.

Mga Aklatan sa Silangan

Noong pinauunlad pa ni Ashurbanipal ang kaniyang aklatan, namamahala na sa Tsina ang dinastiyang Chou. Noong namamahala pa ang dinastiyang ito, mula 1122 B.C.E. hanggang 256 B.C.E., isang grupo ng mga aklat ang nagawa na nakilala bilang ang Limang Klasika (Five Classics). Kasali sa mga ito ang isang manwal sa pagpapakahulugan sa hinaharap, isang koleksiyon ng mga pahayag ng sinaunang mga tagapamahala, tula, mga tagubilin para sa relihiyosong mga seremonya at ritwal, at kasaysayan ng estado ng Lu mula noong mga 722 B.C.E. hanggang 481 B.C.E.​—ang huling aklat ay iniuugnay sa pilosopong Tsino na si Confucius. Ang Limang Klasika at ang napakaraming komentaryo hinggil sa mga ito ang nakaimpluwensiya sa pag-iisip ng mga Tsino at naging saligan kapuwa ng mga aklatan ng imperyo at ng pribadong mga aklatan sa loob ng mahigit na dalawang milenyo.

Sa Hapon, itinatag naman noong 1275 ni Hojo Sanetoki, miyembro ng namamahalang pamilyang samurai, ang isang aklatan sa tahanan ng kaniyang pamilya sa Kanazawa (ngayon ay bahagi ng Yokohama). Tinangka niyang tipunin ang lahat ng umiiral na aklat sa wikang Tsino at Hapones. Bagaman nabawasan ang mga aklat nito, umiiral pa rin sa ngayon ang koleksiyong ito ng mga aklat.

Ang Bibliya, mga Aklatan ng Monasteryo, at Kanluraning Kultura

“Ang kapangyarihan ng nakalimbag na salita, at ang kahalagahan ng aklatan,” ang sabi ng aklat na A History of Libraries in the Western World, “ay pinakamainam na makikita sa pagbangon, paglaganap at katatagan ng relihiyong Kristiyano.” Ano ang kaugnayan ng pag-unlad ng mga aklatan at ng paglaganap ng Kristiyanismo?

Nang magkawatak-watak ang Imperyong Romano at masira o mangalat ang mga nilalaman ng malalaking aklatan nito, naglitawan ang mga monasteryo ng Sangkakristiyanuhan sa buong Europa at tinipon ng mga ito ang mga nalabi sa sinaunang mga aklatang ito. Ang isa sa pangunahing mga gawain ng marami sa mga monasteryong ito ay ang manu-manong pagkopya sa mga manuskrito ng Bibliya at sa iba pang mga manuskrito. Halimbawa, sinunod ng mga monasteryong Benedictine ang “Tuntunin ni San Benedicto,” na nag-uutos na basahin at kopyahin ang mga aklat.

Ang mga aklatan sa Constantinople ay nag-imbak at gumawa ng mga kopya ng sinaunang mga manuskrito na muling lumitaw nang dakong huli sa Italya. Pinaniniwalaang mahalaga ang ginampanang papel ng mga manuskritong ito sa pagpapasimula ng Renasimyento. Ganito ang sabi ng istoryador na si Elmer D. Johnson: “Hindi matututulan ang papel na ginampanan ng aklatan ng monasteryo upang maingatan ang Kanluraning kultura. Sa loob ng humigit-kumulang sa sanlibong taon, ito ang pinakasentro ng katalinuhan ng Europa, at kung wala ito ay ibang-iba sana ang daigdig ng kanluraning sibilisasyon.”

Ang gawaing pagkopya sa Bibliya ay nakatulong upang mapanatiling buháy “ang pinakasentro ng katalinuhan ng Europa” noong panahong iyon. At habang lumalaganap ang Repormasyon sa buong Europa, ang hangaring basahin ang Bibliya ang nag-udyok sa pangkaraniwang mga tao na mag-aral na bumasa at sumulat. Sinasabi ng aklat na The Story of Libraries: “Masusumpungan nating nagsimula sa Repormasyong Protestante ang ideya na ang bawat miyembro ng lipunan ay dapat magkaroon ng sapat na edukasyon upang mabasa ang Bibliya. Habang tumitindi ang kontrobersiya sa teolohiya, naging mahalaga ang kakayahang magbasa ng mas marami pang relihiyosong mga akda. Hindi lamang kinailangan dito ang kakayahang magbasa, kundi ang aktuwal na pagtataglay ng mga aklat.”

Kaya ang Bibliya ay gumanap ng mahalagang papel kapuwa sa pagpapalaganap ng aklatan at ng kakayahang bumasa at sumulat sa buong Kanluraning daigdig. Nang maimbento naman ang mga palimbagan, naglitawan sa buong Europa, at nang dakong huli ay sa iba pang bahagi ng daigdig, ang malalaking pribado at pambansang mga aklatan na naglalaman ng mga aklat hinggil sa napakarami at sari-saring paksa.

Mga Aklatan sa Ika-21 Siglo

Sa ngayon, may ilan nang pagkalalaking aklatan. Gunigunihin na nakatayo ka sa tabi ng isang salansanan ng aklat na 850 kilometro ang haba at naglalaman ng mahigit 29 na milyong aklat. Ganiyan ang tinatayang sukat ng pinakamalaking aklatan sa buong daigdig​—ang Library of Congress, sa Estados Unidos. Bukod sa mga aklat, ang aklatan ay mayroon ding mga 2.7 milyong audio at video recording, 12 milyong retrato, 4.8 milyong mapa, at 57 milyong manuskrito. Araw-araw, 7,000 bagay ang naidaragdag sa koleksiyon nito!

Nakaimbak naman sa British Library sa London ang pangalawang pinakamalaking bilang ng mga aklat, mahigit na 18 milyon ang mga ito. Nakaimbak naman sa Russian State Library sa Moscow ang 17 milyong aklat at nangongolekta ito ng mga 632,000 set ng mga pahayagan taun-taon. Ang Pambansang Aklatan ng Pransiya, isa sa pinakamatagal nang umiiral na pambansang aklatan sa Europa, ay may 13 milyong aklat. Bukod dito, sinasabi ng aklat na Library World Records: “Ang pambansang aklatan ng Pransiya ang kauna-unahang aklatan na naglaan ng pagkakataong makuha ang buong teksto ng napakaraming koleksiyon nito sa pamamagitan ng Internet.” Para sa sinumang nakagagamit ng computer, lubhang pinadadali ng Internet ang pagkuha ng impormasyon sa imbakan ng kaalaman ng sangkatauhan.

Higit kailanman, dumarami ngayon ang bilang ng impormasyong makukuha ng publiko. Tinataya na ang kabuuang dami ng kaalaman ng tao ay nadodoble kada apat at kalahating taon. Sa Estados Unidos lamang, mahigit 150,000 bagong aklat ang inilalathala taun-taon.

Kung gayon, lalo nang kumakapit ngayon ang sinabi ng sinaunang iskolar, manunulat, at hari​—si Solomon. Isinulat niya: “Ang paggawa ng maraming aklat ay walang wakas, at ang labis na debosyon sa mga iyon ay nakapanghihimagod sa laman.” (Eclesiastes 12:12) Subalit kapag ginamit nang may katalinuhan, ang mga aklatan ay patuloy na magiging kagaya ng tawag dito ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization bilang isang “lokal na pintuang-daan ng kaalaman.”

[Mga talababa]

a Si Ashurbanipal, na pinaniniwalaang Asenapar sa Bibliya sa Ezra 4:10, ay kapanahon ni Haring Manases ng Juda.

b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa sinauna at sa makabagong mga aklatan sa Alejandria, tingnan ang Enero 8, 2005, labas ng Gumising!

[Kahon/Larawan sa pahina 20]

Ang Papel na Ginagampanan ng Librarian

Kung hindi mo makita sa katalogo ng aklatan ang aklat na kailangan mo, huwag masiraan ng loob​—tanungin mo ang librarian. Kadalasan nang malaking tulong ang kasanayan ng isang librarian. Ganito ang sabi ni Roderick, na 20 taon nang nagtatrabaho bilang librarian: “Malimit na nawawalan ng kumpiyansa ang mga tao kapag nasa mga aklatan at nasa harapan ng mga librarian. Madalas na nagsisimula sila sa pagsasabi ng, ‘Pasensiya ka na kung parang mababaw ang tanong ko, pero . . .’ Gayunman, wala naman talagang mababaw na mga tanong. Sanay ang may-kakayahang librarian na hanapin ang hinahanap mo kahit hindi mo alam kung paano ito itatanong.”

[Kahon/Larawan sa pahina 21]

Ano ba ang Ibig Sabihin ng mga Numero? → 225.7

Ang Dewey Decimal System

Ginagamit ng maraming aklatan ang Dewey decimal classification system, na makikita bilang isang serye ng mga numero sa mga katalogo ng mga aklatan at sa mga gilid ng pabalat ng mga aklat na nasa mga aklatan. Unang inilathala ni Melvil Dewey, isang maimpluwensiyang Amerikanong librarian, ang sistema niyang ito noong 1876. Gumagamit ito ng mga numero mula 000 hanggang 999 upang uriin ang lahat ng materyales ayon sa paksa, anupat inoorganisa ang mga ito sa sampung pangunahing grupo:

000-099 Pangkalahatan

100-199 Pilosopiya at sikolohiya

200-299 Relihiyon

300-399 Mga siyensiyang panlipunan

400-499 Wika

500-599 Mga siyensiyang pangkalikasan at matematika

600-699 Teknolohiya (applied sciences)

700-799 Ang sining

800-899 Literatura at retorika

900-999 Heograpiya at kasaysayan

Ang bawat pangunahing grupo ay pinagbubukud-bukod naman sa sampung pangalawahing grupo at sa bawat grupong ito ay nakapaloob ang espesipikong mga paksa. Halimbawa, sa mga inuri na kabilang sa numerong nagsisimula sa 200 (Relihiyon), ang Bibliya ay tinakdaan ng sariling numero​—220. Ang espesipikong mga paksa hinggil sa Bibliya ay pinagbukud-bukod pa. Ang numerong 225 ay tumutukoy sa “Bagong Tipan” (Griegong Kasulatan). Ipinakikilala ng karagdagang mga numero ang uri ng aklat:

01 Pilosopiya at teoriya

02 Sari-sari

03 Mga diksyunaryo, ensayklopidiya, konkordansiya

04 Pantanging mga paksa

05 Mga publikasyong de-serye

06 Mga organisasyon at pangangasiwa

07 Edukasyon, pananaliksik, kaugnay na mga paksa

08 Mga koleksiyon

09 Kasaysayan ng

Samakatuwid, ang ensayklopidiya tungkol sa kumpletong Bibliya ay may numerong 220.3, samantalang ang komentaryo hinggil sa Griegong Kasulatan ay may numerong 225.7.

Hawig dito ang classification system ng Library of Congress subalit gumagamit iyon ng kombinasyon ng mga titik at numero. Ang karamihan sa mga aklat ay mayroon ding kodigong gumagamit ng mga titik, numero, at iba pang mga simbolo na nagpapakilala sa awtor. Sa iba pang mga lupain, iba’t ibang classification system naman ang ginagamit.

[Larawan sa pahina 18]

Si Haring Ashurbanipal ng Asirya, na may aklatan na nag-imbak ng mga tapyas na luwad na may mga tekstong “cuneiform,” 650 B.C.E.

[Larawan sa pahina 18]

British Library, London, Inglatera

[Larawan sa pahina 18]

Aklatan sa isang monasteryo, Switzerland, 1761

[Larawan sa pahina 19]

Aklatan ng Alejandria, Ehipto, mga 300 B.C.E.

[Credit Line]

Mula sa aklat na Ridpath’s History of the World (Vol. II)

[Larawan sa pahina 20, 21]

U.S. Library of Congress, ang pinakamalaking aklatan sa buong daigdig

[Credit Line]

Mula sa aklat na Ridpath’s History of the World (Vol. IX)

[Picture Credit Lines sa pahina 18]

Mga larawan sa itaas sa kaliwa at sa ibaba: Erich Lessing/ Art Resource, NY; tapyas: Photograph taken by courtesy of the British Museum

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share